Biyernes, Setyembre 5, 2025

Toy Soldiers

'They gave me a machine gun, but I don't wanna hurt no one'

Sa bawat sulok ng mundo ngayon ay may kaguluhang nagaganap at maraming sibilyan at inosente ang naiipit sa kanya-kanyang hidwaan ng magkabilang panig—mga digmaang nagsisindi ng luha at dugo sa iba’t ibang bayan. Sa Ukraine at Russia, patuloy ang pagbagsak ng bomba na tila ulan ng bakal, winawasak ang mga tahanan at kinabukasan ng milyun-milyong inosente. Sa Palestine at Israel, bawat putok ng baril ay kumikitil hindi lamang ng buhay kundi ng pag-asa ng mga batang dapat sana’y naglalaro sa lansangan. Sa Sudan, nagiging abo ang mga pangarap dahil sa digmaang sibil na walang tigil, habang sa Myanmar ay dinudurog ng diktadura at karahasan ang tinig ng mga mamamayan. Sa Syria, halos isang dekada nang tinutudla ang lupaing dati’y puno ng kasaysayan at kultura, ngayo’y tinatakpan ng abo at alikabok ng kaguluhan. At sa Democratic Republic of Congo, matagal nang sinasakal ng digmaan ang yaman ng kalikasan at ng kanyang mga tao, pinipilit silang mabuhay sa gitna ng walang katapusang alitan. At hindi lamang sila—marami pang bansa ang dumaraing, mga tinig na natatabunan ng ingay ng kanyon. Ito ang mukha ng ating panahon: isang mundo na sa halip na maghilom ay patuloy na nahahati, at sa gitna ng lahat ng ito, ang tunay na talo ay hindi ang mga sundalo lamang, kundi ang mga bata, kababaihan, at pamilyang ordinaryong naiipit sa giyerang hindi naman kanila.

War has always been painted as glory, as honor, as a necessary evil to secure peace, but if we peel away the banners, the uniforms, the speeches of leaders, what remains is the quiet truth: no one wins in war. Sa bawat putok ng baril ay may ina na nawawalan ng anak, may pamilya na binabasag, may lupaing nakakapitan ng dugo. Soldiers march not for themselves but for the commands of powers who sit comfortably far from the battlefield, men in suits deciding which lives are worth sacrificing, crafting illusions of patriotism while the ordinary people bleed. Ang mga sundalo, kabataan, manggagawa, magsasaka—sila ang isinusugo, sila ang nagiging bala ng giyera na hindi nila pinili. They are made to believe that they are fighting for their country, but in truth, they are pawns in someone else’s chessboard, manipulated to clash with brothers and sisters they might have shared bread with in another life. Ang totoo, ang digmaan ay negosyo, larong politikal, isang madilim na sayaw ng kapangyarihan na ang bayad ay buhay ng mga inosente. And when the smoke clears, what remains is not victory but silence, ruins, and the grief that outlives generations. Let us not be fooled into thinking there is triumph in war; only the powerful win while the powerless are buried. Kaya’t paalala ito: huwag nating hayaang ipaglaban ng dugo ng mga tao ang laban na hindi kanila. This war, any war, is never the people’s war—it is the war of a few, paid for by the many. And when history turns its pages, may we remember that peace can never be built upon the bones of the voiceless.

I'm the author of this blog, and if you know, I've always been sentimental about these happenings all over the world, and what makes me write more is when I hear a song connected to these current world events. This song gives me the right energy to write what's in my head saying that we are all victims in any kinds of war and all those powerful individuals, sila lamang ang nakikinabang sa salpukang pulitikal at walang tigil na nilolooban ang mga utak ng kanilang mga sundalo tungkol naman sa pagiging patriotic. That is all false patriotism, indeed. 

Badflower - Machine Gun

Badflower’s haunting song “Machine Gun” echoes like a cry from the trenches, a reminder that when weapons speak, it is never just the soldiers who bleed. The sound of gunfire does not only tear through the air—it pierces the lullabies of children, silences the laughter of women, and scatters the cries of animals who know no politics, no borders, no cause to kill for. Sa bawat pagpindot ng gatilyo, hindi lamang bala ang lumalabas kundi ang hinaharap ng mga inosente, winawasak ng digmaang wala namang tunay na kahihinatnan. 

Ang kantang “Machine Gun” ng Badflower ay tila hiyaw ng manunulat ng kanta at ang bokalistang si Josh Katz tungkol sa walang saysay na putukan. Sa bawat liriko, maririnig ang bigat ng kalooban, ang pagkawasak ng tao sa kamay ng kapangyarihang gumagamit ng dugo bilang puhunan. Para itong salamin ng digmaan—hindi lamang tunog ng bala ang maririnig kundi ang pagguho ng inosenteng pangarap, ang tinig ng mga bata na natututo ng takot kaysa ng pag-ibig, ang mga yakap ng ina na nauuwi sa pagluluksa. Ang machine gun dito ay hindi lang armas—ito’y simbolo ng paulit-ulit na siklo ng karahasan na nilikha at pinananatili ng iilang makapangyarihan, habang ang masa ay ginagawang mga pawn na tila wala nang sariling boses.

Paano titigil ang mga digmaan? Titigil lamang sila kung matututo tayong kilalanin na ang kalaban ay hindi kapwa tao, kundi ang kasakiman at ambisyon na nagtatakip sa anyo ng ideolohiya. Kailangan ng pagkakaisa ng mga tao, ng lakas ng kolektibong tinig na magsasabing: “Hindi namin laban ito.” Kapag tumanggi na tayong magpagamit, kapag pinili nating magtanim kaysa pumatay, maghilom kaysa maghiganti, at mag-usap kaysa magbato ng bala—saka lamang malulunod ng kapayapaan ang tunog ng mga baril.

Sabado, Agosto 30, 2025

Bagyong Korapsiyon sa Flood Conrol Program

 


This sparks our anger to write

Bahagya muna natin iiwan ang mga nostalgia writing upang bigyang daan ang issue sa korapsiyon. Minsan lamang tayo magsulat ng mga ganitong post tungkol sa pulitika pero dahil nagkakaroon na ng mini revolution sa mundo ng social media tungkol flood control program na kinukurakot ng mga walang halang na bituka ng mga contracor at pulitiko nais kong isulat ang aking mga hinaing at galit. Nagkataon pang may nakita akong video ng isang lolo na naghahanapbuhay lamang ngunit kinuha ang kanyang kariton kung saan naroon ang kanyang kabuhayan. Mas lalong nagdingas ang aking layunin na magsulat tungkol dito. At sa ganitong paraan mas marami sanang makabasa at malaman ang totoong estado ng bansa sa kasalukuyan, 

Para sa akin indi siya nagbabanat ng buto para sa kayamanan, kundi para sa hapag-kainan. Sa isang kariton na de-kalawang, nakalambitin ang pag-asa ng isang pamilya. Doon siya kumakapit— ang kanyang kabuhayan, sa kanyang mga inilalakong laruan, at kung anu-ano pa sa araw-araw Hindi mo nga alam kung magkano lang kinikita ng matanda, bigla pa itong nahila ng mga pulis o mga tauhan ng mga MMDA. Sa video tuluyan nga itong nakumpiska habang nakikipaghilahan pa si lolo sa kanyang kariton ngunit mas marami ang mga taong tanggalan ng kabuhayan si lolo. Para bang ang kasalanan ay ang pagiging mahirap, at ang krimen ay ang magtangkang mabuhay sa sarili mong pawis.

Habang sa mga bulwagan ng kapangyarihan, milyon-milyon ang nilulustay na dapat sana’y pananggalang sa baha. Ang pondo ng flood control program—pumipintig na ugat sana ng bayan tuwing dumarating ang bagyo—naging ginto sa mga alahas, naging mamahaling bag na pang-instagram ng mga anak ng kontratista, naging alak sa baso ng kanilang magagarbong salu-salo. Sa bawat nilustay nilang piso, may isang bangka ng mahihirap na lulubog sa baha. Sa bawat mamahaling sapatos na binili nila, may isang lolo na nawalan ng kabuhayan.

Ganito ang larawan ng ating bansa—kung saan ang dukha’y pinaparusahan, at ang magnanakaw sa gobyerno’y pinararangalan. Walang bagyo ang kasing lupit ng sistemang ito. Sapagkat hindi ulan ang nagpapalubog sa atin, kundi ang kasakiman.

Ang pondo para sa flood control program—na dapat sana’y panangga sa baha, tagapagsalba ng buhay, at lunas sa hirap—naglalaho sa bulsa ng iilan. Hindi mo maririnig ang lagaslas ng tubig na malayang dumadaloy sa estero, kundi ang lagaslas ng salaping dumudulas sa mga kamay ng mga kontratista. Ang mga anak nila, naglalakbay sa Europa, nagpopose sa mga engrandeng kapehan at restaurant sa magagarang siyudad ng Europa, nagmamasid sa aurora ng ibang bansa—samantalang ang ating mga lolo ay pinagmamasdan lamang kung paano binabaklas ang kanilang tanging kabuhayan sa kalsada.

Gloc 9 - Upuan

Isang kariton laban sa isang milyon. Isang lolo laban sa isang dinastiya. Ganyan kabigat ang timbangan sa bansang sinakal ng sariling kasakiman. Kung gaano kabilis kumpiskahin ang isang maliit na hanapbuhay, ganoon kabagal ang pag-usad ng hustisya laban sa mga tiwaling kontratista. Ang bata sa kariton, gutom; ang anak ng opisyal, nagtatapon ng pagkain. Ang matanda sa lansangan, pagod; ang mga “princesa” ng proyekto, nagpapalit ng bag na kasing-halaga ng isang maliit na baryo.

At sino ang nagdurusa? Ang taong dapat sana’y binibigyan ng proteksyon. Ang bayan dapat na sana’y nakakaahon tuwing may malalakas na unos. Sa bawat baha, hindi lang tubig ang dumadaloy kundi galit ng sambayanan. Sapagkat ang pondo’y hindi naging pader laban sa delubyo, kundi naging tulay para sa mas marangyang pamumuhay ng iilan.

Ngunit kahit gaano kalakas ang hangin ng kanilang kapangyarihan, may bagyong hindi nila kayang pigilan—ang kapangyarihan ng pagsusulat. Katulad ng Ubas na may cyanide: maliit, tila payak, ngunit nakakayanang lasunin ang dambuhalang halimaw ng katiwalian. Ganyan ang panulat—mahina sa tingin, ngunit kayang tumagos sa buto ng lipunan. Sa simpleng stroke ng pluma, itinumba ni Dr. Jose Rizal ang dambuhalang imperyo ng mga Kastila. Walang baril, walang bala—tinta lamang ang kumitil sa kapalaluan ng mananakop.

At ngayon, sa harap ng mga kontratistang kurakot, sa mga anak nilang nagpapakasasa sa luho habang binabaha ang mga maralita, tayo’y muling tinatawagan ng panulat. Dapat nating ibunyag ang kanilang pangungurakot. Dapat nating ipamukha sa kanila na habang sila’y nagtatampisaw sa magagarbong pagkain at alak, ang bayan ay nalunod sa baha ng kanilang kasalanan. Walang dapat itago. Walang dapat palusutin.

Sa bawat salitang ating sinusulat, parang suntok sa kanilang trono. Sa bawat taludtod ng katotohanan, parang apoy na unti-unting sumusunog sa kanilang marangyang bahay na itinayo sa pandarambong. Huwag nating hayaang takpan ng kumikinang na alahas ang kanilang mga kamay, samantalang iyon ang parehong kamay na nagnakaw sa kaban ng bayan. Huwag nating hayaang ituring nilang normal ang pagbili ng mamahaling bag, samantalang sa lansangan ay may batang namamatay sa gutom.

Ang panulat ay hindi lamang tinta—ito’y sigaw ng bayan. Ito’y alaala ng ating mga ninuno, dugo ng mga bayani, at poot ng mga naiwang binaha ng kasakiman. Kung si Rizal ay kayang itumba ang Kastila sa isang aklat, kaya rin nating yanigin ang mga salot ng lipunan gamit ang ating mga salita.

At sa huli, ang kariton ng isang lolo ay hindi lamang kabuhayan—ito’y sagisag ng ating dangal. Sa bawat pagkumpiska rito, dapat tayong tumindig. Sapagkat ang tunay na baha ay hindi ulan—kundi ang walang habas na pagnanakaw ng iilan. At laban dito, panulat ang ating sandata.

Biyernes, Agosto 29, 2025

Lost in a Dream in Siargao

 

Step to the farthest side of my dream 

May mga pagkakataong nakatitig lang ako sa kisame at naririnig ang mahinang ugong ng bentilador, napapaisip ako: paano kaya kung bigla na lang akong mapadpad sa Siargao? Yes yung sikat na isla sa sariling bansa na lagi kong nakikita sa Instagram posts—puno ng niyog, may mga alon na humahampas sa mga surf board ng mga beginner surfers, at mga foreigner na magaganda't naka-bikini. Sabi ko sa sarili ko, “Ay, paano kung liparin ako ng aking panaginip at nasa baybayin na ng Cloud 9, nakatingin sa mga surfer na parang walang takot sa alon, habang ako’y pretty relaxing lang sa white sand ng islang ito ng Siargao. Pinapanood lang ang bawat galaw ng tao, ang mga tanawin at mga nagagandahang lahi sa iba't-ibang dako ng mundo. Ito na ata ang pinakamasayang pagdayo ko sa aking panaginip. Ayaw ko na atang magising. 

Habang iniisip ko ang lahat ng iyon, bigla akong dinagit ng imahinasyon ko. Nasa boardwalk na ako ng Cloud 9, habang ipinapakita ang mga perfect barrel waves. Ang hangin, may dalang halimuyak ng alat at konting drama ng dagat, tipong eksenang puwede mong ilagay sa pelikula. At ako naman, nakaupo lang, nagpapanggap na marunong sumakay ng surfboard kahit sa totoo lang, baka sa unang segundo pa lang ay humampas na ang mukha ko sa ilalim ng dagat. Kahit ngayong tag-ulan iniisip ko ang mga bagay na ito sapagkat wala nang mas gaganda pang panaginip kung hindi maligaw ka sa mga isla ng Pilipinas na talaga nga namang natutunan nang ibigin ng maraming dayuhan. Ito nga yung tinatawag nilang "Siargao curse". The Siargao curse is not actually a curse it is  where people who visit the island of Siargao find it difficult to leave, often staying longer than planned or returning permanently due to the island's magic, community, laid-back lifestyle, and breathtaking nature.

Lumipat ako sa Naked Island. Wala itong kahit anong drama. Walang puno, walang tindahan ng buko, walang kahit ano kundi buhangin lang at dagat na nag-aagaw ang kulay ng asul at turquoise sa tubig. Doon ko naisip, “Grabe, ganito pala ang tunay na minimalism.” Ang sarap umupo, humiga, at magpanggap na ako’y isang castaway na nagme-meditate habang ang totoo’y iniisip ko lang kung paano ko iinstagram ang ganda ng lugar dito sa panaginip habang hindi ko pala naisama ang aking cellphone sa mala-paraisong panaginip na to. 

Franco - Castaway

Pagkatapos, tumalon naman ako sa Sugba Lagoon. Napakaganda, parang pinitpit ng langit ang emerald na kulay at itinapon ako dito. Ang tubig, mala-kristal, at nakapaligid ang mga bundok na mistulang guwardiya ng kaluwalhatian ng lugar. May mga tumatalon mula sa diving board, sumisigaw bago tumalon, habang ako’y nagdadalawang-isip: “Kung sakaling bumagsak ako nang awkward, may chance kaya na isipin nilang freestyle dive iyon?” Pero siyempre, sa imahinasyon, laging maganda ang bagsak. Pero hindi ko gagawin yun, hindi ako tatalon baka bigla na lang akong magising sa panaginip kong ito. Ayaw ko pang umalis. 

At hindi pwedeng makalimutan ang Magpupungko Rock Pools. Aba, para itong infinity pool na gawa ng kalikasan, hindi ng mga contractor na naniningil ng milyones at magtatago sa sariling bulsa na galing sa kaban ng bayan. Malinaw ang tubig, kita mo ang bawat galaw ng isda, ang maliliit na hipon at alimango na parang may reality show sa ilalim.

Habang naglalakad ako sa mga daan ng Siargao, nakapila ang mga puno ng niyog sa mapayapang daan. Lahat ng tao, chill. Walang nagmamadali. Walang pakialamanan sa isa't-isa. At ang bawat kanto, may tindang buko juice na parang sinadyang ilagay doon para sa mga gustong magpalamig. 

At bigla, bago ko namalayang tuluyan nang nahulog ang puso ko sa isla, dumilat ako. Bumalik ang tingin ko sa kisame. Ang bentilador, umiikot pa rin. Ang alon? Wala. Ang niyog? Wala na rin. Pero sa isip at sa puso ko, ang Siargao ay para bang hindi na lang basta isla—isa na siyang alamat na hindi ko pa nararanasan, pero ramdam na ramdam ko na. At sa susunod, kung papalarin ay hindi na lang siya mamumuhay sa aking mga panaginip. 

Miyerkules, Agosto 27, 2025

Ligalig ng mga Alaala

 

'May isang gabing may ligalig ang mga alaala'

Habang nakahiga ako sa kama, nakatitig sa mga bitak ng kisame na puno ng bakas ng mga lumang araw, hindi ko maiwasang balikan ang bigat at gaan ng mga alaala. May mga gabing kagaya nito na ang simpleng tunog ng gitara, ang malamlam na tinig ng bandang Paper Kites sa kantang "Bloom" ay tila nagiging susi upang mabuksan ang baul ng mga naipong sugat at ngiti. Ang bawat himig ay parang bulong ng mga bagay na hindi ko nasabi, at ng mga tanong na nanatiling nakabitin sa pagitan ng ating mga katahimikan.

Napaisip ako kung bakit ganoon kalakas ang kapangyarihan ng isang alaala. Paano ang isang ngiti, isang salita, o kahit isang tingin lamang ay nag-iiwan ng bakas na parang nakaukit na sa balat? Hindi ito agad nabubura, at kahit lumipas na ang mga taon, may mga araw na biglang babalik—parang hangin mula sa dagat na may dalang alat at lamig, sumasagi sa aking mga balat, humahaplos, pero minsan ay humihiwa rin.

Naalala ko pa ang gabing huli kitang nakita—hindi dahil malakas ang ulan, o dahil puno ng mga ilaw ang paligid, kundi dahil ramdam ko ang bigat ng isang pamamaalam na hindi binigkas ng mga labi. Ang mga mata mo ang nagsabi ng lahat, at ako, nagkunwari na lang na hindi ko naramdaman ang unti-unting pagbagsak ng mundo ko. Siguro ganoon talaga, may mga taong dumadaan lang upang ipaalala na kaya nating magmahal nang totoo, kahit wala sa hulihan ang kasiguraduhan. Ang ingay ng gabing iyon sa pagtapon ng ating mga toga sa kalawakan ay nagmistulang katahimikan pa rin para sa akin. Bakit nga ba? Bakit nga ba hindi kita kinilala?

At ngayong hawak ko itong lumang artikulo, parang muli kong narinig ang sarili kong mga pangako noon—mga pangakong hindi natupad, mga pangarap na iniwan sa pagitan ng mga pahina ng ating kasaysayan. Ngunit marahil, ganoon talaga ang buhay: hindi lahat ng tao ay mananatili, ngunit lahat sila ay may dala-dalang aral at kirot na magtutulak sa atin para maging ibang bersyon ng ating sarili.

Matutulog na lang muna ako, ngunit bago ko ipikit ang aking mga mata, umaasa akong bukas, sa pagbangon, ay mas magaang na ang dibdib. Sapagkat kahit gaano kabigat ang mga alaala, may araw din na matututunan kong yakapin sila hindi bilang sugat, kundi bilang patunay na minsan, may dumaan sa aking mundo na nagbago sa takbo ng aking puso.

At habang unti-unti nang lumalabo ang ilaw ng lampara sa tabi ng kama at patapos na rin ang kanta, parang ganoon din ang pagkalabo ng alaala ng mukha mo—hindi ko na maalala kung ganoon pa rin ba ang kurba ng iyong labi kapag ngumiti, ang singkit ng iyong mga mata sa tuwing magpapakita ang iyong mga ngiti, o baka naman binabago na ng panahon ang anyo ng lahat. Ngunit ang hindi nabubura ay ang pakiramdam, ang bigat ng dibdib na ngayo’y natutong mamuhay na lamang na may bahid ng iyong mga alaala.

The Paper Kites - Bloom

May kakaibang lungkot ang mga gabing tahimik sa tuwing nagpaflashback ang mga panahong dapat ay nakilala kita. Sa bawat tunog ng electric fan, sa bawat paglipas ng segundo, para bang inaapuhap ko ang mga sagot sa mga tanong na hindi kailanman nasagot. Kung babalikan ko, siguro hindi rin natin kailangan ng dahilan para matapos—dahil may mga kwento talagang isinulat lang upang magsimula, hindi upang matapos. Parang isang kanta na hindi kailanman tinapos ang huling linya, nakabitin, bitin, at doon sa bitin na iyon naroon ang pinakamatamis na sakit.At mararamdaman ang mga pagsisisi sa salitang "sana". 

Sa paglipas ng mga taon, natutunan ko ring hindi lahat ng sugat kailangang gamutin. May mga sugat na sadyang mananatili, hindi upang pahirapan tayo, kundi upang ipaalala na minsan, tunay tayong nabuhay—na minsan, may isang taong dumating at binago ang tibok ng ating puso. Ang alaala ay parang tinta sa papel na kahit anong bura, may bakas pa ring naiiwan. Ganoon din siguro ang mga tao: may ilan na maglalaho, ngunit may ilang pangalan at mukha na itatala ng ating kaluluwa na parang lihim na kasulatan na hindi kailanman mawawala.

At kung sakali man na dumating ang araw na muli kong maramdaman ang ganoong klase ng pagmamahal, alam kong hindi na iyon magiging katulad ng dati. Dahil minsan na akong binaha ng isang bagyo ng alaala, at ang iniwan nitong pagkawasak ay nagturo sa akin kung paanong muling tumindig. Ang totoo, hindi ko na hihilingin na bumalik ang mga nawala—sapagkat ang mahalaga, nadama ko, at natutunan kong ang bawat tao ay may kanya-kanyang panahon sa ating mga buhay.

Ngayon, habang isinusulat ko ito, ramdam ko ang bigat ng mga matang gusto nang ipikit. Marahil bukas, sa paggising ko, ang lahat ng ito’y magiging mas magaan. Ang lahat ng alaala ay magiging tila panaginip na lamang, at ako, muling haharap sa araw na may pag-asang kahit saan ako dalhin ng tadhana, may bago na namang liwanag na magpapaalala kung bakit kailangang magpatuloy.

Martes, Agosto 26, 2025

National Bookstore: Ang Huling Kanlungan ng mga Pahina?


Kamusta na nga ba ang totoong kalagayan ng National Bookstore ngayong digital na ang pagbabasa?

May kakaibang bango ang papel na hindi kayang pantayan ng amoy ng cellphone na umiinit sa matagal na paggamit. May himig ang pagbuklat ng pahina—isang tunog na wari’y huni ng nakaraan, alaala ng pagkabata, at pangakong may matututuhan pa sa susunod na kabanata. At sa Pilipinas, kung may pangalan na agad pumapasok sa isip kapag iniisip natin ang mga aklat at papel, iisa lamang iyon—National Book Store.

When I was a little kid, the mall was never just about ice cream parlors, video arcades, or Sunday window shopping. For me, it was the glowing red and white sign of National Bookstore that always caught my eyes, like a lighthouse guiding me to a place where my imagination could rest and wander. Hindi ko malilimutan ang mga pagkakataon na habang hinihintay ko ang aking mga magulang matapos silang mamili, pumupuwesto ako sa gilid ng estante, dumudukot ng isang libro, at nagbabasa ng ilang pahina na kaya lang ubusin ng limitado kong oras. Hindi ko pa kaya noon bumili ng lahat ng gusto kong basahin, pero sapat na ang ilang minutong iyon upang maramdaman kong lumalawak ang aking mundo. Sa bawat bukas ng libro, parang naglalakbay ako sa pagitan ng mga ideya, at katotohanan ng buhay na pamilyar at sabay na bago.

Tuwing papalapit ang Hunyo, National Bookstore transformed into something even more magical. It became the epicenter of every Filipino student’s rite of passage—the balik-eskwela season. The aisles were filled with families moving around to complete their shopping lists, mothers comparing prices, and children excitedly picking designs of their favorite notebooks. The smell of fresh paper, newly sharpened pencils, and plastic covers blended into an aroma that only school season could bring. Kasama doon ang pagbili ng yellow pad at intermediate pad na paulit-ulit nating inuubos sa klase, mga notebooks na may pabalat ng cartoon characters o inspirational quotes, ballpens na Pilot o Panda, Mongol pencils na halos lahat ay ginagamit, at Crayola crayons na kung minsan ay walong kulay lang pero kapag maswerte, may labing-anim. Pero the best talaga ang aroma ng mga padpapers at notebooks ano? Merong klasik na feeling kapag nakakaamoy ako nito it brings me back to my old elementary classroom kung saan nananahan ang ganitong klaseng amoy ng mga school supplies. May kasama ring ruler, sharpener, pambura, plastic covers para sa libro, glue na may pulang takip na goma, at pencil case na minsan lata, at syempre ang mga love team na celebrity na design sa notebooks hindi mawawala diyan noon sila Marvin at Jolina. Klasik krung-krung yan di ba? Hindi rin nawawala ang cartolina, manila paper, art paper, bond paper, at index cards na laging kailangan para sa mga proyekto at seatwork. Sa bawat pagbili, may kasamang pananabik at kaba, dahil simbolo iyon ng bagong simula—bagong guro, bagong kaklase, bagong mga kuwento sa loob ng silid-aralan.

Yet beyond the aisles of supplies, what I truly cherished was the section of Philippine literature. That was where I discovered the witty and satirical words of Bob Ong, whose sharp humor unveiled the ironies of our society, making me laugh at the absurdities of daily life while quietly nodding at the truths I didn’t realize I was already living. Nariyan din si Eros Atalia, na nagbukas ng pinto sa mga nobelang puno ng katatawanan, katotohanan at mga kapana-panabik na mga dagli o maiikling kwentong may hugot sa hulihan at mapapaisip ka sa tinatalakay niya na parang hinugot mula sa mismong kalye ng ating karanasan. May mga akda rin si Lourd de Veyra na walang takot na sumisilip sa pop culture at pulitika, binubuo ng mga essay na parang usapan ng barkada pero may bigat ng pagsusuri sa lipunan. At siyempre, si Ricky Lee, na sa kanyang mga nobela gaya ng Para Kay B ay nagdadala ng malalim na tanong tungkol sa pag-ibig, kapalaran, at pagkatao.

Ngayong panahon ng internet, social media, at mga search engine na kayang maghatid ng sagot sa loob lamang ng ilang segundo, may puwang pa nga ba ang National Book Store? O isa na lamang ba itong simbulo ng nakaraang unti-unti nang tinatalo ng makabagong teknolohiya?

Buhay na buhay pa rin naman ang National Book Store. Nariyan pa rin ito sa mga mall, sa mga kanto ng lungsod, nakatayo bilang haligi ng ating kulturang pampanitikan at edukasyon. Ngunit hindi maikakaila na hindi na kasing lakas ang daloy ng tao noon kumpara ngayon. Dati, bago magpasukan, puno ang tindahan—mga batang sabik sa bagong notebook na may makukulay na pabalat, mga magulang na abala sa pagbili ng pad paper, lapis, at ballpen, at mga kabataang naghahanap ng pocketbook o komiks para pampalipas-oras. Ngayon, mas marami nang bumibili online; mas madalas ding naka-pokus ang kabataan sa mga e-book, sa mga PDF na madaling ma-download, o sa mabilisang sagot ng Google.

Sa kabila ng lahat, nananatiling may kakaibang bentahe ang pagbasa ng aklat. Kapag nagbabasa ka ng libro, mas malalim ang iyong pagkaunawa dahil nakapokus ka—walang ads, walang notification, at walang biglaang tukso ng walang katapusang pag-scroll. May bigat at dignidad din ang isang aklat, dahil hindi lamang ito basta papel kundi isang sining; ramdam mo ang bigat nito, ang disenyo ng pabalat, at higit sa lahat ang dedikasyon ng may-akda. Mas maaasahan din ang impormasyong dala nito, sapagkat dumadaan ito sa proseso ng pagsusuri, editing, at paglalathala, kumpara sa internet na madalas ay puno ng pekeng balita at opinyong walang basehan. Higit pa rito, may kasamang emosyon at karanasan ang bawat paghawak ng libro—parang paghawak ng kasaysayan na may mga alaala sa bawat pahina, maging iyon ay mga marka ng highlighter, mga sulat sa gilid, o simpleng tiklop sa dulo ng pahina na nagsisilbing tanda ng isang mahalagang bahagi.

The Beatles - Paperback Writer

Ngunit paano kung puro online na lamang tayo umaasa? May mga bitag din ito na hindi natin maikakaila. Totoo na mabilis kang makakahanap ng sagot, ngunit kadalasan ay mababaw at kulang sa lalim ang nakukuha mong impormasyon. Madali ring kumalat ang maling balita dahil kahit sino ay maaaring mag-post nang walang masusing pagsusuri. Bukod pa rito, ang walang tigil na screen time ay nagdudulot ng pagkapagod ng isip—isang kalituhan at pagkahapo na kadalasang nauuwi sa kawalan ng gana na magbasa ng mas mahahabang teksto. At marahil ang pinakamalaking disadvantage ay ang pagkawala ng disiplina; sa internet, sanay tayo sa lahat ng bagay na “instant,” ngunit sa libro natututo tayong maghintay, magtuon, at maglakbay sa bawat pahina na may kasamang pasensya at lalim. Ang libro ay ginagawang koleksiyon din ng mga taong mahilig talaga magbasa at minsan ay pinagagawaan pa talaga sila ng mga book shelves. Espesyal ang mga libro para sa mga book worm. 

Maraming nagsasabi na ang mga Pilipino ay hindi na nagbabasa. Pero kung papasok ka sa isang sangay ng National Book Store, makikita mo pa rin ang mga batang nakatayo sa harap ng shelves ng Wattpad novels, ang mga estudyanteng bumibili ng reviewer, at mga magulang na namimili ng self-help books kagaya ng mga cook books. Buhay pa rin ang aliw na dulot ng pagbabasa—ngunit nagbago na ang anyo. Dati, pocketbooks at komiks; ngayon, mga inspirational, Wattpad-based stories, at manga. Yan ang kadalasang makikita mo ngayon sa National Bookstore, pero mas gugustuhin ko pa rin ang nga kwento na galing sa mga witty novels. 

Sa madaling sabi: hindi nawala ang interes, nag-iba lang ang format.

Hindi maikakaila na bumaba ang sales ng mga aklat kumpara sa ginintuang panahon ng 80s at 90s. Ngunit hindi ibig sabihin nito na tuluyan nang mawawala ang National Book Store. Sa katunayan, patuloy pa rin itong lumalaban—dahil hindi lang sila nagbebenta ng libro, kundi pati school supplies, art materials, stationery, at iba pang gamit na bahagi ng buhay estudyante at manggagawa.

Gayunpaman, may banta. Darating kaya ang panahon na mawawala na ito, gaya ng mga sinehan na tinatalo ng Netflix? Posible. Ngunit kung mangyayari man iyon, hindi dahil walang nagbabasa, kundi dahil nagbago ang paraan ng pagbabasa.

Sa kabila ng lahat ng pagbabago ngayon, mula sa digital na pagbasa hanggang sa mabilisang impormasyon online, nananatiling espesyal ang karanasan ng paglalakad sa loob ng National Bookstore—ang amoy ng establisyemento, ang pakiramdam ng paghalukay ng libro, at ang alaala ng isang batang nakatayo sa gilid ng mall, nakikibahagi ng oras at imahinasyon sa mga pahina ng librong hindi pa niya kayang bilhin, pero kaya niyang pahalagahan at balik-balikan kung ano ang bago. 

Maaaring mabagal na ang benta ng mga libro, ngunit habang may isang batang matutuwang humawak ng makintab at makulay na bagong libro, habang may isang mag-aaral na magbubuklat ng reviewer para sa kanyang kinabukasan, at habang may isang mambabasa na tatakas sa mundo gamit ang isang nobela—hindi mawawala ang National Book Store.

Dahil ang libro, gaano man kabilis ang internet, ay nananatiling sentro ng ating puso sa pagkatuto.

Lunes, Agosto 25, 2025

Super Klasik Tsitsiryas

 

My childhood remembrance of my favorite sari-sari store

Once upon a time, there was a sari-sari store where I truly experienced my childhood past. Sa mga masusugid kong mga readers diyan (assuming kung meron man) ay mapapansin niyong laging nababasa ang tindahan ni Aling Meding. Napakanostalgic nito sa akin dahil sa tindahan akong unang nakisalamuha sa mga tao sa aking komunidad. May dala mang mga listahan sapagkat baka makalimutan ang bibilhin bumubuka pa rin naman ang aking bibig ng "pabili po" sa tuwing walang tao sa tindahan, sabay iaaabot ko ang listahan, bibigyan ako ni Aling Meding ng supot na plastik kapag hindi kasya sa maliliit ko pang mga palad ang aking mga pinamili kagaya ng mga sahog sa ulam, paminta, bawang, sibuyas, kamatis at kung anu-ano pa. Ganun din naman ang utos ni lolo ng sigarilyo at ang bato ng lighter at kapag may tira siyempre bibili ako ng makakain na klasik na tsitsirya o di kaya ay ang plastic balloon na kadalasang nakadisplay sa cardboard na mapapansin sa gilid ng tindahan. Attraction talaga ito sa mga batang katulad ko dahil mahilig kami noon magpalobo gamit ang plastic balloon. Hindi lang pala plastic balloon ang naka display dito meron ding mga tau-tauhan na ginagamit namin sa paglalaro ng tatching at siyempre ang bibilhin kong tau-tauhan ay yung malalaki para mas malaki ang aking gagamiting pamato para sure na win.

Sa kalye namin ako laging nauutusan sa tuwing bibili lamang ng mga kailangan sa tindahan ni Aling Meding pero nariyan ang naranasan kong mahimatay noong nautusan ako at bigla lang akong inapoy ng lagnat at bago ako manghina at mahimatay ay nakauwi na ako sa aming bahay. Tanda ko pa yun at nag-alala talaga ang mga matatanda sa aming bahay lalo na si nanay. Nung nagising na ako at nakabawi na ako ng lakas ay masama pa rin nga ang pakiramdam ko at dahil diyan meron nang nakahandang Skyflakes, Royal Tru-Orange at Vicks Vapor Rub. Yan naman talaga ang ingredients solution ng mga batang 90s kapag ika'y nagka-lamig sa katawan. Masarap ang hagod ng Vicks sa gabi habang hinihilot ka ni nanay at kapag hindi nahuli ang lamig sa aking likod sa gentle massage ni nanay ay dadalhin na ako niyan kila Mang Demet at sasakay na kami ng jeep sa aming kanto. Hindi naman kalayuan ang hilot service nila Mang Demet. Tatawid lang ito ng South Super Highway at mga ilang kilometro lang ay nandun ka na. Eto pa isang klasik na naaalala ko na sobrang nostalgic. Pagpasok namin sa bahay nila Mang Demet ay marami ring mga bata at matanda na nakaupo sa sofa habang hinihintay ang pagkakataon nila na hilutin at magpatawas kay Mang Demet. AM radio ang unang mong mapaparinggan pagpasok, amoy ng kandila kapag nagtatawas at huni ng mga lamok na gumugulo sa tenga mo idagdag mo pa diyan ang mga gamu-gamo sa fluoresent lamp na nagliliparan. May mga bata talagang nagiiyakan kapag hinihilot, ako hindi, kasi gustong gusto ko yung hinihilot ako. Sumasakit lang talaga dun sa parte na hinuhuli yung lamig at pilay mo sa katawan na naglalagutukan at kapag yun ay nadurog sa kakahilot ay unti-unti nang gagaan ang pakiramdam niyo niyan kinabukasan lalo na binilhan pa ako ng take out na Minute Burger sa kanto bago kami umuwi. This was the old school Minute Burger ha, yung meron pa silang tindang Silvanas at Hot Noodles. Bukas siguradong magaling ka na. Bawal lang mabinat.

Sa kalye din papunta kila Aling Meding ako inaabutan ng takot na may halong kilig kapag nauutusan ako sa gabi at katatapos lang ng isang episode ng Magandang Gabi Bayan Halloween Specials ni Kabayan Noli de Castro. Siyempre as a batang kalye tatatak talaga sa isipan mo yung napanood mo at iisipin mo na makakasalubong mo yung napanood mo sa kalsada. May parte pa naman na madillim sa aming kalye dahil pundido ang ilaw ng poste papunta kila Aling Meding, kaya kakaripas na ako ng takbo niyan papunta at doble karipas ng takbo pauwi. Malakas daw kasi ang chance na may magpapakita kapag pauwi ka na. Diretso lang ang tingin kasi baka may makita ka pa kapag tumingin ka sa kanan o kaliwa mo. Kaya pagdating sa bahay hingal ako at nagtatanong naman sila bakit ako hinihingal at pawis na pawis kahit malamig ang gabi. 

Sa tuwing dumaraan ako sa tindahan ni Aling Meding, para bang pumapasok ako sa isang pelikula ng aking pagkabata—isang eksenang paulit-ulit na naglalaro sa aking alaala. Nasa dulo ito ng kalyeng Tuazon sa San Andres, Manila, isang bahay na bato na may maliit na bintana’t lumang tarangkahang laging bukas. Sa harapan, nakasabit ang mga supot ng chichirya, nakapila’t naglalambitin, tila mga banderitas ng piyesta ng murang panlasa. Ngunit hindi lang paningin ang humahagip, kundi pati pandinig at pang-amoy—sapagkat ang tindahan ni Aling Meding ay isang orchestra ng ingay, amoy, at kilig ng simpleng pamumuhay.

Mula sa gilid, rinig ang patuloy na pag-arangkada ng mga tricycle na dumaraan, bawat preno ay may kasamang huni ng bakal na kumikiskis sa kalsada. May sumisingit na tunog ng mga batang naglalaro ng teks, holen, at luksong-tinik, at syempre ang malakas na hiyawan ng mga binatilyong nagbabasketbol sa half-court na katabi mismo ng tindahan. “Last game na!” sigaw ng isa, ngunit alam ng lahat na hindi iyon totoo. Habang pawisan ang mga manlalaro, may ilan namang sabay na bibili ng malamig na Coke sa bote at Tomi, saka babalik agad sa court na may pulbos pa ng espasol sa labi.

Itchyworms - Penge Naman Ako Niyan

Sa hangin, may halong amoy ng nilulutong ulam mula sa mga karatig-bahay—sinigang na may asim na dumadampi sa ilong, pritong tuyo na naglalakbay sa hangin, at minsan, ang malakas na samyo ng pinipritong lumpiang shanghai mula sa kusina ng kapitbahay. Hindi rin mawawala ang klasik na dilaw na kariton ng fishball na talaga nga naman jampacked tuwing hapon dahil sa maraming gustong tumuhog ng masarap na fishball, kikiam, squidball at sawsawan nito. Dinadagdagan pa ito ng bahagyang usok ng sigarilyo ng mga tambay na nakatayo sa harap ng tindahan, may hawak na gin bulag o San Miguel, habang nakikipagkuwentuhan kay Aling Meding na parang kaibigan lang. Sa tabi, maririnig ang tak! tak! tak! ng bote ng Pepsi at Royal na nilalapag sa kahoy na lamesa—mga bote pa noong panahong de-bote ang lahat ng inumin, at isasauli ang lalagyan para maka-discount.

Pagpasok mo sa loob, masisilip ang mga garapon na punô ng kendi, Chocnut, at mga bubble gum na may libreng komiks o sticker. Nariyan ang mga de-lata, instant noodles, sabon, gatas sa lata, at mga 3-in-1 coffee na nakapila sa gilid. Ngunit ang mga batang gaya namin, hindi iyon ang hinahanap—kundi ang mahiwagang hanay ng mga junk food: Humpty Dumpty na kahel (cheese flavor) at maalat-tamis, Club House Crackers na malutong at bagay ipares sa softdrinks, Rin Bee cheese sticks na kumakapit sa daliri ang cheese flavor na siya namang didilaan mo pagkatapos mo ito maubos, Pritos Ring na super crunchy, hot and spicy at ang paraan ng pagkain mo dito ay sinusuot mo sa sampung daliri mo na parang singsing at isa-isa mo itong kakainin, at ang panghimagas na Chocolate Wafer in a gold pack na mura ngunit abot ang sarap ng chocolate. 


Naroon din ang Lemy Lemon Square Biscuit, na ang tamis a lasang lemon ay alaalang baon sa klase, ang super klasik na Lechon Manok chichirya na siya ring puwedeng ulamin at isama sa kanin, at ang Tomi na corn flavor na manamis namis at salty ay isa ring approved chichirya ngmga batang 90s.  Ang Piknik, pero hindi ito yung mahal na Piknik sa grocery na mabibili sa lata Ang Piknik na ito ay cheese flavor at mabibili sa halagang piso. Pero kung gusto ng makulay at masaya, Ice Gem ang pipiliin—na kinakain munang hiwalay ang icing bago ang biskwit. Sa gabi, habang nakatambay, Cornbits at Pompoms ang bida, kasabay ng kuwentuhan. At kapag gusto ng medyo kakaiba, bibili ng Kentucky Chicken flavor curls na para bang instant fried chicken sa bawat kagat.

Hindi mawawala ang palagin kong baon noong kinder ang Hi-Ro biscuits, na nilulubog sa gatas bago kainin; Nips na makukulay at nagdadala ng saya kahit maliit lang ang laman; at Serge Chocolate Milk, isang kartong kayang tapusin ng isang batang pagod sa laro, na parang gantimpala pagkatapos ng isang hapon sa court.

Kaya paborito ng mga batang 90s ang mga ito—sapagkat hindi lamang sila pagkain, kundi simbolo ng panahong kayang mabuo ang ligaya mula sa barya, mula sa simpleng pagbili kay Aling Meding. Ang tindahan na iyon ang naging saksi sa aming mga unang tagumpay, unang hiya, unang tawanan at unang luha. Sa tabi ng court at sa ilalim ng init ng araw, natutunan namin na ang buhay, gaano man kasimple, ay nagiging mas makulay kapag may kaagapay na chichirya at mga kaibigang handang tumawa’t sumalo sa bawat alaala.

Biyernes, Agosto 22, 2025

Panandalian

 

Once upon a time in Pagudpud, Ilocos Norte

May isang dapithapon na naglakad ako mag-isa sa tabing-dagat. Dumaan ako sa makitid na daan kung saan ang mga damo’y humahalik sa aking mga tuhod at ang liwanag ng araw ay tila dahan-dahang humuhugas sa lahat ng kulay ng paligid. Ang tubig sa dagat ay kumikislap na parang salamin ng kalangitan, tila ba sinasabi sa akin: lahat ay may pagdaloy, lahat ay may pupuntahan.

Umupo ako sa isang batong basa ng hamog at pinakinggan ang tahimik na himig ng paligid. Ang ibon ay naglalakbay pauwi, ang alon ay banayad na humahaplos sa pampang, at ako’y nanatiling nakaupo, bitbit ang bigat ng mga tanong na hindi ko kayang sagutin. Bakit nga ba may kirot sa puso kahit na maganda ang tanawin? Bakit parang mas malinaw ang kalungkutan kapag kaharap mo ang ganda ng mundo?

May alaala akong dala—mga paalam na hindi ko inasahan, mga salitang hindi ko nasabi, at mga oras na hindi na mauulit. Sa bawat dampi ng hangin ay para bang may bumubulong: lahat ng bagay ay lilipas, lahat ng tao ay aalis. At doon ako napapapikit, humihinga ng malalim, sinusubukang tanggapin na may dulo ang lahat, kahit gaano pa natin yakapin.

Ano nga ba ang meron pagkatapos ng hangganan? Alam kong darating din lang naman tayo sa dulo ngunit naiisip ko lang: bakit tayo nabubuhay sa lungkot, galit, at poot? Nakakapagod lumaban araw-araw. Ganito ang nakatakdang misteryo ng mundo sa bawat nilalang, ang bawat pag-ikot ng oras ay walang kasiguraduhan kung kailan tayo babawiin kaya dapat lagi tayong handang mawala. Mawala ng walang pagsisi sa mga araw na inilagi natin sa mundo. Mawala bigla sa isang kisapmata na walang paalam ang siyang pinakamasakit na paglisan. Lagi akong nagpapaalam noon pa man sa tuwing ako'y aalis ng tahanan, ganun din naman ang aking nais na pagpapaalam kapag ako'y lilisan na bago kaharapin ang Dakilang Diyos na mapagmahal. 

Paramita - A Dreamer's Lullabye

Ngunit habang tumatagal, natututo akong mahalin ang paglalakbay, hindi lang ang mga rurok o mga dulo. Natututo akong ipagpasalamat ang mga ngiti, ang mga hapunan, ang mga payak na sandali na hindi na mauulit. At kahit alam kong nakakapagod ang araw-araw na laban, may munting ginhawa sa pagkakaalam na hindi ako nag-iisa—sapagkat lahat tayo’y nilalang na lumalakad, nadadapa, at muling bumabangon.

At sa bawat dapithapon, sa bawat aninong humahaba, alam kong may umagang muling darating na dapat nating ipagpasalamat sa Poong Maykapal. Hindi man nito mabura ang sakit, ngunit magdadala ito ng panibagong paghinga—at marahil, panibagong lakas para ipagpatuloy ang paglalakbay habang patuloy ang pakikipagsapalaran sa buhay. 

Huwebes, Agosto 21, 2025

90s Classroom Nostalgia

 

90s Classroom was the happiest!

May mga bagay na gusto kong balikan sa loob ng apat na sulok ng aming silid-aralan. Mga pangyayaring nagaganap sa araw-araw mapa-estudyante man o teacher. 

1994...

Sa aking eskuwelahan sa San Andres Bukid Manila, ang St Anthony School o sa tagalog na pangalan ay San Antonio de Padua bago pa man ang araw ng pasukan ay alam na namin kung sino sino ang magiging classmate namin dahil puwede kang bumisita sa araw ng Linggo o di kaya Sabado sa school para makita sa announcement kung anong section ka, anong room number, at pangalan ng teacher na magiging adviser mo. Swerte ka kung classmate mo pa rin ang best friend mo. Mayroong tinatawag na "star-section" sila yung mga "geek", mga "henyo" na nakakuha ng pinakamataas na marka noong nakaraang school year at ika-classify yun kung mataas ang naging average mo last year ay mapapasama ka sa star section pero wag mo asahan na masaya doon. Mas masaya pa rin kasi minsan sa mga lower section kasi gaganahan kang pumasok dahil sa mga abnormal na classmates mo at hindi boring. Ako laging nasa middle lang pero ganun din ang tema, may mga kasama ka ring mga kolokoy na talaga nga naman mapapatawa ka sa araw-araw mo silang kasama. Bagama't iba-iba ang mga nakakasalamuha mo pare-parehas lang din naman ang set up ng mga classroom. Pag-usapan natin kung ano nga ba ang set-up ng silid-aralan ng mga batang lumaki sa dekada nobenta. 

Kung papasok ka sa isang classroom noong dekada ’90 sa Pilipinas, para kang bumabalik sa isang mundong puno ng makulay na alaala. Pagbukas mo pa lang ng pintuan, bubungad agad ang mabibigat na armchair na gawa sa kahoy—may ilan pang may ukit ng pangalan ng mga naunang estudyante, parang lumang diary na naiwan sa upuan. Ang blackboard, laging puno ng chalk dust, ay may bakas pa ng sulat ng teacher kahapon, habang ang eraser ay nagmumukhang isang puting bato sa sobrang kapal ng alikabok. Sa gilid, makikita ang lumang class record ng guro, ang mabigat na bell na pinapalo kapag uwian na, at ang paboritong dekorasyon ng bawat dekada—mga cartolina na may “DO NOT CHEAT” at mga poster ng values education na may mala-encyclopedia na drawings ng batang naka-smile at naka-barong o saya.

Nabanggit ko na rin ang kahoy na upuan, wala nang kaklasik pa diyan yung upuan naming kahoy na parang bench pero may lamesa, ang nakakaupo rito ay tatluhan. Ang pinaka gusto kong puwesto ay ang gilid at ayaw na ayaw ko na mapupunta ako sa gitna dahil feeling ko para akong palaman na hotdog sa magkabilang sandwich. Hindi ka rin makakapag extend ng katawan mo at hindi ka masyadong makakagalaw at laging nasa center of attraction ka rin ng guro dahil ikaw nga ang nasa gitna kaya kapag nagtawag na sa recitation at hawak na ang kinatatakutang index card ay malaki ang posibilidad na ang mga nasa gitna ang kadalasang natatawag. Totoo nga na maraming vandalism na naiwan sa mga arm chair, nariyan ang sulat ng bolpen, pentel pen at parang si Wolverin na inukit ang pangalan ng crush niya na may mensaheng "I love you". 

Makikita rin sa pisara ang “Class Officers” list na nakasulat sa chalk—President, Vice President, Secretary, Treasurer—at kung minsan may “Class Monitor” na nakaduty para isulat sa manila paper ang lahat ng maingay kapag wala ang guro. Nariyan din ang lesson plan na nakadikit sa dingding gamit ang masking tape, ang visual aids na may watercolor at Pentel pen ang gawa, at ang iconic na “1/4 sheet of pad paper” na hinding-hindi nawawala sa bawat quiz. Ang mga libro naman, halos lahat may plastic cover at may pangalan sa unahan na parang ID badge ng estudyante, habang ang notebooks ay madalas may pahina ng doodles, love quotes, at pangalan ng crush.

Parokya ni Edgar- Alumni Homecoming

Kapag may mga naiboto nang class officers noong time namin ay nilalagay ang mga pangalan nito sa Cartolina at nilalagyan ng plastic cover. Ididisplay yan sa dingding ng classroom hanggang sa matapos ang school year. Siyempre ang class President ang kanang kamay ni teacher at ang secretary naman ang laging natatawag para magsulat ng lesson ni teacher sa pisara. Kadalasan ay nagagamit ang buong pisara at kapag kinulang na ng pagsusulatan ay magbubura siya sa isang bahagi at bigla naman mag-aatungal ang mga mababagal kumopya dahil daldal ng dalda sa katabi. Pero ang secretary talaga ang kawawa dahil siya ang hindi nakakakopya ng lesson. Ang sgt at arms naman ang back up ng president at vice president na naglilista ng noisy at standing sa classroom. Sa tuwing aalis si teacher ay inaasign niya ang dalawa para maging bantay sa magulong klase. Bawal kasi kayo maglalabas sa corridor at mag-ingay dahil may mga pagkakataong nagkaklase pa sa kabilang classroom. Kapag nalista ang pangalan mo sa noisy o kaya sa standing at sa pagkakataong dumating na si teacher ay may nakaambang parusa, puwedeng palabasin kayo, remain standing sa buong klase ng guro, paluin ng ruler sa palad, pitsarahan ng patilya at kung anu-ano pa. Kaya minsan most hated persons ang President at Vice President, trabaho naman ng dalawang Sgt at Arms ang protektahan sila. Ang treasurer naman ang taga-kolekta ng funds ng klase.Minsan ginagamit ang funds na ito kung may mga programang dapat salihan ang inyong section. Ito yung mga simpleng pagbili ng materyales na kakailanganin kung may sasallihan kayong competition as the whole section o kung kailangan ba ng abuloy kung may namatayan sa mga kaklase niyo. Ang pinakawalang trabaho talaga diyan ay yung auditor at PRO, ewan ko ba kung anong ganap nila bilang officers ng klase. At ang muse at escort seasonal lang paglabas nila. Nagagamit lang ang kanilang charm pagdating ng Intramurals. 

Bago dumating ang guro, doon talaga nagkakaroon ng palabas ang mga estudyante. May mga naglalaro ng teks o pogs sa ilalim ng mesa, may nagbabato ng papel na may nakasulat na “Crush kita” papunta sa kabilang row, at may ilang seryoso sa pagdodrawing ng anime characters gamit ang Mongol no. 2. Ang iba naman ay nakatambay sa bintana, nakasilip sa quadrangle na para bang may mas malaking kaganapan sa labas kaysa sa loob ng klase. At siyempre, laging may taga-bantay ng pintuan—ang lookout na sisigaw ng “Andiyan na si Ma’am!” sabay biglang transform ng buong klase mula circus patungong choir. May mga nakikita ka rin na nag-aarm wrestling, ah siyempre hindi mawawala ang sugal sa pera sa pamamagitan ng adding ng serial numbers ng mga perang buo. Ang pinakamalakas na trip na naranasan ko noong high school ay yung mga nagdadala ng garter snake, yung maninipis na ahas na ibinibenta noon sa tapat ng eskuwelahan nauso yun eh tapos ibinabaon nila para maging panakot sa mga kaklase mong beki at mga babae. Ang lalakas talaga ng trip noong dekada nobenta. Merong mga simpleng gitara at kantahan lang sa gilid ang kulang na lang ay lamesa para sa alak at pulutan ay drinking session na sa kanto. 

Pero ang tunay na kalat ay naroon sa ingay. May nagbabatuhan ng chalk, may kumakanta ng mga jingle ng patok na commercials, may nag-aaway kung sino ang “bangko” sa Chinese garter, at may mga sumasabay sa kanta gamit ang walkman na may naka-share na earphones. Minsan, may batang biglang aakyat sa mesa para lang magpatawa, habang may iba namang abala sa pag-scribble ng “Slam Book” questions na umiikot buong klase. Ang mga baon na Choc Nut, Viva Caramel, Benson, o White Rabbit ay palihim na kinakain sa likod, minsan pa’y ipinapasa sa kaklase na parang “smuggling operation.” May naninirador gamit ang goma at ang bala ay yung tinuping papel, may bumabangka sa kwentuhan at kung anu-ano pa. Para ka talagang nasa jungle, kung saan sari-saring ingay ang maririnig mo.

Sa bawat sulok ng 90s classroom ay may kwento. Sa bulletin board na puno ng faded na announcements at old test papers, sa dulo ng silid kung saan may lumang electric fan na parang helicopter ang tunog, at sa sahig na puno ng papel mula sa ginupit na notebook cover. May makikita ring tatlong klase ng estudyante: ang seryosong tahimik na nagsusulat na parang walang nakikitang kaguluhan, ang mga pasaway na walang pakialam kung may darating na teacher, at ang mga “neutral” na handa lang makisali kung may magaganap na masayang eksena. Hindi rin mawawala ang “pa-barter” ng lapis at pambura—isang Faber-Castell kapalit ng isang Pilot na ballpen.

Hindi man perfect ang order, iyon ang esensya ng pagiging estudyante noon—isang magulong sining ng kabataan, puno ng tawa, kaba, at maliliit na rebelde na sa huli ay bumabalik din sa katahimikan kapag nagsimulang sumulat ng guro sa pisara. At kung sakaling may magtataas ng kamay para humingi ng bathroom pass, sabay tawa at kantiyawan na agad ang maririnig: "Natae na yan!" 

Ang classroom noong ’90s ay hindi lang lugar ng pag-aaral, kundi teatro ng pagkabata—isang entablado kung saan bawat bata ay may papel, may ingay, at may alaala. Doon nabuo ang mga barkadahan, doon nagsimula ang unang tampuhan at kilig, at doon rin nahulma ang ating tiyaga sa harap ng masikip na bangko at makapal na libro. At kung babalikan mo ngayon, kahit amoy chalk dust, amoy pawis ng electric fan, at amoy plastik ng bagong libro pa lang ang maalala mo, sapat na iyon para mapangiti at mapaisip: “Grabe, gano’n pala tayo kagulo… pero gano’n din kasaya.”

Miyerkules, Agosto 20, 2025

Men's 90s Instant "Retouch": The Polbo Culture


Isa ka ba sa mga naexperience ang Polbo culture o isa kang Eskinol Master Pogi man?

Yung pinakamaliit na polbo ng Johnson's and Johnson's in the 90s was a thing. It was the era when men showered their faces with powder due to the extreme heat and humidity of the weather. Nagkaka-pulbusan talaga noon dekada nobenta. And yes, can't even forget your tito jokes na nagmamatapang-tapangan ka at nanghahamon ka ng away when you're saying a dialogue, "gusto niyong pulbusin ko kayo?" when you really meant was sharing your powder with your classmates. That was an instant classic, right?

Noong dekada nobenta, may kakaibang ritwal na sumibol sa mga high school boys—isang kulturang hindi sinasadyang naging simbolo ng kanilang kagustuhang maging gwapo sa gitna ng maalinsangang panahon: ang polbo culture. Hindi ito basta simpleng pagpapapogi; isa itong sining na may kasamang pawis, pulbo, at panyo. Kapag tumindi ang lagkit ng hangin at halos dumikit na sa mukha ang init ng araw, agad nilang huhugutin ang panyo mula sa bulsa, ibabaon sa garapon ng Johnson & Johnson powder, at saka idadampi sa noo, pisngi, at ilong na parang may misa ng kabanalan. Ang resulta: isang tropa ng mga mukhang espasol na sabay-sabay lalabas ng gate, puti ang gilid ng ilong, may bakas ng pulbos na parang mapa ng hindi pa natutuklasang lupain. Mas nakakatawa pa kapag moreno ang isa sa kanila, at tila nagkaroon ng chalk drawing sa mismong mukha niya—doon nagkakatinginan at pinipigil ang halakhak ng mga kaklase at mga dalagang lihim na natutuwa sa kanilang itsura. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, may kakaibang lambing ang alaala: ang pulbos na iyon ang sandata laban sa init, ang panyo’y naging canvas ng kabataan, at ang pagiging mukhang espasol ay simbolo ng walang pakialam na kapreskuhan. 

Minsan may masigasig na sobra ang nilagay, at kapag tumama ang araw sa kanyang pisngi, nagiging instant reflector na halos mablangko ang mukha niya sa sobrang puti. Meron ding mga nagdadala pa ng pulbo sa mismong bag, nakatago sa loob ng medyas o plastik, at tila may emergency kit kapag kailangan na ng “retouch.” At huwag kalimutan—kapag may sayawan o program sa gym, siguradong dagsa ang puting ulap ng pulbos sa CR, parang may nagbuhos ng harina bago magsimula ang programa. Ito ang panahong walang BB cream, walang oil control film, walang filter ng Instagram—kundi pulbos lang at tiwala sa sariling kagwapuhan. Meron naman mga kumpiyansa at hindi nagsasaboy ng pulbo sa kanilang mga mukha, hindi rin papahuli ang kontra-bida sa polbo culture—ang mga tropang Eskinol Boys.  ito yung mga naka Eskinol Master Pogi, hindi sila oily dahil sa epekto ng Eskinol. Para kang naka Rico Yan branding kapag nakapaglinis ka ng mukha gamit ang Eskinol, fresh na fresh ang dating kahit sa kainitan ng panahon.

Sila yung tipong magdadala ng Master Eskinol o kaya Sea Breeze na parang alak na inihahalo sa mukha. Pagkatapos ng klase, bubuhos sila ng kaunting likido sa bulak, tapos ipapahid sa pisngi’t noo na parang may inaapulang apoy. Ang ending? Mamumula ang mukha na parang nilitson, habang kumakapit ang hapdi at amoy alkohol na nakakapaso sa ilong. Pero sa kanila, ito ang tunay na linis—ang tagumpay laban sa tigyawat at langis. Madalas pa nga silang nagyayabang: “Walang pulbo-pulbo, Eskinol lang sapat na!” Kahit na sa totoo lang, parang sinampal ng apoy ang itsura nila. Kaya sa hallway, magkakahalo ang dalawang mundo: ang mga mukhang espasol na nilalamon ng pulbos at ang mga pulang-pula ang pisngi na parang nilagnat. Dalawang estilo, parehong nakakatawa, parehong tanda ng ating kabataan.

Deadnails - Pulbo

Inaayawan ang glass skin noon kasi mukhang kakahango mo lang sa harap ng pinipritong sinanggutsang baboy at nagmamantika ang muka. Ngayon yan na ang sikat ang magkaroon ng Korean glass skin na kapag tinamaan ng sikat ng araw ang mukha ay masisinag ang mga mata mo. 

Sa tuwing maaalala natin ang eksenang iyon—ang amoy ng pulbos, ang halakhak sa corridor, ang kumpiyansang dala ng kaputian kahit malabo ang execution—mapapangiti ka na lang at sasabihing, “Ganito kami noon, walang filter, walang pakialam, basta’t presko at masaya.”

'ang salarin'

Pero alam niyo ba sa paglipas ng panahon ay ang talc-based baby powder ay unti-unting inalis sa merkado dahil sa seryosong isyu sa kalusugan. Ang talc, na karaniwang ginagamit para sumipsip ng pawis at gawing makinis ang balat ng sanggol, ay maaaring makontamina ng asbestos—isang kilalang sanhi ng kanser gaya ng mesothelioma. Mula pa noong 1970s ay may mga pag-aaral nang nag-uugnay sa paggamit ng talc sa ovarian cancer at iba pang sakit, dahilan para dumami ang mga kaso laban sa mga kumpanyang gumagawa nito, partikular sa Johnson & Johnson. Dahil dito, bumaba ang tiwala ng publiko at maraming retailers ang huminto sa pagbebenta ng produktong ito. Noong Mayo 2020, sinimulan nang alisin ng J&J ang kanilang talc-based baby powder sa U.S. at Canada, at noong Agosto 2022 inanunsyo nilang ihihinto na rin ito sa buong mundo at lilipat na sa cornstarch-based na alternatibo. Pagsapit ng 2023, tuluyan nang itinigil ang global production at sales ng talc-based baby powder, isang hakbang na kumakatawan sa pagbabago ng industriya tungo sa mas ligtas na opsyon para sa kalusugan ng mga mamimili.

Martes, Agosto 19, 2025

Testosterone Things: Sibuyas x Libido

 

Does eating onions directly increase sexual desire?

Nananahimik lang ako at kumakain ng binili kong hilaw na mangga noon at bigla na lang akong nasigawan naakusahan ng:

"Ang libog mo siguro kain ka kasi ng kain ng sibuyas."

Napangisi lang ako (pero sa loob loob ko, tangnang to) Ano naman ang kinalaman ng sibuyas sa pagiging malaswa kong nilalang? Parang ang dali namang magturo ng krimen sa isang gulay. Nakitang may mangga ako sa plato, may kasamang bagoong, kamatis, at ginayat na pulang sibuyas—ayun, bigla akong ginawang biktima ng tsismis.Ang lakas pa ng pagkasabi ng walang-hiyang kaibigan sa pagbabasketball. 

Kung tutuusin, hindi naman talaga sibuyas ang ugat ng lahat. Ako ‘yon. Ako ang may sala. Ako ang may sariling nilalaman, sariling pagnanasa, sariling kabaliwan. Pero syempre, mas masarap kapag may scapegoat. At sa pagkakataong ito, napili nilang sisihin ang pulang sibuyas.

Bakit ba ako biglang nahilig sa sibuyas?

Hindi ko rin alam. Siguro trip ko lang na amoy adobo lagi ang hininga ko. Siguro gusto ko ring masaktan ang mga kausap ko—hindi sa salita, kundi sa bawat paghinga kong mabagsik at mabangis. Kasi alam ko, walang mas tataboy pa sa maling tao kaysa sa amoy sibuyas na parang hindi nag-toothbrush ng tatlong linggo.Onion is a weapon of choice. 

At bakit? Dahil ayaw ko muna ng love life. Oo, ayaw ko muna ibahagi ang napakagandang lahi ko. Ayaw ko muna masaktan, mai-stress, o mapasubo sa kasalanan ng mundo ng mga nagpapa-cute sa isa’t isa at nagsusubuan ng Vinegar Pusit. Kung sibuyas lang ang kailangan para hindi ako lapitan, edi sibuyas na!

Kung mapusok ang isang tao, kailangan ba talagang gulay ang sisihin?

Eh kung sabihing malibog ako dahil mahilig ako sa kangkong, o talong, o kalabasa—eh di ang saya! Pero bakit sibuyas? Siguro kasi umiiyak ako habang hinihiwa ko ito, at inisip nila: “Siguro pati hormones niya nagwawala.”

Pero sa totoo lang, wala talagang scientific basis. Ang sibuyas ay pampalasa, hindi pampalibog. Ang problema ko ay hindi sibuyas. Ang problema ko ay ako.

Parte na ang sibuyas sa buhay ko.

  • Almusal – itlog, sinangag, at tinadtad na sibuyas.
  • Tanghalian – adobo na puro sibuyas ang sahog.
  • Hapunan – nilagang baka pero parang nilagang sibuyas kasi mas marami pa rin siya kaysa karne.
  • Pulutan – onion rings.
  • Snack - Onion Rings
Marcy Playground - Sex and Candy

Kung apat na beses sa isang araw akong napapaluha, hindi na siguro dahil sa lungkot kundi dahil sa putok ng sibuyas.

May nagsabi, “Lagyan mo ng electric fan habang hinihiwa, para hindi tumalsik ang gas sa mata.”

May isa pa, “Isawsaw mo sa tubig habang hinihiwa.”

Pero ako? Wala akong pake. Meron akong goggles na hindi nagamit sa snorkeling nung mga nagdaang summer, parang diver sa kusina. Kailangan protektado ang tear glands ko, kasi ayaw ko nang ma-drain ang mga luhang dapat sana’y para sa teleserye ng buhay ko.

Kung ang sibuyas kayang magpaiyak, bakit wala pang gulay na kayang magpatawa? Bakit wala pang lettuce na nagbibigay punchline? O kaya kamatis na kayang magpatawa sa gitna ng problema? Nakakatawa rin, kasi parang lahat ng gulay, puro sakit lang ang dala—lason sa mata, pait sa dila, o sakit sa tiyan kung sobra.

Pero kung sakaling totoo ngang nakakapagpalibog ang sibuyas, patay tayo dyan. Hindi ako pwede. Hindi ako handa. Hindi ako pwedeng lamunin ng sariling init ng katawan. Kasi kapag nagkataon, magiging mahirap mag-move on. At mahirap lumayo sa tukso kung palaging may sibuyas sa ref.

Kaya ayan. Simula bukas, wala muna akong sibuyas.

Oo, magpapaalam muna ako sa paborito kong pampalasa. Hindi muna ako iiyak habang naghihiwa. Hindi na muna ako amoy adobo. Hindi muna ako magpapanggap na wala akong pakialam sa love life, pero deep inside gusto ko rin ng konting kilig.

Pero dahil kailangan kong magpalit ng bisyo…

Balut at tahong naman ang aking babanatan.

At doon, baka may masabi na naman silang bago:

“Malibog ka kasi kain ka nang kain ng tahong.”

Naku po. Ibang usapan na naman ito..

Lunes, Agosto 18, 2025

My 44th Birthday — A Thanksgiving for Life

Life update at 44!

Ngayong araw, Agosto 18, ako ay muling magdiriwang ng kaarawan — ika-44 na taon ko sa mundong ito.At ayon sa komputasyon I'm living 16,702 days on Earth. Isang simpleng petsa para sa iba, ngunit para sa akin, isa itong malalim na paalala na bawat hinga ay biyaya, bawat tibok ng puso ay isang himala.

As I grow older, I have learned that birthdays are no longer just about cake, spaghetti, or the famous lumpia,  balloons, and countless Facebook notifications. Once upon a time, especially around 2012, my wall would overflow with “Happy Birthday!” greetings from people I hadn’t spoken to in years. Ngayon, mas kaunti na ang bumabati — hindi dahil nakalimutan na nila ako, kundi marahil, ganito talaga ang takbo ng buhay. Busy na tayong lahat o ang iba bigla nalang nawala o siguro wala na lang talagang pakialam ang iba ang minding their own business. Sabi ko nga we all get busy, we move on, and our worlds change. And yet, the few who still remember… their greetings mean even more than hundreds in the past.

Ngunit sa likod ng mga ngiti, dala ko pa rin ang bigat ng aking kalusugan. I have a heart condition that has been my constant shadow — a reminder that my life is not ordinary, that each day is a victory. Malapit na rin (siguro, God willing) ang ikalawang operasyon sa puso na kailangan kong pagdaanan. Minsan, natatakot ako. Minsan, napapagod din. Napapagod sa kaiisip. Pero sa kabila ng lahat, mas pinipili ko pa ring ngumiti at yakapin ang bawat araw, dahil alam kong hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataong mabuhay nang ganito katagal at ng pangalawang pagkakataon. 

Akala ko noon ay okay na ako, 4 and a half years lang ang itinagal ng ikinabit sa aking mga bypass na ugat sa puso at barado na daw ito muli. Walang kaiguraduhan sa operasyon sapagkat delikado na daw kung bubuksan muli ang aking dibdib for another open heart surgery. A minimal invasive operation like angioplasty is also unsure kasi daw baka mapunit yung ugat at mas delikado ang ganoong sitwasyon. The only remedy is through medications pero hindi ka gagaling ng 100% at mayroon pa rin na mga alinlangan. Sa totoo lang miss ko na nga ang labas, dalawang taon na rin akong nakakulong dito sa bahay, trabaho lang, less stress dapat. Nakakalabas lang ako kung may mga check up ako sa aking hospital. 

I have lost count of how many times I’ve rushed to the emergency room, wondering if that moment might be my last. And yet, here I am — typing these words, breathing, feeling, and still dreaming. That is God’s mercy written in my life story.

At kung tutuusin, hindi na ako natatakot sa kamatayan. That fear already came and crushed me when my mother passed away last year. Sa araw ng kanyang paglisan, pakiramdam ko ay kasama niyang nawala ang takot ko sa sariling wakas. Death no longer scares me — what weighs on my heart now is the thought of leaving behind my sister and my pets. Kung dumating man ang oras na iyon, siya na lang ang maiiwan sa aming tahanan, at iyon ang isa sa mga bagay na mahirap isuko sa Diyos.

To those who have been reading my blogs since 2015 until today — Salamat. Your time, your eyes, and your heart mean so much to me. Hindi man tayo nagkikita araw-araw, pero ramdam ko ang inyong suporta at malasakit. Thank you for remembering my birthday, for sending messages, and for thinking of me even in silence.

May dapat pa bang ikasaya kapag kaarawan, lalo na kung ika-44 na? Sabi nga ng iba, matanda ka na, wala nang “wow” factor, parang lumang kantang paulit-ulit na lang pinapatugtog sa videoke ng barangay. Ew, ika nga ng Gen Z, pero teka lang—hindi ba’t bawat dagdag na taon ay parang dagdag na pahina sa isang nobelang sinusulat ng tadhana? Noong 2012, grabe ang hype—kahit madaling-araw pa lang, may bumabati na sa timeline mo, nagsusulputan ang “Happy Birthday” mula sa mga kaibigang minsan hindi mo nga maalala kung paano naging friend mo sa Facebook. Ngayon, parang biglang tumahimik ang mundo, hindi na uso ang midnight greetings, hindi na sumasabog ang notification mo na parang fireworks. Bakit kaya? Siguro dahil ang social media ay parang disco—may mga panahong puno ng sayaw at ilaw, at may oras ding nauupos ang spotlight at nagbabago ang tugtog. Siguro dahil mas busy na ang mga tao sa sariling laban, o baka dahil natutunan na nating hindi sukatan ng pagmamahal ang dami ng bumati sa’yo sa wall.

At sa totoo lang, ang pagbati na galing sa iilan pero tunay ay mas mabigat pa kaysa sa daang platitudong automated lang galing sa “See All Birthdays” feature. Pero heto ang totoo, at huwag n’yo akong husgahan: kahit 44 na ako, kilig pa rin akong umaasa na yung mga crush ko noon (at hanggang ngayon) ay maalala man lang akong batiin—at kung hindi pa sila bumabati, well, may buong araw pa sila para gawin iyon, at habang umaasa ako, parang bumabalik ang pakiramdam na teenager pa rin ako. Kaya, dapat bang ikasaya ang birthday sa edad na 44? Oo naman, kasi hindi na ito tungkol sa ingay ng mga greetings kundi sa katahimikan ng pasasalamat na umabot ka pa sa puntong ito, na kahit may mga sugat ang puso at bitbit na takot sa kinabukasan, narito ka pa rin, humihinga, lumalaban, nagiging saksi sa pag-ikot ng mundo. Kung noong bata ka, ang saya ng birthday ay cake, handaan, at greetings sa Facebook wall, ngayon ang tunay na saya ay ang simpleng umaga na gumising ka pa, humigop ng kape, at muling sinabing “Salamat, buhay pa ako.” At kung sakali mang umabot ang gabi at biglang may “Happy Birthday” na dumating mula sa matagal mong pinapangarap, aba, jackpot—kilig at 44, walang expiration date!

Don McLean - Birthday Song

Nang lumaon pa ang mga panahon ay dun natin naiintindihan ang lahat ng bagay na hndi natin maitanto sa ating isipan noong tayo'y mga uhugin pa. Di ko pala dapat ikabahala ang ganung araw sa halip ay mas lalo ko ito dapat gustuhin. Sino ba namang hihindi sa dami ng iyong regalong natatanggap, pagkain, pera at kung anu ano pang sayang taglay sa tuwing magbibirthday tayo.

Lahat din naman yan nababago habang tumatanda rin tayo, kung ano yung mga kasiyahan noong bata ka unti unti ring naglalaho habang pawala na ang numero natin sa kalendaryo. Kumukonte ang excitement habang pakulot ng pakulot ang mga pubic hair natin. Kahapon lamang ngumangawa pa ako sa crib at idinuduyan habang kinakantahan, ngayon kumikirot na ang tuhod ko, hinihingal na at ang malala pa ay magkaroon na ng chronic diseases.  Kamakailan lang isa pa lang ang kandila ko sa keyk ngayon wala nang mapaglagyan.

As I turn 44, I no longer count the candles on the cake. I am counting the memories, the battles I’ve won, the mornings I’ve woken up despite the pain, and the laughter I’ve shared in between tears.

Pero eto na nga, meron lamang sapat na handa, wala akong programa para ipagdiwang ang aking kaarawan. Ganon pa man,   kahit siguro sa pinaka-payak na dahilan ay naging makabuluhan ang araw na ito para sa akin. Naging masaya ang aking kaarawan dahil sa mga bumati sa akin sa pamamagitan ng text, tawag, comment sa blog (kungmay magcocomment diyan), twitter at syempre sa Facebook at Instagram friends.. Nakakatuwa lang dahil kahit mga hindi ko personal na kilala ay bumati rin. At nagpapasalamat ako sa mga kontribusyon nila para maipalaganap ko ang blog na ito.

Life has been both a storm and a sunrise for me. I have danced in the rain of hardships, and I have stood in awe at the calm after. At kahit may darating pang mga pagsubok, I will keep walking, keep loving, and keep being thankful.

Happy Birthday to me. Not because everything is perfect, but because my heart — though wounded — still beats. And as long as it beats,

I will live.

I will love.

And I will write. 

At muli kagaya ng mga nakaraang blog post ko sa tuwing sasapit ang aking kaarawan. Ako'y galak at minarapat na ipangalandakan lahat ng pangalan ng mga bumati sa akin:

- Matet Navarro

- Mercy Valtiendas

- Sir Joseph Verdida

- Reggie Bhoy

- Kuya Jay Corral

- Inay Gerlan

- Teacher Gina Garcia

- Gino Paulo Bautista

- Tita Merly, Tita Bek

- Rica and Renzo

- Joy Sarmiento

- Janice Santos

- Marriott Lim

- Richa Chiu

- Criselda

- Leslie from Threads

- Isay Mallari

- Crispino Ebrado

- TL Carlo Calantuan

- Teacher Abegail M. Quino

- Di Villaruz

- Myra Fernandez

- Lucy Dopolis

Kaunti man ang nakaalala sa atin ngayong taon, may mga bumati naman sa akin na mas mabangis pa sa mga crush ko, lol

Ang hirap pumayag niyan ni Catriona eh kaya medyo naka smid siya diyan, lol

Si Ivanna nakasalubong ko lang sa kanto, ayan libreng fansign greeting.

Tapos may Bella Padilla ka pa, haayst!

And then may Blythe ka pa. San ka pa? lol

Pero eto talaga sa idol kong moto vlogger na inikot ang buong Pilipinas. Please follow her vlogs at @lucydopolis in Youtube.

Linggo, Agosto 17, 2025

Life is a Piece of Cake

'A little lovin' and some fruit to bake, life is a piece of cake.

Bago natin umpisahan ang kuwento nais ko lang muli pasalamatan ang mga bumibisita at patuloy na sumusuporta sa aking munting tahanan ng katatawanan at kalokohan dito sa blog na ito. Pero ngayong hapong ito ay medyo sisimulan natin na seryoso ang usapan. 

Ang katotohanan hindi ko alam kung hanggang kailan mawawala ang site na ito. Ngunit kung sakali man na mawala ito, inyo pa din namang matutunghayan ang aking mga kwento sa ubasnamaycyanide.blogspot.com at https://ubasnamaycyanide.wixsite.com/mysite

Tinatamad? Baka. Walang bagong maihaing kwento? Siguro. Pero kung kwento lang din naman, sa palagay ko, ang araw-araw na nangyayari sa aking buhay ay sapat na para maging kwento ko sa inyo pero mas mainam nang pinili kong maging pribado at maging abala sa paggawa ng ilang bagay na sa aking palagay ay hindi naman interesante para sa mga mambabasa.

LIFE. 4 letters in english at limang letra sa Tagalog. Napakasimple. mabilis lang at ika nga pansamantala lamang. Pero kung iisipin mo, totoo naman, sa katunayan, ikaw na nagbabasa nito ngayon ay hindi rin magtatagal sabihin nating pagkalipas ng dalawang daang taon. Lahat tayo pagkatapos ng taon na iyon ay hindi na muling maaalala at tuluyang na tayong makakalimutan. Maliban na lang siguro kung magiging bayani ka o santo o kaya'y nakagawa ng pambihirang kapakipakinabang na bagay para sa tao.

LIFE is temporary. Parang Simeco lang. Mabilis lang. Pero sa saglit na yun bakit natin kailangang dumaan sa di mabilang na pagsubok. Sa buhay kailangan nating paghirapan ang mga bagay-bagay. Bakit kailanganng karanasan? Bakit kailangang maging mahalaga, at pagkatapos nun ay mamamatay ka rin naman. Bakit kailangang gumawa ng masama o kabutihan kung sa dulo kamatayan din ang kahuli-hulihang yugto ng buhay natin. Bakit nga ba?

Mahirap na masarap daw ang mabuhay. Pero kung titignan mo ang sirkulo, simple lang naman yun. Ipapanganak ka. Mabubuhay ka sa pag-aalaga ng mga magulang mo. Gatas ang unang likidong papasok sa katawan. Ngangawa, luluha, maglulupasay kapag hindi mo nakuha ang gustong laruan o gustong junk foods na ipinagbabawal sayo. Maglalaro ka. Kakain. Kakain ng marami. Dodoble ang hilig mo sa kanin hanggang sa matutunan mong mag extra thrice na rice. Magpapalaki. Dadaan ka sa stage na wala ka pang silbi. Mag-aaral ng dalawang taon sa Kinder at Prep. Ngangawa hangga't wala ka pang sundo. Mag-aaral ka ulet ng pitong taon. Lalabas ang mild na kagaguhan. Mag-aaral ng apat na taon sa High School. Lalabas ang pinakatatagong mong katarantaduhan. Magkakacrush. Mananapak ng kaklase. Matitikman ang unang halik. Magaaral ka na naman ng apat na taon depende sa kukunin mong kurso sa Kolehiyo. Mabibigyan ka ng singko ng propesor mo. Iibig muli. Matutunan mong makipagrelasyon. Gagraduate. Magtatrabaho. Magaasawa. Magkakaanak. Tatanda. MAMAMATAY.

So anong point ko? Bakit nga ba natin kailangang mag-struggle? Bakit kailangan o hindi kailangang gawin ang mga bagay-bagay? Bakit lahat na lang kailangang may dahilan? Eh bakit ko nga ba tinatanong ito, eh lahat din naman tayo ay mamatay sa takdang oras.

Kung minsan iniisip ko, baka masyado ko lang pine-personal ang “buhay.” Para bang akala ko lahat ng desisyon ko ay may mabigat na epekto sa buong sangkatauhan. Pero ang totoo, sa grand scheme of things, wala naman talagang pakialam ang mundo kung anong ulam ang kakainin ko bukas o kung ilang beses akong magpapalit ng bedsheet ngayong taon (aminin mo, may mga taon na wala).

Ang masaklap, lagi nating hinahanapan ng “meaning” ang lahat ng nangyayari. Kung nadapa ka sa kalsada—sasabihin mo agad, “Baka may aral ito sa buhay ko.” Pero sa totoo lang, minsan nadapa ka lang kasi hindi mo tinignan ang dinaanan mo. Walang mas malalim na dahilan. Hindi lahat ng bagay ay kailangang gawing inspirational quote sa Facebook.

At eto pa, habang tumatagal napapansin ko na mas nagiging komplikado ang buhay. Noong bata tayo, simple lang: gatas, laruan, at cartoons. Ngayon? Kape, bills, at cholesterol. Noon, ang problema lang ay kung makukuha mo ba yung laruan sa Jollibee kiddie meal, ngayon ang problema ay kung paano mo babayaran ang kuryente na parang laging naka-level na “Super Saiyan” ang metro.

Eraserheads - Fruitcake

Pero kahit ganun, siguro ito rin ang kagandahan ng buhay—yung kahit alam mong may ending, tuloy-tuloy ka pa rin. Para kang nanonood ng pelikula na alam mong malapit na ang credits pero nananatili ka pa ring nakaupo, kasi gusto mong malaman kung paano matatapos ang eksena. May twist ba? May plot hole ba? O baka naman biglang may sequel?

Kung tutuusin, ang buhay parang cake nga talaga. Minsan matamis, minsan mapait. Minsan nauubos agad kasi ang daming nakikihati. Minsan naman masarap i-enjoy ng dahan-dahan, slice by slice. Pero sa huli, ubos pa rin. Kaya siguro habang meron pang natitirang piraso, mas mainam na tikman at namnamin.

Kaya siguro ito rin ang punto ko—na kahit alam nating may katapusan, baka ang tunay na sikreto ng buhay ay hindi yung malaman kung bakit lahat may dahilan, kundi yung matutong tumawa, magpahinga, at kumain ng cake kasama ng mga taong mahalaga sa atin. Dahil sa dulo, hindi naman yung dami ng taon ang mabibilang, kundi kung gaano kasarap at kakulay ang mga naging alaala.

At kung darating man ang araw na wala na ako, gusto kong maalala na hindi ako natakot mabuhay at hindi rin ako natakot mamatay. Gusto ko rin malaman niyo na patas akong nakipaglaban sa buhay. Wala tayong tinarantado, wala tayong tinapakan o inabuso. Ang tanging kinatatakutan ko lang ay yung maiwan ang mga taong mahal ko—ang pamilya, ang kaibigan, at ang mga alagang aso’t pusa na umaasa sa akin. Kasi sa totoo lang, hindi naman ang kamatayan ang pinakamabigat, kundi yung iniwan mong puwang sa puso ng iba.

Buhay tayo para magmahal, para masaktan, para matuto, para bumangon, para bumagsak ulit at bumangon na naman. Parang cycle lang siya, pero sa bawat ikot, may bagong leksyon, may bagong sugat, at may bagong ngiti. At doon, nagiging totoo ang buhay—hindi dahil perfect siya, kundi dahil sa lahat ng imperfection niya.

Kaya kung meron man akong maiiwan na mensahe sa mga mambabasa ng munting espasyo kong ito: huwag kayong matakot mabuhay, kahit alam ninyong lahat tayo’y mamamatay. Dahil ang tunay na halaga ng buhay ay hindi nakikita sa haba ng ating panahon sa mundo, kundi sa lalim ng ating pinili—kung paano tayo nagmahal, kung paano tayo nagpasaya, kung paano natin pinahalagahan ang buhay ng mga hayop, silang mga walang boses, at kung paano natin niyakap ang bawat piraso ng cake na dumating sa ating mesa.

At kung ang buhay ko man ay isang “Piece of Cake,” sana sa huli, masabi ko ring “It was sweet enough.”

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...