Miyerkules, Nobyembre 12, 2025

Patalasan ng Memorya: Describing The High School Places and Memories Part 1


Dalawampu’t pitong taon na ang lumipas, ngunit tila kahapon lamang ang mga halakhakan, ang mga sikretong ibinulong sa hangin ng kabataan. Hindi pa rin makaalpas ang mga bakas ng alaala—mga imaheng nakaukit na sa pinakasingit ng aking isipan, parang lumang litrato na ayaw kumupas.

Kakalipas lang ng isang unos—isa sa pinakamalalakas na dumaan sa ating bayan—ngunit narito ako, muling hinahabi ang mga gunita. Sa katahimikan ng dapithapon, habang yumayakap ang araw sa bubungan ng mga alaala, hayaan ninyong samahan ako sa paglalakbay na ito: mula sa lumang gate ng paaralan, sa amoy ng canteen na puno ng student meals at corned beef na masabaw, sa mga silid-aklatang may katahimikang tila dasal, hanggang sa mga klasrum na saksi sa ating unang pangarap at unang pagkakamali.

At ngayon, habang hinahaplos ng hangin ang balat ng panahon, sinusubukan kong alamin—matulis pa ba ang aking alaala, o unti-unti na ring tinatangay ng alon ng paglipas? Ngunit isang bagay ang tiyak: mananatiling buhay sa puso ko ang anyo ng aking paaralan—ang entablado ng aking kabataan, at ang tahanan ng aking mga unang pangarap.

Ang harapang gate ng St. Anthony School, sa tahimik na kanto ng Singalong, ay kulay abong alaala sa aking isipan—isang parihabang daan ng pagpasok at paglabas, ng mga umagang puno ng pagmamadali at mga hapon ng tawanan. Dito dumaraan ang mga school bus, tricycle ng mga magulang, at mga hakbang ng kabataan, ngunit ang unang gate ay laging nakasarado—tila isang tanod ng panahon, nagbabantay sa mga lihim ng nakaraan.

Katabi nito ang munting garahe—doon kami pumapasok, kami na mga estudyante at magulang, bitbit ang mga bag, baon, at mga pinagaralan sa araw-araw. At doon, sa lilim ng araw, naroon si Mang Jess, ang aming bantay. Kamusta na kaya siya ngayon? Siya ang tagacheck ng mga ID, ang unang mukha ng paaralan, ang tahimik na saksi sa aming bawat pagdating at pag-alis. Sa hapon, may kasamahan siyang pumapalit, ngunit iba pa rin ang sigasig ni Mang Jess—ang kanyang ngiti, parang bahagyang pagbati ng tahanang bumabalik-balikan.

Dalawa ang garahe ng aming paaralan—parihaba, tulad ng dalawang pahina ng lumang kuwento. Sa kabila ng mataas na pader naroon ang isa pa, at sa mismong mataas na pader na iyon, nakatindig ang sementadong entablado ng aming mga pangarap. Dito ginaganap ang Intramurals ceremony, ang Graduation practice, ang CAT drills, at ang masiglang Foundation Week, kung saan tuwing Disyembre ay nagiging konsiyertong tahanan ang buong paaralan kasama ang mga artistang bumisita sa aming Foundation Week katulad nila Gino Padilla, Tenten Munoz, Jolina Magdangal at Ogie Alcasid.

Pareho ang kulay ng dalawang gate—abo at payak—ngunit sa likod nito ay isang mundong puno ng alaala, ng ingay ng tambol, ng sigaw ng palakpakan, at ng musika ng kabataan na, kahit lipas na ang panahon, ay patuloy pa ring umaalingawngaw sa aking gunita.

Sa kaliwang bahagi ng entablado, doon nakaupo ang mga magulang — mga aninong matiisin, tangan ang mga payong, lunch box ng mga anak, at pagmamahal. Araw-araw, sila’y nagtitipon sa mahabang sementadong upuan na umaabot hanggang guardhouse, nag-aabang ng mga munting yapak ng kanilang mga anak — ang mga batang sabik tumakbo palabas, may dalang kwento at pawis ng maghapon.

At doon din, sa tabi ng mga magulang, naroon si Manong Sorbetero — kasama ng kanyang karitong may makukulay na takip, tunog ng kampana at malamig na sorbestes sa kaniyang sisidlan. Lagi siyang nandoon, tila bahagi na ng paaralan. Ang kanyang sorbetes ay laging ubos bago pa man lumubog ang araw — dahil saan ka pa, kung hindi sa tapat ng entablado, nakatambay ang mga batang may kending mata, sabay hila sa palda o kamay ni Nanay, “Ma, bili mo ko ice cream!” Masuwerte si manong — nasa gitna siya ng tawanan, ng kabataan, ng buhay at parating sold out na sorbetes. 

Maroon 5 - Memories

Sa kanang bahagi naman ng entablado, humahalimuyak ang mga food stall na para sa amin — mga estudyanteng high school, pati na rin ‘yung mga Grade 5 at 6 na nakikisalo. Pero ang pinakatumatak sa aking alaala ay ‘yung hotdog with rice sa styrofoam — may regular at cheesedog, parehong lutong kalye pero lutong ala-ala. Halos araw-araw, iyon ang aking tanghalian ng kaligayahan. Kapag bukas mo ng styro, usok pa ang kanin, pulang-pula sa mantika ng hotdog; sabay patak ng ketchup, bili ng softdrinks — ayos na ang lahat.

Doon kami kumakain ng barkada — sa gilid ng entablado, sa may hagdanan — sabay-sabay, sabay halakhak, sabay kagat. Ang hangin ay puno ng kwentuhan, ang tanghalian ay may halong tawa, at ang bawat subo ay lasa ng kabataan — payak, masarap, at hindi kailanman malilimutan.

Ang St. Anthony School Singalong, Manila — siya ang may pinakamalawak na quadrangle na aking nasilayan, isang entablado ng kabataan at tagpo ng walang hanggang alaala. Tatlong basketball courts ang kanyang bisig, at sa gitna’y nakatayo ang entabladong minsan na nating pinagtampukan ng saya, aliw, at tagumpay. Malawak siya, tila isang tanod ng ating kabataan — bantay ng ating mga tawa, saksing tahimik sa ating mga takbuhan, habulan, at sigawang walang patid.

Dito namin nilalaro ang mga larong ngayon ay tila alamat na — block 1-2-3, mataya-taya, langit-lupa — mga larong nilikha ng palad, hindi ng mga screen ng cellphones at computer monitors. Noon, wala pang gadgets o internet na umaagaw sa ating likas na galak; ang aming kalayaan ay ang alikabok na umaangat sa bawat takbo, ang aming saya ay ang araw na kumukulong sa balat habang dumadampi ang hininga ng hangin sa tanghali.

Kapag wala ang teacher sa PE, o kapag abala ang mga magulang sa PTO meeting at Distribution of Cards, nagiging paraiso ang quadrangle. Para kaming mga ibong nakawala sa hawla — buong klase, kalahati man lang, ay naglalaro, naghahabol ng hininga at ng pagkakataong maging bata pa. Rinig pa rin sa aking alaala ang panaghoy ng kabataan, ang tunog ng leather shoes sa semento, ang pawis na bumabakat sa sando, at ang balat na nagiging mapula’t maitim sa araw — mga marka ng kasiyahang walang halong artipisyo.

Ngunit sa huli, nagtatapos ang kasiyahan sa tunog ng mga pintuang bumubukas — senyales na lumalabas na ang mga magulang, at kasabay ng paglubog ng araw ay dumarating ang kaba. Ano kaya ang hatid ng report card? Papuri ba o latay ng sinturon? Ngiti ba o sermon ng ina? Ngunit kapag pasado ang marka, ayos na ang lahat — tuloy ang saya, at sa daan pauwi, dumidiretso kami sa Minute Burger, bitbit ang gantimpala ng tagumpay: hotdog sandwich, cheeseburger, at juice — mga simpleng pagkain, ngunit lasang panalo ng aming kabataan.

Ang quadrangle na iyon — hindi lang semento o espasyo. Isa itong puso ng aming alaala, tibok ng isang panahong hindi na maibabalik, ngunit kailanman ay hindi malilimot.

Isa pang abong gate ang bumabalik sa aking gunita — hindi para sa mga sasakyan o dumaraang tao, kundi isang hangganan ng dalawang banal na mundo: ang paaralan at simbahan. Dito, tila nagsasayawan ang dalawang magkaibang musika — ang ingay ng kabataan at ang katahimikan ng dasal, ang halakhak ng mga estudyante at ang tunog ng kampanang tumatawag sa pananalig.

Ang aming paaralan ay isang Catholic school, pinamamahalaan ng mga pari at madre — mga tagapangalaga ng disiplina at pananampalataya. Ang aming principal, isang madre; ang direktor, isang pari. Ngunit kahit nababalot ng kabanalan ang paligid, hindi pa rin napipigil ang kalikutan ng kabataan — mga pusong sabik sa tuklas, mga isip na naghahanap ng kalayaan. Sa gitna ng mga banal na pader, naroon kami — nagkakamali, tumatawa, umiibig, natututo. Sapagkat kahit ang simbahan ay saksi rin sa ating pagiging tao.

San Antonio De Padua church facade

At ang simbahan — ah, ang simbahan ng St. Anthony. Sa harapan nito, nakatayo ang dalawang anghel, kasinglaki ng tao, may hawak na sisidlan ng banal na tubig. Minsan tuyong-tuyo ito, ngunit kami’y sumasawsaw pa rin, nag-aantanda ng krus na parang seremonyas ng kabataan — biro man, may halong paggalang. Nang bumalik ako noong 2023, naroon pa rin sila, ang dalawang anghel na iyon — tila hindi tinitinag ng panahon. Mga bantay ng alaala, mga sugo ng nostalgia na humahaplos sa puso ng bawat bumabalik.

Sa loob ng simbahan, sa kanang bahagi, naroon ang mga rebulto ng mga santo, tahimik ngunit buhay sa bawat paningin. Bago mo sila marating, sasalubungin ka ng bronze crucifix, isang matandang saksi ng pananalig, laging naroon, laging nakamasid. Mula roon, tanaw mo na ang aming paaralan, pinaghiwalay lamang ng iron gate na nagbibigay-silip sa quadrangle — tila isang paalala na ang karunungan at pananampalataya ay magkapit-bisig sa paghubog ng kaluluwa.

Minsan, sarado ang gate kapag may misa; minsan, bukas, parang pintuang bumubukas sa pagitan ng langit at lupa. Sa gitna, may munting pinto patungo sa confession room, kung saan ibinubulong ng kabataan ang kanilang mga lihim at kasalanan. Sa kaliwang bahagi, may hagdan patungong balcony — tahanan ng choir na bumubuo ng tinig ng simbahan. Mula roon, tanaw ang altar ng St. Anthony Parish Church, pinapailawan ng mga kandila, nilalakbay ng mga awit — isang tanawing tila larawan ng kaluluwa: payapa, banal, walang hanggan.

At sa pinakakaliwa, may maliit na daan patungo sa isa pang gunita — ang imahe ni Mama Mary, matanda na, tila inukit mismo ng panahon, nakatayo sa piling ng mga anghel sa harap ng simbahan. Doon, tahimik ang paligid — napaka-solemn, napakabanal, tila humihinto ang oras.

Sa altar naman, nagbago na ang anyo, ngunit sa alaala ko, nananatili ang dating disenyo — marmol na kulay dalampasigan, pinaghalo ng itim, abo, at lumot, parang balat ng kasaysayan. Sa gitna, nakatindig ang malaking krusipiyo ni Kristo, habang sa kanang bahagi ay ang bronse na rebulto ni San Antonio de Padua — ang tagapagturo, ang tagapagbantay, at ang banal na saksi sa lahat ng dasal, lihim, at pag-asa ng aming kabataan.

St Anthony Parish before renovation
Natatandaan kong malawak ang altar kasama dito ang tabernakulo. Mayroong divider na pa kurba ang disenyo na kulay brown nayari ata sa kahoy sa likod ng altar. Sa dalawang gilid na poste mg pader ay may rebulto naman sa kanan si St Joseph at sa kanan si Virgin Mary na yari din sa bronze na halos kasinlaki rin ng rebulto ni San Antonio De Padua. Sa ibabang bahagi ng altar ay may harang na bakal mula kaliwa hanggang kanan pero bukas ang gitna. Sa tabi ng rebulto ni Mama Mary ay naroon nakasabit ang malaking screen ng teleprompter at doon pinaflash ang mga salmong tugunan at lyrics ng mga kanta sa misa. Ang pulpito naman ay nasa kanang bahagi kung saan doon pumupunta ang pari para magsermon kapag malapit na ang homily. Pero kadalasan ng pari ngayon ay hindi na ito ginagamit instead ay doon na sila mismo sa ibaba ng altar at malapit sa unanhang bahagi ng mga nagmimisa at madalas ay mikropono na ang hawak. 

Naku kung kaming mga estudyante ang tatanungin niyo eh napakaraming masasayang alaala sa loob ng simbahan ng San Antonio De Padua. Lagi kaming nasa misa at naging taga-sagip ko ito noong may reporting akong schedule sa teacher namin sa Sibika o Math ata yun kasi every first Friday of the month ay mayroong misa at matik na stop ang klase at kung anu mang subject sa oras na yun ay dismissal na diretso na sa simbahan. Pagkatapos naman ng simbahan ay uwian na, lamyerda na o kaya ay food trip na. 

Maramaing activity tungkol sa aming mga estudyante ang naganap dito katulad ng First Communion noong Grade 4, may ibat't-ibang klaseng misa kami na nadaluhan na connected pa rin naman sa school. May mga trahedya rin na naganap na hanggang ngayon ay tumatak na sa utak namin ang July 16 earthquake na naganap noong 1990. Bahangyang nasira ang aming pinakamamahal na simbahan nang yumupi ang krus na istruktura na common sa mga simbahan. 

Natatandaan kong malawak at maringal ang altar — ang puso ng aming simbahan, kinalalagyan ng tabernakulo kung saan nananahan ang katahimikan ng pananampalataya. Sa likuran nito’y nakatayo ang divider na pa-kurba, kulay kayumangging kahoy, tila mga alon ng dasal na inukit ng mga kamay na marunong sumamba. Sa magkabilang poste ng pader, naroon ang mga rebulto: sa kanan si St. Joseph, at sa kaliwa si Birheng Maria, kapwa bronse ang anyo, halos kasinlaki ng rebulto ni San Antonio de Padua — matibay, maringal, at walang kupas sa pagdaan ng panahon.

Sa ibaba ng altar, may bakal na harang mula kaliwa hanggang kanan, bukas lamang sa gitna — tila imbitasyon sa mga pusong handang lumapit. Sa tabi ni Mama Mary, nakasabit ang malaking teleprompter, kung saan sumasayaw ang mga salmo at awitin ng misa, pinapailaw ng mga salita ng papuri. Sa kanang bahagi, naroon ang pulpito, minsang trono ng tinig ng pari sa kanyang homily, ngunit ngayon ay madalas nang tahimik — sapagkat ang mga pari ngayon ay bumababa na, nakikihalubilo sa mga nagsisimba, hawak ang mikropono, mas malapit sa mga puso ng tao kaysa sa taas ng altar.

Ah, kung kami mang mga estudyante ang tatanungin, napakarami naming alaalang masaya sa loob ng Simbahan ng San Antonio de Padua. Dito kami lumaki, dito kami tumawa, dito rin kami minsang nagtago sa mga recitation at quiz. Tuwing First Friday Mass, alam naming may biyaya — hindi lamang espiritwal kundi praktikal din: misa muna, tapos dismissal agad. Doon, nagiging lugar ng pahinga at kalayaan ang simbahan, kasunod ay lamyerda o food trip, isang ritwal ng kabataang sabik sa sandaling laya.

Dito rin ginanap ang mga unang komunyon noong kami’y Grade 4 pa lamang — mga batang nakaputi, kinakabahan ngunit busilak. Marami ring misa para sa iba’t ibang okasyon, lahat may halong pagninilay at tawa. Ngunit hindi lahat ng alaala ay masaya — sapagkat sa mismong simbahan ding iyon namin naramdaman ang lindol ng Hulyo 16, 1990. Nanginig ang lupa, at ang aming pinakamamahal na simbahan ay bahagyang nasugatan — yumuko ang krus sa tuktok nito, parang tanda ng kapangyarihan ng kalikasan at ng kababang-loob ng pananampalataya.

Sarah McLachlan - I Will Remember You

Ngunit tulad ng pananalig, muling bumangon ang simbahan, itinuwid ng mga kamay na nagmamahal dito. At sa tuwing babalik ako, naririnig ko pa rin ang mga tinig ng kabataan — mga tinig na humalo sa dasal, sa halakhak, sa taginting ng kampana. Sapagkat ang bawat bahagi ng altar, bawat rebulto, bawat bakas ng lumang pader — ay buhay na alaala ng aming kabataan at pananampalataya.

Kung aking babalikan — sa gunita ng alaala at halakhak ng kabataan — naaalala kong hindi kailanman nagsanib ang mga tinig ng babae at lalaki sa iisang silid-aralan. Noon, sa aming elementarya, tila may hiwalay na mundo ang bawat kasarian: ang mga dalaga’y pumapasok nang maaga, habang ang mga binata’y tanghali kung dumating, parang araw at buwan — magkasalungat ngunit parehong umiikot sa iisang langit ng paaralan. Ganito nga marahil sa Catholic school, isang disiplina ng hiya at kabanalan, ngunit kapalit nito’y ang kakulangan ng mga lihim na kwentong dapat sana’y bumubuo sa kabataan. Walang campus crush na patagong sinusulyapan sa flag ceremony, walang love letter na nakatago sa ilalim ng notebook, walang stationery na mabibili sa tapat ng 7-Eleven — wala ring dahilan para mag-ayos ng buhok o magpabango, sapagkat ang tanging kaharap mo ay kapwa mo lalaki, kapwa mo kakulitan, kapwa mo sabit sa blackboard. Ngunit nang tumapak kami sa high school, parang binuksan ang kurtina ng isang bagong yugto. Doon unang kumislap ang mga titig, doon unang sumulat ang mga puso ng mga lihim na di maipahayag, at sa wakas — nagtagpo rin ang araw at buwan sa ilalim ng parehong langit ng kabataan.

Ang unang palapag ng aming paaralan—ah, isang maliit na mundong puno ng alaala at amoy ng bagong simula. Sa kaliwang bahagi, naroon ang tinatawag naming dark room, tila pugad ng mga lihim at tahimik na gawain. Sa tapat nito, ang cashier’s office, kung saan ko madalas nakikita si Nanay, may hawak na papel ng resibo, nagbabayad ng periodical exam, miscellaneous fees, at kung anu-ano pang bayaring tila laging may kasamang buntong-hininga. Dito ko unang naunawaan na ang edukasyon ay may halaga—at may halagang literal. Sa unang palapag din naroon ang opisina ng aming principal at ang Dean of Discipline, mga silid na ayaw mong mapuntahan ngunit lagi mong napapansin. Dito ko nakikita ang mga kaklase kong pilyo, bitbit ang kanilang mga memo ng kasalanan at aral ng kabaitan. Pagpasok mo sa hallway, makikita mo ang mga locker— parang mga lihim na kahon ng kabataan, punĂ´ ng notebooks, pangkulot, baon, at minsan, mga sulat kay crush na di kailanman di naipadala. Sa dulo ng pasilyo, ang St. Francis Hall, ang tahanan ng aming mga school activities, ang entabladong saksi sa aming tula, sayaw, at sigawan ng kabataan.

Bago makarating doon, daraan ka muna sa maliit na hardin sa gitna, kung saan humahaplos ang araw sa mga dahon, at tila bumubulong ang hangin ng mga lumipas na recess. May dalawang hagdan patungo sa hall—isa sa kanan, isa sa kaliwa— at sa kanang bahagi, naroon ang fountain, ang inuman ng lahat, yung may pedal sa paa at pumupuslit na malamig na tubig na parang gantimpala sa init ng recess o takbo sa PE. Sa tabi ng fountain, naroon ang classroom namin noong Grade 1. Tanda ko pa si Mr. Ong, malaki ang pangangatawan, may bigote, at boses na parang orasan ng disiplina. Katabi ng aming silid ay ang Science Laboratory— isang mahiwagang lugar na bawal pasukin ng mga grade 1 pupils, ngunit siyempre, kami’y mga batang mausisa. Isang araw, pumuslit kami—at doon namin unang nasilayan ang fetus sa garapon, ang mga ahas na nakalubog sa formalin, at ang kilig na may halong takot na baka kami’y mahuli. At kung pag-uusapan ang memorya— hindi ko itatago ang pinakamakata at pinakanakakatawang trahedya ng kabataan: ang araw na hindi ko napigilan ang tawag ng tiyan. Sabi kasi ng mga kaklase, sa kanang dulo sa ilalim ng hagdan ng CR, may nagpapakitang white lady. Takot na takot ako, kaya nagpigil ako ng tae— hanggang sa... ayun, hindi na kinaya ng tadhana buwulwak na parang Magnolia Chocolait sa lapot. Pagbalik ko sa classroom, sumalubong ang amoy ng kahihiyan at halakhak ng kabataan. Tinawagan si Nanay, pinauwi ako, at habang naglalakad papalabas, iniisip ko: “Ganito siguro talaga ang Grade 1 — puno ng aral, ng tawa, at ng mga kwentong hindi mo kailanman makakalimutan.”

Malawak ang St. Francis Hall — isang bulwagang tila may sariling kalendaryo ng alaala. Dito ginaganap noon ang mga PE lectures, mga quiz bee kung saan nanginginig ang kamay sa pagsusulat, mga dance contest na pinaghahandaan ng buong klase, at mga United Nations Day na punĂ´ ng kulay, bandila, at costume attires ng iba't-ibang bansa. Ito ang entabladong saksi sa mga palakpakan, pagkakamali, at unang tagumpay ng kabataan. Ngayon, ang dating bulwagan ng mga pangarap ay naging Gymnasium na — isang malaking covered court na ngayon ay pugad ng mga larong panlalaki, tawanan, at pagbabalik ng sigla. Sa mga litrato ng aking mga batchmate sa Facebook, nakikita kong naglalaro pa rin sila roon — mga tatay na, may mga anak at asawa, ngunit kapag bumalik sa court, parang binura ng bola at tawanan ang mga taon. Muli silang nagiging mga binatilyong pawisan, tumatakbo sa ilalim ng ilaw ng kabataan.

Lumabas tayo ng St. Francis Hall — sa kanang bahagi ng hallway, naroon ang hagdan papunta sa ikalawang palapag. Sa ilalim ng hagdan na ito, naroon din ang Faculty, ang lugar ng mga guro na tila mga hari’t reyna ng disiplina. Kapag pinakokolekta ni Ma’am ang mga notebook para icheck ang mga assignments ng buong klase, ako ang tagadala — bitbit ang mabibigat na tala ng pagsusulit, habang bumababa sa hagdang tila altar ng karunungan.

Sa unang palapag, malapit sa hagdan, naroon ang CR ng mga lalaki at sa tabi nito, ang water fountain — ang banal na bukal ng mga uhaw na estudyante pagkatapos ng recess o PE. Paglampas doon, hallway muli, at dito naman matatagpuan ang school clinic — ang kanlungan ng mga “mahihilo,” “masusuka,” at “nag-aacting lang para makatulog sa aircon.”

Hindi ko malilimutan si Dr. Tapia, ang doktor ng aming kabataan. At syempre, ang bulak na may ammonia — isang singhot lang, gising ka na agad! Ngunit sa totoo lang, marami sa amin ang pumupunta roon hindi dahil sa sakit, kundi dahil sa lamig ng aircon at lambing ng katahimikan. May logbook pa nga ng mga “pabalik-balik,” mga kaklase kong suki ng kunwaring pagkahilo, ngunit kapag dismissal, ayun — kasama pa rin sa block 1-2-3 sa labas. Hindi ko man maalala kung doon rin kami tinurukan ng bakuna para sa polio o tigdas, pero tandang-tanda ko ang amoy ng alcohol, tunog ng bentilador, at puting pader at liwanag ng ilaw sa clinic.

At sa tapat nito — nariyan ang isa sa mga pinakabituing alaala ng aming paaralan: ang classic phone booth. Yung may pintuan, may teleponong hinuhulugan ng barya, kung saan maririnig ang mga batang boses na puno ng pag-aalala at pagmamadali:

“Nay, naiwan ko po yung project ko!”
“Ma, pakidala po ng extra brief, may aksidente sa CR.”
“Mama, deadline na po ngayon ng egg mosaic, pakibilis!”

Ang phone booth na iyon— saksi sa daan-daang kwento ng pagmamadali, pag-ibig, at pagkabata. Minsan, may mga estudyanteng tumatawag lang para magpa-cute o magpahinga, ginagawang sandigan ng uwian at tagapagdala ng mensaheng di kayang ipadala ng puso. Ngayon, wala na iyon, ngunit sa alaala— ang tunog ng baryang nahuhulog, ang pag-click ng telepono, at ang tinig ng batang ako—ay patuloy na nag-e-echo sa hallway ng St. Anthony.

Diretso tayo sa paglakad — sa tabi ng aming school clinic, naroon ang canteen, ang munting paraiso ng gutom at tuksong pambata. Kulay pula ang sahig,  at sa gilid nito’y nakaayos ang mga crate ng softdrinks, parang hanay ng mga boteng naghihintay ng mga kwentong maririnig sa bawat lagok. Dito matatagpuan ang tahanan ng sinabawang corned beef. Dito rin nagaganap ang banal na ritwal ng pagbili ng Benson candy, kung saan ako’y nagiging maramot sa tamis — sapagkat kapag Benson, hindi ako namimigay; dos isa lang, at pag nagbigay ka, mauubos agad sa sangkatutak na “pahingi.” At oo, bukod pa sa tabi ng exit gate kung saan nagtitinda si Manong ng hotdog with rice, narito rin ang kaharian ng mga simpleng ulam — may menudo, ham, corned beef, maling, meat loaf, mga hotdog sandwich, palamig na kulay langit at rosas, at softdrinks na kumukulo sa lamig ng yelo. Maraming upuan, pahabang lamesa kung saan nagtitipon ang mga kwento, mga kabataang sabay-sabay humahati sa baon, nagpapalitan ng ulam, kanin, at tawa —parang handaan ng mga pusong busog kahit minsan ay kulang sa pera.

May kaklase pa kaming laging sobra magbaon ng ulam, hindi dahil sa yaman, kundi dahil sa kabutihan — upang lahat ay makatikim, kahit konti lang. Ah, ang sarap ng buhay noon sa recess, ang isang pahabang lamesa sa canteen ay tila altar ng kabataan — pinagpala ng adobo, tinola, at halakhak. At kung may bagay mang hindi mawawala sa aking bulsa, iyon ay candy — ang matamis na pahinga sa gitna ng pagod at aral. Mahilig akong magbaon ng Peter’s Butter Ball, at kung may dagdag na barya, Mentos o Polo candy. Ngunit sa lahat, Benson’s Eclair ang hari — ang tsokolateng hindi mo ipapakita sa mga manghihingi, dahil minsan, ang tamis ay mas masarap kapag lihim.

Minsan naman, Orange soft candy ang sinusubo ko, yung parang galing sa bus vendor, malambot at matamis, habang Stay Fresh menthol naman ang huling himig sa bibig — pampalamig sa init ng hapon at ingay ng mundo. At siyempre, dito rin sumikat ang Choco-Choco at Champola, ang mga “stick” ng tuwa bago pa man ipinanganak si Stick-O. Sa bawat higop at kagat, tila bumabalik ang bata sa sarili niyang kasaysayan — isang batang may kending tinatago, may halakhak na totoo, at pusong nananatiling gutom… hindi sa pagkain, kundi sa mga alaala ng kantina.

Hanggang dito muna huminto ang pagpintig ng mga alaala, ang pag-flash ng milyon-milyong larawan sa aking isipan — mga larawang tumatakbo, nagbabanggaan, at sabay-sabay na kumakatok sa pinto ng nakaraan. Marami pa akong hindi naisusulat, mga kuwentong nakasilid sa dibdib, naghihintay lamang ng sandaling muling buksan. Mga gunita na baka kayo rin ay natatandaan pa, mga halakhak, kalokohan, at lihim ng ating kabataan na baka ngayon ay tahimik na lang na nakangiti sa sulok ng ating mga puso. Hindi pa nangangalawang ang aking memorya ng St. Anthony, sapagkat habang ako’y sumusulat, parang naririnig ko pa rin ang kampana ng simbahan, ang takbuhan ng yabag sa quadrangle, ang tawanan sa canteen, at ang ingay ng mga batang kailanman ay hindi tuluyang lumisan sa atin.

Dalawampu’t pitong taon na ang lumipas, ngunit sa bawat salita ay muli tayong nagkikita — mga magka-klaseng pinagtagpo ng panahon,
muling binubuo ng alaala. Kaya’t hanggang dito muna, magpahinga ang panulat, huminga ang alaala, sapagkat sa Part 2, muli nating bubuksan ang aklat ng ating kabataan — isang pahina ng tuwa, at isang mundo ng dati nating tayo.

Kita-kits sa Part 2, mga kaibigan ng kahapon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...