'Gusto kong matutong mag-drive.' |
Kung magkakaroon man ako ng libreng oras para sa isag bagay na gusto kong matutunan at mamaster ay waa ng iba kung di ang pag da-drive. Oo gusto kong matutong magmaneho.
Inabot ko na ang ganitong edad at lahat wala akong panahong matuto. Hindi ako marunong. Ang tangi ko lang napapagana kapag sumasakay sa kotse ng kaibigan o kamag-anak ay ang "pot-pot" o busina mapindot ko lang yun at biglang may magmasid sa akin masaya na ako. Oo nga't wala naman akong sasakyan pero yun na nga, pano kung meron na? Aantayin ko pa ba magkasasakyan bago ako matutong magmaneho? Nahihibang na ba ako? Nainom ko na ba ang mga vitamins ko?
Alam ko naman yun eh, alam ko naman na hindi kabawasan sa normal na pamumuhay bilang mamamayang Pilipino ang hindi marunong mag drive. Natuto din naman ako tuwing pupunta kame ng Star City o di kaya Boom na Boom sa Pasay. Aba nakapagmaneho na ko ng kotse duon, oo kaso sa "bump cars" nga lang. Pero kung totoo mang kotse ito baka dedbol na ko ngayon ilang beses din kasi kong nakakabangga ng ibang taong nakasakay duon. Panay nga head on collision ang pagbangga ko sa kanila. Pero rason ko naman nung tinitigan ako ng isang ate, "teh kaya nga bump car eh" pero bago pa siya makapagsalita hinarurot ko na sa kabilang side yung sinasakyan ko. Tatanungin ko din sana siya kung gusto niya sa taxi kame at ako ang magmamaneho papuntang langit. Pero di bale na lang.
Sanay naman akong maglakad. Mag commute. Umangkas. Mag hitch. Sumabit sa jeep. Sumabit sa estribo ng bus na hindi de-aircon. Sumiksik sa mga PUV. Ipitin ang taba sa sobrang sikip na parang sardinas sa mga tren ng LRT at MRT. Makipag-agawan ng upuan. Makipagsikuhan. Magdala ng barya sa umaga, sa hapon, sa gabi.
Pero hindi pa rin mawala-wala sa kukote ko na dapat na nga siguro akong matuto kahit motorsiklo man lang. Naranasan ko na kasi umangkas sa endurong motorsiklo na tito ko ang nagmamaneho. Ayoko nang maulit yun. Ayaw ko na at gusto ko pa mabuhay ng matagal. Dahil nung umangkas ako pangatlong beses pa lang siya natuto kaya pala ganun at nanginginig ang buong motorsiklo. Sinabi niya lang sa akin nuong umaandar na. Takte! Kaya't sa iba na lang ako umaangkas. Sa mga sanay na. Angkas sa pinsan. Angkas sa kaibigan. Angkas sa hindi gaanong kaibigan. Sa bagong kakilala. Basta libreng sakay, angkas tayo diyan.
Ewan ko nga ba, bakit wala akong interes sa mga manibela. Marahil wala lang akong tiwala sa sarili ko at laging nauuna ang kaba, at dinadaga agad ang dibdib ko. At wala akong tiwala sa sariling kakayahan kung ako na ang kakabig nito. Ayokong ilagay sa panganib ang kung sino man ang magkamaling umangkas sa akin. Dahil sa panahon ngayon kahit marunong ka, hindi ka pa rin ligtas sa panganib lalo na sa mga mokong at balasubas na driver sa kalye. Ayokong mabahiran ng dugo ang aking makinis kalyuhing mga kamay. Ayokong mabali ang mga kuko ko na hindi pantay-pantay ang pagkakakagat kapag wala akong magawa sa buhay. Isa pa, kawawa naman ang sasakyang mabubuntunan ng kamalasan ko. Kung ako'y mamalasin dapat ako lang. Dahil sanay na ako sa kamalasan. Bihasa na.
Kung ako'y magmamaneho, kailangan ko ng mas makitid na kalsada. Mas masaya ata makipag gitgitan sa kapwa drayber. Yung tipong nasa Formula 1 kayo at lahat ay nakikipagunahan kay Michael Shumacher. Dapat walang traffic rules, no holds barred ang gitgitan, at dapat walang mga buwaya sa daan, tsaka yung mga barker na sumisigaw ng "ahhh Quiapo! Quiapo! Quiapo!" na misteryo sa isipan ko hanggang ngayon kung bakit kailangang may "ahhhh" sa unahan. Tsaka yung ibang taga tawag dito sa amin kung bakit naging "Imuy" ang "Imus" kapag nagtatawag sila ng pasahero, "aaahhh Imuy! Imuy! Imuy!"
Sabi ko nga dapat walang batas-trapiko kung ako ang magmamaneho. Para kung sino man ang biglang tumawid, ok lang na masagasaan. Dapat pagbigyan lahat ang endors magbenta sa kalsada lalo na kapag rush hour. Nang sa gayon di mo na kailangan maghanap at magbayad ng parking area para mamalengke at sa kalsada na rin magtawaran ng binibili mong brief na tatlo isandaan.
Gusto ko matutong mag drive. Subalit ito'y isang simpleng kagustuhan lang naman. Hindi isang matinding pangangailangan. Kaya't bago mangyari na hawakan ko ang manibela nitong eroplano at paandarin hanggang dulo ng runway, mabuti pang simulan ko munang hasain ang pagpadyak sa bisekleta. Bisekletang may dalawang gulong sa gilid. Dahil hindi rin pala ako marunong magbalanse.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento