'Gusto lang ata nila ko magpakamatay ng hindi ko napapansin' |
Hindi ako mataba. Pero hindi ibig sabihin e hindi na ako tataba. Kaya naman ngayon ay medyo nagdadalawang isip ako kung makikiuso ba ko sa tinatawag na pagpapagutom o diet...
Matakaw daw ako sa pagkain. Hindi ah. Hindi totoo yun. Ang sabi naman ng ilang natititang kaibigan ko parang patay gutom ako kung tsumibog. Ows? sabi ko. Ganado lang ako. Ayoko lang na may natitirang pagkain sa plato kaya't kung minsan medyo ako yung huling natatapos.
Ewan ko lang kung bakit nauso ang pagdidiyeta, sino ba ang unang matabang nilalang na nagdiyeta? Yan ba ay naisulat sa mga history books ng buong mundo? Sinong unang nilalang ang nagpauso nito? Di ba ang pagdidiyeta ay yung pinipili mo lang ang iyong kinakain? Hindi ba nila alam na mahal na ang pagkain ngayon? Parang bumulusok ang presyo ng lahat? Gustuhin man ng ibang bumili ng mga karneng mataas sa kolesterol at sa taba e malamang hindi na praktikal. Ito kaya ang numero unong dahilang kung bakit nauso ang pagpapagutom diet.
Ayon sa mga may "pakana" ng dieting, para hindi tumaba, iwasan ang kanin, softdrink, white bread, sugar, powder juice, junk food, pork, beer, ad infinitum. Puta andami naman. Papayat nga ako nito. Yung tipong payat na, tirik pa ang mata. Kaya nga ayoko magbasa ng mga tungkol sa kalusugan e. Gusto lang ata nila ko magpakamatay ng hindi ko napapansin.
Kaya kalaban ko yang diyeta diyeta na yan. Hindi makatao. Dapat ipagbawal. Gusto ko din ng prutas at gulay dahil masustansiya at di nagdaragdag ng timbang. Pero dahil nakikipagpaligsahan na rin ito sa presyo ng bigas, gasolina, tuition fee, at hairstyle haircut ni John "Lloydie" Cruz nahihirapan na akong lunukin ito. Mahal talaga ang mag diyeta. Pang mayaman. Kaya't eto nagtitiyaga na lang ako sa instant pancit canton. Ito ata ang sekreto ng aking kakisigan sa abs. I love you Lucky (me). Kung gusto mo makontrol ang dami ng iyong kinakain, gayahin ako, huwag kumaing mag-isa, wag mag-solo. Kelangan may kasama ka. Mas marami, mas mabuti. Sa ganung paraan malilimutan mo ang iyong manners at kelangan mo na makipag agawan ng pagkain kung gusto mo pang mabuhay.
Nakakatulong din naman ang mahabang oras ng panonood ng TV. Dito tutulo ang iyong laway sa inggit sa mga buto't-balat na modelo ng mga pampapayat na inumin at gamot. Pero wag na wag na magpapanic para bilhin ang kanilang iniindorso, malamang hindi ito ang dahilan ng magagandang katawan nila. Ituloy lang ang panonood ng TV. Ang pagpupuyat ay isa sa mga epektib na paraan kung bakit bumabagsak ang timbang ng isang tao maliban sa pagdu-droga. Iba yun. Mabilisang paraan pero bad.
Sinusunod ko rin ang oras ng ayuno tuwing Ramadan. Ito'y bilang pakikiisa sa mga kaibigan kong Muslim na magagaling magbenta. Huwag na huwag mo nga lang silang aalukin ng barbecue at betamax at baka isaksak nila sa lalamunan mo ang barbecue sticks. Walang pagkain simula madaling araw hanggang alas sais ng gabi. Tubig lang. Subalit sadyang mahina ako sa makamundong tawag ng aking kalamnan. Wala pang tanghali, patago akong bumibira ng kain sa kusina.
Kaya nga tsaka na siguro ang diet. Kung mataba na ako. Hahayaan ko na munang ang katawan at katakawan ko ang mangingibabaw sa sanlibutan. Basta!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento