Huwebes, Abril 10, 2014

"Ano'ng Gusto mo Paglaki mo?"



Ano'ng Gusto mo Paglaki mo?

Anong gusto mo paglaki mo? Sa ganyan natin tinatanong kung hanggang saan masusukat ang mararating ng isang indibidwal na nag exist dito sa Planet Earth. At wag ka walang batang Filipino na hindi sinagot ang katanungang yan. At nasagot. Maliban sa akin. Oo sa akin!

Noong panahon ng kamusmusan, nung edad na uso pang tinatanong sa mga bata ang "paglaki mo ano ang gusto mo maging?" May patlang ang bawat sandali, pag ako ang tinanong.

Ewan.

Dahil ba sa hindi ko alam. Hindi ko ba alam kung ano ang gusto ko? Wala ba kong pakealam sa sinasabing pangarap o kinabukasan? Hindi ah. Marami nga akong gusto eh. Ang hindi ko lang alam ay kung bakit iisa lang ang puwedeng sabihin, yun bang pipili ka ng pinaka the best.

 OO isa lang. Walang option. Walang choices. One question. One best and final answer. Parang final answer mo na ba yan? Who wants to be a millionaire ang sagot.

Eh paano nga kung iba-iba. Tsaka paano kung ibang iba ang nasa isip nila? Hirap na hirap akong sagutin yun. Dahil baka hindi magtugma yung sasabihin ko sa gusto nila akong maging. Mahirap na baka sila ma-dissapoint. Hirap kasi lito, hirap kasi dahil ano, eh ano bang paki mo, hirap sagutin kasi may pagtataka... 

OO. Lalo sa pag-aaral hindi mo naisip nag-aral ka ng Grade 1 eenrol ka pa uli sa Grade 2, 3, 4, 5? Bat ba may ganun parang laro lang na kailangan ng level up.

Tatanungin ka pero sa school naman pauli-ulit din naman ang ginagawa: ABCDE, AEIOU, 1,2,3,4,5......
Paulit-ulit na nga hirap pa rin ako matutunan. Namamaga ang kamay ko sa kasusulat ng pangalan ko tsaka bakit ba minsan kailangan pa daw naka slant? hindi ba puwedeng diretso na lang eh halos magka stiffneck nako dahil nakatagilid din ung muka ko habang nagsusulat. Pambihira! Grade 1 palang hard level na agad. 

Pahirapan dahil maraming arte sa eskuwelahan. Minsan si Supernanay ka allied pa ng teacher, kailangan ko raw matutunan yun, ang alin? yung magsulat na naka slant? Bakit? magagamit ko ba yan sa pagtanda? Kaya siguro pati buhay ng tao tabingi dahil sa pagtuturo ng slant na pagsulat. Minsan kailangan pa bayuhin ng patpat ng kawayan ang kamay mo matutunan mo lang. Hindi ko namalayan dahil sa hagupit natuto din naman ako magsulat pati na rin magbasa. Tapos magbilang. Tapos maligo na rin. Paulit-ulit yun diba? Kung magmintis man, may bagyo na o kaya holiday at walang pasok.

Pero gusto ko rin naman sa school andun ang ata ang matamis na mabolo. Poor man's apple, mabalahibo yun. Kailangan lang ikuskos sa damuhan para makain. Lasang kamote pero may tamis ng mansanas. Malaking puno, ang kalaban mo lang higad pag nagapangan ka yari ka, dahil magkakamot ka magdamag ihanda mo lang ang  Caladryl. Madali ding akyatin at puwedeng pagtaguan pag hinahanap ka ni mam at sir dahil magrereport ka sa harap ng klase.

Sana puno na lang ako ng mabolo o di kaya higad. Hindi para hindi ako tanungin. Paglaki ng mabolo, mabolo pa rin eh. Tsaka hindi ako matatanong, puno ako eh. Hindi sasagot. At excuse ang walang imik, puno ka nga kasi. Pero malay ko ba kung naguusap-usap din ang puno. Pero out na yung gusto nila paglaki.

Ewan! please wag ako, iba na lang.

Hindi sa hindi ko alam ang isasagot pero sadyang sumasayad ang kaba, kabadong-kabado. Tipong kasabay ng pintig ng puso ang kaba. Ayaw ko ng ganung feeling, yung tipong lalakas ang kalabog kapag mag-aattempt akong sagutin na yun. Kaya ang nangyayari, hanggat makakaiwas nga ako sa magtatanong ay iiwas ako.

Sa una madali umiwas, ngiti-ngiti ka lang, tapos yung mata mo ibaling mo pakaliwas o pakanan taas baba mo itong gawin na may panaka-nakang baling sa nagtatanong tapos ngiti ka lang ulet. Tsaka mo i-extend ang panga mo at kagat-kagatin ang labi. Sabayan mo ng pinahabang  aeeeeennggggggeeeiuuuummmmmnnmmmmmmmm...Kailangan bata ka ha. Baka ngayon mo gawin, lalabas pa na ikaw ay may sayad.

So, anong gusto mo paglaki mo?

Pwede naman din, pagtanong, turo mo agad ang mas bobo mong pinsan or kahit sinong slow na alam mong slow, "Siya muna" sabay turo at wag mo na ibaba ang kamay yung tipong nagtuturo ka ng suspek sa isang krimen, panatilihing nakaturo para mahiya siya at tuluyang sagutin...

Pero kapag sinagot agad, "kung ano gusto mo paglaki"? Pulis! Bago pa man humanga ang nagtatanong unahan mo na agad "pulis-pulis eh supot ka pa nga wehhhh" Sabay tawang papilit para magtawanan din ang mga kalaro mo. Epektib yun. Lumayo ka nga lang ng ilang distansiya, kasi noong ginawa ko yun, sinapok agad ako. Ako pa ang umiyak.

Pero wala ng dadaig sa pagtakbo. Kahit sa ano, ang takbo ay laging panalo. Pag tinanong ka "anong gusto mo paglaki?" Takbo agad.

Wag kang babalik.
Hangga't hindi ka nagugutom.
Malayong-malayo
Gawin mo yan 3 beses, tiyak ko hindi na tatanungin ng tiyuhin o tiyahin mong pang-asar.

Eh ano bang gusto ko paglaki?

Pag na-corner na talaga ako noon, ginagaya ko na lang din yung sagot ng iba pang mga bata. Kung may sumagot ng bumbero, ganun din ako. Pag tinanong kung bakit, sagot ko "para may katulong siya, di naman niya kaya pumatay ng apoy mag-isa eh." Pero sa loob ko nung kung ako na lang ang taga-sunog para may gagawin ang bumbero? Eh kung ako na lang ang magnanakaw para may gawin ang pulis? Eh kung ako na lang ang maysakit para may gamutin ang doctor? Hindi nga lang puwedeng isagot yan. Mapapalo ka.

Pero magpasa hanggang ngayon, gusto ko pa rin yung gusto ko sa paglaki.

Pakiramdam ko kasi ako lang ang may gusto nun. Natatakot ako baka kasi paluin ako, o baka mapagtawanan. Gusto ko man ipagmalaki pero hindi ko alam kung saan may pag-aaral ng ganun. Sa TV ko lang kasi napapanood. Wala din akong ideya kung may trabahong ganun sa probinsiya namin.

Hindi ko lang talaga alam kung merong ganun sa amin. Ewan. Wala kasi akong nakikita, secret kasi yun. Kahit naman sa mga palabas hindi sila nakikilala at misteryoso. Pero kung sa kilos talagang hahanga ka kasi magaling! sobrang galing! At kung sa pag-uugali at disiplina mas daig pa ang sundalo. At higit sa lahat ang kapangyarihang taglay walang papantay kundi kapwa lang din nila. Totoo yun.

OO. Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung maaalam ko lang at mabibigyan ng tsansa iiwanan ang trabaho ko ngayon. Iniisip ko pa rin. Gusto ko talaga.

SIGE HANDA NA AKO! Kahit ano pa ang sabihin niyo. Kasi alam ko rin naman kahit papano, sa ilang bahagi ng buhay nyo nagnais din kayo nito. E di baka pareho lang tayo. Baka iba lang ang pinatunguhan ng mga buhay natin sa kasalukuyang panahon.

So ano nga ang gusto ko paglaki?
Paglaki ko gusto ko maging isang NINJA!
ikaw?
Ano'ng gusto mo paglaki mo?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento