Miyerkules, Disyembre 10, 2014

Colds



'Pero walang lasa ang sopas. Hindi ito kasing-init at kasing-sarap ng mga panahong ako ay may kasalo.'
Netong mga nakaraang araw dinalaw na naman ang Pilipinas ng isang napakalakas na bagyo at naging Super bagyo pa ang peg ala-Yolanda, pero hindi ganun karami ang nasalanta ng bagyong ito at naging bed weather pa sa ilan. Kapag ganitong umuulan ako'y sinisipon. Lugmok at nakatitig sa kawalan. Iniisip ang tag-init at ikaw ay nandiyan.

Oras na naman para magbitbit ng payong. Itim na payong para masaya yung tipong sa mga palabas apag may ililibing at makikita mo lahat na pati ang payong ay nakikiramay habang umuulan para sobrang lungkot talaga ng scene. Mula dito hindi na ako mahihirapang ipaalam ang kulay ng aking nararamdaman. Pero bakit ganun tila ata pati utak ko sinisipon. Mukha mo ang nakabara sa aking isipan. Ayan tuloy, palagi kong nakakalimutang iuwi ang payong. Di ko maalala kung saan naiwan. O kung merong humiram. O kung ito'y napag-interesan. Kaya kadalasan.....basa pa rin ako sa ulan.

Ganun na nga ang naging resulta, marahil sinisipon ako kapag umuulan. Buong araw akong amoy vicks at palaging may bitbit na inhaler. Mahirap huminga at ewan ko kung ito nga ang dahilan kung bakit naninikip itong aking dibdib. Kailangan ko daw uminum ng maraming tubig at humigo ng mainit na sabaw. Pero walang lasa ang sopas. Hindi ito kasing-init at kasing-sarap ng mga panahong ako ay may kasalo.

Wala munang love songs ngayong tag-ulan. Bawal muna ang mga himig tungkol sa mga walang hanggang pangako. Hindi ko rin naman maririnig ito habang maingay ang ulan sa pagpatak sa bubong at kumukulog. Mas ikakatuwa ko pa ang mga tugtuging pwede ko sabayan sa pag-indak para pagpawisan. Baka sakaling mabawasan ang hirap na dala ng baradong puso-ilong.

Mas marami akong libreng oras kapag ganitong sakitin at walang nag-aalaga. Mas masusundan ko ang lovelife nina Marian at Dingdong, Kim at Gerald,  Sharon at Gabby, Guy at Pip at pati ni Piolo at Sam. Hindi ko na mapapalampas ang panonood ng Takeshi's Castle at Shaider. Mas mahaba na ang aking oras mag Facebook at mag view ng profile ng mga taong hindi  ko kilala. At pati mag-like ng mga pictures at status ng mga taong hayok sa like at comments. 

Umiyak man ang langit, di ako makikiramay. Mas nalulungkot ako sa mga buhay na nawawala sa giyera sa Mindanao, sa  bawat pamilyang nagdidildil ng asin, sa bawat pisong napupunta sa korapsiyon, sa mga aso at pusa na umaasang makakasurvive sa kalye hanggang sa masagasaan at pag tripan na lang ng mga adik at lasenggo. Sana sipunin din ang mga taong may pakana nito. Sana manatili na lang barado ang mga ilong nila habambuhay.

Alam kong magiging malamig ang bawat gabi sa susunod na mga araw. Pero hindi ako giginawin. Marami akong kumot na magsisilbing pananggalan. Meron akong mga jacket na magbibigay ng init laban sa mga alaala. Hindi ko lalabanan ang antok. Mariin kong ipipikit ang aking mga mata at bibilangin ang pagkarami-raming mga tupa na nag cha-Chinese garter. Wala akong mapanaginipang buhangin, sun block, babaeng seksi na malabote ang pigura na  nakasakay sa kabayo (white castle whiskey commercial), o di kaya ay tag-araw.

Kapag ganitong umuulan ako'y sinisipon. Kaya huwag kayong magtataka kung ako'y palaging sumisinga. O sumisinghot-singhot. Hindi ao umiiyak kala nyo. At hindi rin ako humihikbi. Mawawala din ang sipon na ito.

Kung sana meron lamang malambot na kamay na nagpapahid ng vicks sa aking dibdib. Ang init ng haplos ng pagmamahal. <3

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento