![]() |
| The photo was taken during the bike ride of the author in St. John the Baptist in Calamba, Laguna |
Ang simbahan na nga ata ang isa sa pinakapayapang lugar sa mundong magulo. Sa bawat yabag mo, papasok sa malalaking pintuan nito, tila ba may biglang pagbagal ng oras—parang sinasabing sandali, huminto ka, huminga ka muna. Iwan mo muna sa labas ang ingay ng kalsada, ang busina ng mga sasakyan, at ang mabibigat na iniisip. Dito, ang katahimikan ay pahinga na may pagninilay.
Pagpasok mo sa loob, sasalubong ang malamlam na liwanag na tumatagos mula sa makukulay na bintanang salamin. Naroon ang mahabang hanay ng mga upuan, ang altar na tila puso ng buong dambana, at ang nakatayong krusipiyo—paalala ng sakripisyo at pag-ibig na walang hanggan ng Panginoon. Sa gilid, makikita ang tabernakulo, tahimik ngunit makapangyarihan ang presensya. Isang maliit na sisidlan, ngunit naglalaman ng kabanalan—dito, mas ramdam ang pagninilay.
Sa isang sulok, may mga kandila na patuloy na nagliliyab. Ang kanilang apoy ay tila maliliit na dasal na umaakyat patungong langit. May mga kandelarya na puno ng tunaw na wax—patunay ng maraming pusong umasa, nagpasalamat, at nakiusap. At habang ikaw ay nakatayo roon, mararamdaman mo ang amoy ng kandila na dala ng hangin—isang halimuyak na hindi lamang basta amoy ng waks, kundi amoy ng pananampalataya. Para sa iba, ito ang amoy ng kandila para sa mga dasal para sa kaluluwa ng namayapa—mga bulong ng alaala, pagmamahal, at hindi malilimutang pag-ibig.
Makikita mo rin ang mga imahe ng mga santo; bawat isa’y may kanya-kanyang kuwento ng sakripisyo at himala. May ilan na may hawak na sanggol, may ilan na may hawak na rosaryo, at may ilan na tila nakatingin sa malayo—parang nakikiramay sa bawat panalangin mo. Sa may pintuan, may maliit na lalagyan ng banal na tbig. Isang dampi lamang sa noo, at tila ba may panibagong lakas na pumapasok sa iyong pagkatao.
Sa labas ng simbahan, may ibang anyo ng buhay. Naroon ang mga nagbebenta ng kandila, na maingat na inaayos ang iba’t ibang kulay—puti para sa pasasalamat, pula para sa kahilingan, dilaw para sa tagumpay. Sa kanilang maliit na mesa, makikita rin ang mga eskapularyo at rosaryo na nakasabit, tila naghihintay ng mga kamay na hahawak at pusong mananalangin. Sa simpleng hanapbuhay na iyon, may halong debosyon at pag-asa.
Sa simbahan, kanya-kanyang mga panalangin ang hinahatid ng hangin patungong langit. Mga panalangin ng pag-asa at kapayapaan, pangkalusugan at pinansyal; para sa sariling kaluluwa, paghingi ng kapatawaran, pagpapalakas ng espirituwal na pamumuhay, kaligtasan, paghilom ng kalungkutan, at kung anu-ano pang uri ng panalangin. May mga dasal na mahina lamang na bulong, may mga dasal na tahimik na luha, at may mga dasal na walang salita—ngunit lahat ay dinirinig sa katahimikan.
Kapag walang misa at tahimik ang paligid, maririnig ang mga ibon na humuhuni sa tahimik ng kapaligiran. Ang kanilang awit ay parang kasabay ng hangin na marahang dumadampi sa mga puno. Sa ganitong sandali, ang simbahan ay hindi lamang gusali—ito’y kanlungan. Isang lugar kung saan maaaring umiyak nang hindi hinuhusgahan, magpasalamat nang walang pag-aalinlangan, at humiling nang may buong pag-asa.
Sabi nila, ang simbahan nga raw ay hospital para sa mga makasalanan. Pumapasok ang mga tao hindi dahil sila’y perpekto, kundi dahil sila’y sugatan. Dito sila nagpapagamot sa kanilang espirituwal na pagkatao—ang paghugas ng dumi sa katauhan, ang pag-amin sa pagkukulang, ang paglapit sa liwanag matapos ang dilim ng nakaraan na gustong takasan. Kaya huwag natin sabihing, “Palagi ’yang nagsisimba pero masama naman ang ugali.” Hindi naman tayo nakakasiguro sa nagsabi noon na kung nagsisimba siya ay hindi siya nakakagawa ng kasalanan. Lagi tayong makasalanan. Nagsisimba tayo upang humingi ng kapatawaran. Wala namang kasiguraduhan na kung nakapagsimba ka ngayon, bukas, hanggang sa walang hanggan ay hindi ka na makakagawa ng kasalanan. Ang simbahan ay hindi gantimpala ng mabuti—ito’y tahanan ng mga patuloy na nagsisikap na magbago.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento