Sabado, Mayo 30, 2026

Dirty Laundry III: Ang Huling Pasada ng Pag-ibig



May mga bagay talaga sa mundo na akala mo tapos na kapag natuyo na. Katulad nitong aking mga labada. 

Kapag natanggal mo na sa sampayan, akala mo okay na. Mission accomplished? Ready to wear na ulit ang mga brief mong butas, maluluwang ang garter at t-shirt mong kupas na ang print dahil sa sobrang brutal mong pagkukusot noong nakaraang gabi habang iniisip mo pa rin siya. 

Hindi doon nagtatapos ang laban. Pagkatapos ng kusot, banlaw, piga at sampay… darating ang tunay na kalbaryo.

Ang pagtitiklop at ang plantsahan. Dalawang gawaing tahimik pero kung minsan ay mapanakit.

Tahimik ang paligid habang isa-isa kong tinatanggal ang mga damit sa sampayan. Ramdam ko pa ang init ng araw sa tela habang pinapagpag ko ang aking mga damit. Parang ikaw noon. Mainit pa. Buhay pa. May pag-asa pa.

Pero gaya ng mga sinampay na naiwan buong maghapon sa ilalim ng araw… natuyo rin ang lahat.

Pati tayo.

Habang inaalis ko ang sipit ng damit, para akong unti-unting bumabaklas ng mga alaala. Mga alaalang lumipas na parang bahagi ng mga labadang tuyo na gusot at tuwid.  Heto yung T-shirt na suot ko nung una mo akong sinabihan ng “kumain ka na ba?” sa chat. Heto yung asul na karsunsilyong suot ko nung gabing iniwan mo akong naka-seen habang online ka naman sa ibang tao. Heto yung panyo na ginamit ko pampunas ng pawis noong hinintay kita nang dalawang oras sa may terminal habang ikaw pala’y may ka-date na iba.

Walang hiya. 

Bakit ba may memorya ang bawat telang suot ko kung saan naroon ka?

Habang nagtitiklop ako, doon ko na-realize na ang pag-ibig pala ay parang fitted bedsheet. Kahit anong tiklop mo, hinding-hindi magiging maayos. May isang parte talagang kukulubot at sasabog ang pasensya mo.

At habang pinipilit kong pantayin ang mga damit, pakiramdam ko’y inuunat ko rin ang gusot ng ating nakaraan. Pero gaya ng mga kupas na damit, kahit anong ayos mo, may bakas pa rin ng paggamit.

May marka pa rin ng sakit.

Itong mga tupi sa damit, parang emotional damage.
Permanente.

Tapos dumating na ang plantsahan. Lansiyak!

Coldplay - Viva La Vida

Ito na ata ang pinakadramatikong parte ng ekstensiyon ng paglalaba. Habang dumadausdos ang mainit na plantsa sa ibabaw ng damit, naiisip ko kung bakit sa relasyon, kailangan mo munang mapaso bago ka tumino.

Habang sumisingaw ang init mula sa tela, para akong siopao sa convenience store na naka-steam habang pilit kong kinakalimutan ang lahat.

Sabi nila, ang plantsa raw ang nag-aalis ng lukot. Eh, bakit ikaw? Bakit hanggang ngayon, lukot pa rin ang buhay ko?

Bawat diin ko ng plantsa ay parang pagsasabi sa sarili ko ng:

“Ayos ka lang.”
“Kaya mo ’yan.”
“Hindi siya kawalan.”

May isang sandali pa nga na napaso ko ang daliri ko sa plantsa. Napasigaw ako. At doon ko naalala…

Mas masakit ka pa rin.

Pero kahit ganon, tinuloy ko pa rin ang pagtitiklop. Isa-isa. Dahan-dahan. Dahil ganoon naman talaga siguro ang buhay matapos ang isang failed love story.

Hindi mo puwedeng itapon agad lahat. May mga alaalang kailangan mo munang tupiin nang maayos bago mo maitabi. May mga sakit na kailangan mo munang plantsahin bago mawala ang gusot. May mga alaalang kahit hindi mo gustong alalahanin ay bigla na lang bumabalik kapag tahimik na ang kapaligiran. 

At may mga taong kahit anong laba, kuskos at piga sa puso mo…
may mantsa pa ring maiiwan.

Natapos din ako sa wakas.

Nakasalansan na nang maayos ang mga damit ko. Nakasarado na ang kabinet.  Tahimik na ulit ang bahay. Wala nang tumutulo na gripo. Wala nang bula. Wala nang sampay na sumasayaw sa hangin.

At sa unang pagkakataon matapos ang mahabang gabi ng pagkukusot, pagbanlaw, pagpiga, pagsampay, pagtitiklop at pagplantsa…

naisip ko rin sa wakas na baka tama na.

Baka hindi lahat ng iniwan ay kailangang habulin. May mga damit na kapag sobra nang luma, kailangan mo nang ipamigay? itapon? 

At may mga taong kahit anong laba mo ng pagmamahal…
ay hinding-hindi na muling puputi.

Suko na. 

Tama na. 





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads