May mga bagay talaga sa buhay na hindi mo inaasahang susubukan mo. Minsan, dahil sa impluwensiya ng barkada, minsan dahil sa hmmmm curiosity? At minsan dahil wala ka nang ibang magawa sa weekend kundi mag-scroll sa Tiktok at Facebook at makipatalo sa mga DDlis. At isa sa mga bagay na unti-unting gumugulo sa katahimikan ng ating mga kababayang Pinoy ay ang pickleball. Oo, pickleball! Isang larong pinaghalong tennis, badminton, at table tennis na tila naging bagong dahilan para kuwestiyunin ng ilang kalalakihan ang kanilang sariling pagkatao.
Dahil sa dami ng memes na kumakalat sa social media, parang may bagong unwritten rule na kapag lalaki ka at naglaro ka ng pickleball, kailangan mo nang magpaliwanag sa buong barangay at sang-kapeysbukan. "Pare, pickleball ka na? Hindi ka na ba nagba-basketball?"; "di nga pre, alam ko MMA ang laruan mo, pero ngayon paddle pop na ang grip mo". At dahil likas tayong mga Pilipino na mahilig makisabay sa uso, may isang lalaking nagpasiyang subukan ang larong ito.
Sa unang araw niya sa pickleball court, nakasuot siya ng basketball jersey, maong shorts, high-cut rubber shoes, at may dalang malaking water jug na parang sasabak sa PBA Finals. Pagdating sa court, hawak niya ang paddle na para bang isang sandata ng mandirigma. "Easy lang 'to. Parang tennis lang 'to, mga pare!" Unang serve, pumalo siya at tumama sa net. Pangalawang serve, lumipad ang bola palabas ng court. Pangatlong serve, hindi niya alam kung saan nanggaling ang bola, basta ang alam niya, may sumigaw ng "OUT!" Napatingin siya sa paligid. "Okay lang. Warm-up pa lang 'yan!"
Pero kahit ilang ulit siyang pumalya, hindi siya sumuko. Sa katunayan, nagustuhan niya ang laro. Pawis, pagod, competitive, at masaya. Ang problema, pag-uwi niya, nakita niya ang sarili niya sa isang meme. Caption: "Kapag nag-pickleball ka, may konting kiliti na nababago sa tikas mo." Napaisip siya. "May mali ba sa akin?"
Ilang araw ang lumipas, unti-unti na siyang nagiging regular sa court. Nagsimula na siyang bumili ng sariling paddle, bagong rubber shoes, at kung anu-anong accessories na hindi naman niya alam kung kailangan talaga. Nag-subscribe na rin siya sa mga pickleball tutorial sa YouTube. Dati, ang laman ng cellphone niya ay basketball highlights at mga video ng suntukan sa UFC. Ngayon, puro pickleball footwork, dink shots, third-shot drops, at kitchen rules na ang laman ng kanyang search history. Hindi na rin siya nagyayaya ng tropa para mag-inuman. "Pare, pickleball tayo bukas?" "May basketball kami, pre." "Sayang. May tournament pa naman kami."
Napansin din niyang mas marami nang babae sa court ang magaling maglaro kaysa sa kanya. Kaya nagdesisyon siyang mag-improve sa larangan na hindi niya linya at tinutuklas pa lang. Nag-aral ng proper grip, nag-practice ng soft hands, at nag-training ng dink shots. Nang tanungin siya ng kaibigan kung bakit sobrang seryoso na siya sa laro, ang sagot niya, "Because I want to be the best!" Naku, may character development na!
Dumating ang araw na napansin niyang hindi na bagay ang basketball jersey niya sa pickleball court. Kaya bumili siya ng dri-fit shirt, matching shorts, wristbands, at headband. Sumunod ang pastel-colored sportswear at cute na medyas. Hanggang sa dumating ang punto na mas mahal pa ang kanyang pickleball outfit kaysa sa buong basketball uniform niya sa mga ligang sinasalihan niya noon. Pero hindi pa rin siya kuntento. Habang nakatingin sa salamin, napansin niyang may kulang sa kanyang overall look. "Parang hindi pa kumpleto ang outfit ko."
Lumipas ang ilang buwan sa pagpa-practice sa loob ng pickleball court; nag-shopping siya at nakabili ng isang magandang tennis skirt. Teka lang! Tennis skirt? Oo, mga kaibigan. Hindi na siya nagdalawang-isip. Isinuot niya ito at nag-pose sa harap ng salamin. "Slay!" At dahil hindi pa sapat ang transformation, humiram siya ng blush-on, lipstick, at mascara sa kapatid niya. Naglagay ng kaunting makeup, inayos ang buhok, naglagay ng lip gloss, at nagsanay pa ng ilang pose sa harap ng salamin. Sa wakas, handa na siyang humarap sa pickleball court. Hindi na siya ang dating lalaking may dalang basketball. Siya na ngayon si Miss Pickleball Philippines 2026!
Pagdating niya sa court, halos hindi siya nakilala ng mga dati niyang kalaro. "Pare... ikaw ba 'yan?" Ngumiti siya at sumagot, "Why, darling? Don't you recognize a champion?" Hawak ang paddle, nakasuot ng matching pink outfit, may hair accessories, at may confidence na parang sasabak sa Miss Universe. Bago mag-serve, may pa-twirling pa. "Ready na ba kayo, mga accla?" Unang rally, dink shot. Pangalawang rally, smash! Pangatlong rally, Erne! At nang manalo siya sa isang matinding exchange, hindi na simpleng fist bump ang ginawa niya. May pa-hair flip, flying kiss, at catwalk sa gilid ng court. "Thank you, everyone! I would like to thank my family, my sponsors, and my paddle!" Samantalang ang dati niyang tropa, nakatayo lang sa gilid at hindi malaman kung matatawa o hahanga. "Pre, anong nangyari sa'yo?" Ngumiti siya. "Nothing happened, darling. I just found my passion." At mula noon, hindi na siya tinawag na pare ng mga kaibigan niya. Ang tawag na sa kanya ay Madam Champion. Mula sa mga jersey niyang Giannis Antetokounmpo na sinusuot sa basketball game, isa na siyang Janice Antengkokumphoowzzz.
Isang araw, habang nagpapahinga siya pagkatapos ng tournament, may lumapit na dati niyang kasamahan sa basketball. Mula ulo hanggang paa ay sinipat siya nito, tila hindi makapaniwala sa bagong personalidad ng dating astig nilang tropa. "Pre, ikaw na ba talaga 'yan? Dati basketball jersey lang ang suot mo, ngayon may matching skirt at lip gloss ka na. Ano'ng nangyari sa'yo? Na-in love ka ba sa pickleball o naging brand ambassador ka na ng isang beauty product?" Napatawa ang mga nakapaligid. Ngumiti lang siya, inayos ang kanyang buhok at sumagot, "Jealousy is a disease, darling. Get well soon!"
Pero sa likod ng biruang iyon, may isang simpleng katotohanan: hindi naman kailangang maging macho ang isang tao para patunayan ang kanyang pagkatao. Hindi rin kailangang mag-skirt, mag-makeup, o mag-catwalk para maging mahusay sa pickleball. Ang kailangan lang ay paddle, bola, tamang technique, at sapat na stamina para hindi ka hingalin sa third rally pa lang.
Sa totoo lang, nakakatawa talaga tayong mga Pilipino. May basketball na panglalaki, may volleyball na pambabae, may badminton na pang-lahat, at ngayon, pati pickleball ay kailangan pang dumaan sa gender inspection bago payagang laruin. Minsan, mas mabilis pa tayong magbigay ng label kaysa matutong maglaro. Pero kung tutuusin, ang pickleball ay isang sport. Hindi ito sukatan ng pagkalalaki, pagkababae, o kung ano mang personal na pagkakakilanlan ng isang tao. Walang nababawas sa pagiging lalaki mo dahil mahilig kang maglaro ng pickleball. Hindi rin naman nadaragdagan ang pagiging macho mo dahil marunong kang mag-dunk sa basketball.
At kung trip mong maglaro nang naka-skirt, mag-makeup, at mag-pose na parang beauty queen pagkatapos ng winning shot, eh di go! Basta huwag mong kalimutang magdala ng tubig at magbayad ng court fee. Dahil sa huli, hindi naman ang paddle ang dapat nating kuwestiyunin kundi ang utak nating minsan, masyadong mabilis mag-isip ng kung anu-ano. Kaya sa mga kababayan nating mahilig mang-asar sa mga lalaking nagpi-pickleball, relax lang. Hindi naman kayo ang sasabak sa tournament.
At sa mga lalaking naglalaro nito, huwag kayong matakot. Hindi nakakabawas ng pagkalalaki ang pickleball. Ang nakakabawas lang sa dignity mo ay kapag natalo ka na nga, ikaw pa ang nag-insist na out of bounds ang bola kahit kitang-kita ng buong barangay na nasa loob!
Game, set, match! mga accla, go!
— Ubas na may Cyanide
.png)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento