Sabado, Nobyembre 7, 2026

Ang Pagbabalik ng FHM

 

“Pre, may FHM na ulit!”

Parang may nanalo sa lotto sa tuwa ni Dennis nang ibalita niya ito sa kanilang group chat. Alas-diyes pa lang ng umaga, pero ang excitement niya ay parang nagbinata ulit at na-miss ang mangolekta ng mga bagay na pinagkakaabalahan niya noong nagkakandado siya sa sariling kwarto. 

“Legit ba? Akala ko ba retired na 'yan?” sagot ni Arnold.

“Bumabalik na raw. Digital na!”

“Digital? Iba na talaga ang panahon. Noon, kailangan mo pang magkunwaring bibili ng diyaryo para hindi mahalata ng tindera.”

Sumabat si Boyet.

“Naalala ko pa noong college ako. Kapag may bagong issue, parang may pilgrimage akong ginagawa sa magazine stand. Tapos kapag may nakabili, siya ang pinakamakapangyarihang tao sa barkada.”

“Hindi lang 'yan,” sabi ni Dennis. “May mga kopya akong tinatago noon. May collection pa ako!”

“Nasaan na ngayon?”

“Pinamigay ko na.”

“Kanino?”

“Sa misis ko. Ginagamit niyang pansiga sa tuwing inihaw ang ulam."

Nagtawanan ang grupo.

Maya-maya, nag-post si Dennis sa Facebook:

“Welcome back, FHM! Thank you for bringing back the memories of our youth. Some things never change.”

Umabot agad sa ilang likes ang post. May mga dating kaklase siyang nag-comment. May mga nag-tag ng barkada. May mga nagtanong kung saan makakabili.

Dahil sa sobrang saya, nagpasya siyang ipakita sa asawa niyang si Liza ang magandang balita.

“Hon, alam mo bang bumabalik na ang FHM?”

“Talaga? Bakit?”

“Wala lang. Nostalgia. Naalala ko lang ang kabataan ko.”

“Ah, ganoon ba? Nostalgia rin pala ang gusto mo.”

“Oo naman!”

Kinuha ni Liza ang cellphone at ipinakita sa kanya ang isang lumang Facebook photo nila noong 2005. Nakangiti si Dennis, nakasuot ng fitted shirt, may gel ang buhok, posturang-postura ang suot at swabe ang pangkalahatang awra.

Right Said Fred - I'm Too Sexy

“Ang pogi mo noon,” sabi ni Liza.

“Siyempre naman.”

“Payat, mkapal ang buhok, walang tiyan, at walang maintenance medicine.”

Napangiti si Dennis.

“Eh ngayon?” tanong niya.

“Ngayon, may tiyan ka na, numinipis na ang buhok mo, at mas marami ka pang maintenance kaysa sa sasakyan natin.”

Hindi na sumagot si Dennis.

“Pero okay lang,” dagdag ni Liza. “Since nagbabalik ang FHM, baka gusto mo ring ibalik ang dating katawan mo?”

“Sure, hon. Why not?”

“Good. Simula bukas, jogging ka na. At ako ang bahala sa pagkain mo.”

“Wow! Supportive talaga ang asawa ko!”

“Syempre. At isa pa…”

“Ano 'yon?”

“Bawal na ang pulutan, beer, at sisig. Gulay na tayo.”

Napatingin si Dennis sa cellphone. Binuksan niya ang Facebook at binura ang kanyang post.

Minsan pala, hindi lahat ng pagbabalik ay dapat ipagdiwang.

Lalo na kung ang pagbabalik ng isang men's magazine ay nagiging dahilan para mawala ang lahat ng natitira mong kalayaan bilang lalaki. 🤣




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads