![]() |
| likas na mahaharot? thrill seekers nga ba ang nga Pinoy? |
Sinulat ko ang blog post na ito dahil sa isang larawang naging viral kahapon lang ata ito, kung saan makikita ang mga lalaking nagtatakbuhan sa tabing-dagat habang hinahampas ng matitinding alon dulot ng bagyong Uwan na dumaan sa Pilipinas. Sa wakas naman habang sinusulat ko ito ay unti-unti na ring sumisilip ang ngiti ng haring-araw upang magbigay muli ng init at enerhiya sa ating mga giniginaw na katawan
May bagyo na, may alon pa — pero ayan, tumatakbo pa rin sa tabing-dagat! Hindi ko alam kung kabayanihan ba o kabaliwan ‘yon, pero sigurado ako: harot ‘yon, pre. Harot na may halong tawa, tapang, at konting kabaliwan. Habang ang iba’y nagkukubli sa silong, heto tayong mga Pilipino — cellphone sa isang kamay, tapos sa kabila’y saging o tsinelas na ginawang props.
“Uy pre, i-video mo ‘ko ha! Para may content tayo!”
At bago mo pa masabi ang salitang “ingat,”ayun na — SWOOSH! nasa tabing dalampasigan at animoy nanonood ng show sa Sea World para hampasin ng pagkalalaking mga alon. Kahit mabasa ng tubig, imbes na maimbiyerna. Ayun ang mga loko-loko tawa pa rin! Tuwang-tuwa na parang nanalo sa raffle ng barangay fiesta.
“Sige lang, Uwan! Hindi mo kayang tangayin ang kaharutan namin!”
Kaya kapag may nakita kang mga lalaking nagtatakbuhan sa tabing-dagat habang sumisigaw ng
“Lakas, pre! Lakas ng alon!”
...alam mong hindi lang sila takot — nagsasaya rin sila sa gitna ng peligro. Ganun magpakatotoo ang mga Pilipino: kahit tinatangay na ng alon, may oras pa rin para maging content creator, komedyante, at bida sa sariling pelikula ng buhay.
Sa huli, baka hindi naman talaga tayo harot — baka lang sobrang buhay natin. At sa bansang sanay sa unos, minsan, ang tawa, kakengkoyan, at kaharutan ang pinakamagandang sandata.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento