Sa aming lugar, ang lamay ay hindi lamang panahon ng pagluluksa. Isa rin itong pagtitipon ng mga taong matagal nang hindi nagkikita, pagkakataong makapagkuwentuhan ng mga lumang istorya, at kung minsan, reunion ng mga taong hindi man lang dumadalo sa mga birthday pero laging present sa death day. 60% siguro sa kulturang Pilipino ay ganyan.
Nang mamatay si Mang Berting, napuno ang kanilang bahay ng mga nakikiramay. May nagdarasal, may nagtitimpla ng kape, may nag-aabot ng pandesal at biskwit, at may grupo sa sulok na abalang-abala sa baraha. Tunog ng mamiso sa lamesang kahoy ang nagkakalampagan sa pustahang hindi naman ganoon kalakihan at pawang katuwaan at pampalipas-oras lamang, pero meron ding mga lamay na animo'y ang pustahan ay parang nasa casino ng Las Vegas na mas malalaking pera ang mga bitaw.
Sa tabi ng kabaong, umiiyak nang malakas ang isang lalaking hindi ko kilala.
“Berting! Bakit mo ako iniwan? Hindi ko alam kung paano ako mabubuhay nang wala ka!”
Halos lahat ay napatingin sa kaniya. Ang iba ay napaluha rin. May isang matandang babae pang lumapit para tapikin siya sa balikat.
“Anak, ano mo ba ang namatay?”
Humagulgol ang lalaki.
“Kaibigan ko po siya mula pagkabata!”
Dahil sa tindi ng kaniyang pagdadalamhati, hinayaan siyang umupo sa harap ng kabaong. Ilang minuto siyang nakayuko, humihikbi, at paminsan-minsang bumubulong ng, “Hindi ko ito matatanggap.”
Samantala, sa kabilang mesa, nagsimula nang mag-usap ang mga kapitbahay at mga usisero't-usisera.
“Bakit ngayon lang natin siya nakita? Hindi ko yata ito kilala.”
“Baka kaibigan sa trabaho.”
“Pero sabi niya, mula pagkabata sila.”
“Baka naman childhood friend sa Facebook.”
Napailing ang lahat.
Pagsapit ng alas-onse ng gabi, lumapit ang anak ni Mang Berting sa lalaking umiiyak.
“Kuya, maraming salamat po sa pagpunta. Hindi po namin alam na ganoon kayo kalapit sa tatay ko.”
Pinunasan ng lalaki ang kaniyang mga mata.
“Napakabuti niyang tao. Hindi ko malilimutan ang lahat ng ginawa niya para sa akin.”
“Talaga po? Ano po ang pinakamatatandaan ninyo sa kaniya?”
Sandaling natahimik ang lalaki.
“Ah… marami. Marami talaga.”
“Halimbawa po?”
Napakamot siya sa ulo. Tumingin siya sa kabaong, pagkatapos ay sa anak ni Mang Berting.
“Pasensya na, iho. Medyo emosyonal lang talaga ako.”
Lalong nagduda ang anak.
“Kuya, ano nga po pala ang pangalan ninyo?”
“Boyet.”
“Boyet? Hindi ka kilala ng tatay ko.”
Natahimik ang buong sala.
Maging ang mga naglalaro ng baraha ay tumigil.
Dahan-dahang tumayo si Boyet, inayos ang kaniyang damit, at humarap sa lahat.
“Pasensya na po. Aaminin ko na.”
Lalong lumapit ang mga tao.
“Hindi ko po talaga kilala si Mang Berting.”
“E, bakit ka umiiyak nang ganyan?” tanong ng isang kapitbahay.
Huminga nang malalim si Boyet.
“Dahil po…”
Lahat ay naghihintay.
“…ako po ang nagdala ng kabaong.”
Saglit na katahimikan.
Pagkatapos, may isang matandang lalaki sa sulok na nagsalita.
“Eh, bakit ka naman umiiyak? Bayad ka naman, di ba?”
Tumango si Boyet at muling pinunasan ang kaniyang mga mata.
“Opo. Pero hindi pa po ako nababayaran ng funeral homes sa overtime.”
At doon, sa unang pagkakataon sa buong gabi, may narinig na halakhakan sa bahay ni Mang Berting.
Maging ang anak ng yumao ay napatawa.
Kinabukasan, pagdating sa burol ng ibang namatay sa kabilang barangay, naroon na naman si Boyet. Nasa harap siya ng kabaong, umiiyak nang mas malakas kaysa sa mga kamag-anak.
May lumapit na babae.
“Kuya, kaano-ano mo ang namatay?”
Humagulgol si Boyet.
“Pinsan ko po!”
“Anong pangalan?”
Napahinto siya.
Tumingin siya sa kabaong, saka sa babae.
“Sandali lang po. Itatanong ko sa boss ko.”
Dahil sa lamay, natutunan naming hindi lahat ng umiiyak ay nagluluksa.
Ang iba, nagtatrabaho lamang.
At ang pinakamasakit na katotohanan?
Sa bansang halos lahat ay kailangang pagkakitaan, pati pagluluksa ay puwedeng maging sideline.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento