Huwebes, Nobyembre 20, 2025

Kwentong Teacher, How Do I Get Here and First Time Job Huntings Experience



May tamis talagang balik-balikan ang mga unang sandali na kumita ka ng sariling pera—yung pakiramdam na may trabaho ka na, may sweldo, at unti-unti mong binubuo ang sarili mong mundo. Minsan gusto kong ulit-ulitin sa isip yung panahon na parang hinila ako ng tadhana sa isang karerang hindi ko naman inasahan, matapos ang kung ilang ulit na pag-aapply at pagdaan sa kung anong establisyemento na kalaunan ay naging tahanan ko nang mahigit pitong taon. Hanggang ngayon, parang himala pa rin na matapos kong tapusin ang kursong Bachelor of Science in Computer Science, ay sa pagtuturo pala ako ihahagis ng buhay—kasama na ang kung anu-anong tungkuling kaakibat nito.

Hindi ko naman intensiyon na ibida ang sarili sa mga sinusulat ko rito; ang nais ko lamang ay magkuwento—mag-iwan ng bakas ng mga naging pagod, saya, takot, at tagumpay ng aking buhay—para mapagnilayan kung paano rin ako binuo ng mga taong iyon.

Buksan natin ang kabanata ng kolehiyo. Hindi iyon ang pinakamasayang yugto ko; tama lang—aral, uwi, aral, uwi. Tipikal, ika nga. Pero sa totoo lang, may hinahanap ako noon. Sobra kasing bumakat sa akin ang saya ng high school, kaya laging may puwang sa dibdib ko para sa mga siraulo kong dating kaibigan. Dagdag pa na puro babae ang kaklase ko nung college—ibang-iba sa nakasanayan kong Catholic school kung saan hindi kami nagsama ng mga babaeng estudyante sa iisang silid-aralan. Kaya pagdating sa kolehiyo, para akong napadpad sa bagong planeta—hindi makapagsalita kapag kinakausap, parang tuyong bulak na madaling madala sa hangin. Wala rin kasi akong siraulong tropang magpapakawala ng ukol-ukol kong kalokohan. Kaya ayun—isang malaking culture shock ang sumalubong sa akin.

Nag-aral ako noon sa St. Mark—dating Cavite School of St. Mark—sa tapat mismo ng SM Bacoor. At dahil lagi akong may gatla sa schedule, mall ang naging pansamantalang mundo ko. Ngunit hindi rin naman puro saya; minsan dalawa hanggang tatlong oras ang pagitan ng klase, kaya pakiramdam ko’y nalulunod ako sa pagkabagot. Uuwi ba ako sa Imus? Naku, init pa lang noon, talo na. Kaya ayun—gala, arcade, paikot-ikot na parang estrayong estudyante sa SM. Kilala pa ako ng mga regular na Street Fighter Third Strike players sa Quantum. Pagkatapos nun, tambay sa foodcourt, walang kamatayang kuwentuhan habang hinihintay ang takdang oras para bumalik sa klase.

Maayos naman sana ang takbo ng pag-aaral ko, kung hindi lang biglang na-dissolve ang kolehiyo noong third year ko. Paglipat ko sa Dasmariñas, sa National College of Science and Technology, maraming subjects ang hindi na-credit. Doon ako nakatagpo ng mga kaibigang lalaki—may sariling topak, masaya kasama, pero mga tomador. At oo, dito unang lumapat ang alak sa lalamunan ko. Ngunit kahit tumikim ako ng gin, beer, at red horse, hindi ko kailanman nagustuhan ang vibe noon. Ramdam kong hindi iyon ang mundong para sa akin. Takot ko pa sa magulang ko noon, kaya marunong akong humindi sa mga inuman. Kaya hanggang ngayon, kakaunti lang talaga ang kaibigan ko—dahil kapag ayaw ko, ayaw ko. Hindi ako tagasunod ng kulturang “pakikisama” kung ang dulot nito’y ikalulubog mo rin. I say yes kapag may kabuluhan—o kapag birthday. Pero totoo nga: ang pinakatahimik na nalasing, siya ring pinakabigla magkuwento.

Pero ibang usapan kapag Counter Strike ang imbitasyon. Kapag pagkatapos ng klase ay game na game kang mag-CS, hindi kita hihindian. Isa iyon sa mga tunay na highlight ng buhay-kolehiyo ko—tambay sa Netopia, nagpapasabog sa Counter Strike, at nagpapatalbugan sa NBA Live 2003. Kung tambay ako ng arcade sa Bacoor, tambay naman ako ng computer shop sa Dasma. Shoutout kina Benjie Rieta, James Magbitang, Chevy Encarnado, Christian Basilio—kung mabasa niyo ’to, ayan ang mga pangalan niyo! Pagbati mula kay “snapcase” at “jacktheripper” ng Counter Strike Batch 2003.

Taong 2004 ako nakapagtapos ng kolehiyo—may isang taong lumampas dahil sa mga hindi na-credit. Pero naka-graduate pa rin sa BSCS, at dito na nagsimula ang unang totoong hakbang ko sa paghahanap ng trabaho.

Ang lovelife? Naku, wag muna. Wala naman talaga akong kuwento. LOL.

NEEDTOBREATHE - Everknown

Lumipat naman tayo sa kabanata ng paghahanap ng trabaho—isang yugto na puno ng pag-asa, katangahan, at kung minsan, malas na may halong komedya. Sa totoo lang, hindi naman talaga ako nahasa sa programming pagkatapos ng kolehiyo. Puro basic lang—C++ at Visual Basic—at ang pinaka-maipagmamalaki ko lang noon ay yung nagawa kong parang winamp-lookalike gamit ang VB codes. Yun na ang “peak” ko sa programming, at dahil nababagot ako kapag puro linya lang ng code na walang visual na buhay, ibinaling ko ang atensyon ko sa HTML. At least sa paggawa ng website, nakikita mo agad ang bunga ng bawat tiklop ng code, bawat patak ng idea.

Pero alam ko rin sa sarili ko—hindi sapat ang kaalaman ko noon. Web designer ba kamo? Eh kulang pa nga ako sa HTML, lalo na sa Javascript at kung anu-ano pang programang parang banyaga pa sa akin. Kaya pansamantala, naghanap muna ako ng mababaw na trabaho—data entry, encoder. Hindi muna pangmalakasan; basta may maipundar na karanasan.

Nagpunta ako sa iba’t ibang sulok ng Maynila—QC, Las Piñas, Parañaque—kahit logistics company basta lang makatuntong sa kahit anong trabaho. Pero madalas, hanggang interview lang ako. At kapag narinig ko na ang mahiwagang linyang “Tatawagan ka na lang po namin,” alam ko na ang ibig sabihin nun: sa susunod na Linggo, bibili na naman ako ng Manila Bulletin o Philippine Star para magtungo sa classified ads. Ganito pa ang panahon noon—wala pang mga online job sites. Mano-mano. Papel-papel. Patalastas-patalastas.

At heto na, ang isa sa mga pinaka-memorable—at pinakakatangahang—apply moments ko: Mandaluyong. Diyos ko po. Hanggang ngayon hindi ko malilimutan. Freshman sa job hunting at sobrang uto-uto pa. Kasama ko noon si Chevy, pero sa QC siya pupunta, girlfriend yata ang pakay. Ako naman, sa Mandaluyong—dala ang resume, requirements, buong tapang sa dibdib.

Pagbaba ko sa MRT, hinanap ko ang Printwell. Tahimik ang paligid, halos walang tao. Ang meron lang ay dalawang guard. Tinanong ko kung tama ba ako ng pinuntahan. Oo raw. Pero may pahabol silang salita na parang sampal sa noo: “Sarado po tayo ngayon, holiday po. Labor Day.”

Napamura na lang ako sa loob-loob ko. Tinignan ko yung sign sa gate: “Today is Holiday — May 1, 2004.” Para akong binuhusan ng yelo. Nasayang oras, effort, pamasahe, pagod.

At doon pa talaga nag-level up ang malas ko: nang kukunin ko ang wallet ko para sumakay pauwi—WALA. Nawala. Nagpanic ako. Sinalpok ko lahat ng bulsa ng knapsack—coins lang ang laman. Saktong pambili ko lang ng pagpunta, pero kulang na kulang pa sa pabalik.

Tinangka ko sanang tawagan si Chevy gamit ang Motorola kong cellphone—pero heto pa—NA-LOWBAT. Hindi ko na-charge bago umalis.

Sira-sira na ang araw, nakakaleche-leche na ang lahat. Wala akong pera, walang load, walang wallet, walang kakampi. Ang naiisip ko na lang: mag-taxi pauwi. Pero Imus yun. Mahal. Grabe mahal. Umabot ng ₱800. At oo—tinodo ko talaga ang utang ko para lang makauwi. Pati pamasahe ng kapatid ko sa call center shift niya nung gabing iyon, nakuha ko pa. Nagkautang pa tuloy si nanay sa kapatid niya. At ako ang dahilan. Ako ang perwisyo. Ako ang epic fail of the day.

Pero ayun—natawa-tawa na lang ako ngayon. Pero noon, sakit sa dibdib at sampal sa wallet.

Habang sumisikat ang mga call center at BPO noon, sumugal din ako—apply nang apply, kahit lagapak nang lagapak. Aminin na natin: hindi naman talaga tayo ganoon kahasa sa Ingles noong panahon na yun. Kung puwede lang lumusot kahit papaano para doon na magpraktis, sana pwede, pero hindi ganun kadali. Minsan, natatawa na lang ako sa mga baluktot kong sagot—parang Ingles na sinapian ng kilig at kahihiyan. Kung saan ako madalas pumasa? Sa typing test lang.

Mahirap mag-apply noon sa call center—bago pa ang industriya, kaya ang kailangan nila: the best of the best. Hindi tulad ngayon na mas may pagkakataon ang mga gustong mag-improve habang nagtatrabaho. Kaya tumigil na rin ako sa ilusyon, kahit nakakaakit talaga ang sahod.

Nakakatuwa pa, nauna pang magkaroon ng trabaho ang kapatid ko sa akin. Minsan sa kanya pa ako nagpapalimos ng “sample answers” para sa interviews.

Pero ayun—isang yugto ng buhay na puno ng diskarte, pagkaligaw, at mga kuwento ng kalokohan na kahit nakakahiya, gusto mo pa ring ulit-ulitin sa isip. Dahil bahagi sila ng kung paano ka natutong tumayo. At paano ka natutong huminga nang may halong tawa.

Tuloy ang buhay, tuloy ang maraming pag-aapply, mga muntikang makuha ang trabaho pero hindi pinatawad dahil sa pagkaka-late ng ilang minuto. Sa Las Pinas naman ito sa American Data Exchange. Kuhang kuha ko na yung trabaho eh, that day was my final interview. Buntis pa si ate HR at pansin kong medyo inis siya mukhang bad day at siya pa mismo ang napatapat na mag interview sa akin. Siya yung huling nakatanggap ng resume kasi nga "late". Ayun ininterview pa rin naman pero mukhang nagkamali ako ng sagot bakit late na daw ako dumating eh hindi ko naman alam na hindi pala puwedeng maging honesto sa mga isasagot kaya nasabi kong "traffic" po kasi. Eh punyeta, Las Pinas yun eh, traffic capital ng Pilipinas, mas malala pa sa Edsa. Pero mali nga naman dapat talaga nagsinungaling na lang ako o kaya ay may diskarteng sagot na hindi naibigay sa akin ng Internet kung anong tamang pangontra sa mga HR kapag na-late ka na puwede ka nilang pagbigyan. Sayang yun parang data entry lang siya, parang BPO na rin pero walang calls. Nanghinayang po talaga ako nun, pagkakataon ko sanang umuwi ng may dalang ngiti pero dun palang alam mong hindi mo nakuha yung trabaho dahil sa inis ng buntis na HR. Kaya minsan kapag buntis ang HR ang magiinterview may phobia na ako. 

Sunod na kabanata ng job hunting ko ay dinala naman ako sa Cabuyao, Laguna—para itong sariling bersyon ng EPZA, puno ng matatangkad na gusali at kompanyang kumikislap sa pangako ng oportunidad. Karamihan ay IT companies, kaya buong tapang akong nag-apply bilang computer technician. At wag ka—maganda ang feedback ng interview ko roon. Kami ni Jensen, kahit inabutan na ng hapon sa pag-uwi, ay parehong may dalang ngiti at pag-asang kumikislap tulad ng ilaw ng pabrika sa dapithapon.

Sinabihan kaming “tatawagan,” at sa unang pagkakataon, naramdaman kong baka totoo nga. Malayo ang Cabuyao mula sa Imus, at malaki ang gastos sa pamasahe, pero sabi ko sa sarili ko: “Kung para sa akin, kakayanin.”

At dumating nga ang tawag—isang linggo matapos ang interview. Final interview na raw. Ang problema? Bumabagyo. Malakas ang ulan, ang daan ay lumulubog sa baha, at ang langit ay parang ayaw akong payagan lumabas ng bahay.

Nag-text si Jensen, nagtatanong kung may balita na ako. Sabi ko, oo—tinext ako para sa final interview. Siya, wala. At doon tumama ang lungkot at panghihinayang: ang ganda pa naman ng kumpanya—Epson pa! Pero sino ba namang lalabas sa ganong delubyo, lalo na’t hindi ko kabisado ang lugar, at higit sa lahat… wala akong sapat na pamasahe.

At tulad ng ulan na hindi tumitila, natunaw ang tsansang iyon. Hindi ko rin napuntahan.

Kaya naghanap ako ng trabahong mas malapit sa amin. Ayoko na maging “PAL”—palamunin—kaya kailangan ko talagang umusad. Doon pumasok ang alok ni Chevy: may Korean school daw sa Dasmariñas—Hannah Language Institute—na naghahanap ng computer technician.

At doon ko nakuha ang kauna-unahan kong trabaho.

Hindi siya “school” na kagaya ng inaakala ng marami; bahay lang na ginawang center, may ilang classrooms para sa mga Koreanong ipinapadala sa Pilipinas para mag-aral ng English. Isa hanggang tatlong teacher lang ang nandoon. At ako naman ang tagapag-ayos ng mga computer—tagakabit ng software, tagapanatili ng internet, at tagapagligtas ng WiFi ng aming boss na si Mr. Kim Young Bok.

Dito ko unang natikman ang tunay na Korean food—lahat spicy, lahat may chili, lahat parang pagsubok sa endurance ng dila ko.

Hindi man ako umabot ng isang taon—siguro pitong buwan o walo lamang—mahalaga pa rin sa akin ang panahong iyon. Nang humina ang pagdating ng mga estudyanteng Koreano, sinabi nilang “on-call” na lang ako kapag may kailangan. Naayos ko na raw lahat ng computer, at stable naman ang internet ng kanilang mga kabataang estudyante.

At doon ko unang naramdaman ang saya ng magkaroon ng sariling trabaho—kahit maliit, kahit simple, kahit panandalian. Pagsisimula pa lang. Isa itong paunang hakbang patungo sa mas mahahaba pang kuwento.

Isang Sabado, habang nakahilata ako, parang tinutulugan ng mundo, bigla akong ginising ng isang mensahe. Si Joel—isang kaibigang maaasahan—nag-text. Tinanong niya kung may trabaho na raw ba ako. Siya kasi, kakaresign lang; hindi rin nagtagal sa pinasukan dahil, ayon sa kanya, “napatrouble.” Napikon daw sa katrabaho at nauwi sa sapakan. Ayun—exit stage left. lol. 

Sabi ko, “Wala pa. Puro malas. May mga pagkakataong parang abot-kamay mo na, pero biglang mawawala na parang bula.”

Doon niya ako inaya:
“Apply tayo sa isang eskuwelahan, malapit lang sa atin.”

Pero ang posisyon?
College instructor.

Napa-upo ako. “Ha? Sigurado ka ba diyan, parekoy? Eh ako nga, hindi marunong magkuwento pag may kaharap, yun pa bang may sandamakmak na matang nakatitig habang nagdi-discuss ako?” ang sagot ko sa text na pabalik sa kanya.

Tinawagan na niya ako at kinumbinsi.

Pero mapilit si Joel. Sabi niya may alam naman daw kami—computer basics, troubleshooting, programming, lahat ng simpleng kababalaghan na natutunan namin sa kolehiyo. At totoo naman, sariwa pa sa akin ang ilang aralin, parang naka-imbak pa sa dusty corners ng utak ko, naghihintay lang ng pagkakataong magamit.

Napaisip ako. Gusto ko na rin talagang magkatrabaho. Kaya pumayag ako.

Sabay kaming nag-apply.
Ang pangalan ng paaralan: Imus Business and Technological College.

Dating PRU-Life building, katapat lang ng Yellow Cab Pizza. Pagpasok namin, may maikling interview—walang arte, walang drama. Pagkatapos noon, dinala kami sa computer room. Doon ko nakita ang dyowa ng kapalaran ko: sangkatutak na system units na mukhang sabik nang ma-troubleshoot.

Maayos ang ambience—legit na legit: may admin office, may faculty room, may president’s office, classrooms, computer lab, HRM lab, at iba pang pasilidad na nagpapatunay na hindi ito basta-bastang eskuwelahan.

At sa sandaling iyon, habang nakatayo ako roon, napagtanto ko: Ito na yata ang pintong matagal nang kumakatok sa buhay ko.
At heto ako, handang buksan ito.

Hindi naging madali para sa akin ang yakapin ang bagong landas na ito—mula sa simpleng pag-aayos ng mga sirang system unit ng mga Koreano, ngayon ay ako na mismo ang haharap sa klase, magbabahagi ng kaalamang ibinuhos ko noong ako’y isang estudyanteng Computer Science.

Dito isinilang si “Sir Jack.”

Sa totoo lang, hindi ko kailanman inakalang tatawagin ako ng gano’n. Isang titulong—kapag minsan mo nang nakuha—parang baon mo na habang-buhay. Dumidikit kasi sa’yo hangga’t naroon ang mga naging kasama mo sa paaralan: co-teachers, estudyante, staff. Kahit matagal ka nang hindi nagtuturo, may kung anong saya tuwing may biglang babati ng “sir” at maaalala mong minsan, sa isang parte ng mundo, naging guro ka.

Ang unang beses kong pagtayo sa harap ng klase ay hindi ko malilimutan—kahit gaano ko pa subukang kalimutan. Mula sa huling reporting ko noong kolehiyo, bigla akong itinapon sa harap ng maraming mata: nanginginig, nauutal, at nag-i-Ingles na parang may pilipit sa dila.
Sino ba namang hindi kabahan kapag lahat ay nakatingin, habang may ilan pang nakangisi sa likod—yung tipong hindi mo alam kung natatawa sila sa sinasabi mo o sa itsura mo, lalo na’t halos kaedad mo lang din sila?

Alam kong kaya kong magturo—nasa akin naman ang kaalaman. Pero ang tanong: paano ko ito ihahatid nang malinaw, buhay, at hindi nakakaantok?

Doon ko unang natutunan ang halaga ng icebreakers, jokes, kwento, at kahit ano pa’ng kayang bumuhay sa klase.

Pero gaya ng lahat ng simula, punô ng trial and error. May mga pagkakataon pa ngang may magtatanong at hindi ko masagot—paano ba naman ako’y napasubo mag-substitute sa Biology! Hindi ko pa nga nababasa ang lesson. Umabot sa puntong tumatakas ako papuntang CR, hindi para umihi kundi para mag-isip ng sagot habang nanginginig sa kaba. Ayokong mapahiya. Ayokong makitang wala akong alam.

Lumipas ang mga taon, unti-unting naging tahanan sa akin ang loob ng classroom. Natuto akong mag-discuss nang may direksiyon. Nasanay gumawa ng lesson plan, grading sheets, activities. Hanggang sa isang araw, hindi ko namalayang naging ganap na pala akong guro.

Nag-umpisa ako noong 2006. Natapos noong 2013.
Mahaba. Nakakapagod. Pero punô ng kwento.

Bukod sa pagtuturo, ako rin ang computer manager ng laboratory—ako ang nag-aayos ng mga sirang units pagkatapos ng klase. At kung hindi pa sapat, nakapagturo rin ako saglit sa high school—masaya, maingay, magulo, pero napaka-rewarding.

Dito ko natutunan makisalamuha sa iba’t ibang uri ng tao. Dito ko naramdaman ang tunay na pagod na may kasamang tuwa.
Dito ko nakita kung paano lumilipad ang mga estudyanteng minsan ay nahirapan, minsan ay nagpuyat, at minsan ay kinulit ko para makapasa.

Pitong taon ako sa mundo ng pagtuturo—pitong taong may pagod, tawa, luha, at tagumpay.
At sa tuwing may magche-check ng attendance sa buhay ko, lagi kong masasagot nang may ngiti:

“Minsan, naging guro rin ako.
At napakasarap pala sa pakiramdam.”

Hindi doon nagtapos ang yugto ng aking pagod at pagkayod. Sa pagbitaw ko sa chalkboard at sa ingay ng classroom, isang panibagong mundo naman ang bumungad—ang mundo ng mga BPO. Iba ang takbo, iba ang hangin, iba ang ritmo.

Masyadong mabigat ang buhay-guro noon—pagod ang katawan, kulang ang sweldo, at madalas, inuuwi mo pa ang trabaho sa isip. Kaya nagpasya akong magpaalam sa institusyong minahal ko rin naman. Hindi dahil ayaw ko na, kundi dahil kailangan kong magsimula ng panibagong landas, isang bagong kabanata ng pagkatuto.

Para sa akin, ang bawat bagong trabaho ay hindi lamang trabaho. Isa itong bagong karunungan—mga leksyong hindi ko pa alam, mga karanasang hindi ko pa nararanasan.

Kung sa iba ay simpleng trabaho lang, para sa akin ay bago itong mundo na maaari kong tuklasin, sulatin, at pagyamanin.

Hindi ko man nagamit ang buong teknikalidad ng pagiging Computer Science graduate, nagkaroon naman ako ng pagkakataong ibahagi ang alam ko—at iyon ang hindi matutumbasan. Sa dami ng estudyanteng nakapagtapos, nakakita ng trabaho, at nagtagumpay sa kani-kanilang buhay, alam kong kahit maliit, naging bahagi ako ng pag-ahon nila.

At minsan, sapat na iyon upang maramdaman mong hindi ka lang basta nagtrabaho—nakatulong ka. Naging bahagi ka ng kanilang tagumpay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...