Kung ang akala mo ito ay tungkol sa basketball, FIBA World Cup o Gilas Pilipinas ay nagkakamali ka. Inuunahan na kita para hindi ka madismaya. Ang pusong tinutukoy dito ay ang puso ng nagsusulat, ang puso ng may akda ng mga letrang ito. Pero bakit nga ba kailangang ipaglaban ang pusong ito at ano ang ipinaglalaban ng puso kong ito? Sabi nga ng idol mong si Donna Cruz noong dekada nobenta sa isang kanta, kapag tumibok ang puso, wala ka nang magagawa kungdi sundin ito. Tama siya, hangga't ang puso mo ay may interaksiyon pa sa iyong katawan ay kailangan mong sundin kung ano ang ninanais nito, lalong lalo na kung ang tinitibok nito ay tungkol sa pag ibig. Wala akong pag ibig, at minsang nasabi ko na rin na wala akong romantic DNA sa katawan. Pero ung DNA na magkakaroon ako ng crush at paghanga sa ibang babae, milyun milyon meron ako niyan. Tila ata hanggang duon lang ang secretion ng ganitong type ng DNA sa katawan ko. Pero paano kung isang araw ay hindi na naulinigan ang tibok ng pusong ito? Paano kung tumibok man pero hindi na normal at wala nang kapasidad ang puso na daluyan ng dugo at hangin para huminga sa kahang ito? Ayokong maging madrama, wala sa salinlahi ko ang maging maramdamin ang iba ay nanonood lamang ng mga telenobela pero hanggang duon lang ang pag-agos ng mga luha nila. Naniniwala naman ako at ng aking panulat ay hindi basta basta mababakli sa isang pagsubok na ibinigay ng lumikha. Marami pa tayong paguusapan at patsitsismisan sa blogosperyong ito.
Naisip ko na ang pagkain nga ang magpapalakas at magpapalusog sa isang tao, ngunit ang pagkain din pala minsan ang ikakamatay ng isang tao. Nasusuklam sa sarili dahil ngayon ay pinagtatawanan ako ng mga french fries na kinain ko, umaalingawngaw ang halakhak ng kolesterol ng mga bacon, sisig, chicharon, taba, karne ng baboy, baka at ng iba pang mga pagkain na nililok sa mantika. Ang panaginip na malunod sa softdrinks, iced tea at kung anu-ano pa ng inumin na mataas ang volume ng asukal. Ang lahat ng yan ay pawang masasarap na pagkain ngunit ngayon ay bangungot para sa akin. Nagtagumpay sila at sama sama nilang inangkin ang puso ko, ngunit napakahirap magpupumiglas dahil nasasakal ang puso ko at tuluyang nahihirapan sa pagdaloy ng hanging para huminga. Tila hostage ako sa araw araw, susundin ko ang mga payo niyo ngunit wala lang trayduran ng puso.
Ilan sa mga unforgettable moments ko ay ang mag push up ng pagkaraming beses na naka-angat ang paa, umakyat bumaba ng hagdan nang mahigit isang oras at ang mag jogging ng mabilis palayo sa tumatahol na aso para lamang lumiit ang halimaw na tiyan na ito. Para pa lang hihimatayin ka na aatakihin sa puso ang pakiramdam.
Pero dati naman talaga, nung panahon ng Kolehiyo hindi ganito sanay akong tumakbo at maganda ang aking pangangatawan, natigil lang talaga ang mga dating gawi sa umaga at mga ehersisyo simula ng magka-trabaho mula duon nagpa-alipin na sa mga kolesterol at softdrinks.
Ngayon di rin talagang naiwasang malungkot dahil biglang nagbago ang dating gawi. Natigil ang pagbibisikleta dahil kaunting padyak pa lamang ay kinakapos na sa hininga. Namimis ko na si Blue Blink at paniguradong mis na rin ako ni Blue blink dahil unti unti na siyang nangangalawang. Di rin maiwasan ang pagka mis sa mga aso at pusang gala sa madaling araw na binibigyan namin ng dalang Adobong pagkain. Naglaho na rin paunti unti ang paglalaro ng basketball at ang dapat na laro ko na lang daw eh iyong naka upo na lang, ano chess? sudoku? magsagot ng crossword puzzle sa Remate? mag connect the dots sa entertainment page ng Manila Bulletin? o magdampa kasama ang mga batang hamog dito sa lugar namin? :'( Napalungkot na ata ng buhay kong ito. Ganito pala yung sinasabi nilang "my life change in a blink of an eye."
Ang hirap tanggapin na ikaw yung breadwinner ng diabetes at sakit sa puso sa pamilya niyo eh noh. Ang hirap ng ganitong lahi yung akala mo malusog ka dahil di mo naman talaga expected yung ganitong sakit eh, pero dahil mana mana lang ikaw daw yung magpapasa nun. So eto, carrying the torch left by my Father. Hirap din maging lalake dahil prone ka sa mga ganitong sakit. Mas matindi pa nga ata ako sa isang drug addict dahil 5 gamot na matataas ang dosage ang tinitira ko sa araw-araw. Sana pag nanalo na si Duterte eh magaling na ako at baka pagkamalan niyang adik ako sa gamot na tinitake ko sa araw-araw. Pero wala ka nang magagawa kailangan na lang sundin si Doktora (background song "How to Save a Life") kailangang wag matempt sa mga kinakain ko before kahit pa naglalaway na ko sa isang patak ng softdrinks na ito. Ang wika niya, "wala kang ibang iinumin kung di tubig, bawal ang karne ng baka at baboy at kahit anong mamantikang pagkain, may diabetes ka na at ang tanging lunas na lamang ay pababain ang sugar mo at totoo ring may bara ka sa puso kaya ka nahihirapan at kinakapos ng paghinga." Para talaga akong binuhusan ng malamig na tubig sa mga nabanggit ni doktora. At ngayon limitado na ang galawang hokage ko, bawal mapagod. Dahil para na ako ngayong bomba, a ticking timebomb di alam kung kelan sasabog. I have a body of a 35 years old but my heart is functioning like 70 years old. Alam kong hindi ito God's will dahil ako mismo ang nagpabaya sa sarili ko. Wala ka ngang yosi at alak, pero pabaya ka naman sa katawan ay halos quits lang din ng nagyoyosi at umiinom ng alak. Oo ako na nga siguro ang Ubas, ang nagsusulat ang ubas, ang ubas na sa panlabas ay akala mo ay walang problema sa katawan, ang ubas na healthy, ang ubas na walang bisyo ngunit........... ako rin pala ang ubas na may cyanide sa katawang ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento