'Na-holdap ka na ba ng............... |
Sa isang lugar sa may Balut,Tondo ay may isang jeep na isang ubo ng tambutso na lang at magkakalasan na ang mga makina. Mabagal ang oras at kakarag karag ang jeep na kanyang sinasakyan. Sinilip niya ang oras sa ilalim ng kanyang itim na leather jacket, 2:15 A.M. Parang di lang ang drayber ang inaantok at lahat ata ng nakasakay sa jeep na iyon ay antok na antok na dahil ang lahat ay galing sa trabaho at ang iba marahil ay galing sa mga gimik. Desidido na siya sa maitim niyang balak. Buo na ang loob niya na hoholdapin na niya ang mga pasahero sa jeep na kanyang sinasakyan. Junior holdaper, o rookie pa lamang si ya sa ganitong gawain. Ayaw niya sana, ngunit tadhana ata ang nagtulak sa kanya upang gawin niya ang bagay na ito.
Tumatakbo ang isip niya, mga tatlo o hanggang limang jeep lang siguro, maipapagamot na niya ang kanyang sarili. Matagal na rin siyang naghihintay na may tumulong sa kanya. Kung bata pa sana siya ay baka may maawa pa sa kanya, ngunit ngayong may edad na siya, sa halip na kaawaan siya ang sukli ng bawat makakakita sa kanya ay pagtatawanan, panlalait at panloloko. At sa pag-iisip na yun dun siya nakumbinsi na gagawin na niya talaga, wala ng urungan. Bahala na si Batman!
Marami-rami ang sakay, anim na babae. Dalawang lalaki. Tatlong bata. Apat na matanda. Inaantok na ang mga bata. Papikit-pikit na ang mga mata nila. Habang nagkukuwentuhan naman ang mga babae ang tatlo ay naka uniporme ng pang-nurse, ang dalawa naman ay naka-sibilyan at ang isa ay dalaga. May dalawang lalaki nga pero buto't balat naman ang mga pangangatawan. Mukhang di papalag, mukhang di lalaban. Ang isa mukha pang paminta. Ang apat na matanda naman ay mga senior citizen.
Inihanda na niya ang baril na natatago sa kanyang nakapal na leather jacket na nakasukbit sa maong na pantalon. Sa ilalim ng pusod na natatakpan rin ng kanyang itim na tshirt na may logo na "Punks Not Dead".
Walang anu-ano'y...............
"WANAN TITITAW, HOLNAP ITOH!!!" Preno ang dayber. Huminto ang jeep. Napatingin ang lahat ng taong nakasakay sa jeep sa kanya. Pinagmasdan siya. Sabay-sabay na nagtawanan ang mga pasahero.
Mabilis siyang bumaba. Tumakbo siya ng tumakbo ng tumakbo, papalayo sa jeep na ito habang lumuluha.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento