Ngayong Hunyo 12, ipinagdiriwang natin ang Philippine Independence Day. Ang araw na nagpapaalala sa atin ng tapang at sakripisyo ng ating mga ninuno, mga kinikilalang bayani na lumaban para makawala sa kamay ng mga dayuhang mananakop. Ito ang araw kung kailan ipinagmamalaki natin ang ating kalayaan bilang isang bansa.
Pero habang tumatagal, may isang tanong na unti-unting sumisilip sa isip ng marami:
Masaya nga ba tayong malaya, o masyado na tayong naging malaya?
Noong panahon nila Luna, Bonifacio, Rizal at Aguinaldo at ng iba pang bayaning Pilipino, ang kalayaan ay may ibang kahulugan. Ang kalayaan noon ay tungkol sa pagkakaroon ng sariling bansang masasabing atin, pagkakaroon ng sariling boses laban sa mga mananakop na dayuhan, ang paglaya mula sa pang-aabuso at pananakop, at ang karapatang mamuhay nang may dignidad.
Napakaraming Pilipino ang nagbuwis ng buhay para makamit ang inaasam na "Kalayaan". Hindi nila ipinaglaban ang kalayaan para maging magulo ang lipunan. Ipinaglaban lang nila kung ano ang atin. Nasasalamin din ito sa kasalukuyan sa issue naman ng West Philippine Sea, May katulad pa kaya ng magigiting na Pilipino noon na lumalaban para sa sariling bayan o sadyang naki-partido na ang ilan sa atin sa mga mapagsamantalang mananakop ng karagatan? Ang kalayaan noon ay may kasamang responsibilidad.
Fast forward tayo sa modernong panahon. Malaya na tayo. Hindi na tayo sakop ng ibang bansa. We are free to lay down our opinions, mag-post sa social media, at pumili ng paniniwala. Isa sa mga pinakamagandang bagay pagkatapos nating makamtan ang kalayaan.
Pero minsan, tila nagiging mali ang interpretasyon natin sa salitang "freedom."
Parang naging:
"Karapatan ko ito, kaya gagawin ko kahit sino pa ang maapektuhan."
Unti-unting nawawala ang linya sa pagitan ng kalayaan at kawalan ng pananagutan.
Sa social media, maraming tao ang nagsasabing:
"Freedom of speech naman ito." Wow talaga? okay, totoo naman. Pero ang freedom of speech ay hindi freedom from consequences. Anong ibig sabihin? Hindi porke't may karapatan kang magsalita ay wala ka nang obligasyong maging responsable sa iyong mga nabibitawang salita.
Kahit nga yung bise presidente ng Pilipinas, di ba? Tila masyadong naging malaya siyang magpahayag ng kanyang death threats sa lider ng bansa. A speech that makes strong evidence for her impeachment. Teka, wala ho akong natanggap na "malita" ha. Napag-uusapan lang ang tungkol sa malayang pagpapahayag na may sabit. Kasi minsan, ginagamit ang kalayaan para:
- Magpakalat ng fake news (alam na alam 'to ng isang grupo)
- Mang-insulto ng kapwa (oops ad hominem?)
- Manira ng reputasyon (imbis na magtrabaho?)
- Maghasik ng galit at pagkahati-hati (alam na!)
- Pagsunod sa batas
- Paggalang sa opinyon ng iba (puwera lang sa kultong fake news groups)
- Pagiging responsable sa ating mga salita (wag patulan ang mga ad hominem)
Sa pagwagayway natin ng bandila ngayong June 12, magandang balikan ang tanong:
Kung makikita tayo ng ating mga bayani ngayon, masasabi kaya nilang ito ang kalayaang ipinaglaban nila?
Dahil habang ipinagdiriwang natin ang ating kasarinlan, patuloy pa rin nating hinaharap ang mga hamon sa ating soberanya. Isa na rito ang usapin ng West Philippine Sea.
Nakakalungkot isipin na may mga pulitikong Pilipino na tila mas malakas pa ang boses sa pagtatanggol sa interes ng ibang bansa kaysa sa pagtatanggol sa karagatan na malinaw na bahagi ng ating teritoryo. Sa halip na magkaisa para ipaglaban ang ating mga karapatan bilang isang bansa, nagkakaroon pa ng mga pahayag at aksyon na para bang normal na lamang ang panghihimasok ng Tsina sa ating sariling karagatan.
Marami rin ang hindi makalimot sa mga pangakong binitiwan noong panahon ng kampanya. Naalala natin ang matapang na pangako na mag-je-jetski umano sa West Philippine Sea upang igiit ang ating karapatan. Maraming mangingisda at ordinaryong Pilipino ang umasa sa pangakong iyon dahil nakita nila ito bilang simbolo ng matatag na paninindigan para sa ating soberanya. Ngunit kalaunan, sinabi rin na biro o "joke" lamang pala ito.
Ang tanong ngayon: paano natin maipapakita ang tunay na diwa ng kalayaan kung maging ang ating teritoryo ay tila pinag-aawayan, at ang ilan sa ating mga lider ay hindi malinaw ang paninindigan sa pagtatanggol nito?
Ang kalayaan na ipinaglaban ng ating mga bayani ay hindi lamang kalayaan mula sa mga mananakop ng nakaraan. Ito rin ay ang patuloy na pagtatanggol sa ating karapatan, ating teritoryo, at ating dangal bilang isang malayang bansa.
Sapagkat ang bandilang ating itinataas tuwing Araw ng Kalayaan ay hindi lamang simbolo ng tagumpay ng nakaraan. Isa rin itong paalala na ang soberanya at kalayaan ay dapat ipagtanggol hindi lamang laban sa mga dayuhang nais manghimasok, kundi pati laban sa kawalang-pakialam, pangakong napapako, at mga lider na nakakalimot kung sino ang dapat nilang pagsilbihan—ang sambayanang Pilipino.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento