Biyernes, Enero 23, 2015

Kanya-Kanyang Abot ng Bayad (Eksena sa Jeepney)



'Sino nagbigay ng prebelehiyo sa kahit sinong pasahero na isiping obligado ako na magsilbing pribadong kunduktor niya?'

Dalawang dambuhalang problema sa pagsakay ng dyip ang bumabagabag sa akin. Ang totoo, ang una ay problema ng mga tsuper; naiipit lang ang mga pasahero. Kung saan mang unibersidad nagtapos ang mga tsuper, hindi sila tinuruang kumalkula ng lulan ng pinag-uupuan.

Ang iba sasabihin kahit muka ng hindi makahinga ang mga tao sa loob, "Isa pa po sa kanan. Sampuan pa po 'yan!"

Lahat kaming mga nasa gawing kanan ay nagkatinginan na lang, halos nangungusap ang mga mata na isa lang ang ibig sabihin sa isipan "masikip na". "Ano ba, pinitpit na luya na kami rito," sabi ng isang malakas ang loob. "Isa pa at para na kaming pinangat na sushi."

May pumanhik na isang Manang. Kung mayroon siyang katangian, ito'y ang malapad na balakang. Diyos ko po Manang yung iyong puwet ay puwede sa pagtutuwerking dahil sa pagkalaki. Sa isip-isip ko kung uupo pa ito sa tabi ko naalala ko yung isang elepante sa isang operasyon para iligtas, eto ata yung "Operation Dumbo Drop", diyos ko po parang bomba sa Hiroshima pag nagkataong umupo ito. Ayun lang, huminto siya sa tapat ko. "Aba, bigyan ninyo ako ng puwang," ang utos, hindi hiling.

'Sisigaw ka ba brad?'

Eh di wow, sa loob-loob ko. Napaso ang aking ngala-ngala sa mainit na kape kingina at handa akong isisi ang pagkapaso sa sino man. Napigil lang ako ng malaki niyang bag, baka may alagang kobra dun sa loob mahirap na.

Siyempre, usugan ang mga pasahero. Nagkaroon ng kapirasong puwang sa aking kaliwa, talagang kapiraso ewan ko kung makakaupo ang isang langgam. Isang pisngi lang ng babae ang sumabit sa upuan.

"Aba, you have to make room for me here!" sabi niya, na pawang kasalanan namin lahat ang lapad ng kanyang balakang at kasuwapangan ng tsuper.

Siksikan. Nagpaliitan ng mga balakang ang katabi ko. Kapag Ingles ang utos, with matching nginig pang sinusunod.

Liban sa inyong abang-lingkod hindi puwede ang ganyang intimidasyon. Mayroon akong 10,000 bokabularyo sa Ingles na handa kong isuka sa kanyang harap kung kinakailangan. Sa halip, ipinagbubukakaan ko ang mga pisngi ko. Pumikit ako, hinipnotismo ang aking balakang para kumalat pa sa upuan.

Sa ganitong sitwasyon, lagi at lagi, may Pinoy na titiklop. Yung lalaki sa kaliwa ng babae, isinulong ang balakang sa labi ng upuan , at nakuntentong ang buntot niya lang ang nakasampiyad sa upuan. Pinagpatong pa ang mga hita para lalong kumitid ang sakop. Hayon, naipasok ni Manang ang kanyang gigantic na balakang. Huminga ng nasisiyahan, at tinapik-tapik ang kanyang bag, na parang sinasabi sa alagang ahas, easy ka lang diyan. HINDI MAN LANG NAGPASALAMAT!

Gusto ko batukan ang lalaking tumiklop at pagsabihan. "ULOL, KUNG WALANG NAGPAPAABUSO, WALANG MANG-AABUSO!"

'Karaniwang mga eksena sa jeepney.'

Paano ba naman uunlad ang ating bansa?

Kung sana man lang ay humingi ng paumanhin ang babae: "Pasensiya na po, alam kong puno na ang dyip, pero nagmamadali ako. Walang tao sa bahay. Naisara ko ang mga pinto at bintana. Baka maaksidente habang pumapasok ang mga magnanakaw ng barangay, mahabla pa ako."

Isa pang sanhi ng aking pang araw-araw na kabag ang pag-aabot ng bayad.

"Bayad po," habang idinuduldol sa akin ng katabi ang isang pulubing-pulubing perang papel.

Teka, bagalan natin ang takbo ng dyip.Isang senaryo ito na nangyayari sa buong bansa, libu-libong beses isang araw at gusto kong suriin.

Sino nagbigay ng prebelehiyo sa kahit sinong pasahero na isiping obligado ako na magsilbing pribadong konduktor niya?

Hindi ba niya nakita, na nang magbayad ako kingina, hindi ko inabala ang katabi ko, bagkus uugod-ugod akong umusad sa gawi ng drayber at uugod-ugod din bumalik sa aking kinauupuan?

"Bayad para sa ano?" gusto kong magtanga-tangahan.

Nakatingin ang ilang pasahero sa akin. Nakatingin ako sa gusgusing papel na pinaniniwalaan kong maaaring pinagmulan ng Ebola virus.

"Tanggapin mo, pare!" parang sinasabi ng lalae sa harap ko, na may mga mata ng lawin. "Tanda yang ng pagka matulungin nating mga Pinoy."

Hindi naman sa hindi ako matulungin. Kung babae ang katabi ko, at may dalawang maliliit na anak na nakasabit sa magkabila niyang teynga, isa pa na sumususo, at ipit ng mga paa ang isang balutan na lulan ang lahat ng kabuhayan nila, maliwanag na nangangailangan ito ng tulong. Malugod ko pang ililibre sa pamasahe ang mag-anak (lalo na kung Miyerkules o Linggo, para hindi na ako dumaan sa simbahan).

Ang tanging problema ko lang, madali akong mahawaan ng lagnat, kaya't ingat ako sa mga hinahawakan. Di ko pa naman naisuot ang hazard suit ko at nakalimutan kong uminom ng gamot kong from A to Zinc. Ano yun? Scrotum? este Centrum. Isang flu virus lang ang dumapo sa kamay ko, magpa flash flood na ang sipon at magbabahin na ako hanggang sa lumuwa sa ilong ang aking mga baga.

Ganito ang karaniwang eksena sa jeepney: Kung mas malapit ka sa hulihan, mas natatagtag ang utak mo, mas marami kang nasisinghot na usok dahil sa backdraft, mas nakaumang ka sa mga nanglalaslas ng tiyan, at mas maraming tapak sa tuhod mo. Kapalit, makapamimili ka ng aabutan ng bayad.

Pansinin ang suwabeng digmaan na nangyayari sa loob ng dyip na ang mas malapit sa drayber ang siyang tagapag-abot ng bayad. Isang pasaheo, nasa dulo. Bisi siya kunwari sa pagtetext. Pag-upo mo pa lang, ihahagis niya ang pera sa harap mo: "Bayad po," Ang hunghang talagang naghihintay lang ng maaabutan.

Okay, bumalik tayo sa kasalukuyan.
Hawak pa rin ng katabi ko ang pambayad. bahagya pang iwinagwag sa muka ko. Naglulundagan ang mga Ebola virus habang naghahagikhikan sa tawa ang mga ito sa aking teynga. Nangungutya pero hindi ako magpapatiklop.
Ang ibang mga pasahero, parang mga zombie, dahan-dahan akong pinapaligiran habang nag-uungulan.
"Kunin mo ang bayad, at iyabot mo sa drayber!" ungol ng isa.
"Huwag mo sirain ang tradisyong Pilipino!" isa pa.
"Anong problema mo?"
Pawis ba, sipon, o dugo na ng Ebola ang gumagapang sa nguso ko?
Binuksan ng babaeng may malaking balakang ang kanyang bag, handang hugutin ang alagang kobra.
"PARA PO!" sigaw ko, sabay tayo. "Kinakabagan na naman ako," paliwanag ko. "Sasabog na yata."
Nagkukumahog ako sa pagbaba. Hindi na baleng masagasaan ako kaysa dapuan ng Ebola o masagpang ng ulupong ang aking mga mata.

Pero kung ganito ang pag-abot ng bayad sa jeepney mas matindi pa siguro sa kabag at Ebola ang aking mararanasan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento