Noon marahil nagsintimyento ka kapag nakakatikim ka ng palo ng ating mga magulang. Mag-iiyak sa isang tabi, magmumukmok at minsang iisipin na "di ba nila ako mahal".
Yan ang dinaramdam natin noon kapag tayo'y nakakatikim ng palo ni nanay at tatay. Sa ating murang isipan ay di natin marahil maunawaan kung bakit tayo pinapalo. Ang iba ay nakatatak pa sa kanilang puso na animo'y isang peklat na nagpapaalala sa atin ng sakit na idinulot nito.
Bagama't gaano man ang hapdi nito, gaano man kasakit ang nadama sa hampas na ating natamo, o hagupit na ating naranasan -tiyak naman na may angking aral tayong natatamo sa bawat sakit ng palo ng ating mga magulang. Hindi ako nagdaramdam sapagkat naunawaan ko ang bawat sakit, iyon ay para hindi nila tayo saktan na dahil trip lang nila, iyon ay para maging mabuting tao tayo kung ano man at nasaan man tayo ngayon. Dahil dito ay naituwid tayo sa maling pag-uugali, nabatid natin ang di wasto, nakaiwas sa higit pang kapahamakan kung magpapatuloy sa di tamang gawain, at naging babala sa atin upang di na ulitin pa ang maling nagawa at maraman ang palo ni nanay.
Di ka naman nila papaluin ng walang dahilan di ba? Tiyak may dahilan kung bakit ang palo ay nararanasan. Marahil labis na tayong naging makulit, pasaway at di sumusunod sa iniuutos. Bilang mga magulang, marapat lamang na tayo'y paluin kung tayo'y sumusuway, pagka't ang pa lo raw ay tanda ng kanilang pagmamahal.
Pero ano nga ba ang mga gamit na pamalo nila nanay at tatay? At dito sa post na ito ay iisa-isahin natin ang kanilang mga weapons of destruction, yung talaga nga namang mapapa-aruy ka sa sarap ng hagupit.
Tohl, anong naging paborito mong pamalo? hanger, patpat, sinturon, buckle ng sinturon, bamboo, walis tambo, walis tingting, sapatos, dos por dos, paddle, kawayan, panungkit, upuan, mesa, or simply hambalos na malupit ng kamay??
Ka Freddie - Estudyante Blues
Kung ako ang tatanungin, sa akin na siguro yung pinaka unique o kung meron man free comment po tayo di to at puwede kayo maglahad ng malagim na karanasan nuong time na pinasusuheto tayo ng ating mga magulang. Wala sa mga nasabi ang naging pamalo ng aking ermats, nasa grocery oo mahaba, matigas at iwiwish mo na sa isang hagupit sana mahaba na yung mabali para wala nang susunod pang hambalos. Kapag kame ay nagpupunta sa Uniwide noon para mag-grocery ay hindi niya talaga pinapapaputol ang weapon niyang ito sa bagger. Hayaan na lang daw at wag nang putul-putulin. Ang sakit niyan tohl, kapag saktong asar na asar na siya sa'yo at ayaw mo pa ring tumigil sa pambubully mo sa kapatid mong babae ay hahagupitin ka na lang niya ng BARETA. Mapapakamot ka sa una sa unang hambalos, maya-maya nanamnamin mo na yung sakit. Tang-inang AJAX yan ee, bwisit na mga bareta yan bakit hindi pa putul-putol talaga bago idisplay sa mga grocery. Noon kapag katabi ko na si ermat sa counter ay tinanong siya ng bagger boy kung puputulin ang mga bareta. Ang sabi niya "huwag na" at ako ay napangiti na lang na may bahid ng pag-aalala dahil alam ko na e, matik na yun ee. Ewan ko ba nung bata tayo ay napakasarap din naman kasing mang-asar at sumuway s amga maliliit na bagay katulad ng pagtulog sa hapon. Eh ayaw ko nga matulog sa hapon dahil mainit ang panahon at ayoko ng pagising ko ay parang nag swimming ako sa pawis ang baho ko pa. At ang pinaka hindi totoo na sinasabi nila kapag matutulog ka ng hapon ay para daw ako lumaki. Eh punyeta hindi naman ako lumaki, lumapad lang ako. Langya talaga kung siguro hindi ako natulog lumaki at tumangkad ako. Shet!
Hindi kaya nagkaubusan ng HANGER noon? May mga magulang kayang papipiliin ka ng kulay ng hanger na ipampapalo sa'yo? Ang alam ko kasi may dalawang type ng hanger yung normal na hanger na matigas at malutong at yung isa na plastik ang balot at sa loob ay may manipis na metal. Isang hagupit ng hanger ay talaga nga namang babakat sayo ang latay nito. Depende sa galet ni ermats kung ilang beses ka mahahambalos. Naalala ko na nahampas ako ng hanger dahil sa mababa ang grades ko nung elementary. Kaya talaga nga naman kapag kuhaan na ng report card at bibisita sila sa eskuwelahan ay may halong kaba at excitement ang nadarama. Kapag pasado kasi for sure meron akong Jolly Hotdog at Jolly Spaghetti sa Jollibee (dapat mabasa ng Jollibee ang ads na ito). Kapag bagsak naman ang grado mo kahit sa isang subject, nako maghanda ka na. You can run but you can't hide ang tagpo sa bahay. Pero di ka naman niya papaluin kaagad agad may interrogation munang magaganap kulang na nga lang yung ilaw na nagsi-sway habang iniimbestigahan ka na kung bakit ka bumagsak sa Math. Putangna kasing Math yan di ko naman kakailanganin yung x and y coordinates na yan sa paglaki ko. Aanhin ko ba ang sine. cosine at cotangent sa pagtulong sa pagpapaunlad sa Pilipinas. Mas matututunan ko siguro ang Fraction inay kung may isang buong pizza o cake sa harap ko. Mangangatwiran ka pa ha! Wapak!!!!
Cambio -Pasaway
Ang SINTURON na siguro ang berdugong kaibigan ni erpats. Gumawa ka ng kasinungalingan matitikman mo ang hagupit ng kanyang sinturon. Langya na yan, mas imported mas masakit. Kapag pina-ikot niya na yun sa kamay niya ihanda mo na ang booty mo. Karaniwan naman kasi pinadadapa tayo at sa puwit tayo kadalasang napapalo. Mas lalo akong napalo noon dahil di ko napigilang mapautot habang akmang papaluin niya na ko. "Punyeta ka talaga, inututan mo pa ko." Ang akala ko ay masasave ako ng utot na yun, hindi pala. Eh hindi ko naman talaga sinasadya yun dahil na rin siguro sa dala ng kaba. Si ermat dahil hindi naman siya nagsisinturon ay natikman ko rin ang hagupit, sinturon din pero ang gamit niya ay yung sinturon ko sa boy scout. Wag ka, masakit din yun dahil medyo makapal ang sinturon namin ng boy scout nuon. Wag lang samahan ng buckle at talaga nga naman ngangawa ka sa sakit sa shiny shimmering splendid na buckle na yun kasi lagi ko pinapolish.
Masakit di ba? Minsan sa sobrang sakit, napapakamot ka na lang dun sa tinamaan lalo na pag sunud-sunod. Hahahaha parang hazing lang. Bukod sa pinapalo ka na, meron pa 'tong kasamang mga words of wisdom plus cursing. Pa'no ba naman....sa dami ng stress at sakit sa ulo ng dala ng buhay, pagdating sa bahay ang magti-trigger ng galit at kawalan ng pasensiya ay pag nakulitan sa'yong pasaway kang bata ka. Di talaga ito maiiwasan.
Noon naisip ko na sa madalas na nasa gitna ng paglalaba at pagsasampay si nanay pag nauubos ang pasensiya sa 'kin. Yung naririnig kayo na nag-aasaran magkapatid imbis na manood na lang ng TV. Nung oras na naglalaro kame sa unahan makaalam ng produkto sa mga patalastas sa TV. Eh lagi ko nalalamangan si utol siya naman napipikon at umiiyak dahil natatalo na siya sa race to 5. Natatalo na siya inaasar ko pa. Kaya't biglang tumayo si ermats sa paglalaba (with matching bubbles sa daster niya) kinuha niya ang WALIS TAMBO at swabe ang paghampas sa akin ng mango ng walis. Sakit pa naman nun lalo na pag gawang Baguio yung walis.
Kapag makulit at hindi nadala ng saway at pagpapaalala....asahan mo na kung anu ang pinakamalapit na mahawakan nina Nanay ang magme-matrix sa'yo at pag sinuwerte na nakailag ka, konting ingat dahil minsan pinapalipad na ito makaabot lang sa'yo. Buti nalang hindi sundalo si tatay at walang granada sa bahay.
Isa rin sa superb na pamalo ang WALIS TING-TING, PATPAT o PANUNGKIT, sige kupit pa sa bulsa ni nanay ng barya. Asahan mong ipalalahad sa'yo ang kamay mo sabay hagupit ng patpat. Parang style ng mga guro natin pero ang kanila meter stick naman. Hindi ko talaga makakalimutan noon na dahil sa isang kaklase ay napalo ng meterstick ang aking mga palad sa hindi ko naman ginawang kasalanan. Shet nabully ako ng kapwa ko 7 years old. Hindi ko lang talaga makita sa Facebook si Michael "baho" at para mapagkwentuhan namin at pagtawanan ang alaalang yun. Nakatalikod kasi ang aming guro habang nagsusulat sa pisara nang biglang aksidenteng nabato sa kanya ang isang papel. Natahimik ang lahat, nawala ang mga nagdadaldalan habang slow-mo na humaharap sa amin si titser. Alingawngaw lamang ng electric fan ang naririnig at nagsalita na siya "sino ang gumawa noon" sa tono ng boses niyang galit. Tatlong minuto ang lumipas at walang umiimik, ang hudas na Michael ang akala ko aamin biglang turo sa akin at sinabing ako ang bumato. Kung marunong lang akong magmura na gasing lutong ng kay President Duterte eh minura ko sana ang hayup. Di ko alam ang gagawin ko dahil di pa naman ako marunong mangatwiran nuon. Ang sunod na nangyari ay pinalahad na lang ang palad ko at sabay palo ng meterstick. (Hikbi) Punyeta ka talaga baho!
Likas sa bata ang magkulit. Kasi nga nag-eeksplor pa lang at gustong butintingin ang kung ano'ng interesanteng paglaruan. Di rin may maiiwasang may mabasag at matabig na mga bagay nang hindi namamalayan. Kaya nga ba laging palo-prone?
RAMBO, SPARTAN, o BEACH WALK mamili ka. Ano sa mga brand ng tsinelas na yan ang gusto mo dumapo sa puwitan mo? Syempre wala di ba? Lahat ng klase ng TSINELAS na yan ay matitigas at matitibay. Kung ayaw mong sumunod at pinauuwi ka na at sinabi ni nanay na tumigil ka na sa kakalaro susundin mo yun para hindi ka mahambalos ng tsinelas. Kung madapa at masugatan ka man galing sa kakatakbo for sure may package na palo ka pa rin kay nanay. Kargo mo kasi ang sarili mo nun at hindi ka nag-iingat. Pinapalo tayo para masuheto dahil ayaw ng mga magulang natin na masira ang mga balat natin sa binti dahil panget ang may peklat na binti lalo na kung babae ka. Pangarap kaya ng mga magulang natin na maging flawless ang mga balat natin. Kung malaking sugat yan nako pepeklat yan at baka tawagin ka ng mga kalaro mo na may "piso" sa binti, piso kasi kasinlaki at kasingbilog ng piso ang peklat.
Okay lang naman paluin ang makulit lalo na pag hindi nadadaan sa saway at mas mainam kung pagkatapos nito at nailabas na ang sakit at hapdi ng palo sa pamamagitan ng pagpalahaw na iyak...kausapin ang bata at ikspleyn sa kanya kung bakit para maintindihan nito.
Noong napalo ako nuon ng hanger dahil hindi ako nagpalet ng basang pawis na kamiseta ko ay ngumawa ako ng todo at nasaktong napatingin pa ko sa salamin. Putangina ang panget ko pala kapag umiiyak noong baby pa ko ayos pa ee. Nasuklam ako sa aking nakita . Pinangakong hindi na muling haharap sa salamin kapag umiiyak.
Ang tanong kelan ka ba huling napalo?
Hindi naman porke matanda ka na eh hindi ka na puwedeng bigwasan ng mga magulang mo. Ngayon kapag nasampolan ka pa rin ng gigil na kamay ni nanay ibig na sabihin nun ay matanda ka na at ayusin mo na ang buhay mo, wag kang tatanga tanga, wag kang bopols. Ishashare ko lang ang ka tangahang nagawa ko noon sa pag-aaply ng trabaho hindi dahil sa proud ako sa sarili ko, kundi para magsilbing aral na rin para sa ilan. Eto yung panahon ng paghahanap ng trabaho, siyempre ayoko rin naman maging tambay pagkatapos kong makagraduate sa kolehiyo at gusto ko agad makatulong sa mga gastusin sa bahay. Umalis ako ng maaga, hindi ko alam ang lugar kaya't sinamahan ako ng aking kaibigan dahil dadaan rin siya sa lugar na aking pag aaplayan. Hindi siya mag-aapply at mayroon siya ng ibang lakad. Dala ko ang aking resume, envelope, requirements sa paghahanap ng trabaho, cellphone at ID. Natatandaan ko na ang lugar ay bandang Shaw Boulevard at ang kumpanya ay printing services at ang aking aaplayan sana ay data analyst. Pagdating sa kanto ng kalye ng aaplayan ko ay naghiwalay na kame ng aking kaibigan. Nagtricycle papaloob para tuntunin ang printing press. Puno ng barya ang aking bulsa, isang papel na bente pesos at mangilan ngilang barya. Sampung piso hanggang duon. Nagbayad sa tricycle. Sarado ang gate at ang sekyu ang sumalubong sa akin. "Ano pong atin sir?" ang sabi niya. Hawak ang envelope, ang sabi ko ay "applicant po, mag-aaply po". Nagulantang ako sa sagot niya, "ay sir, holiday po ngayon, balik ka na lang bukas." Pesteng yawa May 1 nga pala noon at Labor day. Para kong binuhusan ng malamig na tubig, sabi sa sarili na walang nangyari sa lakad ko gastos pa ko. Sumakay ng tricycle pabalik sa kanto. Nagbayad ulet ng sampung piso. Habang nag-aantay ng bus pabalik, ito pa ang isang kagimbal gimbal na pangyayari. Patay na, kinakapa ko ang wallet ko sa likurang pocket pero wala akong makapa. Alam ko sa sarili ko na hindi ako nadukutan ee. Inisip ko ng inisip ang mga pangyayari simula nung umalis ako ng bahay. Ugali ko na rin kasi na hindi nagtatanggal ng wallet sa pantalon. Putangna! nagpalet pala ako ng pantalon at ang nadampot ko lang ay yung mga barya ko. Shet paano na ko makakauwi nito. Pero di ako nawalan ng pag-asa dahil dala ko ang cellphone ko.Itetext ko sana ang kaibigan ko at baka kako hindi pa siya nakakalayo. Eh kamalas-malasan naman talaga, pagkatingin sa cellphone ay lowbat na rin pala. Kaya ayun ayoko naman mag 1-2-3 yun ang hinding-hindi ko gagawin. Ang solusyon taxi hanggang Cavite. Umaatikabong 800 pesos ang binayaran pagkauwi. Ang masama pa si utol at ermat ang nagbayad kasi ang nasa wallet ko lang ay nasa 300 pesos. Kaya bigwas at batok ng KAMAY ang nangyari + cursings. Ganun talaga eh, pinagsisihan ko rin naman ang katangahan ko na yun at nangakong di na mauulit. Hehehehe!
Parte ng pagdidisiplina ang minsang paluin ang bata kapag mali talaga at hindi na masaway pero hindi rin naman kailangan sa tuwinang magkakamali eh ito ang parusang laging igagawad. Isa pa, maraming epekto ang pamamalo sa paglaki ng bata. Pwedeng maging rebelde, introvert, magagalitin, nananakit agad kapag nadedehado, pwede ring matatakutin lalo na pag na-trauma na, nagtatanim ng galit at naglalayas, nababarkada hanggang sa matuto na ng masasamang bisyo.
Napaka extreme na naman siguro kung nahambalos ka na ng DOS POR DOS. Sa aking experience, pasalamat na lang ako at hindi ko natikman ito. Pinakamasakit na weapon na nga siguro ang dos por dos dahil parang na experience mo na rin na ma-hazing ka sa isang fraternity. Bawal na yung sobrang hardcore, para sa akin bawal ang matutulis na bagay katulad ng kutsilyo, screw driver, thumbtacks, pako. Bawal ipamalo ang martilyo, dos por dos, kahit anong uri ng kahoy. Bawal din ang mga bagay na maaring makasugat sa balat. Bawal ipitin ang dila ng bata sa pamamagitan ng pang ipit sa sampayan. Bawal ang manambunot, manapak, mambatok, manampal ng paulit-ulit, iumpog ang ulo sa pader. Baka mabantay-bata 163 po kayo niyan at makakasuhan naman po kayo ng child abuse.
Dapat na sila ay kausapin pagtapos ng disiplina-eksena. Hindi naman dahilan na porke't bata pa ay hindi pa nito maiintindihan. Maraming paraan para i-ekspleyn sa kanya ang ginawa at sa ganitong paraan magiging malapit pa ang pagsasama at tatatak sa isipan niya ang magiging resulta kapag inulit niyang gawin ito.
Tandaan walang award na matatanggap kapag naging mabubuting magulang sapat na'ng makita ang mga bunga na naging kapak-pakinabang at napalaking may respeto, malasakit, pagmamahal sa kapwa, pamilya at maging sa mga hayop....mga karakter na walang katumbas na halaga.
Kaya naman lubos ang pasasalamat ko sa Ajax na bareta dahil sa mga palo ni Nanay at dahil dun nalaman ko ang aking mga kamalian noong bata pa lang!
Ito ang ating kabuuang survey kung ano sa mga pamalo ni ermats at erpats ang kadalasang ginagamit:
Kamay - 3
Sinturon - 11
Walis - 5
Hanger - 6
Tsinelas - 5
Panungkit/Patpat/Walis tingting - 3
Luluhod sa Munggo/Asin - 1
Branch ng puno - 1
Bareta (sabong panlaba) 1
Unan - 1
Hindi napapalo- 1
WALA PONG NAGING DAYAAN SA BILANGAN AT HANGGANG NGAYON DEADLY WEAPON PA RIN ANG SINTURON NI TATAY!
Salamat po sa mga respondents!
Xyrah Pacumio-kamay,belt
Alyssa Bengusta- hindi napapalo
Kath Siahay -hanger
Risse Molo -paluluhurin sa munggo o asin (old school)
Jessie Castillo - sinturon,tsinelas,panungkit,hanger,walis
Paula Bianca Celebrado -belt
Princess De Castro -hanger,sinturon
Casen Keller -belt
Gerri Anne-sinturon
Pinky Chavez - belt tsinelas, branch ng puno
Patricia Camille Mendoza-belt,hanger,walis tambo
Sekai Carola - hanger,pandakot,sinturon,walis tsinelas,patpat
Ubas na may Cyanide -baretang buo
Jan Ishmael Ilano Domingo -sinturon,walis,hanger,tsinelas,walis tingting,unan,kamay
John Carlo Miranda - sinturon, tsinelas, walis tambo
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento