![]() |
Ano ang kwentong Komiks mo? |
Ang mga komiks ng dekada nobenta ay hindi lang simpleng babasahin para sa akin isa silang portal sa panahong simple lang ang buhay. Walang WiFi, pero puno ng imahinasyon. Walang Netflix, pero sagana sa kwento. Ang hindi ko lang nagugustuhan sa Komiks ay yung mabibitin ka sa nagtatapos na salitang "DURUGTUNGAN" o "ABANGAN ANG SUSUNOD NA KABANATA" sa mga kwentong binabasa mo. Bawat kwento sa komiks ay kapana-panabik at talaga nga namang bibili ka ng susunod na issue masubaybayan mo lang ang kwentong kinaiibigan mo. Ganyan ang simpleng buhay noon ng katulad kong lumaki sa 90s at sa piling ng mga komiks na naging koleksiyon ko na sa haba ng panahon. At ngayon, samahan niyo akong maglakbay pabalik sa panahong yon, kung saan ang papel ay hindi lang pambalot ng tinapa, kundi isang portal sa kaharian ng imahinasyon at kakulitan.
Fresh pa sa ispan ko ang set up ng komiks stand sa harap ng aming eskuwelahan. Tuwing Biyernes, ako bumibisita dito para i-check kungmay bagong issue na ang pinakapaborito kong Komiks, ang legendary Funny Komiks na halos kinaibigan lahat ng mga batang lumaki sa dekada nobenta. Pagsapit ng alas-singko maririnig mo na ang bell hudyat ng pag-uwi namin at tapos na ang klase. Tatawid na ako niyan sa paborito kong komik stand at hahanapin ang fresh na issue. Hindi lang panay komiks ang tinda dito, nariyan din ang mga songhits na katulad ng Hothits, Jingle, Hyper Jam, Sonic, Most Wanted Hits, at Jammin. Hindi ko kinahiligan ang songhits pero nakakabili paminsan-minsan kapag may gusto akong malamang lyrics para hindi lang ako sumabay sa hangin na hindi ko alam ang lyrics kapag trip naming kumanta. Ang songhits rin ang nagsilbing guitar practice ng mga romantikong classmates ko na nagigitara para magpasiklab sa mga cute na classmate naming babae. Malakas daw kasi ang dating at nakakapogi ang pagigitara noon (kahit panget ka) basta marunong ka daw tumipa ng gitara at malamig ang boses mo parang love potion ito na mapaibig mo ang isang dalaga. Sa stand na ito narito rin ang mga diyaryo, nariyan yung malalaking diyaryo na katulad ng Philippine Star, Inquirer, Manila Bulletin, Manila Standard at Manila Times. Nagamit ko angmga ito nung tumanda na ako at natapos ng kolehiyo kasi kadalasan dito ako nagjojob hunt para makahanap ng trabaho sa pamamagitan ng Classified Ads section kung saan naka-post ang mga vacant jobs sa lungsod ng Maynila, Makati, Mandaluyong at Quezon City. Di rin mawawala ang mga tabloid na diyaryo katulad ng Abante Tonite, Remate, Tempo, People's Tonight (inilalabas tuwing tanghali), People's Journal (tuwing umaga), Pilipino Star Ngayon, Tiktik at Bulgar. At syempre ang pinaka-special sa akin ang highlight ng aking kabataan, ang mga komiks. ang Funny Komiks na super paborito ko dahil kay Combatron at Planet Opdi Eyps, ang Bata-Batuta na mortal na kakumpetensiya ng Funny Komiks para silang Coke at Pepsi ng mga softdrinks brand noon. Ang mga pang-adult komikas gaya ng Aliwan, Extra, Hiwaga, Shocker, Top Special Stories Komiks, Mabuhay, Pantastik, Super Klasiks, Kidlat Komiks at marami pang iba.
Katabi ng komiks ang stand ang panaderya, siyempre kung magbabasa ka ng komiks kailangan mo ng tsibog para mas masaya ang pagbabasa. Bibili lang ako ng Sarsi at ipalalagay ko sa plastik at limang pirasong tikoy roll na naka-pack ay ayos na Friday night ko sa pinakasimpleng aliw. Kung Netflix sa mga kabataan ngayon kami naman ay binge-reading noon. Napakalaki ng pagkakaiba di ba? Pero ngayon wala na yung komiks stand sa harap ng aming eskuwelahan. Napaka nostalgic sa akin nito noong ako'y bumisita sa aking lugar na kinalakihan sa San Andres Bukid, Manila.Halos lahat sa puwesto na iyon ay naroon na lahat ang iyong pangangailangan. Ang Mianis na bilihan namin ng school supplies, may barberya, panaderya, mini palengke, Minute Burger, bangko, simbahan at ang aming eskuwelahan. Isang sakay lang papunta naman sa Paco Market kung sakaling mamimili kayo sa mas malaking palengke.
Ngayon sa aking mga nabanggit na komiks ay may kanya-kanya silang pagkakaiba. Iba-iba ang mga nilalamanna kwento depende sa kung ano ang iyong bibilhin. Narito ang aking description:
Ang Hiwaga Komiks:
Ang komiks na ito ay ang ikatlong komiks na nagmula sa Ace Publications, ang nangungunang producer ng komiks sa Pilipinas. Nagpatuloy ito sa mga kwentong misteryo, pantasya at horror, may mga itim at puti na interior ang komiks noon kaya klasik na klasik ang graphics at text, at lumalabas minsan bawat dalawang linggo. Noong 80's ay napalitan na ito ng mas maraming soap opera themed stories. Sa madaling salita nahaluan na ng drama ang mga kwento dito.

Funny Komiks
Ang sabi ko nga ang paborito ko sa lahat ng komiks. Ang komiks na hari ng katatawanan sa mga kwento katulad ng Planet Opdi Eyps, Mr & Mrs, Niknok at naging Eklok kalaunan.
Kung batang 90s ka at hindi mo kilala si Super Inggo, Force 1 Animax, Darmo Adarna, Combatron, o si Super Blag, malamang alien ka o pinaglihi ka sa encyclopedia.
Combatro na ang totoong pangalan ay Empoy. Sino ang makakalimot sa robot na mukhang si Megaman pero may attitude na parang si FPJ? May laser sa dibdib, helmet na pang-Future, may asong aprprentice na si Askal at Dobbernaut at mga kalaban na ang pangalan ay "Death Metal" at "Abodawn." Napaka-heavy metal ng vibes, parang soundtrack ng buong komiks ay gawa ng Eraserheads x Metallica.
At syempre, huwag natin kalimutan si Niknok, ang batang na parang spiritual cousin ni Dennis the Menace. Lagi siyang hinahabol ng nanay niya na may tsinelas. Ang batang pasaway, makulit at cute. Kalaunan ay nagpaalam si Niknok at naging si Eklok na parehas din niyang kasing-cute at makukulit na kwento. Nagkaiyakan pa nga noon nang mawala si Niknok sa buong issue ng Funny Komiks sapagkat nagpaalam na rin ang writer ng Niknok.


Bata Batuta Komiks
Kung ang Islas Filipinas Publishing ay may Funny Komiks, hindi rin magpapatalo ang Graphic Arts Incorporated dahil gumawa sila ng Bata Batuta Komiks. Naging mahigpit na magkaribal ang dalawang komiks na ito na target ang mga kabataang mambabasa ng komiks.
Katulad ng Funny Komiks, nagpapabili rin ako nito noon sa lola ko o sa nanay ko pero minsan lang, 'di tulad ng Funny Komiks na every Friday ay meron akong kopya nang walang mintis. Kaya naman dalawa lang ang natatandaan kong characters sa komiks na ito: Si Biboy, Ang Iskolar Ng Bayan at si Binibining Bonita.
Makinis ang papel na gamit ng Bata Batuta sa paggawa ng komiks at magaspang naman ang papel ng Funny Komiks. Pero nang tumagal ay naging makinis na ang Funny Komiks, at gumaspang naman ang sa Bata Batuta. At naging mas popular na rin nga ang Funny kesa Bata Batuta magmula noon. May mga kwento tungkol sa talking animals, batang superhero na may kapangyarihang nagmumula sa nilagang itlog, at isang aleng nagbebenta ng kwek-kwek na may third eye.


Shocker Komiks
Para sa Mahilig sa Kababalaghan at Kape sa Gabi. Ngayon, kung gusto mo ng komiks na nakakakilabot at hindi mo mababasa sa dilim mag-isa kasi baka mahulog ang kaluluwa mo, Shocker Komiks ang para sa'yo.
Mga kwento ng aswang, white lady, kapre, tiyanak, serial killers at minsan may alien din kasi bakit nga ba hindi? Ito yung tipong babasahin mo bago matulog, tapos di ka makakatulog. May isang issue pa nga doon tungkol sa isang manananggal na gumagala sa Maynila at naghahanap ng kanyang mabibiktima sa kalaliman ng gabi.
Aliwan Komiks
All-Around entertainment na may halong sabog.
Ang Aliwan Komiks ay isang hindi na gumaganang tagalog na komiks sa Pilipinas na unang inilabas noong Enero 1963 at naging ikatlong komiks na inilathala ng Graphic Arts Service, Inc. Ito ay isa sa pinakamabentang komiks-magazine sa Pilipinas at nakagawa ng maraming sikat na pinoy komiks na karakter tulad ng Lastikman. Umabot pa sa 100,000 kopya ang mga print order at dahil sa kasikatan nito, naging bi-weekly ang lingguhang publikasyon nito, na inilalabas tuwing Lunes at Huwebes. Huling nailathala ang Aliwan Komiks noong 1998.

Extra Special Komiks
EXTRA SPECIAL Extra Special Komiks was published by Atlas Publishing Co. Inc. This komiks-magazine is subtitled as "Koleksiyon ng Magagandang Kuwento". Isa ito sa pinakamatandang komiks sa Pilipinas. Ang komiks na ito ay naglalarawan ng kwento ng buhay sa araw-araw mula sa drama, tagumpay, pagkabigo at pag-ibig. Instant pocketbook na nasa komiks at may graphics yan ang Extra Komiks noong araw.


Tiktik Komiks
Hindi ito yung common na pambatang komiks at ito para sa iyong mga tito at tita. “Babasahin ng mga Krimen at Kasaysayan ng Paniniktik” is a true crime pulp komiks. Nagsimula noong 1948, itinulak ng Tiktik ang umpisa para sa graphic na nilalaman; ang mga artikulong pinagbawalan o nakakatakot na mga larawan ng mga biktima ng marahas na krimen na itinatampok nito sa mga pahina.
Ang Tiktik ay inilabas 26 beses sa isang taon at tumakbo hanggang sa kalagitnaan ng 1980s.
Itinampok ng komiks ang malalim na mga artikulo sa iba't ibang uri ng krimen mula sa mapanlikhang mga krimen ng mga tao hanggang sa marahas na krimen ng pagsinta at paghihiganti. Kung merong mga video na pinanonood mo sa Vivamax ganito ang mga kwento sa komiks na Tiktik.


Tagalog Klasiks
Unang lumabas ang Tagalog Klasiks (Isinalarawan) noong 1949, na naglalayong tumuon sa mga Filipino at dayuhang klasikong kuwento. Maaaring sila ay kathang-isip at tunay na mga bayani, Arabian Night at mga engkanto, alamat, magagandang kuwento ng pag-ibig, mga hari at reyna noong unang panahon. Ilan sa mga ito ay kinuha mula sa mga kwento ni Lola Basyang.


Haays kaysarap balikan ang lahat ng ito habang nasa ilalim ka ng lilim ng puno at nagbibinge-reading ka lang ng iba't-ibang klaseng komiks o di kaya ay nasa duyan at nagbabasa ng katatakutan o katatawanang istorya sa komiks hanggang antukin ka at makatulog. Ito yung panahong ang 5 pesos ay may sukli pa na bubble gum, at ang mga kwento sa komiks ay mas intense pa sa mga teleserye ni Juday at Wowie. Mula sa palengke hanggang sa barbershop, sa sari-sari store hanggang sa ilalim ng kama ni kuya nandun lagi ang komiks.
Sa mga batang 90s na tulad ko saludo ako sa inyo na namuhay sa kasimplehan ng panahon. At sa mga batang Gen Z na nababasa ito, subukan nyong maghanap ng lumang komiks sa ukay-ukay. Malay nyo, ma-in love din kayo sa papel na amoy alikabok pero punong-puno ng kwento. Nawala man ang komiks, ang mga karakter, writer, mga publishing houses at mga kwento ay nagsisilbing alaala namin anglahat ng inyong kontribusyon at hanggang ngayo'y hindi mawawala sa aming mga kamalayan anglahat ng inyong mga likha sapagkat hindi pa rin namin nalilimutan ang masaya, nakakatakot, nakakatawa, nakakaaliw at maaksiyon na kwento sa mundo ng komiks.
Mabuhay ang Komiks! Mabuhay ang Imahinasyon ng Manunulat na Pilipino!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento