'The Barber's convincing power.' |
May isang dahilan ako para isulat ang blog na ito, ng dahil sa nangyari sa akin ilang oras pa lang ang nakakalipas. Di ko mawari kung bakit na lang ako biglang napa-upo sa upuan ni Mang Kite na umiikot, akala ko judge na ko sa The Voice Philippines at naramdaman ko na lang na nakabalot na ang kalahating katawan ko ng puting manipis na animo'y kumot na ginagamit ng mga barbero at naramdaman ko na lang na sumikip ng kaunti ang aking batok sa pagkahigpit ng pagkabalumbon ng puting panakip. Pagka-ilang buwan kong pinahaba ang aking buhok, ayaw ko pa sanang magupitan kung hindi lang isanama ako ng isang kaibigan sa dating barberya. Hindi ko muna ninanais na magupitan, dahil sinusubukan ko naman ang magkaron ng medyo long back at medyo tikwas na buhok sa likod ng batok.
Habang ginugupitan ang aking kaibigan, ng pinaka common na gupit sa barberya ang "Barber's cut" ay nabaling ang tingin niya sa akin at inumpisahan akong kausapin. Tingin niya siguro ay naboboring ako at palinga-linga lang ako sa aking kaliwa at kanan. Marahil totoo naman dahil walang magawa at nakaupo lamang habang naghihintay. Tinanong niya ako, "Ikaw pogi, di ka ba susunod dito sa kaibigan mo, hindi ka ba magpapabawas ng buhok, ang haba na ng buhok mo ah." Ang huli ko kasing pagupit sa kanilang barberya ay noong bakasyon pa ng Marso 2014. Sa loob-loob ko mukhang na-miss ata ni Mang Kite ang buhok ko ah. Ang sabi ko sa kanya, "Ah, eh hindi po muna, dahil tinatry ko po muna magpahaba ng buhok, nang maiba naman." Nung narinig iyon ni Mang Kite sa taynga niya ay napangiting aso siya at iyon ay nakita ko sa salamin ng barberya. Sa isip-isip ko lokong ito ah, sa ngisi niya na yun eh parang may gustong ipabatid at sabihin sa akin na hindi ko naman malaman kung ano. Mula duon eh natigilan siya munang magsalita at lumipas siguro ang limang minuto. Sabi niya sa aking kaibigan, "Ang ganda ng tubo ng buhok mo iho, lagi mo bang sinusuklay ang buhok mo?, marapat yan na ganyan ang gupit ng mga binata, maayos at malinis tignan. Para marami kang malinlang na chika bebots". Sinabi niya iyon habang pinipisil-pisil niya ang buhok ni Jun, ang buong pangalan niya kasi ay Junathan. Eh etong kaibigan ko naman palakpak ang tenga at sabay ihip paitaas sa bangs niya. Presko rin ang kolokoy. Di ko alam sa pagkakataong iyon kung magka kuntyaba na ang dalawa at tila nagbobolahan para lang ako makumbinsi na magpagupit. Nakatingin lang ako habang ginugupitan si Jun, habang si Mang Kite ay pumipito pito pa, pito na may himig. Himig na sinasabayan niya sa radyo, yung kantahan ng Itchyworms yung "Gaano ko Ikaw Kamahal."
Habang nasa ganoong senaryo, may pumasok na mag-ama at yung bata nakalamukos ang mukha at nakasumbrero. Nasa edad kinse at may kapayatan ng kaunti pero may laman naman ang katawan. Halos naghihilahan ang mag-ama sa barberya at alam mo talaga na ayaw pagupit nung bata. Halos nakatingin sa kanila lahat ang tao sa barberya at pati yung mga nagtsitsismisan na manikurista ay natigil ang tsismisan sa paglalahad ng kanilang mga saloobin sa kahapong naganap na Miss Universe Pageant. Tila kakilala na ng ama nung bata yung mga barbero. Ang sabi "Pare pakigupitan mo nga itong anak ko at pagkahaba na ng buhok niyan, nagmumukha ng adik sa kanto." Sabi naman nung barbero na malaki ang tiyan, kalbo at may goatee, "Cge pare ano bang gupit niyan." White side wall pare! Napalunok ako sa style ng gupit na yun, mukhang dating military ang ama nito. Dahil ang alam ko sa gupit na iyon eh ang matitira lang ay yung buhok sa gitna ng ulo at ahit ang buong paligid kaya white side wall. Putragis na yan, kawawa kang bata ka. Paniguradong muka kang siopao paglabas mo ng barberyang ito.
Si Mang Kite naman ay pangiti-ngiti sa mga nakita at narinig niyang senaryo, at sabay banat bigla sa akin, "Ikaw hindi ka ba talaga magpapagupit, baka magmuka ka ring.....Hahahahaha!" Alam ko adik ang gusto niya sabihin pero hindi niya itinuloy. Sabi ko, "adik ho ba? Mataba ho ako kaya di po akong magmumukhang adik." Sabay nginitian ko na lang siya pabalik. Habang sarap na sarap pa rin ang tropa ko sa paggupit at paghagod ng buhok sa kanya ni Mang Kite. Binalikan niya ako sa sinabi ko, "Hindi naman lahat ng adik ay payat lang, merong mga hiyang kaya tumataba." Hindi ko na lang muna sinagot si Mang Kite at bagkus ay nginitian ko na lang siya, at sa isip ko, siguro dating Master debater itong barberong ito pero frustrated. Hahaha! (tawa sa isip). O sadyang galet lang talaga ito sa mga may buhok na mahahaba. Sa wari ko ano kayang itsura ng buhok ng anak niya, at kung may anak siyang babae siguro hindi kahabaan ang buhok at sakto lang. Ba't ba pilit niya ko gustong gupitan? Bakit? Hindi naman ginto ang buhok ko at iipunin niya pagkatapos at ipagpapalet na pera sa Tambunting Pawnshop. Naiingit kaya siya? dahil ang buhok niya sa kasalukuyan ay kasing nipis na lang ng art paper? Hindi kaya dating mahaba rin ang buhok ni Mang Kite at ginawa lang din sa kanya ng isang barbero ang gusto niyang gawin sa akin ngayon?
Bumaling naman ulit ako sa aking kanan, habang kinakatay na ang long hair ni adik este nung bata, inilabas ng barbero ang shaver, maingay, matining, animo'y galet na galet sa kapal ng buhok ng bata at parang mga ngipin ng isang chain saw na nanggigil at handang sunggaban ang buhok ng bata ano mang oras. At ayun na nga, maikukumpara ko sa illegal logging ang mga nakikita kong pangyayari, unti-unting nakakalbo ang bundok, unti-unting naglalaglagan ang makapal na buhok ng rakistang binata na naka Slayer pa na damit. Mula sa kanyang mga mata habang nakatingin ako sa salamin, ramdam ko ang kanyang lungkot at animo'y may kumikinang na tubig sa kanyang mata ayaw pa lang mahulog. At naglaro ang mapaglaro kong isipan, ano kaya kung asarin siya ng erpat niya at kuhain ang cellphone at sumelfie with him. Hahahaha!
At dito naman sa aking kaliwa, malapit nang matapos si Jun, "inaahitan kita" na ang tunog ng sipol ni Mang Kite. Oo dahil malapit na matapos, konting ahit na lang sa patilya ng aking kaibigan at makakatakas na ako sa masamang balak na gunting ni Mang Kite. Pero hindi dun nagtatapos ang fetish ni mang Kite sa buhok ko, patingin daw ng buhok ko kasi naka bonnet ako. Ok lang, at tinanggal ko naman. Sabi niya, "Oh maganda pala hulog ng buhok mo eh, mas maganda yan kung ninipisan lang natin ng kaunti at iti-trim lang natin yung kapal ng buhok. Tignan mo yung sa gilid ng patilya mo sabog-sabog na yung buhok mo diyan, magulo na tignan, pangako ko sa'yo hindi natin yan babawasan nang maikli yung sapat lang." Naglaro ang mga anghel at demons sa isip ko, ang sabi ni anghel, "Oo ok naman kung babawasan mo lang ng kaunti, ganun pa rin naman ang haba, humahagikhik pa Hihihi", at ang sabi naman ng demonyo, "Bwahahaha magpapaloko ka ba sa mga yan? antagal-tagal mong pinahaba gugupitan mo lang? wala lang pang-kaen yan si Kite kaya gusto kang gupitan. Mwahahahaha!" At mula duon naguluhan ako, nawala ako sa konsentrasyon, nanahimik ang paligid, ang tanging naririnig ko lang sa ngayon ay ang mga metal na pagkiskisan ng mga gunting sa barberya, mga shave na gigil sa buhok at mga nipper at nail cutter na gumugupit sa mga kuko ng mga Miss Universe debaters. Gusto kong sumigaw, gustong kumawala ng aking isipan sa maingay na kililing sa aking membranes. Magpapagupit ba ako o hindi? (10x) Susundin ko ba ang pangako ni Kite o dahil lang gusto niya makakaen ng Beef pares at mami mamayang gabi?
Nakapikit ako nun, nang bigla na lang mula sa kawalan, narinig at umalingawngaw sa taynga ko ang malamyos na tinig ng aking Mahal na Ina, umeeko, umeeko papalapit ng papalapit....natatandaan ko ang sinabi niya nung nakaraang Linggo, umeeko ulet.. eto na...... "Jaaaacckkkk magpagupeeettttt kaaaa naaaaa naaa naa, bawaasaaaannn mooohhhh laaaanggg nggggg kaunnnntiiiiiii tiii tii ti, nagmumukaaaahhhhh kaaaa nannggggg kuriiiimaaaawwww maaww maaw maw." Plop! (nawala ang mas angel na tinig kahit sinabihan akong kurimaw)
At bigla akong napabalikwas sa aking upuan, at biglang mulat ng mata. Tama nga atang magpabawas ng kaunti, konti lang ha. Wala na kong magawa ng dahil sa aking naalala, hindi ko puwedeng baliin ang utos ni Nanay, hindi ako Mama's boy pero alam kong alam niya lang ang tama sa akin. Siya na nga lang ang nagsasabing gwapo ako, kaya alam kong tama ang desisyon niya at desisyon ko. Kay Kite na lang magkakatalo ang lahat. Kaya pagkatapos ng gupitan nila ni Junathan eh, sumunod na ako. Pero bago pa ako hawakan ni Kite eh, sinabihan ko muna siya na, hawak ang kanyang puro kalyong kamay, "Paki-ayos na lang po ang gupit, trim lang po gaya ng sabi niyo ha, maikli lang po at tiwala po ako sa inyo. Maraming Salamat." Alam ko sa pag-uwi ko sa bahay mapapasaya ko ang aking Nanay ng dahil sa simpleng bagay na pagpapagupit. Sa tingin ko Ok naman ng buhok ko, ayos naman. Salamat Mang Kite. Salamat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento