Linggo, Setyembre 6, 2015

Kasiyahan 101: Ako minsan si Papa Jack

'Gusto nating maging masaya pero bakit mas gusto natin sa kumplikado?'
Tohl, kung bibigyan kita ng pagsusulit ngayon habang may hawak ka ng bote ng Ginebra, paano mo sa akin ibibigay ang kahulugan ng tunay na kasiyahan? Malamang sabihin mong, "eto yung ganito lang!! *hik yung may hawak ako palage ng bote ng gin!! *hik eto ang kasiyahan ko ang iduyan ng espiritu ni San Miguel!!! *hik

Marami tayong pinaghuhugutan ng kasiyahan, iba't-iba, mayroong lumiligaya sa piling ng alkohol at espiritu ng kalasingan para takasan panandalian ang mga problema sa araw-araw. Kaya nga pala may katawagan na "Happy hours". Mayroon din naman kasiyahan dahil nakamit ang isang bagay na kanyang inaasam-asam ,puwedeng personal na pag-aari na matagal mo nang gustong makamit katulad ng bagong sapatos, bag, TV, ref, radyo, kompyuter, aircon, negosyo, kotse  at pag-ibig.
Pag-ibig? san ka nakakabili  niyan tohl? Sale ba? at papakyawin ko na. Biro lang.

K's Choice - Almost Happy

Pero totoo isa sa nilalaman ng kasiyahan ng tao ay "pag-ibig". Bakit sino nga ba naman ang haters ni kupido? Sabi nga sa kanta ni Donna Cruz eh, "kapag tumibok ang puso wala ka nang magagawa kung di sundin ito, kaya lagot ka na, siguradong basted ka." Minsan ang kasiyahan, kilig at kalandian ay naghahalo pagdating sa ganitong larangan,  yung maka-chat mo nga lang siya eh, anong saya na, yung maappreciate niya yung konting bagay na ginawa mo eh parang sasabog na ang puso mo sa tuwa, yung bigyan ka niya ng biskwit na galing sa malayong lugar sa Pilipinas eh hanggang ngayon itatago mo pa yung balot (joke lang). Ngayon sabihin mo sa akin para maramdaman ko naman kung anong merong kasiyahan kapag umiibig ang isang nilalang. Sapat na ba ang kaligayahang iyong nadarama o sadyang may hangganan pa rin ang kasiyahan? Ano nga ba talaga ang  tunay na  depinisyon ng kaligayahan?

Asahan mo ang kasiyahan pagdating sa ganitong larangan ay may matinding hamon at unti unti na lang mawawala ang naghahampasang alon ng dugo sa loob ng pusong sabik magmahal. Hindi lahat nagtatagumpay, dahil  wala nga daw poreber. Dito ang kasiyahan ay parang kandilang nauupos habang nawawala ang init ng pagsinta.

Iisa lang naman ang gusto nating lahat diba? Ang maging masaya. Ang maging maligaya. Madali lang naman maging masaya. Pero bakit mas gusto natin dun sa kumplikado? Yung kelangan nasasaktan muna tayo at nahihirapan bago natin makuha yung gusto natin? Teka may lahi ba tayong masokista? Bakit kasama sa cravings natin ang torturin ang sarili? Requirement ba na maramdaman mo yung sinasabi nilang "satisfaction" para masabi mong masaya ka na talaga?

Sabihin mo nga sa akin ang matangkad ba ay para sa matangkad lang? maliit sa maliit? gwapo sa maganda?  maganda sa gwapo? panget sa panget?  mayaman sa mayaman? matalino sa matalino? mahirap sa mahirap? jologs sa jologs at j3j3mH0n sa j3j3mH0n?

Tingin ko, hindi naman diba? Parati naman talagang  may exemption to the rule diba? Eh kung ganun naman pala ang tanong, bakit may tinatawag pa tayong standards? Paano mo masasabi na mataas ang standards ng isang tao? Sa ayos ng pananamit? sa tindig? sa ganda? sa kaguwapuhan? sa talino? eh paano yung matalino pero panget? yung bobo pero maganda/guwapo? Eh para saan ba yung standards na yan? 

Paano mo masasabi na kuntento ka na sa kasiyahang nararamdaman mo ngayon? May mga tao ba talagang marunong makuntento? Kung meron, bakit may mga tao pa rin na nananakit? naghihiwalay? nanloloko? Bakit ba parati nating hinahanap kung ano yung kulang? Hindi ba puwedeng maging masaya kung ano yung meron?

Powderfinger - My Happiness

Ang buhay sa Planet Earth kapag masayadong sineryoso, nakakabaliw. Baka sa mental hospital natin hanapin ang kasiyahan, at  doon malamang kahit walang masaya lagi kang nakangiti ng walang dahilan.

Bakit kadalasan, yung taong gusto natin eh ayaw satin? Yung may gusto sa atin eh ayaw naman natin? Ganyan kagulo ang mundo! Naniniwala ka ba tohl na may quota ang pag-ibig?

Sabi nga ng idolo kong manunulat na si Ricky Lee,
"Sa bawat limang umiibig, isa lang ang magiging maligaya. Ang iba, iibig sa di sila iniibig. Iibig nang di natututo. O iibig sa wala. O di iibig kailanman."

Ngayon, kanino ka liligaya at sino ang pipiliin mo? Yung taong mahal mo o yung taong mahal ka?
Bakit masakit ang katotohanan na minsan kahit gaano ka ka-sweet, kalambing, ka-close, kabait mo sa isang tao, hindi ka pa din niya kayang mahalin? Dahil nga ba wala siyang panukli sa higit pa sa isang libong pisong pagmamahal na ipinapakita mo. 

"Boyet, wala akong panukli eh, pasensiya na ha, maaga pa kasi wala pang barya, FRIENDS naman tayo kaya okay na itago mo na lang yang mahigit sa isang libong piso mong buong pagmamahal."

Friendzone! 4r4y k0 b3h!

Saan ka ba liligaya, sa habang buhay na pagluha o habang buhay na pagpapaluha? Minsan kahit gaano mo pa kamahal  ang isang tao, kailangan mo bumitaw at kahit gaano mo pa pinahahalagahan. Kailangan mong bumitaw hindi dahil wala na ang nararamdaman mo sa kanya, walang matibay na dahil kundi ang katotohanang hindi ka niya kailangan. NADA! NEVAH! 

Alin ba ang mas mahirap? Pag-aralang  mahalin ang nagmamahal sa iyo o piliting mahalin ka ng mahal mo? Pero paano kung kelan mahal mo na yung nagmamahal sa iyo saka ka minahal ng mahal mo? Ayun dun ka magkakanda leche leche. Diyan na papasok yung walang kasinghirap na exam  nung nag-aaral ka pa, yung Multiple Choice o di kaya True or False o pwede mo rin gamitan ng siyensiya sa pamamaraan ng patimbang. Pero wag mo isiping napakagwapo mo na, dahil panget ka pa rin.

Dumarating talaga ang pagkakataon na dalawa ang nagmamahal sa'yo. Pareho ka nilang mahal pero it's  your choice, it's your marriage. Sino pipiliin mo, iyong handang magparaya o iyong ayaw magpatalo? Ngunit sabi ng isa pang idol ko na si Bob Ong, piliin mo daw yung pangalawa. Susundin mo ba siya?

At eto pa, sa mundo natin noon kapag nagmahal ka magiging masaya ka dahil sa iyo lang siya. Pero 
sa mundo nantin sa kasalukuyan, kapag may minahal ka, linsiyak! malingat ka lang inagaw na ng iba!

Nasa sayo naman yan, kung magpapaagaw ka.
Nasa sayo naman yan, kung hahayaan mo lang siya maagaw ng iba.

Kung darating ang araw na mahanap mo na yung si "the one" (hindi si Jet Li), 'wag mo na pakawalan. 

Ingatan mo siya.
Alagaan.
Mahalin.
Iibigin.
Pahahalagahan.
Intindihin.
Respetuhin.
Halikan daw sa noo (rekwes ng mga girlie)
Magpahila ng kamay na animo'y dadalhin ang lalake kung saan na hindi kame kita sa piktyur

At higit sa lahat,
'wag kang mawalan ng oras sa kanya.

Di naman talaga maiiwasan na magkaroon ng komplikasyon sa isang relasyon. Kung mangyari man wag kang bibitaw. Hangga't may natitirang dahilan, kapit lang #puso.

Diskarte.Atake.
Nasa sayo kung  paano ka dumiskarte sa mga oportunidad na binibigay ng tadhana.
Nasa sayo kung paano ka umatake sa mga problemang haharapin mo.
Parang Clash of Clans lang yan, diskarte, atake! Tagumpay!

Sa dami ng paraan upang maging masaya, nasa sayo parin kung papano gustong makamtan ang kasiyahan na minimithi mo - sa pag-ibig man yan, trabaho o pamilya.

Huwag mong kalimutan ang mga natutunan mo.
Mga tao sa paligid mo at lalo na sa mga mahal mo at mahal ka.
Mga lugar na dinadaanan mo.
Mga building na napuntahan mo na may logo ng hapon na babae na may abaniko at logo ng babaeng sinasabing Ssshhhhh wag kang maingay, sa kalyeng Victoria Sogo Street.
At sa mga alaala na nakakapagpapasaya sayo.

Sabi nga ni Juan Ponce Enrile, "Gusto ko happy ka, forever" Pustahan mauuna ka pa sa kanya.
Gusto ko maging masaya.
Maligaya.
Maligalig.

Ah, ewan basta!
Tayo'y magpakasaya!
Alak pa!
Sama ka?




Huwebes, Setyembre 3, 2015

Shooting Stars na Pa-Fall

'Like a shooting star, flash across the room, so fast, so far you were gone too soon.'

Hindi ako magaling na story teller pero minsan nais ko ring sumubok maglahad ng mga kuwentong pag-ibig, pero hindi sa pamamaraan na kailangang landiin ko ang mga mambabasa na katulad ng ginagawa  ng iba diyan. Napaka hopeless romantic ni koya.

Tawagin na lang natin ang kuwentong itong "Shooting Stars."


Teeth-Shooting Star

Are you happy you're a shooting star
Able to observe so many wishes that we make
Are you happy you're a shooting star
Able to give wonder to a galaxy of eternal mystery

Inside my mind
I'm waiting for you
Inside my mind
I'm searching and waiting for you

And maybe I'm lucky to have seen you tonight
Coz I needed something I have always dreamed about
It doesn't matter if I can go through
I just want my eye inside this tunnel to heaven

And I wish

High and low, find some snow
I need to know from you
Lying low, I have to grow
I need to know from you


December 17, 2012 11:45 PM.

Mula sa  kanilang bubungan, umakyat si Yssa at tumitig sa kalangitan. Pinagmasdan ang kagandahan ng milyun-milyong bituin sa payapang gabi.

Isang bulalakaw.

Pumikit si Yssa. "Sana akin na lang si James," tahimik niyang hiling.


December 18, 2011 12:07 PM

Nakatitig si Yssa habang pinagmamasdang kumain ang kaibigang si James. Nakikinig habang maingay na hinihigop ang mainit na sabaw. Nakangiti sa mga kwento ng kasama kahit hindi naiintindihan ang mga sinasabi nito. Nakatitig pa rin siya sa kanyang kaibigan, habang ngumunguya, ngumangasab ng tender pork loin sa karinderya ni Aling Pats.

Ang tanong sa kanyang isipan: Matutupad kaya ang aking kahilingan?

Parang narinig ang kanyang katanungan, sa muling paghigop ng sabaw ay napatingin sa kanya si James at kinindatan ang dalaga. Napangiti si Yssa at pilit na inilabas ang kanyang dimples.


January 21, 2012 4:27 PM

Tahimik na nagtatrabaho ang dalaga. Umupo sa tabing station niya ang kaibigan.

"Ano ang gagawin mo mamaya?" tanong ng binata.

"Wala naman, what's on your mind?"

Mula sa bulsa ng pantalon ni James ay may pilit na inilabas ang gwapong binata, dalawang ticket ang ipinakita kay Yssa.

"Meron nagbigay sa akin, free tickets sa palabas na "Kangkong".  "Gusto mo sumama? Wala akong date?"

"Sure," sagot ni Yssa.


January 22, 2012 10:48 PM

Sabay umuwi sina Yssa at James hawak nila ang free kangkong bilang freebies sa palabas na kanilang pinanonood sa sinehan ng Lotus Mall.

Magkahawak sila ng kamay, at inihatid ni James si Yssa sa kanilang tahanan. Simpleng goodbye lang at pasasalamat ng binata sa kaniyang imbitasyon. 

"Good night, see you tomorrow."


February 14, 2012 6:00 AM

Dumating si Yssa sa opisina at nagulat sa isang dosenang pulang rosas na nakapatong sa lamesa. Meron ding mga tsokolate katulad ng Ferrero Rocher, M&M, Snickers, Mars, Nestle Crunch at Hany. (talagang nakita ng narrator?)

Ang lahat ng ito ay galing sa mahal niyang binata.


April 4, 2012 6:28 PM

Mahigpit na niyakap ni Yssa si James. Huling araw ng binata sa kumpanyang tinatrabahuan nila. Nakatanggap ito ng mas maayos na trabaho sa isang mas malaking kumpanya.

Mahigpit ang  yakap ng dalaga.

Mamimis niya si James.

Mahal na niya ito.

Hinalikan siya sa pisngi. Habang unti-unti nang nagkikristal ang mga mata ng dalaga at papatak na ang luha.

"I will still see  you." tugon ng lalake, habang pinupunasan ang mga luha ni Yssa.


May 3, 2012 7:18 PM

"I'm sorry. Can't make it tonight. Busy with work." Text ni James kay Yssa.


September 5, 2012 4:11 PM

Muling nakita ni Yssa si James habang naglalakad sa mall.

Mag-isa ang binata sa  isang mamahaling kainan.

Lumapit ang dalaga upang kamustahin ang lalaking kanyang minimithi.

"Hi," bati niya.

"Yssa," gulat na sagot ni James. Niyakap ng binata ang dalaga. "It's been a long time. Kumusta ka na?"

"I'm good. Namiss kita."

Ngiti lang ang sagot ni James.

"Hi,'' tinig ng isang babae mula sa likod ni Yssa. Isang magandang dalaga. Blonde, maputi, porselana ang kutis, naka shades at may bag na Hermes.

Tumayo si James mula sa kanyang upuan, nilapitan ang dalaga at hinalikan sa labi.

"Patricia, si Yssa. Dati kong katrabaho. Yssa, Patricia.....girlfriend ko."

Nawala ang ngiti sa labi ng dalaga. Nagmamadaling nagpaalam.

Lumuluhang natulog si Yssa.

At sabay sambit habang humihikbi, "hindi na ako naniniwala sa mga falling star." (hikbi)


December 17, 2012 12:54 AM

"I wish to find my true love," tahimik na bulong ni Patricia nang makakita ng isang bulalakaw.


Sana'y nagustuhan ninyo ang kuwento ng aking kathang isip. 




Galawang 90's Throwback Memories Part 1

'Tohl, ikaw ano ang mga bagay na naaalala mo noong dekada nobenta? I-share mo naman sa comment box'


Time space warp ngayon din!

Eto na naman ako nananariwa ng mga alaala sa makalumang panahon, eto na nga yata ang bagong hobby  ko ang saliksikin ang mga taong nagdaan. Maaari mo akong ikumpara ang aking utak at memorya sa Yellow pages at mga Encyclopedia na hindi na muling nasilayan sa modernong panahon.  Sabihin mo nang ako si Mr. Throwback guy, pasensiya na at ito lamang ang kaligayahan ko ang maging historian sa nakaraan. Eh ikaw, tanong ko sa'yo masaya ka ba sa panahon mo ngayon kung saan kapag nag-joke na may halong kakornihan eh may parang tugon sa homily sa simbahan na dudugtungan ng "orayttt Rock and Roll to the world" puta anong kunek ng joke sa ganoong tugon? anong sense? Eh mas gugustuhin ko na ung slapsticks na pagpapatawa ni Dolphy at Panchito kesa sa ganyan. Mas mapapagulong mo pa ako sa kakatawa kapag sinasampal sampal na ni FPJ yung muka ni Boy Balisong sa  tuwing magsisiga-sigaan ito. Di rin ako natatawa sa pangungutya ng isang bakla sa kapwa tao niya para lamang makapagpatawa sa  live audience. Leche! tama bang pagtuunan ng pansin ang isang kawawang nilalang para kutyain at pagtawanan ng iba?  Ayoko talaga sa panahong ito. Ayoko!

Op! patalastas muna, isang makabagbag damdamin munang awitin ng Erasure.

Kaya eto, pipilitin ko na naman itong utak na ito na alalahanin ang mga galawan natin noong 80's to 90's. Paduguan ng memorya, ayos lang sanay na ako. Kung may mabibili nga lang akong Royco na noodles na hugis alphabetical letters ang noodles yuon ang mimiryendahin ko ngayon habang sinusulat ko ito. Sabay higop ng malamig na Fanta na ang flavor ay apple.

To'l ikaw anong naaalala mo noon? Share ka rin, mas okay kung mas marami tayong makokolektang datos mas masaya ang pagbabasa.

Ito ang aking sariling listahan ng aking mga naaalala:

*Kumakain ka ba ng aratilis?

Alatiris o aratilis kahit na ano pang katawagan nito alam ko siguradong nakakaen ka nito. Maraming katawagan sa bawat lalawigan, "saresa" ang tawag sa mga Kapampangan at ang ilan ay "mansanitas" sa bisaya, dahil siguro parang maliliit na mansanas. Noon kapag walang magawa sa  katanghaliang tapat eh paniguradong sa paghahanap niyo ng gagamba ng tropa eh maaagaw ang atensiyon niyo ng puno ng aratilis at doon eh magkakapitasan na ng bunga. Solve na merienda. Pero alam mo ba ang english ng aratilis tohl? Ang Ingles daw  nito ay "Kerson fruit" ewan ko paano naging Kerson may napadpad na naman bang Amerikano at siya ang unang nakadiskubre ng prutas na ito? Eh Amerikano ba yan si Kerson? di ko rin alam kung ano ang historya ng prutas na ito. Pero wag na natin masyadong pakaproblemahin ang mahalaga eh naging parte ang aratilis ng ating kamusmusan.

*Gumamela soapy bubbles.

Tohl, inuunahan na kita hindi porke't inilagay ko ang kulay plorerang gumamela sa aking tainga ay nangangahulugang beki na ako. Ang totoo gusto ko lang talaga gumawa ng bula/soapy bubbles mula sa dinikdik na gumamela. Puputol na ako ng tangkay at gagawing bilog at kapag handa na ang ating soapy bubbles na nasa taba ay puwede na tayong magpalobo sa pamamagitang ng  paghihip ng bula mula sa binilog na tangkay. Ang saya neto tohl, feeling fresh lalo na kapag dumadami na ang bula at dadampi sa iyong mukha. So soft, oh sooooo fluffy!

*Matulog ka!

Pero paano ka naman makakatulog noong panahon ng brownout, yung   araw-araw na laging otso oras na walang kuryente. Asan ang hustisya? Mainit, lalo na at paakyat ng paakyat ang oras ng katanghalian. "Hoy bata ka, matulog ka nga para lumaki ka!" Ah ganun 'nay, sinunod naman kita noon eh bakit hanggang ngayon pang-minions pa rin ang height ko? Aray ko 'nay! Tandang tanda ko nuon na galet na galet ang mga magulang natin kapag hindi tayo natutulog sa tanghali, dapat pagkatapos na ng Eat Bulaga o Student Canteen ng IBC 13 nananaginip ka na. Eh trip ko talaga yung opening theme song noon ng Valiente, kahit nakapikit na ako, napasabay pa tuloy ako sa kanta. Wapak! ng Spartan na tsinelas  tuloy ang aking naramdaman sa puwet! "Akala ko tulog ka na!" Pero ngayong matatanda na tayo ka hit gusto nating matulog eh hindi naman tayo makatulog, dahil na  rin siguro sa marami na tayong iniisip, katulad ng....  pag-ibig. Hugot!

*Saksak puso tulo ang dugo

Tol, hindi yan laro ng mga emotista, ito ang isa sa mga nilalaro namin ang Langit,Lupa, Im...Im... Imperno. Isa ito sa mga trip ko laruin tuwing weekend, kapag nagkatipon tipon na ang tropa sa kalye namin eh magdedecide na ang iba kung ano ang gustong laruin. Walang powers ang mga magulang magpatulog sa tanghali kapag weekend kaya sige lang sagaran ang laro hanggang ala-sais ng gabi. Dahil kapag ala-sais naman  ng gabi magtitipon-tipon naman ang pamilya para mag-rosaryo. Ewan ko lang ngayon kung may gumagawa pa nito, at pagkatapos  naman ng pagrorosaryo eh sabay sabay na kakaen ang buong pamilya. Masaya nuon kasi  extended ang pamilya namin, kung saan kasama ang mga pinsanin at mga kapatid nila ermats. Masaya kumaen ng marami, at sa hindi ko malamang dahilan gusto ko yung umiikot na bilog sa  gitna ng lamesa para hindi ka na  tumayo para ipaabot ang gusto mong ulam, kailangan mo na lang iikot. Ewan ko gusto ko lang siguro iikoot yun kasi maharot ako. Wapak! Spartan na naman! Ahoooo! Ahooooo! Ahuhuhuhu!

*Rainbow Brite

Oo! hindi ko ikinakaila na isa sa paborito kong cartoons noong dekada ay si Rainbow Brite. Yan ata ang lider ng LGBT groups. Ganito yung magagandang cartoons para bata ka pa lang matututunan mo na ang mga tamang gawain, si Rainbow Brite yata ang tagapamahala sa kalikasan, kasama ang kanyang sidekick na si Twink at ang kabayo niyang si Starlite (most magnificent horse in the universe) na mas makulay pa ang buhok kaysa kay Nina  ng ASAP. Ito na ata ang pinakamakulay na cartoons noong 90's kaya kung black and white ang telebisyon niyo di mo siya maeenjoy .

*Family Computer at Atari

Tanga tol, hindi yan sandwich maker. Yan ay FC o family computer na sinasalangan ng bala para makapaglaro ka ng video games sa  TV niyo, pero kelangan may splitter na tinatawag. Naadik ako di to lalo na yung putanginang Contra na yan, ah talagang nakakapag cutting classes pa ako nuon  (ssshhh wag kayo maingay hanggang ngayon di alam ni ermats) makapaglaro lang ng adiktus na Contra na ito. Ganito kaso  yung mga trip  kong laro ung barilan, ung ratratan, yung may tinatalong boss para makapag level up. Ewan, di ko alam pero wala talagang kurapan maski sinundo na ako  ni ma'am, nasabi ko pa "teka lang ma'am", pero natauhan ako ng si mam na nga pala iyon, akala ko  guni-guni lang. Buti na lang warning muna, bago bring parents. Thanks ma'am!

*Aquanet

Aquanet boys ka ba? Kung patigasan lang naman ng buhok noong high school champion tayo diyan. Bubudburan lang ng spray ng Aquanet muka  ka ng trolls, puwede mong gawin kahit ano sa bangs mo. Kanya kanyang hairstyle yan tohl, puweng brush-up, wavy o kachupoy. Yung kahit pa may signal no 3 na hindi pa rin nagugulo ang buhok mo dahil sa sobrang kapit ng Aquanet. Malupet, strong-hold talaga. Ang klasik na biro ng iba, "mahulog ang butiki, patay."

*Beverly Hills 90210

Poging-pogi ako sa sarili ko tol  kapag napapanood ko ito, kumbaga parang TGIS ng Pilipino. Lagi    kong napapanaginipan na ako si Luke Perry, ang heartthrob noong 90's. At kras ko di to si Shannen Doherty na lalong sumikat sa TV series na Charmed.

*Shaider

Ang tanong sino ba talagang gusto mo makitang umaaksiyon sa mga fight scene kalaban ang kampon ng kadiliman, si Shaider ba talaga o ang yellow polka dot bikini ni Annie? Joke lang walang polka dot pero talaga  nga naman kapag nakikipagbugbugan na si Annie sa mga halimaw eh napapawow ka, ang tanong ulet san ka napapawow, sa mga moves ba ni Annie o ikaw mismo ang gumagawa ng da moves mo. Op! op! san ka pupunta  kakaihi mo lang pupunta ka na naman ng banyo? Wag ganun tohl! Teka si Shaider nga pala ang pinaguusapan dito, si Alexis ang Pulis Pangkalawakan sino ba namang Batang 90's ang makakalimot sa  kanya. Nasaan na ang Blue Hawk? si Ida na di mo malaman kung anong kasarian, at si Puma Ley-ar naaalala mo pa ba? Time space warp ngayon din! Pagkatapos eh makikita   mo na lang si Shaider na nakikipagtunggalian na sa halimaw sa loob ng milyun-milyong dry ice at paghupa ng usok dapat tegi na ang kalaban. Sa  totoo lang manghang-mangha ako sa mga galawan ni Shaider, kaso wala na nilamon na ng panahon ang kasikatan nila kasama sila Mask Rider Black, Magma Man, Ultra Man, Bio Man at Mighty Morphin Power Rangers. Ano na ang napalet sa palabas sa tanghali? yung mga Passion passion de Amor na yan kaya kahit sa katanghaliang tapat nag-iinit ang mga kalalakihan, o di kaya eh yung drama sa siyete pagkatapos ng eat bulaga na parang di man lang nakapag almusal yung mga artista kung umakting. Olats na panahon!

*Payphone

Noon nakakatawag pa tayo sa payphone sa pamamagitan ng tatlong beinte singko lang ang dala. Ngayon kapag ibinayad mo ang tatlong beinte singko sa jeep o ipambili mo sa tindahan eh mahihiya ka na. Pero bakit ako mahihiya idol ko ata si Richard Reynoso sa kanta niyang "Tatlong beinte singko." Balik tayo sa payphone, nauso ito noon ng hindi pa umuusbong ang industriya ng cell phone, easy call pa noon ang pinakasikat. "Beep me" ang tawag sa text sa easy call. Nagkaroon ng payphone para sa madaliang pag transmit ng komunikasyon, yung mga walang  easy call o telepono sa bahay ay puwede silang makakonekta sa kanilang tatawagan sa pamamagita ng payphone na kadalasang makikita natin sa sulok sulok na bahagi ng ating mga komunidad, karaniwan akong  nakakakita nito sa tabi ng Mercury Drugs. Subalit nang sumikat na ang Nokia at kung anu-ano pa unti-unti nang nawala ang payphone, kasama na rin ang mga magsising-irog na magkaka phone pal na laging nakababad sa loob ng payphone, aba at naging hobby na ata. Marami akong kakilala na naglalandian sa pamamagitan ng payphone at imbis na makasingit ka ng tawag dahil may emergency eh kailangan hintayin mo pa ang landiang komunikasyon na  yun. Mabuti na lang din at wala na gaanong mga payphone. Buti naman.

*Pencil Case

Sikat ka sa klase kapag meron kang pencil case na maraming compartment, ipinagyayabang mo ito sa mga kaklase mo kapag nilalabas mo sa bag mo slow-motion with matching tunog ka pa ng spaceship na lumilipad pababa sa armchair mo. Sabay lapis lang kailangan mo, pero bubuksan mo pa rin lahat ng sisidlan sa pencil case na yun. Di mo lang alam na naging epal din tayo nung mga bata pa tayo. Pero wala pa naman sa isip natin yun, siguro lang dahil natutuwa ka lang sa kakaibang pencil case  mo. Korni kasi yung iba, kapag binuksan yung tunog latang pencil case...."ayyy ang korni naman ng pencil case mo, lapis lang ang laman, tsaka pagkabukas mo andun na ang lahat, hahaha!"

*Magnolia Chocolait

Ahhh eto ang the best, tandang tanda ko talaga ito dahil sa isang linggo dalawang beses nagdedeliver sa amin ng bote ng Magnolia Chocolait si Manong, naka owner type jeep pa sila nuon kapag nagdedeliver at umagang umaga, kaya naman bata pa ako sawang sawa na ako sa Magnolia, bago pa lumabas  yang mga Moo na yan at Chuckie. De bote ang deliver nito nuon at talaga nga namang nakakaipon kame ng maraming bote pagkalipas ng bawat isang buwan. Sobrang sarap at tamis ng Magnolia Chocolait at  hindi lang chocolate flavor ang inilalako sa amin dahil meron din milk flavor at orange flavor. 

*Tsinelas Thrills

O wag ka, dahil sa isang kulto na kumakalat nuon sa Luzon eh halos alas siyete pa  lang ng gabi wala nang tao sa kalsada at yung kadalasan na pag-iwan ng mga tsinelas sa labas ng bahay eh wala kang makikitang tsinelas na nakakalat sa bukana ng pintuan niyo. Bakit? dahil daw sa kulto na kapag naiwan mo ang kahit isang pares ng tsinelas mo ay dadasalan nila ito at sa paghimbing ng pagtulog mo ay gigising ka na animoy may tumatawag sa'yo, kumbaga "sleep-walking" gising ang diwa mo pero may kumokontrol sa'yo sa pamamagitan ng hipnotismo. At kapag natunton mo na ang lugar kung nasaan ang sinasabing kulto ay bigla na lang daw papalakulin ang ulo mo. Ayun tegi ka. Ewan hindi ko alam, pero kinatakutan talaga namin ito maski sa barangay namin nuon eh nagkaroon pa kame ng miting kay chairman na lagi daw ipasok ang mga tsinelas sa bahay. Eh nagkataong nakatapak ako ng tae nuon pauwi, magagabi na at hindi ko na mahuhugasan dahil sarado na sila Ka Puring, sila lang kasi ang may poso sa barangay. Ah, iwan ko na lang, bahala na. Kinaumagahan andun pa rin naman yung tsinelas, syempre andun pa rin yung tae, so hindi pala kumukuha an gkulto ng tsinelas na may tae. Hahahaha!


Eto naman ang ibinahagi ng ating mga kaibigan:


Mula kay Gee ng Gen.Trias,Cavite




* Tuwing umaga ung folding bed ginagawa kong bahay tapos harangan ng karton pinaka pintuan nung 4yr old ako

* Yung hagdanan na ABCD game kung yung tipong ididikta ng taya kung san kang hagdan pupunta hanggang sa malipag mo isang paa mo sa based sa baba ng taya sabay akyat sa A ulit.

* Sumpitan - ginagamitan ng straw at munggo or bungga puno sa tapat kung anu makita na pwede.

* Mag-bike tuwing hapon at makipag habulan sa may aso.

* Tumikim ng katas ng santan pag tag bulaklak na kasi matamis. haha!

* Mag unggoy unggoyan arong baraha sa hapon.

* Maglaro ng sungka.

* Larong pelet gun.

* Nakikipaglaro sa mga lalake ng TXT tipong sailormoon lahat ng txt.

* Larong POG

* Jolen jolen tipong maglalagay ng butas sa lupa at doon i shoot.

* Dampa gamit ang palad na may pwersa ng hangin upang makarating sa based ang goma ng paunahan sa kalaban.
* Leron-leron sinta kapag mabilis ka matindi ka.

* Daddy and mommy we can love one - laro sinasayaw isa isa kapag naituro na ang magkamali out.


Mula kay Jacq ng Cavite






* Paglalaro di mawawala bilang musmos. Lahat ng pang-girly games ang hindi makakalimutan.

* Love team ni Marvin at Jolina!

* Ang paborito kong jackstones at mga exhibitions nito.



Mula kay Millet ng London,England





* Yung gumamela pinipitas namin sa kapitbahay dahil ayaw ni lola ng gumamela sa harap ng bahay nya anyways hindi gumagana ung gumamela.

* Aakyat kami ng puno ng mangga tas bibilu ng toyo or alamang sa tindahan or kukuha sa kusina ng lola ko ng bagoong.

* Aakyat ng puno ng duhat, rambutan, macopa tas pag maxadong marami kami nakukuha binebenta namin sa mga kapitbahay.

* Around 3/4 pm dadaan kami sa bahay namin para magmeryenda after meryenda laro ng sepa, tagutaguan (aakyat kami ng puno para di kami makita)

*Pag maayos pakiramdam ko... nakakalakad or takbo ako papunta sa bukid maliligo mga kaibigan ko sa irrigation ako nanonood lang.

* Mamimingwit kami sa fish pond ng walang paalam.



Mula kay Paula ng Manila





* Sweetcorn na tsitsirya

* Larong patintero sa hapon

* Paborito ko ang TV show sa gabi yung Okatokat.



Teka, teka bago pala magtapos ang unang parte ng post ito, wag din kalimutan ang sayaw at kanta ng tony tony popony at ang bandang kinakiligan ng mga nene ang bandang masarap i-ulam, ang Menudo.

Sana ay napangiti at napasaya ko kayo sa pag-alala at pagbalik tanaw natin sa dekada nobenta. Kita-kits sa part 2.

Magandang gabi!



Lunes, Agosto 24, 2015

Nostalgia: Love Bus, Save Gas, Ride on a Love Bus

Pamasahe: 'P2.50, air conditioned, relaxing seats, mellow tunes, spacious bus. Angkas na! san ka pa? sa MRT?'

Touch down 1980's.

Pustahan tayo yung Nanay at Tatay mo kung taga Maynila ay nakasuot pa ng mga bell bottom pants at nagdedeyt sa paglubog ng araw sa Sunken Garden. Karaniwan kasi diyan o kaya sa Luneta ang tagpuan noon ng magsising-irog. Siguro noon magkaroon ka lang ng 100 pesos eh solve solve na kayong dalawa sa date niyo ni girlie. Magkano lang ba ang pagkain noon, ang bulaklak, tsokolate, sine, extra food na puwede itake-out sa Kowloon House para sa mga relative ni giliw. Kung ibabalik man ang lumang panahon sa kasalukuyan eh meron akong mahigit sa isandaang piso siguro hmmmm... pero wag na lang  wala naman pala akong idedeyt. Di bale na lang magmahal ang  mga bilihin. 

Isa pa sa nakakaginhawa sa buhay ng mga Pilipino noon eh ang pamasahe, tohl kung sasabihin ko sa inyo kung magkanong pamasahe ang naabutan ko, eh pagpipiyestahan niyo na naman ang edad ko at may magtatanong na naman na, "oh ilang taon ka na ba?" Leche!  taon-taon ko na lang naririnig yang tanong na yan. Pero para sa kaalaman ng karamihan na sumusubaybay sa Ubas na may Cyanide (feeling ko lang kunyari may sumusubaybay) ang naabutan kong pamasahe noong ako ay nasa elementarya pa ay P1.50! pangkalahatan yan. Astig di ba? Eh paano pa kaya kung estudyante ka? baka sentimo na lang ang bayaran mo. Nakakatuwa lang talaga noon. Okay pa ang mga tambutso ng mga jeepney, bus at iba pang sasakyan, sa madaling salita wala pang smoke-belching. Di ka tulad ngayon talamak ang itim na usok sa kalsada wala nang  pakealamanan kung malanghap mo yan, umubo ka na lang at bahala ka sa buhay mo.

Naalala  ko pang ang aming field trip noon na binisita namin ang pagawaan ng Sarao Jeepney Motors sa may Las Pinas, kung saan ipinakita sa amin ang iba't-ibang disenyo ng sariling atin na jeepney. Magaganda, magagara at makukulay libreng sakay na may picture-picture ang naging kaganapan. Kung uso na nga lang ang selfie noon malamang maraming nakapag selfie. Pero buti na lang hindi. 

Kung meron akong lubos na ikasasaya na sasakyang pampasahero ay itong sasakyan na kulay asul, may guhit na puti, may mga disenyong pusong kulay pink at may malaking puso na kulay pula at mula sa pusong iyon ay nakatatak ang salitang "Love Bus" sa isang puso naman na kulay dilaw ang nakasulat sa loob ng pusong iyon ay "Save Gas."

Mike Pedero - "Love Bus" <3



Paano nga ba naging espesyal ang Love Bus noong dekada 80's?

Naging kilala ang Love Bus dahil  na  rin sa kagandahan ng kanilang serbisyo ang Metro Manila Transit Corporation o MMTC, ito na ata ang pinaka disiplinadong bus company  noon. Ipinanganak ang Love Bus sa rehimeng Marcos kung saan sa ilalim ng Martial Law pumapasada ang bus na ito. Para sa mananakay napaka-cool ng bus at napaka risonable na rin ng pamasahe sa halagang P2.50 sa rutang Ali Mall-Escolta-Ayala. Isa sa pinaka unang bus na nagbigay lamig sa  mga pasahero. Air  conditioned class sa halagang P2.50? san ka pa   toohl? Maraming nabighani sa bus na ito lalo na yung mga Nanay at Tatay natin dahil karamihan daw ng sumasakay sa Love Bus ay  mga magsising-irog sa upong pandalawahan lamang. Napakalinis daw ng bus na ito, maluwang ang loob at ang mga tugtugan ay mga mellow tunes sa built-in na stereo speakers. Iba daw talaga ang aura sa Love bus, ramdam mo ang pagka-relax dahil ang ilan galing nga sa kani-kanilang trabaho. Actually meron theme song ang bus na ito sila lang ang meron niyan tohl! 

Pero katulad nga ng kasabihan ng mga jejemon na netizens "walang forever", kaya ang Love Bus bigla na lang nawala sa kawalan pati yung mga double decker na umiikot sa Maynila at Luneta ay bigla na lamang naglaho ng lumaon ang panahon. Yung bus na disiplinado at kumportable ang mga tao ay napalitan na ng mga bus na ang driver ay mga beast  mode, sobrang kakapal ng usok na tambutso at dadalhin ka sa hukay kung magpatakbo, hindi ba ambulansiya ang nasakyan ko sa  tuwing maluwang ang kalsada? May theme song din ang mga bus sa kasalukuyan, ito yung kanta ng AC/DC na "Highway to Hell". 

Wala kang choice kung ayaw mo sa MRT (Mamamatay Rin Tayo) na palalakarin ka sa riles ng tren kapag nasira, eh di mag-bus ka o kaya magrekwes ka ng seat-belt. 



Martes, Agosto 18, 2015

BDAY Feels: Isang Pasasalamat

'Kahapon lamang sanggol pa ako,  ngayon kumikirot na ang mga tuhod ko'

Birthday mo toohl?  oh ilang taon ka na?

La Punyeta!

Itong tanong na ito sa tuwing kaarawan mo ay maikukumpara sa pagbati sa'yo ng "uy, tumataba ka ngayon ah" ng isang kaibigan. Puwede wala na lang tanungan ng numero? Itataya mo ba sa lotto? Okay na ko wag mo na lang tanungin, pero sige sasagutin kita. 21!

Sa totoo lang  ako talaga yung taong may birthday blues. Ayoko kasi yung taong ayaw ng birthday, kahit anong okasyon ang icelebrate natin na kasama mo ako okay lang,  kahit pa Halloween yan o Araw ng mga Patay sasamahan kita, o kahit Flores de Mayo ng mga bakla okay lang 'tol kasama  mo ako, wag lang talaga i-selebra ang sarili kong birthday.

Pagsampa ng Agosto, sa tuwing papalapit na ang aking kaarawan sumasakit ang ulo ko, sinabi ko na ito minsan sa isang post sa aking blog,  sa tuwing malapit na ang disi-otso ng Agosto ay ang tangi kong nasa isip ay Gilette Ruby, hindi dahil gusto kong mag-ahit pogi, kung di dahil gusto kong maglaslas ng pulso pa-lengthwise (para di gaanong masakit, at para walang tamaang-ugat), o di kaya ay mag Russian  Roulette, o tumawid bigla sa highway habang humaharurot ang isang ten wheeler truck. Ayaw na ayaw ko makakakita ng cake, ispageti, karbonara,ham,bacon at ice-cream na Hagen Daz. Pero di naman talaga ko nakakakita niyan kasi wala naman talaga akong pang-handa. At pinangigigilan ko rin ang mga kumakanta sa akin ng Happy Birthday, nakakapagpanting ng tenga. Gusto ko talaga pasakan ng bulak ang tenga ko, pero siyempre nakakahiya din sa effort nila ng pagkanta ng sintunadong Happy birthday to me. Eto pa isa, ayaw na ayaw kong makakakita ng nakakairitang mascot. Ayoko si Jollibee, dahil mukang spoiled brat ang gago, ayaw ko si McDonald dahil gaya gaya ng make up sa idol kong si Joker, ayaw ko rin yung hayup na dinosaur na yan na kulay ube, san ka nakakita ng dinosaur na kumekendeng kendeng at ginagaya ng mga batang lalake  na paglaki eh nagiging kulay ube na rin. Hah! di bale ilang oras na lang at matatapos na  rin ang kahibangang ito.




Dapat Happy death day to you, eh paano ba naman habang nadadagdagan ang edad mo mas lalo kang itinutulak sa hukay, hindi ka man ma-deads sa sakit, murder, accident o kung ano man sa katandaan ka na matetegi. Tignan mo ah:

EDAD = DEAD (tegi bells x_x)

Kung puwede lang maging ako si Benjamin Button na pabalik kung magbirthday okay lang, kantahan mo ko ng happy birthday buong taon okay lang, ngingiti talaga ko sa mga galawan ni Jollibee habang inuuto niya ang mga bata sa mga istilo niya na pagpapatawa, wala akong magiging problema kay Barney and friends. Pero hindi ako yun, kasi nga curious case nga lang at madalang. Pero ano kaya bumalik din kaya sa kuweba ng nanay niya. Ay, wag na lang kung ganon, ayaw  ko nang maging si Benjamin BUTT on! Di bale na.

Ano nga ba talaga yung tinatawag na Kaarawan?

"Araw ko ngayon eh", uyyy mars, may dalaw ka? meron ka ngayon? "Tanga, hindi yun ibig kong sabihin birthday ko ngayon!"

"Ay ganun pala, eh ilang taon ka na?"

Punyetaaaaaaaaaaa eto na naman! 

Pag ang tao daw ay isinilang sa mundong ito.....doon nagsisimula ang kanyang kaarawan. Napaka dangal ng lumikha, pasalamat tayo sa Buong Maykapal na tayo'y pinagbigyan ng buhay para tumira sa mundong ito na maki baka sa ano mang klase na buhay ang meron tayo.

Sa tuwing unang taon ng ating kaarawan, mayaman man o mahirap, ang mga magulang natin lalo na ang mga Nanay natin  ang nagdala sa atin dito sa mundo ng siyam na buwan. Siya ang nagpunyaging maghanda para sa kanyang anak.

Unang taon! ikaw  tanong ko sa'yo tanda mo na ba kung anong ginagawa mo noong unang taon mo sa Plaent Earth? Malamang panay iyak ka lang o di kaya ay laging hinihele ni nanay sa duyan. Ako  ni hindi ko maalala ang mga unang araw na iyon lalo na kung wala  tayong larawan na nakapaskel sa mga album. Ang mga larawan ang nagmimistulang timeline ng ating paglaki. Pustahan tayo may mga ganyang kang project noong highschool o kolehiyo sa Sociology na kailangan mangumpleto ng larawan simula fetus ka pa lang hanggang pa-graduate mo ng hayskul. Meron di ba? Masayang balikan ang mga album na larawan dahil maraming alaala at etong darating na Huwebes, siguradong may mga ipopost na naman tayo kasi Throwback Thursday na naman.

Lahat ata sa mundong ito ay nakagawian ng humanda pag araw ng kaarawan, tayong mga Pilipino ay may kanya kanyang bansag o kwento kapag dinadaos ang ating araw (Birthday). Meron diyan isang buwan pa lang bago dumating ang kaarawan ay naka plano na kung anong lulutuin, kung sino sino ang dadalo, kung saan idadaos, an ong susuutin, at marami pang dapat isakatuparan. Lahat ng iyan ay kung may pera ang mga magulang. Meron din naman na ipangungutang pa ng magulang ang pagdiwang ng kaarawan, at dahil na  rin kasi na tradisyon na sa at ing mga Pilipino ang idaos taon taon ang kaarawan.

Gusto ko ay simpleng pamamaraan lamang, kaunting handa, magsimba at magtirik ng kandila at magpasalamat sa lahat  ng biyayang natatanggap sa loob ng kung ilang taon ka nang nabubuhay sa mundo. Hindi ko kailangan ng magarang damit, maraming pagkain na kapag hindi naubos ay itatapon at itatambak na lamang sa basura o di kaya ay makatanggap ng mamahaling regalo. Kung regalo man yan ay mapalad na akong mayroong erpats at ermats na nagturo sa aking ng pinakamamahaling regalo na hindi matutumbasan ng kung ano man. Ang mga gintong-aral na mas gold  pa sa Gold Extreme at Global Intergold na mga lecheng networking na yan. Hindi ko naman sinasabi na perpekto akong matino, pero sapat na sa aking ang mga tools ng kagandahang aral  na iniwan ni erpats para ako'y hindi maging salot ng lipunan.

Pero eto na nga, meron lamang sapat na handa, wala akong programa para ipagdiwang ang birthday  ko. Ganon pa man,   kahit siguro sa pinaka-payak na dahilan ay naging makabuluhan ang araw na ito para sa akin. Naging masaya ang aking kaarawan dahil sa mga bumati sa akin sa pamamagitan ng text, tawag, comment sa blog, twitter at syempre sa facebook. Nakakatuwa lang dahil kahit mga hindi ko personal na kilala ay bumati rin. At nagpapasalamat ako sa mga kontribusyon nila para maipalaganap ko ang blog na ito.

At dahil sa sobrang kagalakan ko a y minarapat kong ilagay at ipangalandakan lahat ng pangalan ng mga bumati sa akin. Maraming salamat muli:


Jessie Castillo Garcia 
Nadine Kristine De Leon
Gio Nello Balba
Arci Lemi
Sir Santi Pido
Danna Domingo
Maricar Artoza
Maianne Azalea Creencia
Clarise Punzalan
Philip Emmanuel Abrazado
Denz Bulatao
Maureen Constantino
Camille Revillame Aure
Ysha Trisalbon
Sir Lodel Millo
Geraldine Escario
Gee Purificare
Joy Nino Sarmiento
Aileen Onda
JM Alonzo
Jacq Jarin
Arjay Legaspi
Aron Hinanay
Mischelle Bianca Zamudio
Elvin Manuel
TL Shei Carena
Lourdes Pacis
Princess De Castro
Ludie Lyn Ibarra
Thet Alcodia
Ericson Julian
Sharmaine Baile
Janelle Miranda
Sir Rey Javier
Francis Saria
Dyigs Diego
Cris Taping
Lordjei Valgius
Tropang Metal
Earl Angelo Chua
Jhec Villanueva
Henric Floranda
Charilou Faldas
Lorena Robles
Shierwin Magcalas
Sir Romeo Parcero
Jehlaii Lingo
Wymark Gerodias
Matchbox Aquino
John Carlo Miranda
Glenn Santiago
Kyle Cristobal
Cathleen De Ere Barzaga
Dih Ambagan
Ken Munar
Michael Planas
Camille Villanueva
Ron Surbano
Belle Osorio
Yhanna Asoque
Katrina Nina Yap
Hazelle Madarang
Hannah Alcantara
MJ Custodio
Celine Jasmine Ohoy
Toni Claudio
TL Catherine Sto Domingo
Team Jukely
TL Philamie Castillo
Camille Trasmonte
Angela Carola
Mak Villaruel
Kenneth Camerino
Irvin Flores
Jose Louis Cesista
Alyssa Vergara
Chris Ann Penaranda
Abegail Manalastas
John Veil Raz
Jorene Abagon
Eljhay Escano
Mam Joy Penecilla
Team Homejoy

Muli, ako ay nagpapasalamat sa lahat ng bumati at nagbigay ng halaga sa aking kaarawan. 

Maraming Salamat  po! \m/








Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads