Lunes, Abril 28, 2025

The After-School Meryenda 90s Edition

 

Lugawan set-up noong dekada nobenta

Isa sa hindi ko makakalimutang mga set-up noong dekada nobenta nung ako ay nasa high school ay ang aming after-school snacks or meryenda bago magsi-uwian ng bahay. Ang buhay ko noong 90s ay panay food trip pagkatapos ng school, kain dito, kaind doon, tusok dito, tusok doon. Ganito kasimple ang buhay namin at siyempre habang kumakain sa lugawan hindi mawawala ang halakhakan at mga kuwentuhan. Pagkatapos ng klase, alas-singko ng hapon, sabay-sabay kaming lumalabas ng gate ng eskwelahan. Hindi pa uso noon ang cellphone, kaya ang usapan: "Kita-kits sa kanto, sa tabi ng tindahan ni Aling Bebang!"

Alam na namin ang aming bibilhin sa menu ni Aling Bebang sapagkat yun at yun din naman ang kanyang tinitinda pero marami kang pagpipilian. Patawid pa lang amoy na namin ang pinipritong tokwa at kumukulong lugaw, para na kaming mga zombie na kusa nang naglalakad papunta sa puwesto. Pagod at gutom na ang aming utak dahil sa ang huling klase namin ay Mathematics at kung minsan ay nagtatanungan kung saan ba nakuha yung answer na 54 sa ginawang equation ni mam? Si Regino, bitbit ang second-hand niyang backpack na may iconic sticker pa ng Street Fighter. Si Apple naman, nakasanit pa ang Tamagotchi niya sa palda, nanginginig sa gutom. 

"Isang lugaw na may itlog, Aling Bebang!" sigaw namin sabay-sabay, para kaming boyband na sintunado. Kanya-kanya ang timpla ng lugar, yung iba talagang binudburan ng paminta, nilagyan ng suka, hot sauce, celery, maraming garlic, toyo, at calamansi. Iba't-ibang style depende sa weird na panlasa. Ang mayaman na naka-save ng kanyang baon sa recess may extrang order na tofu. Sa lugawan ni Aling Bebang tumutugtog ang "Dying Inside" ni Timmy Thomas, at sinasabayan naman ito ng pumipiyok na boses ni Bek-bek, "coz I'm dying insayd to hold u, I cud not believe what I felt 4u" 🎵 "Gutom na talaga si Bekbek, Aling Bebang" ang tugon ni Anthony, sabay halakhakan ang lahat. 

                                                                               Timmy Thomas - Dying Inside to Hold You

Tapos habang hinihintay maluto ang tokwa, kwentuhan na.

"Ano'ng nangyari kay Ma'am Josie kanina?" tanong ni Nino habang umiinom ng malamig na Sarsi, yung naka-bote pa, binanlian lang sa tubig para matanggal ang alikabok.

"Nalaglag 'yung pustiso niya habang sumisigaw! Hahahaha!" sigaw ni Apple, halos maibuga ang tikoy roll na kinakain.

Minsan naman, pasikatan. Si Regino, ipapakita ang bagong labas na Pogs niya. Si Nino, yayabang na nakapanood siya ng bagong episode ng Bioman sa RPN 9. Kami naman ni Bekbek, proud na proud dahil nakakuha kami ng libreng teks sa tindahan sa kanto — yung may hologram pa ng Shaider!

Habang nagtatawanan, may pahabol pa si Aling Bebang, "Oh, 'eto extra sabaw oh, para sa mga future brokenhearted!"

"Tamang-tama, para kay Anthony na binasted ni Kim-Kim!" sabay-sabay naming asar, habang halos mapatalsik si Anthony sa upuan niya.

Wala pa masyadong gadgets noon. Walang Tiktok, walang Instagram, walang Twitter, Facebook at kung anu-ano pa. Wala pang umaagaw sa atensiyon ng aming masasarap na kuwentuhan, usapan, tanungan sa mga assignment at kung anu-ano pa na pwede pag-usapan. Personal communication ang naghahari back then at wala pang destruction ang mga 90s kids sa isa't-isa. Kung meron man gadgets na nadedestruct kami pansamantala ay yung Tamagotchi, Brick game o di kaya ay Game N' Watch lang. Pero bawat kagat sa tokwa, bawat subo ng goto, bawat higop ng Sarsi o kaya Fanta - kwento na agad. Kwento ng kabataan, kalokohan o di kaya ay katatakutan. Simpleng saya pero sulit kasama ang tropa. 

                                                                                               Whigfield - Close to You

Kahit pawisan, kahit minsan napuputikan dahil umuulan at lubak-lubak ang kalsada, walang makakatalo sa sarap ng meryenda namin noon.Wala na sigurong sasarap sa pagkain ng lugaw o goto ng tropa sa tuwing tag-ulan. Mas nagiging malinamnam ang lugaw at tofu ni Aling Bebang sa mga ganitong pagkakataon. 

At sa bawat huling subo ng lugaw, sabay-sabay kaming sisigaw:

"Hanggang bukas ulit, mga tol!"




Linggo, Abril 27, 2025

Unappreciated Household Item: Walis Tambo at Walis Ting-ting

Naappreciate mo ba ang household item na ito?

Pagbaba ko ngayon sa aking kwarto ay inupog ako ng kaha-hatsing kalahati pa lang ng pagbaba sa hagdanan. Ako kasi yung tipong dahan-dahan sa pagbaba ng hagdan dulot ng aking kondisyon. Kailangan kong huminay sa pagmamanhik-manaog para hindi agad bumilis ang tibok ng aking puso. At dahil na stock sa gitnang parte ng hagdanan ay tila ata pinupog ako ng alikabok na nalalaglag sa butas ng aming kisame. Bakit nga ba kasi lumutang ang alikabok kapagnasa sinag ng araw at parang imbisibol naman kapag nasisinagan? 

Anyway, sabi ko kasi ang unang bagay na pumasok sa isipan ko ay iyon ang bibigyan ko ng halaga para isulat ngayong Linggo ng umaga. Pero hindi ito ang alikabok. Kung may alikabok at para maitaboy sila dapat ay may walis. Pahahabain natin ang kwentuhan ngayong araw tungkol sa walis. Parang ang haba na ng intro pero wala pa rin sense ang aking mga sinasabi. Okay eto na..

Ang walis ay isa sa mga kagamitan sa bahay na hindi natin masyadong binibigyan ng kaukulang pansin.  Lagi itong ginagamit ng katulong namin, tiyahin ko, witch, lola, o ng lolang mukhang witch.  Ngunit bihira ko itong marinig na mabigyan ng papuri ng mga tao.

Ang lagi nating naririnig: "Ang ganda naman ng TV niyo, flat screen!", "Sosyal, may microwave!",  o kaya "wow, may Air Fryer ka na mare!"

Yan ang madalas kong naririnig. Pero bihirang-bihira ako makarinig ng, "Wow! Fantastic walis!" O kaya naman ay, "Ang ganda ng materyales na ginamit sa mga tingting mo! San mo naiskor yan?" Di ba? Wala! Wala kang maririnig na appreciation patungkol sa walis! Eh kung sa tutuusin, eto ang pinaka-nagagamit sa bahay, sa umaga, sa tanghali at sa gabi. Hindi lang natin siya pinapansin dahil hindi ito makintab tulad ng overn toaster o kaya ng kutsarat-tinidor. 

Maraming gamit ang walis. Pagkatapos ng malakas na ulan ay kailangan niyong tanggalin ang naipong tubig sa semento para makapaglaro ng basketbol. Anong gamit niyo pantanggal ng tubig? Ano?! Ano di ko madinig?!! Walis ting-ting. Kapag mahangin naman at gusto mong gumawa ng instant saranggola, anong gamit mo para gawin ang skeleton nito? Ting-ting ulit, friends. Sa mga taga-probinsiya naman, ano ang gamit ni Lola para itabi ang mga tuyong dahon sa lupa pagkatapos pausukan ang puno ng mangga? Tama ka na naman.. walis ting-ting. 

At ano naman ang ginagamit para linisin ang mga nalaglag na buhok pagkatapos kang gupitan ng barbero? Walis tambo, sir. 

Madaming madami pang gamit ang walis. Sigurado din akong madami pa kayong ala-ala with your favorite household item na ito, Sa sobrang ganda neto ay lagi pa itong binibilang sa Batibot!

“Isa!  Isang walis tambo!  Ting!”

(drumroll…)

“Dalawa!  Dalawang walis tambo!  Ting!”

(drumroll…)

“Tatlo…”  and so forth… – lagi kong naririnig sa titser ko ‘to nung bata ako eh, “…and so on and so forth…”

Lahat ba ng walis ay gawa sa Baguio. Mukhang ito lang ata yung oras na naaappreciate ng nanay ko at mga tita ko noon ang walis sa tuwing nabibilhan sila ng aming ibang kamag-anak ng walis na galing sa Baguio. Iba daw kasi ang kalidad ng walis kapag galing sa Baguio city. Tuwang-tuwa sila noong nakatanggap sila ng walis na ito. Pero nung kabataan ko nalaman kong espesyal nga ang walis ng Baguio lalo na ang mango nito, kasi mas masakit ang impact kapag hinampas ka ng walis tambong gawa sa Baguio, mas matigas at solid. Iiyak kang talaga. 

Masakit mapalo ng walis tambo, ang pambansang household item ng Pilipinas, ang pambansang household item ng Pilipinas. Itanong niyo pa sa mga batang kalye noonde dekada 80 at 90. Kapag hindi ka natulog sa hapon kasabay ng programa ng Agila, Valiente at Anna Luna at nahuli ni Manang, maliban sa tangkay ng puno ng malunggay e walis ang babati sa balat mo. Uhm! Saraaappp! Hindi ka pa napapalo sa puwet eh umiilag ka na, 'diba klasik na klasik 'to?

Ang walis ay saksi sa ating paglaki. Lahat ng bahay ng Pilipino ay meron nito. Mawala na ang mga kabinet sa bahay 'wag lang ang walis. Nakatambay 'yan madalas sa mga suluk-sulok ng bahay natin at parating kumakain ng alikabok at agiw araw-araw. Mahilig din kumain yan ng mga tumapong kanin kaya inis na inis si doggie at bitin ang hapunan niya. May dalawang klase ang walis-ang walis tambo at ang walis ting-ting. Mas marami nga lang gamit ang walis ting-ting. Madalas nating makita ang walis tambo sa loob ng bahay at sa labas naman ang tambayan ng walis ting-ting. Ang walis ting-ting ay ginagamit din sa pandakot ng tae ni doggie na may halong buhangin, ginagamit din itong skeleton ng saranggola, pamalo, at arena ng mga naglalabang gagambang bahay at ekis. Alarm clock din ito sa mga probinsiya sa kaumagahan, ang tunog ng pagwawalis ng kapitbahay naming lolang naka duster, kamay sa likod. Ni minsan ay wala akong nakitang nagwawalis ng nakapamewang. Ikaw may nakita ka na bang nagwawalis ng nakapamewang? Ang ibig ko lang sabihin ay wala nang mas sasarap pa sa tunog niyan 'pag umaga. Sssshhhkkk sssshhhkkkk sssshhhkkkk...

                                                                                             Lovecore - Walis Tambo

Madalas kong isabit noon ang walis tambo sa likod ko para kunwari ay espada siya ni Darth Vader. Tapos ay mag eespadahan kami ng kapatid ko hanggang sa magsawa kame hanggat walang sumasaway. Ganun ganun lang, walang kwentang laro.

Ginawa ba ‘to ng mga matatanda sa inyo-‘yung bubunot ng isang pirasong walis ting-ting para gawing toothpick?  “Manang, pakilinis nga ‘tong tae ng aso.  Salamat.” (sabay ngata ng ting-ting)

Ang alikabok ang mortal na kalaban ng walis tambo.  Dito ay nagkakaubusan sila ng lahi.  Paunahang maubos.  Pagkatapos ng ilang linggo e parang sinuklay na one-side ang walis kakawalis sa alikabok, samantalang ang alikabok ay lulutang-lutang lang sa ere at hahalik pabalik sa sahig.

Walis Tambo ang hari ng loob ng bahay. Siya ang laging sumasalba kapag bumagsak ang baby powder ni ate o kapag natapunan ng Tang orange juice si bunso. Tahimik siyang nagtatrabaho — walang reklamo, walang tanong — kahit minsan tinatrato siyang parang isang basahan na itinatago sa likod ng ref.

Walis Ting-Ting naman, ang warrior sa labas ng bahay. Siya ang ultimate kalaban ng mga dahon, putik, at mga papel na tinangay ng hangin galing sa kalapit-bahay na may kasalanang hindi nagwawalis. Hindi siya glamoroso. Wala siyang magandang buhok gaya ng tambo. Pero sa laban ng kalinisan, siya ang tunay na sundalo.

Walang may panahon para mapansin ang mga sakripisyo ni Walis Tambo na sumasayaw sa bawat sulok ng bahay, o ni Walis Ting-Ting na lumalaban sa bawat bagyo na hindi niya alam kung kelan matatapos.

At kapag naluma sila? Simple: itinatapon, parang walang pinagsamahan. Minsan, kinakatay pa si Walis Ting-Ting para gawing pampuksang-ipis. Ang sakit, ‘di ba?

Isa pang gamit ng walis ting-ting ay paglagay ng rugby sa sirang sapatos at iba pang sirang bagay. Sino kaya ang unang taong gumamit nito sa paglagay ng rugby? Pumatok talaga eh at lahat, ito ang ginagamit. Salamat na rin sayo at ilang sapatos na rin ang naidikit ko dahil sa walis ting-ting na yan. 

Panghuli, ginagamit rin itong ehemplo sa kasabihang kapag sama-sama, maraming magagawa at magigin matibay ang pagsasama. Yan ata yung kasabihan na, "Teamwork makes the dream works." Susubukan muna ang isang pirasong walis ting-ting at babaliin. Bali agad siyempre. Pero kapag pinagsama-sama na ang isang buong walis ting-ting na ang babaliin, hindi mo na ito mababali.

Ngayon, bilang mga batang 80s na lumaki na (at nagbabayad na ng sariling kuryente), oras na siguro para magbigay-pugay:

Salamat, Walis Tambo, sa pagtitiis sa alikabok na pinakawalan ng electric fan na #3 ang bilis.

Salamat, Walis Ting-Ting, sa paglilinis ng bakuran kahit kami, nagtatago sa loob para hindi magpulot ng basura.

Kung hindi dahil sa inyo, baka hanggang ngayon, nalulunod pa rin tayo sa libu-libong teks na nagkalat sa sahig.



Biyernes, Abril 25, 2025

Throwback Places: The Old Nayong Pilipino of the 70s


Nasubukan mo bang mamasyal sa lumang Nayong Pilipino bago ito magsara noong 2002?

Ang Nayong Pilipino ay isa sa mga pinakakilalang pambansang parke sa Pilipinas na nagbigay daan upang mas makilala at mapahalagahan ng mga Pilipino at turista ang mayamang kultura, kasaysayan, at sining ng ating bansa. Sa artikulong ito, ating babalikan ang kasaysayan ng Nayong Pilipino—kung paano ito nagsimula, paano ito umusbong, at kung paano ito nagbago sa paglipas ng panahon.

Lagi ko itong nadaraanan noong nasa Paranaque pa kami nakatira at kapag papasok kami sa eskuwela sa San Andres Maynila.. Naabutan pa namin ng isang taon ang operasyon ng pamosong theme park ngunit pansin na hindi na ganoon karami ang buibisita sa Nayong Pilipino hanggang sa nagsara na ito noong 2002. Kadalasan trapik ang lugar na ito sapagkat labasan rin ito papuntang Kamaynilaan

Ang lumang Nayong Pilipino ay isang cultural theme park, na pinamamahalaan ng Nayong Pilipino Foundation, na bukas mula 1970 hanggang sa pagsasara nito noong 2002. Ang mga bakuran nito ay napuno ng malawak na hanay ng mga Filipino na kahanga-hangang arkitektura at mga iconic na landscape ng kapuluan. Hinati ang parke batay sa iba't ibang rehiyon ng bansa, mula sa hilagang mga lalawigan ng Luzon hanggang sa katimugang rehiyon ng Mindanao.

Ang Pambansang Alagad ng Sining na si Ildefonso P. Santos Jr., na kilala rin bilang IP Santos, ay nagdisenyo ng kaakit-akit na tanawin ng Nayong Filipino. Ang 45-ektaryang ari-arian ay ginawang miniaturized realm na muling lumikha ng mga anyong lupa at mga istrukturang sikat sa buong bansa. Dahil mas mahirap ang paglalakbay noong panahong iyon, binigyan nito ang mga naninirahan sa lungsod at mga turista ng pagsilip sa kung ano ang maiaalok ng Pilipinas.


NOSTALGIC PHOTOS OF THE NAYONG PILIPINO IN THE 70s and 2000s



Natatandaan ko pa nung aking elementarya ay kasama ito sa listahan ng aming Field Trip, isa ito sa mga lugar na talaga nga namang nasiyahan kami, malawak, malinis, maraming makikita at masarap mag takbuhan. Pagkatapos ng pagbisita namin sa Bamboo Organ Church ay ito ang sunod na aming pinuntahan, ang Nayong Pilipino, dito kami nagpalipas ng oras para kumain ng aming tanghalian. Naging picnic ang buong senaryo ng pagbisita namin sa Nayong Pilipino at pagkatapos noon ay naglaro kami dito, mayroong umakyat sa Mayon Volcano, nag sight seeing sa Banaue Rice Terraces at bumisita sa Magellan's Cross ng Cebu. Para nga naman talagang napuntahan namin lahat ng tourist destinations ng Pilipinas sa iisang lugar. 

Ang Nayong Pilipino ay idinisenyo upang maging isang buhay na tapiserya ng pisikal at kultural na pamana ng Pilipinas. Nakapalibot sa gitnang lawa ang mga gawang nag-replicate ng mga lugar tulad ng terraced rice fields ng Cordilleras, malalagong burol ng Visayas, at mga kapatagang lupain ng Mindanao. Isang replica ng Bulkang Mayon at ang iconic na bell tower nito na may mga libangan ng tanawin sa kanayunan.

Ang isang malawak na hanay ng katutubo at makasaysayang arkitektura ay muling nilikha ng isang pangkat ng mga kilalang arkitekto. Ang mga Pambansang Alagad ng Sining na sina Leandro Locsin at Francisco Mañosa ay ang mga nag-disenyo ng mga istrukturang ito mula sa buong bansa. Ang mga gusaling ito ay mula sa mga iconic na anyo ng kabahayan at mga relihiyosong istruktura hanggang sa malalaking pavilion para sa mga kaganapan at pagtatanghal. Ang mga ito ay ipinakita sa isang pinaliit na anyo na sinadya upang magsilbing mga replika, tulad ng nakikita sa pagkakagawa ng kanilang mga elemento ng dekorasyon at mga motif ng rehiyon.

Ang orihinal na lokasyon ng Nayong Pilipino ay sa tabi ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City. Isa itong 46.4-ektaryang theme park na puno ng mga miniature o replika ng mga tanyag na destinasyon sa bansa tulad ng:

  • Mayon Volcano
  • Banaue Rice Terraces
  • Ifugao Village
  • Vigan House
  • Muslim Village ng Mindanao
  • Rizal Shrine
  • Barasoain Church
  • Magellan's Cross



 



    





                                                                                               The Beatles - In My Life

Bukod sa mga estruktura, tampok din dito ang mga cultural performances tulad ng sayaw, musika, at palabas na nagpapakita ng kasaysayan ng Pilipinas.

Noong 70s hanggang 90s, naging patok na patok ang Nayong Pilipino, lalo na sa mga field trip ng mga estudyante. Itinuturing itong living museum dahil nagbibigay ito ng interaktibong edukasyon sa pamamagitan ng aktwal na eksibisyon, performances, at makasaysayang reenactments.

Pagbagsak at Pagsara

Dahil sa pagpapalawak ng NAIA at Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAX), ang orihinal na Nayong Pilipino sa Pasay ay isinara noong 2002. Dahil dito, nawalan ng pangunahing pambansang theme park ang bansa na sumasalamin sa ating kultura.

Matapos isara, maraming Pilipino ang nalungkot dahil sa pagkawala ng isang mahalagang bahagi ng kanilang kabataan at edukasyon. Ngunit hindi rito nagwakas ang layunin ng Nayong Pilipino Foundation (NPF), ang ahensyang nangangasiwa rito.

Ngayon, ang pumalit na establisyemento sa lumang Nayon Pilipino sa Pasay ay isang napakalaking Petron Gas Station noong huling pagbibisekleta ko sa Pasay papuntang Paranaque para bumisita sa puntod ng aking tatay sa Manila Memorial Park. 

Noong 2007, binuksan ang Nayong Pilipino Clark Expo sa Clark Freeport Zone, Pampanga. Mas maliit ito kumpara sa orihinal, ngunit dinala pa rin nito ang diwa ng orihinal na parke. Tampok dito ang mga tradisyonal na bahay ng iba’t ibang etnolinggwistikong grupo, mga makasaysayang istruktura, at cultural shows.

Sa Clark, naging bahagi rin ito ng tourism strategy ng gobyerno upang mapaunlad ang rehiyon at makilala ang Central Luzon bilang sentro ng turismo at kultura.

Ang kasaysayan ng Nayong Pilipino ay sumasalamin sa mga pagsubok at tagumpay ng ating bansa sa pagpapaunlad ng kultura at identidad. Mula sa makulay nitong nakaraan sa Pasay, hanggang sa panibagong pag-asa sa Clark at mga modernong plano sa hinaharap, nananatili itong simbolo ng ating pagka-Pilipino.

Sa muling pagbuhay ng Nayong Pilipino, nawa’y mas lalong mamulat ang kabataan sa kahalagahan ng ating kasaysayan, sining, at kultura—hindi lang para sa sarili kundi para sa buong bayan.

Martes, Abril 22, 2025

Komiks is Life in the 90s

Ano ang kwentong Komiks mo?


Ang mga komiks ng dekada nobenta ay hindi lang simpleng babasahin para sa akin isa silang portal sa panahong simple lang ang buhay. Walang WiFi, pero puno ng imahinasyon. Walang Netflix, pero sagana sa kwento. Ang hindi ko lang nagugustuhan sa Komiks ay yung mabibitin ka sa nagtatapos na salitang "DURUGTUNGAN" o "ABANGAN ANG SUSUNOD NA KABANATA" sa mga kwentong binabasa mo. Bawat kwento sa komiks ay kapana-panabik at talaga nga namang bibili ka ng susunod na issue masubaybayan mo lang ang kwentong kinaiibigan mo. Ganyan ang simpleng buhay noon ng katulad  kong lumaki sa 90s at sa piling ng mga komiks na naging koleksiyon ko na sa haba ng panahon. At ngayon, samahan niyo akong maglakbay pabalik sa panahong yon, kung saan ang papel ay hindi lang pambalot ng tinapa, kundi isang portal sa kaharian ng imahinasyon at kakulitan.

Fresh pa sa ispan ko ang set up ng komiks stand sa harap ng aming eskuwelahan. Tuwing Biyernes, ako bumibisita dito para i-check kungmay bagong issue na ang pinakapaborito kong Komiks, ang legendary Funny Komiks na halos kinaibigan lahat ng mga batang lumaki sa dekada nobenta. Pagsapit ng alas-singko maririnig mo na ang bell hudyat ng pag-uwi namin at tapos na ang klase. Tatawid na ako niyan sa paborito kong komik stand at hahanapin ang fresh na issue. Hindi lang panay komiks ang tinda dito, nariyan din ang mga songhits na katulad ng Hothits, Jingle, Hyper Jam, Sonic, Most Wanted Hits, at Jammin. Hindi ko kinahiligan ang songhits pero nakakabili paminsan-minsan kapag may gusto akong malamang lyrics para hindi lang ako sumabay sa hangin na hindi ko alam ang lyrics kapag trip naming kumanta. Ang songhits rin ang nagsilbing guitar practice ng mga romantikong classmates ko na nagigitara para magpasiklab sa mga cute na classmate naming babae. Malakas daw kasi ang dating at nakakapogi ang pagigitara noon (kahit panget ka) basta marunong ka daw tumipa ng gitara at malamig ang boses mo parang love potion ito na mapaibig mo ang isang dalaga. Sa stand na ito narito rin ang mga diyaryo, nariyan yung malalaking diyaryo na katulad ng Philippine Star, Inquirer, Manila Bulletin, Manila Standard at Manila Times. Nagamit ko angmga ito nung tumanda na ako at natapos ng kolehiyo kasi kadalasan dito ako nagjojob hunt para makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng Classified Ads section kung saan naka-post ang mga vacant jobs sa lungsod ng Maynila, Makati, Mandaluyong at Quezon City. Di rin mawawala ang mga tabloid na diyaryo katulad ng Abante Tonite, Remate, Tempo, People's Tonight (inilalabas tuwing tanghali), People's Journal (tuwing umaga), Pilipino Star Ngayon, Tiktik at Bulgar. At syempre ang pinaka-special sa akin ang highlight ng aking kabataan, ang mga komiks. ang Funny Komiks na super paborito ko dahil kay Combatron at Planet Opdi Eyps, ang Bata-Batuta na mortal na kakumpetensiya ng Funny Komiks para silang Coke at Pepsi ng mga softdrinks brand noon. Ang mga pang-adult komikas gaya ng Aliwan, Extra, Hiwaga, Shocker, Top Special Stories Komiks, Mabuhay, Pantastik, Super Klasiks, Kidlat Komiks at marami pang iba. 

Katabi ng komiks ang stand ang panaderya, siyempre kung magbabasa ka ng komiks kailangan mo ng tsibog para mas masaya ang pagbabasa. Bibili lang ako ng Sarsi at ipalalagay ko sa plastik at limang pirasong tikoy roll na naka-pack ay ayos na Friday night ko sa pinakasimpleng aliw. Kung Netflix sa mga kabataan ngayon kami naman ay binge-reading noon. Napakalaki ng pagkakaiba di ba? Pero ngayon wala na  yung komiks stand sa harap ng aming eskuwelahan. Napaka nostalgic sa akin nito noong ako'y bumisita sa aking lugar na kinalakihan sa San Andres Bukid, Manila.Halos lahat sa puwesto na iyon ay naroon na lahat ang iyong pangangailangan. Ang Mianis na bilihan namin ng school supplies, may barberya, panaderya, mini palengke, Minute Burger, bangko, simbahan at ang aming eskuwelahan. Isang sakay lang papunta naman sa Paco Market kung sakaling mamimili kayo sa mas malaking palengke. 


                                                                                        Kamikazee - Mundo ng Komiks

Ngayon sa aking mga nabanggit na komiks ay may kanya-kanya silang pagkakaiba. Iba-iba ang mga nilalamanna kwento depende sa kung ano ang iyong bibilhin. Narito ang aking description:

Ang Hiwaga Komiks: 

Ang komiks na ito ay ang ikatlong komiks na nagmula sa Ace Publications, ang nangungunang producer ng komiks sa Pilipinas. Nagpatuloy ito sa mga kwentong misteryo, pantasya at horror, may mga itim at puti na interior ang komiks noon kaya klasik na klasik ang graphics at text, at lumalabas minsan bawat dalawang linggo. Noong 80's ay napalitan na ito ng mas maraming soap opera themed stories. Sa madaling salita nahaluan na ng drama ang mga kwento dito. 







Funny Komiks

Ang sabi ko nga ang paborito ko sa lahat ng komiks. Ang komiks na hari ng katatawanan sa mga kwento katulad ng Planet Opdi Eyps, Mr & Mrs, Niknok at naging Eklok kalaunan. 

Kung batang 90s ka at hindi mo kilala si Super Inggo, Force 1 Animax, Darmo Adarna, Combatron, o si Super Blag, malamang alien ka o pinaglihi ka sa encyclopedia.

Combatro na ang totoong pangalan ay Empoy. Sino ang makakalimot sa robot na mukhang si Megaman pero may attitude na parang si FPJ? May laser sa dibdib, helmet na pang-Future, may asong aprprentice na si Askal at Dobbernaut at mga kalaban na ang pangalan ay "Death Metal" at "Abodawn." Napaka-heavy metal ng vibes, parang soundtrack ng buong komiks ay gawa ng Eraserheads x Metallica.

At syempre, huwag natin kalimutan si Niknok, ang batang na parang spiritual cousin ni Dennis the Menace. Lagi siyang hinahabol ng nanay niya na may tsinelas. Ang batang pasaway, makulit at cute. Kalaunan ay nagpaalam si Niknok at naging si Eklok na parehas din niyang kasing-cute at makukulit na kwento. Nagkaiyakan pa nga noon nang mawala si Niknok sa buong issue ng Funny Komiks sapagkat nagpaalam na rin ang writer ng Niknok. 




  


Bata Batuta Komiks

Kung ang Islas Filipinas Publishing ay may Funny Komiks, hindi rin magpapatalo ang Graphic Arts Incorporated dahil gumawa sila ng Bata Batuta Komiks. Naging mahigpit na magkaribal ang dalawang komiks na ito na target ang mga kabataang mambabasa ng komiks.

Katulad ng Funny Komiks, nagpapabili rin ako nito noon sa lola ko o sa nanay ko pero minsan lang, 'di tulad ng Funny Komiks na every Friday ay meron akong kopya nang walang mintis. Kaya naman dalawa lang ang natatandaan kong characters sa komiks na ito: Si Biboy, Ang Iskolar Ng Bayan at si Binibining Bonita.

Makinis ang papel na gamit ng Bata Batuta sa paggawa ng komiks at magaspang naman ang papel ng Funny Komiks. Pero nang tumagal ay naging makinis na ang Funny Komiks, at gumaspang naman ang sa Bata Batuta. At naging mas popular na rin nga ang Funny kesa Bata Batuta magmula noon. May mga kwento tungkol sa talking animals, batang superhero na may kapangyarihang nagmumula sa nilagang itlog, at isang aleng nagbebenta ng kwek-kwek na may third eye.







Shocker Komiks

Para sa Mahilig sa Kababalaghan at Kape sa Gabi. Ngayon, kung gusto mo ng komiks na nakakakilabot at hindi mo mababasa sa dilim mag-isa kasi baka mahulog ang kaluluwa mo, Shocker Komiks ang para sa'yo.

Mga kwento ng aswang, white lady, kapre, tiyanak, serial killers at minsan may alien din kasi bakit nga ba hindi? Ito yung tipong babasahin mo bago matulog, tapos di ka makakatulog. May isang issue pa nga doon tungkol sa isang manananggal na gumagala sa Maynila at naghahanap ng kanyang mabibiktima sa kalaliman ng gabi.


 



Aliwan Komiks

All-Around entertainment na may halong sabog. 

Ang Aliwan Komiks ay isang hindi na gumaganang tagalog na komiks sa Pilipinas na unang inilabas noong Enero 1963 at naging ikatlong komiks na inilathala ng Graphic Arts Service, Inc. Ito ay isa sa pinakamabentang komiks-magazine sa Pilipinas at nakagawa ng maraming sikat na pinoy komiks na karakter tulad ng Lastikman. Umabot pa sa 100,000 kopya ang mga print order at dahil sa kasikatan nito, naging bi-weekly ang lingguhang publikasyon nito, na inilalabas tuwing Lunes at Huwebes. Huling nailathala ang Aliwan Komiks noong 1998.




         


                                                                                        Squeezers - Parang Komiks


Extra Special Komiks

EXTRA SPECIAL Extra Special Komiks was published by Atlas Publishing Co. Inc. This komiks-magazine is subtitled as "Koleksiyon ng Magagandang Kuwento". Isa ito sa pinakamatandang komiks sa Pilipinas. Ang komiks na ito ay naglalarawan ng kwento ng buhay sa araw-araw mula sa drama, tagumpay, pagkabigo at pag-ibig. Instant pocketbook na nasa komiks at may graphics yan ang Extra Komiks noong araw.

 




Tiktik Komiks

Hindi ito yung common na pambatang komiks at ito para sa iyong mga tito at tita. “Babasahin ng mga Krimen at Kasaysayan ng Paniniktik” is a true crime pulp komiks. Nagsimula noong 1948, itinulak ng Tiktik ang umpisa para sa graphic na nilalaman; ang mga artikulong pinagbawalan o nakakatakot na mga larawan ng mga biktima ng marahas na krimen na itinatampok nito sa mga pahina.

 Ang Tiktik ay inilabas 26 beses sa isang taon at tumakbo hanggang sa kalagitnaan ng 1980s.

Itinampok ng komiks ang malalim na mga artikulo sa iba't ibang uri ng krimen mula sa mapanlikhang mga krimen ng mga tao hanggang sa marahas na krimen ng pagsinta at paghihiganti. Kung merong mga video na pinanonood mo sa Vivamax ganito ang mga kwento sa komiks na Tiktik.






Tagalog Klasiks

Unang lumabas ang Tagalog Klasiks (Isinalarawan) noong 1949, na naglalayong tumuon sa mga Filipino at dayuhang klasikong kuwento. Maaaring sila ay kathang-isip at tunay na mga bayani, Arabian Night at mga engkanto, alamat, magagandang kuwento ng pag-ibig, mga hari at reyna noong unang panahon. Ilan sa mga ito ay kinuha mula sa mga kwento ni Lola Basyang.

     

   

Haays kaysarap balikan ang lahat ng ito habang nasa ilalim ka ng lilim ng puno at nagbibinge-reading ka lang ng iba't-ibang klaseng komiks o di kaya ay nasa duyan at nagbabasa ng katatakutan o katatawanang istorya sa komiks hanggang antukin ka at makatulog. Ito yung panahong ang 5 pesos ay may sukli pa na bubble gum, at ang mga kwento sa komiks ay mas intense pa sa mga teleserye ni Juday at Wowie. Mula sa palengke hanggang sa barbershop, sa sari-sari store hanggang sa ilalim ng kama ni kuya nandun lagi ang komiks. 

Sa mga batang 90s na tulad ko saludo ako sa inyo na namuhay sa kasimplehan ng panahon. At sa mga batang Gen Z na nababasa ito, subukan nyong maghanap ng lumang komiks sa ukay-ukay. Malay nyo, ma-in love din kayo sa papel na amoy alikabok pero punong-puno ng kwento. Nawala man ang komiks, ang mga karakter, writer, mga publishing houses at mga kwento ay nagsisilbing alaala namin anglahat ng inyong kontribusyon at hanggang ngayo'y hindi mawawala sa aming mga kamalayan anglahat ng inyong mga likha sapagkat hindi pa rin namin nalilimutan ang masaya, nakakatakot, nakakatawa, nakakaaliw at maaksiyon na kwento sa mundo ng komiks. 

Mabuhay ang Komiks! Mabuhay ang Imahinasyon ng Manunulat na Pilipino!

Linggo, Abril 20, 2025

Kwento ng Isang Cyclist na Naka-Park Muna

 

Larawan ng masasayang pagbibisekleta sa Victoria Bike Trails sa Imus, Cavite

Magsisimula tayo sa isang hindi masayang kwento — pero promise, hindi ito teledrama.

Ang tanging masasabi ko lang sa post na ito ay sobrang nakakamis na, matagal ko nang gustong magsulat sa aking kondisyon. Medyo matagal-tagal na rin stuck sa bahay at hindi nagagawa ang kadalasang kong mga rides sa pagbibisekleta. Di ko na maalala kung kelan ako huling nakapagbisikleta outside of my comfort zone. Akala ko tapos na ang aking kalbaryo mula sa aking unang operasyon sa puso, hindi pala sapagkat binalikan ako nito.May pag-revenge ang aking sakit at may mga ilang beses na rin bumisita sa emergency room. 

Mga ka-padyak, mga tropang rider, mga kasabay sa ahon at kape sa tindahan — eto na yata ang blog post na matagal ko nang hindi inaasahan pero kailangan kong isulat: ako po ay pansamantalang magpapaalam sa mundo ng cycling.

Oo, tama ang nabasa n’yo. Si Jack, ang dati n’yong laging nauunang mag-post sa GC ng “tara ride!”, ang palaging naka-kompletong gear kahit 20km lang ang ruta, at ang madalas mag-volunteer magtulak ng bike ng tropa sa mga ahon — ay off the saddle muna.

At hindi dahil tinamad ako. Hindi rin dahil naunahan ako ng tropa sa Strava KOM. At lalong hindi dahil wala na akong budget sa bagong groupset (kahit totoo rin ‘yon minsan).

Ayun, nagpa-check up ako. Sa isip-isip ko, baka dahil lang sa kape at itlog na pula. Pero ‘yung mukha ng doktor ko parang hindi siya natuwa sa blood results ko. Long story short: “May bara ka sa ugat, boss.”

Ang sabi pa ni Doc, “Kung gusto mo pa mag-bike next year, huwag ka munang mag-bike ngayon.” Aba, logic na may pangil. Tinamaan ako, literal at emosyonal.

Isa't-kalahating taon na ditong natigil sa apat na sulok ng kwartong ito. Ang pakiramdam ko tuloy ay para na rin akong dinala sa ICC, sa Netherlands at hindi na muling nasikatan ng araw. Lietral na stuck up at naghihintay kung kailan maooperahan muli. Sa ngayon waiting muna hanggat naghihintay ng tawag. Sinabi ko noon sa sarili ko na hindi na ako babalik sa Philippine Heart Center hindi dahil sa ayaw ko na makita ang mga pagmumukha ng aking mga doctor, o dahil ilang bag na naman ng dugo ang makokonsumo nila para sa aking mga blood test kundi ay ayoko na ulit maalala ang mga baliktanaw ng kahapon sa ospital na ito. 

Pagpuntang Padre Pio Shrine sa Sto Tomas, Batangas

Ang nais ko ay mabisitang muli ang aking mga ruta sa pagbibisikleta lalo na kung araw ng Linggo, ang mga pagbisita sa iba't-ibang simbahan para umatend ng misa, ang simpleng gala trip sa mga parke, museums at mga zoo kagaya ng Manila zoo at Malabon zoo, ang trip na pagbibiskelta sa ilalim ng LRT mula Baclaran hanggang Monumento sabay iikutin ang kahabaan ng EDSA papuntang MOA. Ang pagbabay sa coastal line ng Cavite City. Masarap din balikan ang mga long rides sa probinsiya katulad ng pinakamahaba kong rides sa Los Banos, Laguna at Sto Tomas Batangas, ang mga lugar na tinuklas lang mula sa Google maps katulad ng Pateros, New Panaderos at Pasig hanggang sa kahabaan ng Aurora Blvd at Quezon Avenue. Ang mga unang paglapat ng aking gulong sa mga kalye ng Ilocos Norte at Ilocos Sur. Ang pagbabangka sa Maragondon, Cavite hanggang sa pinaka mainit na summer ride noon sa Ternate, Cavite at higit sa lahat ay ang pamimigay ng pagkain sa mga aso at pusang inabandona sa kalye. Miss ko na ang mga extended alaga ko sa lansangan. Kilala pa kaya nila ako?


Ang kada linggong stray feeding sa Alapan-Malagasang

Ngayon, ang daily rides ko ay papunta sa aking computer table. Hindi na top tube ang hinahawakan, kundi mouse at keyboard. Hindi na saddle ang inuupuan, kundi bangko sa terrace habang nagkakape at nanonood ng YouTube bike vlogs, mga travel vlogs ng mga foreigner na manghang-mangha sa kagandahan ng Pilipinas at siyempre Pornhub, pero siyempre joke lang kasi baka bumilis ang kabog ng puso ko at atakihin ulit ako.

Pero aminin natin, may saya rin sa bagong routine. Mas may time ako ngayon magpahinga, magbasa ng bike maintenance hacks, at siyempre, mag-reflect kung paano ko napabayaan ang health ko kahit akala ko "fit na fit ako kasi cyclist ako." Kahit papaano kasi sa loob ng limang taon pagkatapos ng operasyon ay lumakas ang puso ko kaya siguro nakakayanan ko pa rin ngayon dahil sa epekto ng pagbibisikleta ko ay malakas pa rin ang puso ko.

Pro tip: Hindi porke kaya mong umakyat ng Sampaloc tanaw mo na agad ang healthy ka. May mga sakit na hindi kayang idaan sa leg day.


                                                                                   Red Hot Chili Peppers - Bicycle Song

At syempre, ‘yung bike ko? Ayun, naka-display parang altar. Bawat linggo, nililinis ko pa rin, parang asong hindi ko madala sa lakad pero mahal na mahal ko pa rin. Siya ang kasa-kasama ko sa pag-akyat ng Silang at Tagaytay, ang mamapak ng itlog at pugo sa Pateros, Maynila, ang holy chaos sa fiesta ng Mahal na Poong Nazareno at pagbisita sa mga historical places kagaya ng bahay ni Rizal sa Calamba Laguna, Intramuros at magagandang museo sa Maynila. Umulan, umaraw bumaha siya ang aking kaagapay sa transportasyon. Kahit kelan sa loob ng limang taon na pagbibisekleta ay hindi ko naransanan ang commute at nagulat na lang ako na trese pesos na pala  ang pamasahe sa jeepney. 

Hindi ko tinitingnan ‘to bilang katapusan ng pagiging cyclist ko. Parang pit stop lang ‘to. Kailangan lang ng konting tune-up, bagong parts (internal ha, hindi Shimano), at konting pagmamahal sa katawan ko.

Habang nagpapagaling ako, nagpa-plano na ako ng comeback route. Simple lang — kahit 10km loop lang sa barangay, tapos kape sa tapat ng sari-sari store. Walang PR, walang pressure. Basta makasakay ulit. Yun lang, sapat na.

Oh siya hanggang dito na lang, at magpopost pa ako ng mga throwback bike rides photos sa Instagram upang alalahanin ang masasayang kaganapan noong ako'y nagbabike pa. Kung papalarin ay sanay magkita-kita uli mulit tayo sa daan. 











Signing off on cycling,

Jack Maico and Lifesaver (bike name)

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...