![]() |
Lugawan set-up noong dekada nobenta |
Isa sa hindi ko makakalimutang mga set-up noong dekada nobenta nung ako ay nasa high school ay ang aming after-school snacks or meryenda bago magsi-uwian ng bahay. Ang buhay ko noong 90s ay panay food trip pagkatapos ng school, kain dito, kaind doon, tusok dito, tusok doon. Ganito kasimple ang buhay namin at siyempre habang kumakain sa lugawan hindi mawawala ang halakhakan at mga kuwentuhan. Pagkatapos ng klase, alas-singko ng hapon, sabay-sabay kaming lumalabas ng gate ng eskwelahan. Hindi pa uso noon ang cellphone, kaya ang usapan: "Kita-kits sa kanto, sa tabi ng tindahan ni Aling Bebang!"
Alam na namin ang aming bibilhin sa menu ni Aling Bebang sapagkat yun at yun din naman ang kanyang tinitinda pero marami kang pagpipilian. Patawid pa lang amoy na namin ang pinipritong tokwa at kumukulong lugaw, para na kaming mga zombie na kusa nang naglalakad papunta sa puwesto. Pagod at gutom na ang aming utak dahil sa ang huling klase namin ay Mathematics at kung minsan ay nagtatanungan kung saan ba nakuha yung answer na 54 sa ginawang equation ni mam? Si Regino, bitbit ang second-hand niyang backpack na may iconic sticker pa ng Street Fighter. Si Apple naman, nakasanit pa ang Tamagotchi niya sa palda, nanginginig sa gutom.
"Isang lugaw na may itlog, Aling Bebang!" sigaw namin sabay-sabay, para kaming boyband na sintunado. Kanya-kanya ang timpla ng lugar, yung iba talagang binudburan ng paminta, nilagyan ng suka, hot sauce, celery, maraming garlic, toyo, at calamansi. Iba't-ibang style depende sa weird na panlasa. Ang mayaman na naka-save ng kanyang baon sa recess may extrang order na tofu. Sa lugawan ni Aling Bebang tumutugtog ang "Dying Inside" ni Timmy Thomas, at sinasabayan naman ito ng pumipiyok na boses ni Bek-bek, "coz I'm dying insayd to hold u, I cud not believe what I felt 4u" 🎵 "Gutom na talaga si Bekbek, Aling Bebang" ang tugon ni Anthony, sabay halakhakan ang lahat.
Timmy Thomas - Dying Inside to Hold YouTapos habang hinihintay maluto ang tokwa, kwentuhan na.
"Ano'ng nangyari kay Ma'am Josie kanina?" tanong ni Nino habang umiinom ng malamig na Sarsi, yung naka-bote pa, binanlian lang sa tubig para matanggal ang alikabok.
"Nalaglag 'yung pustiso niya habang sumisigaw! Hahahaha!" sigaw ni Apple, halos maibuga ang tikoy roll na kinakain.
Minsan naman, pasikatan. Si Regino, ipapakita ang bagong labas na Pogs niya. Si Nino, yayabang na nakapanood siya ng bagong episode ng Bioman sa RPN 9. Kami naman ni Bekbek, proud na proud dahil nakakuha kami ng libreng teks sa tindahan sa kanto — yung may hologram pa ng Shaider!
Habang nagtatawanan, may pahabol pa si Aling Bebang, "Oh, 'eto extra sabaw oh, para sa mga future brokenhearted!"
"Tamang-tama, para kay Anthony na binasted ni Kim-Kim!" sabay-sabay naming asar, habang halos mapatalsik si Anthony sa upuan niya.
Wala pa masyadong gadgets noon. Walang Tiktok, walang Instagram, walang Twitter, Facebook at kung anu-ano pa. Wala pang umaagaw sa atensiyon ng aming masasarap na kuwentuhan, usapan, tanungan sa mga assignment at kung anu-ano pa na pwede pag-usapan. Personal communication ang naghahari back then at wala pang destruction ang mga 90s kids sa isa't-isa. Kung meron man gadgets na nadedestruct kami pansamantala ay yung Tamagotchi, Brick game o di kaya ay Game N' Watch lang. Pero bawat kagat sa tokwa, bawat subo ng goto, bawat higop ng Sarsi o kaya Fanta - kwento na agad. Kwento ng kabataan, kalokohan o di kaya ay katatakutan. Simpleng saya pero sulit kasama ang tropa.
Whigfield - Close to You
Kahit pawisan, kahit minsan napuputikan dahil umuulan at lubak-lubak ang kalsada, walang makakatalo sa sarap ng meryenda namin noon.Wala na sigurong sasarap sa pagkain ng lugaw o goto ng tropa sa tuwing tag-ulan. Mas nagiging malinamnam ang lugaw at tofu ni Aling Bebang sa mga ganitong pagkakataon.
At sa bawat huling subo ng lugaw, sabay-sabay kaming sisigaw:
"Hanggang bukas ulit, mga tol!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento