Biyernes, Mayo 9, 2025

Sa Gitna ng Putukan at Suntukan: "Lights!, Camera! Action! (Movies ala Pinoy-style)


'Tawagin na si tatay, lolo at kuya at action films ang ipalalabas ngayong gabi sa Regal Films Presents"

"Pagmasdan mo na mabuti ang araw, dahil bukas hindi ka na sisikatan ng araw." - Fernando Poe Jr

Ito ang mga katagang natatandaan ko nung 2003 sa loob ng bus pauwi galing sa pag-aapply ng trabaho. Bagong graduate at kailangan kumita agad ng datung. Medyo na relieve yung pagod ko sa kaka-Ingles sa aking interview nung nakita ko ang pelikula na ipinalalabas sa TV ng bus. Action movies na nauso noong 80s or 90s. Siyempre sino ba naman ang hindi mapapanganga noon kapag pinapanood mo na ang maaksiyong action scene ni Action King, Fernando Poe Jr. Nakaka-miss ring manood ng mga ganitong pelikula. Tila patay na rin kasi ang ganitong genre ng pelikula sa bansa natin. May ilan mang inilalabas na action movies paminsan-minsan, hindi naman kumikita at nilalangaw lang sa takilya. Aminin natin na ang pelikulang Pilipino ay kasalukuyang pinaghaharian ng comedy, romance drama, fantasy at horror genre. That’s in no particular order.

Kung lumaki kang nanonood ng pelikula habang kumakain ng Kropek at iniinom ang RC Cola, malamang nakapanood ka na ng isang tunay na Pinoy action movie. Ito ‘yung pelikula kung saan may walang katapusang habulan, may kontrabidang nakasuot ng shades kahit gabi, at may bida na hindi tinatablan ng bala basta galit siya. Ang determinasyon ng bida na kayang suongin ang kahit ang pinakamaliit na butas ng karayom ay gagawin mai-save lamang ang kanyang pamilya o leading lady sa mga goons ng pelikula. 

Ang action movie sa Pilipinas ay hindi lang basta pelikula — isa itong kultura. Isa itong aral sa buhay na kahit simpleng tricycle driver ka lang, basta may prinsipyo ka, puwede kang tumumba ng drug lord.

Balik tayo sa palabas, isang lumang pelikula ni Fernando Poe Jr. o FPJ ang kasalukuyang pinanonood ng mga pasahero. Hindi ako fan ni Da King kaya hindi ko alam ang title ng movie, hindi ko rin inabot ang opening credits. Pero medyo bata pa sa pelikula ang yumaong actor kaya malamang ay luma na nga ang pelikula. Siyempre ang plot ng pelikula ay iyong palasak na tema ng isang ordinaryong tao na inapi (pwedeng pinatay ang asawa o anak) pagkatapos ay maghihiganti at uubusin ang lahi ng mga taong umapi sa kanya.

Pero nagustuhan ko si Da King noong bata bata pa ako nang gumanap siyang si Flavio sa Panday. The best yung kanyang espada na tumu-tunog tunog pa habang humahaba bago kalabanin ang tropa ng mga halimaw ni Lizardo as Max Alvarado. Naging patok ito sa mga kabataan noong dekada nobenta, si Panday ang tagapagligtas ng naaapi at mga inaaswang, kinakapre, namamatanda at minamanananggal. Klasik na klasik yan!

Hindi mawawala ang trademark ng mga Pinoy action movies na bago magsuntukan o magbarilan ay magpapalitan muna ng mga quotable quotes gaya ng “pagsisimbahin kitang may bulak sa ilong,” “’di ka na sisikatan ng araw,” “iyo ang Tondo akin ang Cavite,”  “harap mo linis mo” at “aso lang ang umiihi dito.” Sa Pinoy action movie kailangan munang maghamunan kayo na parang mga script sa wrestling habang tayong mga viewers ay hindi kumukurap sa mga susunod na mangyayari lalo na kung may hostage ang kontrabida at kung paano ito maisasalba ng bida. Ganyan ang aksiyon movie, pero ang kongklusiyon hindi mananalo ang kasamaan at sa huli matitimbuwang din ang kontrabida pero ito ang pinaka trademark ng Pinoy action movie, asahan mong kapag sa Maynila nangyari ang barilan, yung mga pulis akala mo ay manggagaling pa sa Tuguegarao o Aparri at huli na dadating at dito na aangat ang credits, signalling na tapos na ang pelikula at tapos na rin ako ng kangunguya ng Liempong Manok barbeque flavor. 

                                                                          Gloc 9 feat Denise - "Hari ng Tondo"

KARANIWANG SETTING: SAAN NANGYAYARI ANG MGA GANAP?

“Tahimik na Barangay” na Laging Gulo sa Dulo

Laging nagsisimula ang pelikula sa isang simpleng baryo. May batang naglalaro ng teks, may tindahan si Aling Nena, at ang bida ay tahimik lang na nag-aalaga ng baboy. Pero syempre, sa eksena ng pangatlong putok ng baril, may dadaan nang van na itim at tinted, at andiyan na si Don Victor! Si Don Victor na gustong bilhin ang lupa ng mahihirap at gagawing istruktura ng kanyang business pero hindi papayag ang mga nakatira dito. Dito na iikot ang istorya.

Lumang Bodega 

Kapag may bodega, siguradong may laban. Lagi itong may kahon, drum, at tatlong goons na nagkakape habang nagbabantay. May tatak na "DANGER: FLAMMABLE" ang mga drum kahit mukhang matagal nang abandonado. Dito kadalasan dinadala ang mga hostage na nakagapos sa isang kuwarto sa bodega. Unti-unti namang nalalagas ang tauhan ng kontrabida habang dahan-dahan at tahimik na nilulusob ng bida at maaalerto lang ang mga goons ng sabay-sabay kapag nagkaroon na ng pagputok ng baril. May isang goon na magsasabi sa lider na nilulusob tayo ni "Kardo" (pangalan ng bida) at sasabihin naman ng lider na paikutan niyo ang paligid na may halong kaba na ito. Dito rin kadalasan nagtatapos ang pelikula sabay dating ulit ng laging missing in action na mga pulis. 

Mansyon ni Kontrabida

Gated subdivision. May fountain. May mga goons sa gate na naka-barong o leather jacket. Laging may eksena si kontrabida habang iniikot ang brandy sa baso habang nagsasabing, “Hindi ako natatakot kahit pulis pa ‘yan!”. Yan ang kuta ng kontrabida sasabihin niya lahat ng dialogue niya na hindi siya natatakot sa bida. Dito sila kalimitan nagpaplano ng sidekick niyang kontrabida rin kung anong susunod na kalagiman ang gagawin nila sa kanilang mga biktima. 

Putukan pero Walang Reloading

Mapapansin mo, ang mga bida gaya nina FPJ, Lito Lapid, o Ramon Revilla Sr. ay may baril na walang katapusan ang bala. Ilan rounds lang ang pwedeng lamanin ng revolver, pero nakakapatay sila ng 30 goons straight. Pero minsan para may thrill ay naubusan siya ng bala pero ang kalaban papalapit na, kailangan niya mag reload ng mabilis pero ang kontrabida isang segundo na lang sa pagkalabit ng gatilyo sa kanya pero siyempre laging may mirakulo sa bilis ang kontrabida at maaunahan pang putukan ang kontrabida. Patay ang kontrabida. Ako naman sa ganitong eksena kahit hindi horror ang palabas ay nagtatakip ako ng mata pero may siwang ng kaunti para napapanood ko pa rin. Parang tanga lang di ba sabay kuha ulit ng Expo nuts sa supot ng tigpipisong makukutkot na chichiryang binili. kay Aling Meding. 

Suntukan na may Choreography

May choreography ang suntukan. May mga sound effects na “Pak!” “Thud!” at “Ugh!” Laging may eksenang tatapon ang isa sa kahon, mesa, o bintana — kahit nasa gitna ng kalye. Kung may goons hindi mawawala ang mga dakilang stuntman, sila yung mga tauhan ni kontrabida na laging minamani-mani ni bida sa suntukan, tadyakan, saksakan o barilan. No match ang mga ito sa bida at kahit gatiting na sugat ay hindi nila magagawa sa bida. Sila yung mga ibinabalibag sa mesa, hinuhulog sa building, nahahataw ng dos por dos at kung anu-ano pang torture kaya minsan saludo din ako sa mga stunt man na ito. Hindi gaganda ang action film ng Pilipino kung wala sila. 

Tabo Scene

Kapag gusto ng bida ng redemption arc, maliligo siya. Minsan sa balde, minsan sa poso, habang seryoso ang mukha. Ito ang palatandaan na may gigil na siya. Lagot ang kalaban. Ang bumangga giba. From tabo scene to taob lang ng kalaban. Dito  nagiipon ng lakas ang kontrabida sasalamin sa kanya ang mga alaala na pinatay ang kanyang mga mahal sa buhay, sa eksenang ito kokolekta siya ng lakas at parang Raygun ni Eugene na sasambulat ang paghihiganti sa mga kontrabida. 

Final Showdown sa Bodega with Explosion

Laging may eksena na may lalagablab na drum. Minsan may sumisigaw ng “Walang makakapigil sa akin!” bago tamaan ng bala at mahulog sa apoy. Klasik. Halos lahat ng bida sa napapanood kong Pinoy action movies ay laging buhay ang bida, kaunti lang ang mga namamatay lahat happy ending pero huwag ka, ang bida sugatan, maraming tama ng baril at saksak, umuubo na ng dugo pero at the end happy ending kasi buhay sila a maisusugod pa sa hospital. Ganyan ang drama sa mga maaksiyong pelikula sa pinilakang tabing. 

Sino nga ba ang mga sikat na kontrabida sa Pinoy action movies. Kilalanin natin:

PAQUITO DIAZ 

Walang mas matalim tumingin kaysa kay Paquito Diaz. Isa siya sa mga OG kontrabida na kahit wala pang sinasabi, mukha nang may binabalak na masama. Bida man si FPJ, Dante Varona, o Rudy Fernandez, siya ang kadalasang tumatayong kingpin. Kilala siya sa mga eksenang rape scene at smuggling. 

MAX ALVARADO 

Si Max, kahit kontrabida, minsan ay may sariling drama. Madalas may backstory kung bakit siya naging masama. Pero kahit ganun, laging talo sa dulo. Pinaka nakilala si Max sa pelikulang Panday bilang Lizardo ang mortal na kaaway ni Flavio aka Panday. Siya ay isang masamang salamangkerong nagtataglay ng kapangyarihan ng dilim o kasamaan laban sa mga inosenteng tao.

SUBAS HERRERO & ROMY DIAZ

Mga kontrabidang sosyal at barumbado. 

Si Subas ang corporate villain. Suot ang Americana, laging kalaban ng masa. Si Romy Diaz naman, goon ng goon. Kasama sa lahat ng pelikula, kung hindi goon, siya ‘yung tauhang biglang sasabihing, “Boss, may problema tayo...”

DINDO ARROYO, EDDIE GARCIA, and CONRAD POE

Mga classy pero deadly. Laging pino magsalita pero mamamatay-tao pala. May political connection. Minsan si Dindo ay ginagampanan ang pagiging drug addict/rapist. Si Eddie Garcia minsan bida at kontrabida ang ginagampanan, kadalasan comedy ang mga banat pero astig. Hindi ko makakalimutan ang mga pelikula niyang Boyong Manalac at Asiong Salonga. 

Pagdating sa suntukan, walang tatalo sa bida. Kahit lima pa ang kalaban niya ng sabay-sabay, walang binatbat ang mga kalaban. Gugulpihin niya ang isa habang ang iba pa ay nakatunganga lang o dahan-dahang bumabangon. Sa sobrang galing ng bida, kaya pa nitong gumamit ng iba’t ibang klase ng suntok… may uppercut, straight, left o right hook at minsan ay tumatambling pa kahit na matanda na ang bida!

Kapag sa barilan, laging asintado ang bida kahit pa ang bida ay noon lang nakahawak ng baril. At syempre, dahil asintado ang bida, ang mga kalaban ay puro bano, laging nakakailag ang bida. Ang baril din ng bida ay hindi nauubusan ng bala kahit na napakarami ng kalaban. Mauubusan lang ng bala ang baril niya kapag nakaharap na niya ang lider ng mga kalaban o ang kontrabida. Samantalang ang kontrabida naman, kahit ilang beses pa lang niyang pinaputok ang baril, nawawalan agad ng bala kapag nakaharap na ang bida. Iyon ang hudyat na kailangan na nilang magsuntukan.

Special mentions: BOB SOLER, CHARLIE DAVAO, ROLDAN AQUINO, EFREN REYES JR, VIC DIAZ, EDDIE GUTIERREZ, JOHN REGALA, DICK ISRAEL and JOAQUIN FAJARDO.

TUNAY NA MGA PELIKULANG AKSYON NA TUMATAK SA MASANG PILIPINO:

“Agila ng Maynila” (1988) – FPJ

Si Fernando Poe Jr. bilang si Mauro Reyes. Pulis na ginipit, nilabanan ang korapsyon, at sumabog ang isang buong warehouse. Classic na kwento ng "taong-bayan laban sa sistema."

“Mistah” (1994) – Robin Padilla

Sundalo si Robin dito. Maraming barilan, maraming sigawan. May linya siyang: “Buhay sundalo, walang kasiguraduhan.” Tapos lahat sila umiiyak sa ulan habang may nabu-burnout na jeep sa likod.

“Asiong Salonga” (1977, remake 2011) – Joseph Estrada / ER Ejercito

Sa Tondo nagsimula ang lahat. Batang kalye, naging astig, naging alamat. Grabe ang sapakan. Sa 2011 version ni ER Ejercito, lahat may pomade. Kahit goon.

"Markang Bungo" (1991) - Rudy Fernandez 

Based sa tunay na pulis na si Bobby Ortega. Kung gaano ka-deadpan si Rudy Fernandez ganun siya kabilis magbunot ng baril. Trademark niya ang lilipad na katawan sabay roll sa lupa.

“Nardong Putik” (1971) –  Ramon Revilla Sr.

May agimat. May madyik. May baril. May tabak. Kung bida si Ramon Revilla Sr., hindi sapat ang isa. Minsan ang bida, amain ng kalaban, pinsan ng mayor, at may kapangyarihang taglay mula sa sinaunang panahon. O diba?

- LISTAHAN NG PINOY ACTION FILMS -

Nakaka-miss talaga ang mga Pinoy action movies. Siguro ay talagang napaglipasan na ng panahon ang mga ganitong pelikula. Hindi na rin kasi naa-appreciate ng mga kabataan ngayon ang mga ganitong movies. Wala na rin sa mga bagong artista ngayon ang nalilinya sa action genre. Mas gusto na nilang maging dramatic actors at umiyak nang sabay na tumutulo ang luha at uhog. Wala na ang nangahas na sundan ang yapak nina FPJ, Erap, Ramon Revilla, Lito Lapid, Philip Salvador, Ace Vergel, Robin Padilla, Jeric Raval atpb. Baka makornihan na ang henerasyon ngayon sa mga taglines ng bida at kontrabida. Iba na kasi ang panahon ngayon mas uso ang kwentong pag-ibig na may halong drama at higit sa lahat mas nagugustuhan na ng kabataan ang panlasa ng Kpop drama, horror at komedya. 


Dahil sa pelikulang aksyon, natuto tayong lumaban. Natuto tayong hindi lang tumakbo sa problema. 

Ang bida ay laging para sa masa. Hindi siya mayaman. Minsan tricycle driver. Minsan dating sundalo. Pero lagi siyang may prinsipyo. At sa dulo, kahit duguan, nakatayo pa rin siya, habang ang theme song ay pabulong na sumasabay sa hangin.



Miyerkules, Mayo 7, 2025

Jack's Biking Chronicles: Ride High sa Tagaytay

Ang pag-akyat ko sa Tagaytay gamit ang bisikleta ay isa sa mga pinaka-challenging pero pinakamasayang adventure na naranasan ko.

Linggo ng umaga, tinatantiya ko ang sarili kung kaya ko na ba talaga at dahil nakapag decide na ako last week, na ito na talaga ang susunod kong puntahan pagkatapos ng maraming Linggong ensayo, sa tingin ko ay mukhang kakayanin ko na umakyat ng Tagaytay gamit ang aking bisekleta. 

Kung may isang lugar sa Luzon na pinapangarap puntahan ng halos lahat ng siklista—baguhan man o beterano—walang duda, Tagaytay 'yan. Malamig ang klima, maganda ang tanawin, at may kakaibang hamon na dala ang pag-akyat sa lungsod na ito. Pero kung akala mong basta-basta lang ang pagpedal papunta rito, teka lang. Ang dinaanan kong ruta? Isa sa pinakamatarik, pinakahamon, at pinakamasakit sa hita’t tuhod. Pero sulit na sulit naman!

Isa sa mga pinaka espesyal na ride ko ang Tagaytay city. I challenge myself on that day, kahit pa maulan sa unang sabak ko sa pag-akyat sa Tagaytay ay wala nang urungan to at sinakto ko pa talaga sa anibersaryo ng unang hindi magandang nangyari sa aking puso kung saan naexperience ko ang unang beses na heart attack noong 2018. Ginawa ko itong ride after 3 years pagkatapos ng aking heart surgery. But, guess what success ang bike ride sa unang pagkakataon sa Tagaytay City. 

Maraming mapapasyalan sa Tagyaytay na mga landmark katulad ng mga simbahan at mga chapel. Maaari kang bumisita sa Pink Sisters Monastery o sa Our Lady of Lourdes Parish Church kung ikaw ay relihiyoso.Hindi niyo rin dapat mapalagpas ang pagbisita sa Taal Lake at Taal Volcano, na maaari mong matanaw sa Tagaytay Ridge. Kung gusto mong magpicnic kasama ng iyong pamilya, pumunta kayo sa Tagaytay Picnic Grove. May eco-trail at zipline doon kaya siguradong magugustuhan ito ng buong pamilya. Bukod dito, isa sa pinakasikat na lugar sa Tagaytay ay ang Sky Ranch kung saan makakasakay ka ng iba’t ibang amusement park rides habang tinatanaw ang magagandang view.

ANG PINK SISTERS CONVENT AND CHAPEL at ang INA NG LAGING SAKLOLO PARISH


Natatandaan ko noon, alas-sais pa lang ng umaga mula sa Imus ay nasa Dasmarinas Waltermart na ako pero napahinto dahil sobrang lakas talaga ng buhos na ulan. Itinuturing ko itong wet ride dahil kahit na mahina ang patak ng ulan ay tuloy ako sa pagpadyak maabot lamang ang Tagaytay ng mas maaga. Kung sanay ka sa mga patag na kalsada, ibang usapan na kapag binanggit ang Palace in the Sky route via Kaykulot Road. Ito ang daan na diniretso ko mula sa Silang, Cavite — at Diyos ko, napasigaw talaga ako sa sarili ko habang paakyat. Bandang Silang, Cavite ay malamig na ang panahon kaya kasabay ng aking pagpadyak ay ganun din naman ang nginig ng aking panga sa ginaw na aking nararamdaman. 

Sa simula pa lang sa Barangay Iruhin, aakyatin mo na agad ang Kaykulot Road — isang makitid at pakurbang kalsada na walang patawad sa incline. Nasa 8% to 12% gradient ang ilang bahagi, at minsan parang pader na ang anggulo ng daan. Hindi ka pa man nakakarating ng Tagaytay rotunda, ramdam mo na ang hapdi sa hita. Dito ko naranasan ang “bike push” moments kung saan halos itulak ko na lang ang bisikleta ko paakyat.

Pero ang pinaka-rewarding part? Yung bigla mong matatanaw ang Taal Lake habang nililingon mo ang dinaanan mong bangin. Walang kapalit na presyo ang tanawing iyon. Ramdam mo na agad — Ah, Tagaytay na ito!

"PAG-AKYAT SA TAGAYTAY ROTONDA AY SELFIE AGAD SA SIKAT NA MARKER NA ITO. HINDI RIN DAPAT PALAMPASIN ANG SELFIE SA ACIENDA SILANG."

                       

"ALAALA NG MAULANG PAG-AKYAT SA TAGAYTAY NOONG PANAHON NG PANDEMIC TAONG 2020."


"TATLONG BESES LANG AKO NAKA[ADYAK SA TAGAYTAY ANG UNA AY MAULAN NA PANAHON, MAARAW NA PANAHON AT KUMAIN NG PARES SA PARESTOP NA RESTAURANT NG TROPA"

Mga Pagkaing Dapat Tikman Pagkatapos ng Pagpedal

Matapos ang matinding akyatan, oras na para mag-refuel. At syempre, sa Tagaytay, hindi pwedeng palampasin ang mga iconic na kainan:

1. Mahogany Market Bulalohan


Una sa listahan — ang legendary Bulalo ng Mahogany Market. Matapos ang malamig na ahon, walang kasing sarap ang mainit-init na sabaw na may malambot na baka at bone marrow. Para kang niyakap ng langit! May kasama pang saging na saba, atsara, at sawsawan na toyo’t kalamansi. Kung gusto mong busog na busog, ito na ‘yun. Pero kung highblood ka hinay lang at papadyak ka pa pabalik. 

2. Bag of Beans


Para naman sa chill vibes at mas sosyal na ambiance, diretso ako sa Bag of Beans. Perfect ito kung gusto mong mag-kape habang nakatanaw sa Taal Volcano. May mga all-day breakfast meals din sila gaya ng tapa, tocino, at fluffy pancakes. Worth every peso. Minsan lang yan kaya huwag na panghinayangan gumastos ng kaunti. 

3. Mushroom Burger


Isang Tagaytay classic! Di mo man ito agad mapansin dahil parang fast food lang ang dating, pero ang burger na gawa sa kabute ay kakaiba. Masarap, healthy pa! Siksik ang lasa, at perfect pang-light meal pagkatapos ng mabigat na pedalan. Natatandaan ko pa itong restuarant na ito at hindi pa ito ganito kalaki dahil naging kasama sa itenerary namin ang lugar na ito sa aming field trip noong ako'y high school pa lamang na nag-aaral sa San Andres Bukid, Manila. Nakaka nostalgia para sa akin ang matunton muli ang kainan pagkatapos ng mahabang panahon at teenager pa ako nun!

Bukod sa pagkain, syempre, hindi kumpleto ang bike adventure kung walang side trips. Heto ang mga paborito kong napuntahan (o dinaanan) sa Tagaytay:

1. People's Park in the Sky


Ito ang dating Palace in the Sky, isang hindi natapos na mansion ni Marcos Sr. na ngayo'y naging public park. Nasa pinakataas ito ng Tagaytay Ridge kaya’t siguradong breathtaking ang view. Kita mo rito ang Taal Lake, Laguna Bay, at mga bundok ng Batangas. Kahit pagod, sulit ang pag-akyat para sa selfie at sunset shots! Medyo rewarding para sa akin at proud sa sarili kasi noon kasama ko pa ang mga kamag-anak namin dito para mag picnic at may sarili kaming sasakyan na inarkila, sa ngayo ay pinapadyakan ko na lang. Kaunting mini-shout out para sa sarili. 

2. Sky Ranch Tagaytay


Kung may kasama kang pamilya o gusto mong magpahinga habang nanonood ng mga nag-eenjoy, Sky Ranch ang bagsak mo. May Ferris wheel, rides, at food stalls. Kahit di ka sumakay, masaya nang mamasyal at mag-snack.

3. Puzzle Mansion


Nakakaaliw din ang Puzzle Mansion, isang museum na may pinakamalaking koleksyon ng jigsaw puzzles sa buong mundo! Medyo out of the way pero worth it para sa mga mahilig sa art at kakaibang trivia.

4. Taal Vista Hotel View Deck


Libre ang view, pero sosyal ang ambiance. Kung gusto mo ng picture-perfect na background habang nagpapahinga, pumunta ka sa may Taal Vista Hotel view deck. Nasa gilid ito ng highway, kaya’t accessible kahit naka-bike.

Nakisama naman ang araw sa aking pag-uwi ngunit makulimlim pa rin, naroon pa rin ang timpla ng lamig at nginig sa tuwing tumatama sa akin ang malamig na hangin. Pero sa pagbalik, mdyo kaunti na lang ang hamon sa pag-ahon kasi lahat ng yun ay nadaanan mo na paakyat ng Tagaytay kaya asahan na panay palusong naman ang susuungin mo. Masaya ang pasulong sapagkat hindi mo mararansan ang pumedal sa mahabang pagkakataon ang kailangan mo na lang ay karagdagang ingat at kapit ng matindi sa brakes ng bike mo. Sa mga pababang bahagi ng kalye bawal ang magkamali. 

                                                            Sons of Zion - Road Trip

Kung gusto niyong subukan ang Tagaytay sa pagba-bike heto ang mga dapat alalahanin:
  • Magdala ng sapat na tubig. Uhawin ang ahon, kahit malamig ang panahon.
  • Mag-kahon ng energy bar o saging. Para di ka ma-bonking!
  • I-check ang preno. Sa ahon paakyat, may pababa rin—kailangang matibay ang preno mo.
  • Maagang bumiyahe, para iwas sa init ng balat. Alas kwatro ang tamang alis kung ang lugar mo ay nasa Cavite lang din.
  • Ready sa fog. Minsan biglang makapal ang ulap, so mag-ingat lalo sa visibility.
  • Dapat ay laging naka charge ang mga kinakailangang ilaw ng bisikleta harap at likod lalo na kung madilim pa ang pag-alis.
  • Huwag kalilimutan ang mgab asic hand signals sa daan lalo na at matarik ang aakyatin na lugar.
  • At ang ang pinaka importante sa lahat ay magdasal bago umalis at bago umuwi bilang paghingi sa Diyos ng ligtas na pagbibisikleta.

Ang pag-akyat ko sa Tagaytay gamit ang bisikleta ay isa sa mga pinaka-challenging pero pinakamasayang adventure na naranasan ko. Bukod sa exercise, may kasama itong pagkain, tanawin, at kaunting reflection habang nag-iisa sa mahangin at malamig na kalsada. Oo, masakit sa tuhod, pero ang gantimpala — ang saya, ang pagkain, at ang tanawin — ay higit pa sa pagod.

Kaya kung ikaw ay naghahanap ng next bike challenge mo, subukan mong akyatin si Tagaytay. At kapag nandun ka na sa tuktok, humigop ka ng bulalo para o kumain ng pares at magdala ng pasalubong pauwi at tikman ang pamosong buko pie ng Tagaytay. 

Ride safe, mga kapadyak!




Martes, Mayo 6, 2025

ALTERNARAP: Ang Peace Treaty ng Hari ng Metal at Prinsipe ng Rap

 

Nasaksihan mo ba noon ang hidwaan sa pagitan ng mga metal at hip-hoppers?

Noong magtapos ako ng hayskul, labing anim na taong gulang, binansagan ako ng aking mga classmate na "Most Rock Fanatic". Sa totoo lang at hindi sa pagmamayabang, para akong si Ernie Baron ng nakaraan at Kuya Kim ng kasalukuyan dahil ituturing akong isang "walking rock music encyclopedia" na nakakaalam ng mga kasagutan sa kung ano ang bago at kung ano ang meron sa rock music scene. Lagi kasi ako nakatutok noon tuwing Linggo limang taon bago matapos ang dekada nobenta. Taong 1995 ang kasikatan ng lahat ng mga banda sa Pilipinas, mapa-underground man o mainstream. Lagi akong nakikinig sa dalawang istasyon lamang ang "The Home of NU Rock" ng NU 107 at ang "Rock of the World" ng LA 105.9. Mula umaga ng Linggo hanggang dapit-hapon ay nakatutok ako sa mga istasyong ito at nakikinig ng Z-Rock 50 countdown ng NU at LA 109.5 Top 50 Countdown. Ang kaibahan ng dalawa ang NU 107 ay kadalasang mga foreign rock bands and ipinatutugtog sa ere habang sa kabilang istasyon ng LA 105 ay panay Pinoy underground bands naman ang iniere, at talaga nga naman na hahanga ka rin sa tugtugan nila kahit hindi sila ganoon pa kakilala. Uso pa noon ang mga bar kung saan ginaganap ang mga rock sessions kagaya  ng Mayrics, Club Dredd, Freedom Bar, Kalye at 70's bistro. The 90s was a golden age for live music in Manila. Ito yung mga stepping stone ng mga bandang gustong sumikat. Sa totoo lang, maraming bandang magagaling at magaganda ang tugtugan ang hindi nakilala dahil sa paglipas ng panahon nag-iiba ang trip ng tao. Kagaya ng trip ng bagong kabataan ngayon - Kpop ðŸ¤®

Pero ang hindi talaga nila alam bago ko pa nagustuhan ang mga ganitong rakrakan na musika una kong kinahiligan ang mga mga kantahan at genre ni MC Hammer at Vanilla Ice. Oo, ako ay naging isang hip-hopper na gustong matutunan ang lahat ng liriko ng bagong rap song at umindayog sa mga latest dance groove. 'Yun nga ang, 'di ako natuto kahit isa. Kahit pa bumili ako ng napakaraming songhits nuon hindi ko talaga masabayan ang lyrics sa bilis ng pagrarap masama pa napapa tongue twister pa ko. Kaya sabi ko ay puta, tama na at  niloloko ko lang ang sarili ko. Mukhang hindi talaga ako bagay sa genre na ito. 

Noong ako ay nasa Grade 5 hanggang 6, sila Francis M., Andrew E., at Michael V ang mga iniidolo ko sa larangan ng musika. Ang sarap sa tenga ng mga naughty songs ni Andrew Espiritu na laking Dongalo Paranaque kung saan eto na ata ang hip-hop kapital ng Pilipinas. Yung mga kantahang "Andrew Ford Medina", "Alabang Girls", "Manchichiritchit", at yung pinaka nakilala siya sa kantang "Humanap ka ng Panget" na kinontra naman ng kanta ni Michael V na "Maganda ang Piliin". Hindi ko rin makakalimutan yung mga kantahan ni Michael V na may halong mga komedya sa lyrics kagaya ng "Eksena sa Jeepney", "Sinaktan mo ang Puso ko" at "Hindi ako Bakla". Pero wala ng da dabest pa kay Francis "Kiko" Magalona nakilala bilang "The Master Rapper", "The Mouth" and "The Man from Manila". Isang malaking kawalan sa industriya nuong siya ay  namatay sa leukemia noong Marso 6, 2009. Kung gusto mo makinig ng mga kantahang maka Pilipino o yung tinatawag na "Filipino patriotic songs" na pinaghalong tema ang rap at rock you should listen to Francis M. Hindi mabilang ang mga napasikat niyang kanta. Pero sa mga kantang "Mga Kababayan", "The Man From Manila", "Kabataan Para sa Kinabukasan", "Cold Summer Nights", "Girl Be Mine" at Kaleidoscope World" dito talaga umusbong ang kanyang kasikatan. Isa sa mga idolo ko ito pagdatig sa genre ng pinagsamang rap at rakrakan.

At nasa listahan ko rin naman ang mga sumikat na undergrouund group rappers katulad ng Masta Plann na pinasikat ang kantang "Bring that Booty Over Here", "Sally (that girl)" at "Fix da World up". Kung hardcore rap naman nariyan ang Death Threat, kung ugali mong magmura sa kanta at liriko, represent Death Threat! Yung mga kantahang "Ilibing ng Buhay ang mga Sosyal", "Gusto kong Bumaet (pero di ko magawa)" at "24 Oras". Di rin mawawala sa playlist ko ang Legit Misfitz na nagpasikat sa kantang "Jabongga" at "Air Tsinelas." At go with the flow ako sa kantahang Urban Flow with their song chikitikita Miss "Miss Pakipot".

Lahat ng mga kanta na 'to inaabangan ko palagi sa 89.1 DMZ (Dance Music Zone) 'yung remix ng mga hit songs para irecord sa blank tape. Ito yung karaniwan ngayon na tawag na "jeepney songs" yung lalagyan lang ng slow beat kahit ang pinakikinggan mo ay kantahang Air Supply. Tuwang-tuwa mga klasmeyts at adiser namin sa klase sa mga panahong yun. Sino ba naman ang hindi matutuwa sa mga rappers noong mga panahong yun? Ang sagot, MARAMI rin pala. Ang saya lalo na nung Intrams lalo na kapag Basketball na talagang napapaindak at gumagaling maglaro ang makapakinig ng "Air Tsinelas." Ang porma din kasi ng lyrics!

Noong dekada nobenta, habang ang ibang bata ay abala sa pagtetext gamit ang 3310 o panonood ng Takeshi’s Castle, kami namang mga batang kalye ay nakasiksik sa jeep, hawak ang Walkman or Pocket radio, at nakatutok sa LA 105.9 — ang tambayan ng mga tunog na hindi mo maririnig sa AM o sa radyo ng nanay mo. Dito, unang bumangga ang rap at metal, pero sa halip na magkasapakan, nagka-peace treaty sila — sa pamamagitan ng Alternative Rap.

Dati sa hindi malamang dahilan, nagkakaroon ng hidwaan ang mga taong metal at mga tambay na rapper sa kanto ng Smith st sa Maynila. Ito ay dahil lamang sa hindi nila pagkakagusto sa tema ng kanilang porma at pinakikinggan. Nagkakaroon ng asaran sa porma o di kaya ay aasarin ng hiphop ang metal na may putok dahil sa porma nitong rakista, laging nakaitim mula ulo hanggang paa, naka shades na itim at naka bota, itim ang labi at hindi nagsusuklay na may matigas na mahabang buhok na tila hindi nagshahampoo. Ganun din naman ang banat ng metal sa hiphop na mukha ring mabaho at amoy kupal. Low-waist gang na parang naka-diaper na may tae dahil sa sobrang lawlaw at loose na pantalon, angmukhang tangang porma na naka sports headband pero nakatambay lang, mga nakakwintas na gold pero alam mo namang peke, mga feelingerong mayaman sa mga suot na gold chains, singsing, bracelet pero isang kahig-isang tuka hahahaha. Ganyan ang asaran noon brutal kung brutal kaya minsan umaabot sa sapakan, tadyakan hanggang sa maging rambulan.

Giniling Festival - "Hari ng Metal"

Akala natin dati, ang rap at metal ay parang tubig at mantika — hindi puwedeng pagsamahin. Pero nagkamali tayo. Sa LA 105.9, may mga bandang tumawid sa genre border nang walang passport:

 Erectus - sila ang tinaguriang Ambassadors of Rap metal. Isa sa pinakamagaling na bandang umusbong noong dekada nobenta. They are 6 years ahead before Slapshock,Cheese (Quezo),Greyhoundz and ChicoScience (ChicoSci) hit it big. Ang tunay na ugat ng Alternarap. 

Skrewheads – Sila ang sagot ng masa sa tanong: "Paano kung ang Beastie Boys ay galing sa Blumentritt?"

Dogbone – Galit, magulo, pero may sense. Para silang barkadang puro tattoo pero tatawa ka rin sa lyrics nila katulad nung single nilang "Pantalon"

Marami pang ibang banda ang nagsulputan at may mabibigat ding tugtugan katulad ng Muskee Pops, Gas, Sober, Damo ni San Pedro, at Datu's Tribe.

Sa panahong ng metal at hiphop, may unspoken alliance ang mga long-haired na may Death t-shirt at mga bagets na may bandana at medyas sa braso. Sa LA 105.9, walang judgment — basta malupit ang tugtog, game lahat! 

Grade 6. Noong ako ay nagbibinata na, napadaan ako sa tambayan ng isa kong kaklase, pinakilala ako sa grupo. Yung isa bumulaga sa akin, ang sabi ah hulaan ko pangalan mo, ikaw ba si "PAH-PEE-YO". Putek di ko ma-gets yung sinabi at  binugahan pa ako ng usok ng sigarilyo sa muka. Pero parang nainsulto ako kaagad. Lalo na nung  sinabi na disco lang daw ang alam ko at ang bulok kong radio station na 89 DMZ. Na challenge ako sa punk na yun. Pero salamat na din, dahil sa pagtatagpong iyon ang gumabay sa akin papunta sa mundo ng rakrakan at headbangan!

Pagpasok ko ulet sa klase kinabukasan, sinabihan ko yung kaklase ko na si Noah na pahiramin niya ako ng mga cassette na pinapakinggan niya. Parang ready naman siya at inilabas agad yung "Greatest Hits", di ko inaakalang may dala pala siyang cassette sa itim at tatlong taon na tila di nalalabhan na bag. Nabasa ko sa tape na Greatest Hits ng Queen. Sabi pa niya, pakinggan mo yung "Under Pressure", doon kinuha ni Vanilla Ice yung "ice ice baby" mo. Parang naging interesado ako dahil idol ko yung nabanggit. Matapos ang ilang ulit pang pakikinig sa radyo ko na, rewind, play at pause na lang ang gumagana, nagustuhan ko na rin ang pagbirit ng boses ni Freddie Mercury at killer guitar riffs ni Brian May. Napagalitan at nabulyawan ako ni ermats at ang ingay daw ng pinatutugtog ko, Hahaha! at nalaman ko rin na hiphop din pala siya dahil di naman niya ako sinasaway sa tugtugan ko nuon na hiphop kahit sobrang lakas pa ng volume.
At mula duon, natanggap ako ng grupo nila Noah at napatambay na rin ako sa kanila kung saan madalas kami nakikinig ng mga glam rock idols niya tulad ng Extreme, Aerosmith, Warrant, Poison at Guns N' Roses. Inalam ko rin ang lahat ng detalye sa mga bandang bago kong naririnig.

Pagka-graduate ng Grade 6 at pag-apak ng 1st year haiskul certified METAL na ako noong mga panahong yun kahit grunge naman talaga ang aking hilig. Oo, "metal" ang tawag dati sa mga taong mahilig sa rock. Hindi pa uso ang salitang "rakista" noon; "rockista" baka puwede pa, pero mas sikat ang pantawag na "metal". Isa na ako sa mga galit sa hip-hoppers kahit na dati rin naman akong mahilig sa maluwag na pantalon at lawlaw na short na parang Jimmy Santos ang porma.

Ito yung ilang mensaheng naalala ko para sa mga hiphop na galing sa mga punkista noon sa mga nagrerequest ng kanta sa LA 105.9. Ang LA 105.9 kasi ay tahanan ng mga rakista, metal at mga punkista.

"Mga Hip-hop, magtanim na lang kayo ng kamote...Mga hip-hop, mag-ingat kayo kasi aabangan namin kayo sa Megamall....Mga hip-hop magtago na lang kayo sa ilalim ng daster ng Nanay niyo." Suwerte mo kung mabasa pa ang message mo sa dami ng nagpapadala.

Ang malupet sa station na 'yun, may mga pagkakataong may rumeresbak na hip-hoppers sa message sa beeper number at binabasa nila ito sa ere, kaya lalong magagalit ang mga metal at tatawag sa operator para makipagsagutan. May natatandaan pa kong ginawa ng LA 105.9, pinag guest nila ang bokalista ng The Youth. Kinanta niya yung "Multong Bakla" acoustic version pero iba ang lyrics tapos ginawang "Multong Hip-Hop" ang title. Parang naging mortal sin talaga ang pagiging hip-hop dati. At kasikatan rin ng mga banda.
Sa mga malls dati mahirap makapasok kapag grupo kayong pupunta. Haharangin lang kayo ng guard lalo na kapag nakita kayong lahat na nakaitim na rock shirts. Ang tingin sa inyo basagulero, adik, satanista at kung anu-ano pang wala nang mas sasama pa. Ganun din ang sa mga hip-hoppers na sumasayad ang mga crotches sa sahig, hirap silang makapasok sa malls kapag sama-sama. Away o gulo lang ang tanging nakikita ng mga jaguars sa dalawang grupo.

Marami nang napabalita sa TV noon sa pag-aaway ng hip-hop at metal lalo na sa mga malls ng SM Megamal at Robinson's Galleria. Talagang nagsusuntukan dahil sa simpleng asaran. Walang patatalo. Kaya kadalasan may mga headlines sa tabloids dati tungkol dito.

Kapag nagpupunta kame noon sa mga konsiyerto, kawawa ang mga nakakasalubong na hip hoppers ng mga punks. Bugbog sarado. Pero wala naman akong nabalitaang may kinatay talaga, bugbugan lang.

Sa wakas nagtapos din ang hidwaan nang ang mga tulad ng Rage Against the Machine ay sumulpot. Biglang naisip ng mga metal na puwede pa lang mag-rap kasama ang gitara.

Sa totoo lang ang Alternative Rap ng 90s ay hindi lang tunog na pinakikinggan ng magkatunggaling genre — ito ay kultura, rebolusyon, at tambayan ng mga misunderstood youth. Dito natin natutunan na hindi kailangang mamili: pwedeng sabay ang sipa ng gitara at latay ng rhyme. Kaya pasalamat na lang sa Alternarap ang dalawang panig ay nagkasundo sa tema ng kanilang mga paboritong ritmo walang hiphop, walang punkista, walang metal. Sama-sama sa pakikinig ng walang nagkakainitan.

Kung kaya ng rap at metal magkaintindihan, baka pwede rin iapply sa lahat ng tao? Pwede kaya?

PS: Ang tumatak na Alternarap sa isip ko ay yung kanta ng Dog Bone na "Pantalon" tungkol siya sa kailangan ko na ata mag-diet kasi hindi na kasya yung paborito niyang pantalon: 🎵"Nang mamulat ng tanghaing tapat, pantalon ko'y dehins na suka, hindi masuot, hindi makalusot"🎵. Ang ritmo na talagang may galit at gigil dahil sa taba ng kaniyang tiyan at naisip niyang kailangan na niya mag-diyeta. Nakakatawang ang lyrics pero masarap sabayan.

Narito ang ilang mga sikat na Alternarap noong 90s:

                                                                  Erectus - "Traffic na Naman"

                                                                    Muskee Pops - "Mekaniko"

                                                                     Dogbone - "Pantalon"

                                                                      Gas - "Senorito"


Lunes, Mayo 5, 2025

Unang Putok sa Bagong Milenya


Anong unang nickname mo sa Counter Strike?

Bilang isang introvert at taong-uwi pagka-galing sa eskuwelahan ay hindi pa ako nakapasok noon sa mga computer shops dahil meron din akong sariling computer, hindi nga lang high end at tamang pang chat-chat lang sa Yahoo messenger, puti pa ang monitor, ang CPU na lumang istilo at mabibigat pa ang casing, ang klasik na white speakers na garalgal pa ang tunog at higit sa lahat, de-kaskas na Internet card pa ang gamit para makapag browse sa Internet. Ang madalas kong gamit ay ang ISP Bonanza, nariyan ang maingay na modem at kapag tumigil na ang ingay ay pwede ka nang mag-browse na kasing bagal ni Pong Pagong. Wala pa akong alam sa mga network games noon, kasi hindi naman high end ang gamit kong computer hanggang sa mapadpad ako at dalhin ako ng mga kaklase ko sa kolehiyo sa  computer shops sa taong 2000s. 

Dito sa panahon na ito uso ang maglaro ng mga network gaming. Ang Unang Putok sa Bagong Milenya ang Counter Strike 1.3. Bago pa ang ML, Fortnite, at Valorant, may isang hari sa mga computer shop ng Pilipinas: ang walang kamatayang Counter-Strike.

Kung hindi mo ito nalaro ay hindi mo naranasan ang makipag-barilan, makipagsaksakan, makipag-garanadahan in a thrilling gun fight online gaming noong early 2000s.  Pero para sa karamihan ng kabataan noon, ang CS (Counter-Strike, hindi Computer Science) ang dahilan kung bakit di tayo nag-aaral, nahuli ng magulang, at nagkaroon ng “permanent” na kaibigan sa shop na wala tayong alam sa totoong pangalan kundi "bungo", "beto", "Battousai", "Rambo", o "Boy C4".

Teamwork kuno – Pero lagi kang pinapabayaan. Kaya ang siste, magbablack kaagad ang monitor ng screen mo hanggang sa matapos ang isang match kaya't maghihintay ka na lang muna o kaya ay palingon-lingon ang ulo mo sa ibang monitor habang naghihintay matapos ang isang labanan ng Terrorist at Counter-terrorist.

Kung ikaw ay tunay na OG, alam mo ang ibig sabihin ng COMSAT: "Computer Overnight, Magdamagang Sabaw at Tambay."

Sa mga shop, tuwing Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga, nagaganap ang COMSAT — isang ritwal kung saan ang mga kabataan ay nagsasama-sama para sa:

  • 8-hour straight na CS
  • 1.5-litro ng Coke at isang pirasong Piattos
  • Pukpukan ng keyboard na parang may kagalit
  • Tuluyang pagkalimot sa modules at assignments

Sa Counter Strike, malalaman mong malalim na ang gabi kapag may isa nang natutulog sa monoblock habang may keyboard mark sa pisngi.

Ang mga kompyuter shop noon ay paraiso at purgatoryo. Narito ang checklist ng karaniwang tanawin:

  1. Amoy Pawis x BBQ x Pancit Canton Gaming
    — Ang bango ng adrenaline, instant pancit canton, at hindi nalabhang jacket ng tropa. Yung iba wala naman talagang pakialam sa amoy basta ma-action ang game at naka focus sa kung ilan na ang kanyang napapatay at nangunguna siya sa leaderboard ay ayos lang. Pero kapag nadeads ng maaga ay dun niya mamamalayan na: "Tang-ina ang baho ng headset ko"

  2. Mouse na Puro Kalmot at Wasak ang Scroll
    — Parang may nagpakawala ng pusa sa ibabaw nito gabi-gabi. "Pre, 'wag mo na i-scroll, i-drag mo na lang." May mga nadadala naman ng kanilang emosyon sa tuwing maheheadshot siya ng nakaabang na sniper sa bunker kaya minsan napagdidiskitahan ang mouse at nababalibag ng hindi nila sinasadya. Maya-maya magtatype na yan ng sensitivity code sa console niya. 

  3. Pwede kumain pero wag asal basura— Dapat matuto ka ng claygo, pagkatapos niyong maglaro ay ipunin lahat ng basura at mga natapong mumo ng kinain na chichirya. Meron ding mga comshops na nag-aalok ng pancit canton kasi ang com shop converted sa sari-sari store. Masarap nga  naman humigop ng mainit na sabaw ng noodles o kaya ng Lucky Me Pancit canton habang naglalaro para hindi ka malipasan ng gutom. Yung ibang comshop naman ay magdamagan kaya yung iba doon na natutulog. Ganyan kaadik ang maglaro ng Counter Strike ang mga kabataan noon. Kaya't kung hindi pa nakakauwi si totoy eh asahan mong nasa comshop lang yan nakatambay at puti na ang mata, nakababad sa monitor ng computer

  4. May mga coach - Sa isang computer shops hindi mawawala ang mga tambay na nakatayo sa likod mo, kaya habang wala pang bakanteng computer shops na magagamit ang tambay asahan mong mayroon kang instant coach sa likod at kung maswerte ka tuturuan ka pa niyan ng mga cheat codes na puwede mong ilagay sa console mo. Yung tipos magteteleport ka agad sa kampo ng kalaban habang sila bumibili pa lang ng mga guns and equipment nila, ikaw nang mamasaker ka na buratatatatattt!!! "Hoy, putanginamo wag kang madugas!" Asahan mong isa rin yan sa taga-bulong kung nasa bomb site na si Terrorrist at mag-aattempt nang magtanim ng bomba at ikaw naman gugulatin mo siya sa bombsite at tatadtarin ng Armalite.

  5. Giraffe players - Sila naman yung mga nanghahaba ang leeg sa pangongomsat sa monitor ng katabi, ito yung mga tipong nakakabadtrip katabi kasi sisilipin nila kung nasaan ka, ang matindi niyan kumokomsat na magtatago pa sa likod ng pintuan sabay paglampas mo ng pintuan masasalvage ka, "bratatatatatat!" Patay. Sabay hahalakhak pa na tila nang-aasar, kaya ang siste wala kang magagawa kundi mag join o kumampi ka na lang sa kanya kung Terrorist siya, mag te-terrorist ka na rin para hindi ka na ma-komsatan. 

  6. Pure Tambay - Meron din namang mga ganito, hindi talaga sila mahilig sa Counter Strike, nandoon lang minsan para mamburaot sa mga naglalaro o di kaya ay makipag kwentuhan or maki browse sa ginagamit ng server ng may-ari ng computer shop. Sila ang mag-tatakeover ng sounds sa computer shop at magiging instant DJ niyo kung anong trip niya patugtugin. Kadalasang labas-pasok sa comshop, hindi mapakali, hindi matae kung saan pupuwesto, nagyoyosi sa labas at tumatambay din sa labas ng comshop pero kapag nainitan ang buraot eh papasok uli sa comshop para magpa-lamig. 

  7. Kuya pa-burn - Sila naman yung mga music geeks at the same time piracy kids, nakkikidownload ng mga bagong labas na kanta at kadalasang may dala-dalang blank CD para magpa-burn. "Kuya, convert mo na sa MP3 ha." Ayos!

  8. Homework boys and girls. Nako, eto mahirap pagsamahin ang gawaing school vs mga naglalaro sa com shops. Hinding-hindi ka talaga makakapag focus sa assignment mo or projects mo sa school dahil sa ingay, lakas ng soundtrip at amoy ng kulob na pawis ng computer shop na sumasabay sa pagbuga ng aircon. Kaya mabuting pumili ng computer shops na walang hassle at gaming. 

                                                                                            Yano - Tara
Ang mga mapang DE_DUST at DE_DUST2, lagi kong trauma ang mga mapang ito dahil sa mga Abangers na bigla na lang sumusulpot sa likod ng pintuan. Hindi naman kasi bawal yun, pero kahihiyan sa mga gumagawa kasi hindi lumalaban ng patas. Mas trip ko kalaro yung mga sumusugod at marunong magtago, hindi magtago at mag-abang sa mga boxes or likod ng pintuan kundi magtago panandali habang niraratrat ng kalaban sabay susugod uli. Yung mga magagaling mag bunny up ang masarap makalaban. 

Ito ang mapa kung saan lahat tayo unang nasampal ng "realism" ng tactical warfare... gamit ang mouse na may ball pa sa loob.

  • Underpass na Parang Lagusan ng Impyerno
    May sumilip lang, patay. Parang may sniper dun ah.. Minsan ang kalaban ay hindi tao, kundi ping.

  • CT Spawn = Tambayan ng mga Ayaw Mag-push
    "Def lang tayo pre, save tayo next round" kahit wala pa ngang one minute.

  • Terrorist Side = Laging May “Rush B Tanga!”
    Hindi mo alam kung kalaban mo ay kalaban o kasama mong pasaway. “Pre, flash mo!” sabay flash sa sarili. Bulag ang buong team. GG.

  • Double Doors = Lugar ng Kabuwisitan
    Lahat ng sniper dito graduate ng Hogwarts. “Pre, peep mo—wala ‘yan.”
    BLAG! — headshot. “Sabi ko peep mo lang eh, di mo naman ako sinabing 'peek of death' pala to!”

  • Mid to B = Shortcut ng mga Gusto ng Fast Death
    Isa itong tunnel of love... kung saan minamahal ka ng mga AK47 mula sa kabilang dulo.

  • A Site = Nasan Ang Team Ko?!
    Laging may isang naka-A, tapos lima yung nasa T-Base pa, nagpapaligsahan ng jump+knife combo. Seryoso pa siya: "Pre, warm-up pa lang eh."

  • Pit = Lugar ng Sniper na Feeling Rambo
    "Ako na bahala dito." Tapos wala pang 10 seconds, “Oy pre, na-rush ako, asan backup ko?” — ang classic na biktima ng overconfidence.

Meron din diyan na bigla na lang sisigaw ng BOOM HEADSHOT! kahit tahimik ang shop, may isang bata talagang magwawala para lang ipagyabang na nakapatay siya. Laging may kausap sa cellphone na pinauuwi na sa kanila, teka lang ma, "isang round na lang". Hanggang sunduin na sa computer shop ng nanay.

Dumating din ang panahon ng mga cheaters na kala mo eksperto sa coding:
  • wallhack
  • aimbot
  • speedhack
  • at ang classic na bind mwheelup +jump; bind mwheeldown +jump (para kang kangaroo mag-bunnyhop)
"Hoy bakit ka tumatagos sa pader ha, daya mo ha."

                                                                              Counter strike 1.6 Gameplay de dust 2

Ang Counter Strike ang nagturo sa akin na maging "abangers" kung kinakailangan para mapatay natin ang nangunguna sa leaderboards. Masarap maging underdog kapag ito yung lagi mong napapatay kasi magagaling talaga sila at ang tanging weapon ko lang ay maging abangers sa likod ng mga pintuan o magtago sa madilim na sulok ng de_dust. Hindi lang ito isang laro, isa itong life experience. Doon ka unang natutong magtulungan. Teamwork makes the dream work (kahit toxic). Doon ka unang tinuruan ng barkada ng teamwork kahit sinisigawan ka. At higit sa lahat doon mo unang natutunan na kahit talo ka, basta masaya, panalo ka pa rin. 

Ang Counter-Strike ay hindi lang basta barilan—isa siyang rite of passage. Isang uniberso kung saan ang galing mo sa pag-flashbang ay may bigat sa pagkatao mo. Kung saan ang mga tropa ay tropa sa kasiyahan at halakhakan  kahit lagi kang nasasaksak.

Barya lang ang kailangan mo dati para makapasok sa virtual battlefield, pero ang alaala ay priceless. Ngayong meron nang CS:GO, CS2, at E-sports tournaments na milyon ang premyo, saludo pa rin kami sa mga CS boys and girls na nagsimula sa kompyuterang amoy-pawis at may mouse na may takip ng masking tape.

Ngayon, iba na ang uso: Valorant, Apex, Warzone. Pero ang ugat ng toxicity, kalokohan, at saya, eh sa Counter-Strike talaga nagsimula.
Sa lahat ng mga kacom-shop natin noon na naging engineer, seaman, tambay, o streamer na ngayon, saludo ako sa inyo.

At sa mga shop na nagsara na – “Press F to pay respects.”

Kung nabuhay ka sa panahon ng CS 1.3 hanggang 1.6, kasama ka sa Golden Age ng Unang Putok ng Bagong Milenya. At hindi mo 'yan basta-basta makakalimutan.



Sabado, Mayo 3, 2025

All In sa Pilipins Karinderya 🇵🇭

Mangan na ta!

Kung ikaw ay isang tunay na Pilipino, may tatlong lugar ka nang hindi sinasadyang napupuntahan kapag gutom ka: Jollibee, kusina ng kapitbahay, at ang pinaka-mahiwagang lugar ng lahat—ang carinderia.

Ang carinderia ay nag-ugat pa sa panahon ng Kastila. Galing ito sa salitang “comida” (food), na naging “karihan” at kalaunan, carinderia. Noong panahong wala pang fast food, ito ang tunay na “fast food” ng masa—lutong bahay, lutong puso, lutong wala nang pambili ng Jollibee.

Ang carinderia ay naging sandigan ng manggagawa, estudyante, driver, at lahat ng walang time magluto. Dito nabuo ang maraming kwento: ligawan, iwanan, masasayang kwentuhan, tsismisan, utangan, at pagbabalikan.

Oo, kaibigan. Ang carinderia, o kilala rin sa ibang baryo bilang turo-turo (hindi dahil mahilig kang manuro kundi dahil literal na ituturo mo lang ang gusto mong ulam), ay ang impormal ngunit pormal sa ating sikmura na tahanan ng lahat ng klaseng lutong-bahay.

"Ate, padagdag naman.." hiling ko kay Aling Andrea, habang binubugaw niya ang mga langaw sa ibabaw ng pritong bangus at munggo. Actually munggo ang binili ko kasi mas mura 'yun eh.. halos puro gulay kasi ang choices ngayon, eh hindi ako palakain ng gulay, hehehe!

Ang "karinderya". Marinig ko lang ang salitang ito ay nagbabaha na sa laway ang aking bibig, "mouth-watering" ika nga sa Ingles. For some reason, wala pa akong karinderiang nakainan na hindi ako nasarapan o nag extra rice. Hindi ko alam kung may kakaibang hiwaga ang mga pagkain dito o talagang isa lang akong patay-gutom. Ang sagot - pareho. Yes, patay-gutom din talaga ako. 

Kung kayo din ay PG na katulad ko, ang karinderya ang mabisang sagot sa inyong mga cravings. Napakasarap ng pagkain sa mga karinderya. Lahat ay nandito - kanin, ulam, sabaw. panghimagas, pangmeryenda at higit sa lahat pwede ka rin mag AUTOLOAD at GCASH! San ka pa? 

Ang mga ulam dito ay nakalagay sa mga kaldero. Kung minsan naman ay mas susyal - yung stainless na pang-catering. Ito ang kadalasang makikita sa karinderya:

  • 8 out of 10 na karinderya ay may handang chicken pork adobo, pinakbet, sinigang/nilaga, at barbecue. 
  • Hindi rin mawawala ang magkakapatid na afritada, mechado at menudo. Malilito ka talaga diyan sa triplets na yan kung alin ang alin?
  • Ang extra rice ay laging mas kaunti nang dalawang kutsara kesa sa original ric.e
  • Kapag naka-daster ang nagtitinda, madali siyang hingan ng dagdag ulam.
  • 5 out of 10 na tindera ang sumisimangot sa pangatlong hiling ng libreng sabaw. 
  • Kung gusto mong kumain ng lumang kanin, fried rice ang orderin.
  • Laging may seksing kalendaryo sa mga karinderya, pampagana daw ito kumain sa mga lalake, kaya kung minsan isang subo, tingin sa kalendaryo ni Maui Taylor o kaya ni Aya Medel sabay nguya. 
  • Pagkatapos ng masusing scientific experiment, napag-alaman na mas madumi ang mga tissue ng karinderya kesa sa kutsara't-tinidor nila.
  • May bentilador na umiikot pero mukhang sinusumpong ng arthritis.
  • Ang mga softdrinks ay nasa chiller at naroon na rin sa tabi ang bukasan ng tansan o kung wala ay manghihiram ka ng tansan opener. 
  • Kain muna bago bayad pero kailangan honesto ka at memorize mo lahat ng inorder mo. Wag kalimutan ang softdrinks na kinuha ha!
  • Isang mini-TV na laging nakatutok sa Eat Bulaga at napapatigil talaga ng pagkain sa Barangay Bayanihan portion ng TV show para humalakhak ng todo kay Bossing at Jose habang inookray ang napiling nakatira sa bahay na gagantimpalaan ng mga prizes. 
  • Walang tatalo sa aroma ng sinangag na may mantika ng kahapon.
  • Ang mga karinderya chair na plastik na niluma na ng panahon ay dapat laging icheck at baka nagka arthritis na rin ang mga paa. Baka susubo ka na lang bumigay pa ang inuupuan.
  • Laging may ketchup, toyo, suka, hot sauce, calamansi, sili, at ang pinaka importante ay chili garlic oil sa bawat lamesa.
  • Ang dilaw na tubig ay nilalagay sa water jug at ang malinis na tubig ay nasa ref at may bayad.
  • Bukod sa kalendaryong pampagana, kung gusto mong mas ganahan ka sa pagkain ay puwedeng tumabi sa kumakain na tricycle driver. 
  • Ang red tide ay hindi nakakamatay.  Itanong ninyo sa mga kumakain sa karinderya.
Buhay na buhay ang negosyo ng pagkakarinderya ang sabi nga sa kasabihan, "para kang karinderyang bukas sa lahat". O di ba kung karinderya kang bukas sa lahat mas maraming ka-perahan ang papasok. Isa pa hindi nalulugi yan. Kahit nakabalandra sa gitna ng kalsda, sa tabi ng ilog o estero, bidang-bida sa bituka ng sambayanan ang sinisilbing pagkain sa hapagkainan ng Pilipinas. 

Manang na mukhang bagong-gising. Tunog ng pinipritong-itlog. Kalansingan ng mga kubyertos. Batang maitim na nagbubuhat ng lalagyan ng tubig. Mahahabang mga mesa't-upuan. Tunog ng fly swatter ni ate (kaso masyadong napisa ang bangaw sa tabi ng isang putahe). Mga mamang may sampay na tuwalya sa balikat, mga nakabukas ang polo na mga taga Meralco na nag-aayos ng poste, nakataas ang isang paa habang nagkakamay. Saan ka pa? Sobrang klasik niyan. Pinoy-style culture. Akala mo kumakain lang sa isang fine dining di ba? Parang hindi nila napapansin 'yung ingay ng busina at usok ng sasakyan at amoy ng estero eh. Ganyan kaganda ang ambience sa isang karinderya lalo na't may kalendaryo ni Ivana Alawi. 

Nagiging masarap ang pagkaing normal lang naman ang pagkakaluto. Malamang kung hinain sa bahay namin yun eh hindi ako masyadong mag-eenjoy. Pero kapag sa karinderya, napaparami talaga ang order ng kanin ko eh. Pati yung tubig sa jug lalong sumasarap. Parang mas takaw-uhaw ang malamig na tubig na nakalagay sa plastik na lalagyan. 





Narito ang karaniwang lineup ng ulam sa karinderya, kasama ang average na presyo per order:
  • Adobo - P50-70 (Hari ng carinderia. Baboy o manok na nilunod sa toyo’t suka, tapos sinabayan ng konting drama ng paminta.)
  • Menudo - P50-65 (Baboy, hotdog, at atay na parang reunion ng paborito mong sangkap.)
  • Bicol Express - P60-75 (Sobrang anghang pero masarap! Kung ‘di ka pinawisan, kulang pa ‘yan.)
  • Sinigang na Baboy - P60-80 (Ang pampabuhay ng natutulog mong laway. Maasim, mainit, at may konting sabaw sa t-shirt mo.)
  • Paksiw na Bangus - P50-65 (Para sa mga feeling healthy pero gusto pa rin ng asim-tamis.)
  • Laing (beside me, here in the dark)- P40-60 (Gata + dahon ng gabi + sili = poetry in a plate.)
  • Dinuguan - P60-70 (Chocolate surprise? Nope. Pork blood delight!)
  • Tortang Talong - P40-55 (Paborito ng vegetarian na nagka-identity crisis.)
  • Ginataang Kalabasa at Sitaw - P40-60 (Best supporting dish sa kanin!)
  • Lumpiang Shanghai P50-70 (Ang paborito ng lahat kahit laging nauubos agad.)
  • Fried Tilapia at Galunggong P60-80 (isda is da one, isda is da best)
  • Longganisa at Itlog P50-60 (Almusal all-day, everyday.)
Siyempre, may kasama pa yan na libreng sabaw at kadalasan ang sabaw ay sinigang. 

                                                                                  Gloc 9 - Tinda ni Linda

Nakalagay naman ang magkahalong kutsara't-tinidor sa isang lalagyang parang maliit na timbang kulay silver. May konting tubig-tubig pa sa ilalim niyan kase kahuhugas lang. Minsan talaga sabay-sabay na ibinababad 'yang mga yan sa palanggana eh, kasama ang mga pinggan at baso. Parang nagbababad lang ng damit eh. Konting padaan lang sa tubig na may sabon tapos puwede na ulit ipagamit sa mga customer. Pero korni ka kapag nagreklamo ka pa diyan. Isipin mo nalang na parte na ng menu ang amoeba at kung anu-ano pang mikrobyo. Baka kaya sila ang nagpapasarap ng pagkain, secret ingredients?

Iba-iba ang strategy ng mga karinderya owner, pero kadalasan sa scheduling ng menu. Pero kung tutuusin -isda, baka, baboy at manok lang naman ang parating nandiyan, iba-iba nga lang ng luto at hindi nakakasawa kasi iba-iba rin ang lasa. 

Parating mainit sa karinderya. Hindi ko alam kung ano ang problema sa sirkulasyon ng hangin at parating pawis ang mga kumakain at mga tumatambay lang. Siyempre, hindi mawawala ang mga buraot na parating nanghihingi ng sabaw. Di bale, hindi naman nauubusan si manang ng tubig at patis, parang magic at maglalasang parang tinola na. "Rush-hour" dito kapag mga alas-dose hanggang alas dos ng hapon - ito kasi ang kadalasang break time ng mga mamang drayber, estudyante at construction workers. Yung mga tambay, ito naman ang patay na oras sa patay na talaga nilang oras. Nakakagutom din siguro ang kakawalan ng ginagawa ano? Pagsama-samahin mo silang lahat, mula kay manang hanggang sa mamang drayber na galit kumain, wala nang mas ka-klasik pa sa karinderyang madilim ang ilaw sa gabi. 

Ang karinderya ay hindi lang kainan. Para sa akin isa rin itong institusyon. Dito ka natutong mag-budget, kumain ng gulay namay lasa, makinig ng lumang tugtugin ng "I Get Lost in Your Eyes" ni Debbie Gibson (kung patay ang oras at bukas ang radyo), at humingi ng libreng sabaw kahit wala kang binili. Isang lugar kung saan kahit P70 mo, busog ka na't may takeaway pang kwento. 

Kaya sa susunod na magutom ka, huwag ka nang maghanap ng restaurant na may fancy plating. Dumiretso ka sa karinderya sapagkat wala kang talo sa masarap na panlasa ng mga putahe huwag mo lang matyetyempuhan ang "pangat" ang pangatlong init. Pero minsan, ang pinakamasarap na pagkain ay 'yung iniinit lang pero laging may kaakibat na kwento katulad ng aking kinikwento sa inyo ngayon. 

Kaya tara na. Kainan na!



Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads