![]() |
| Cindy's in the 1970s |
Kung naaalala mo ba itong fast food chain na ito ay malamang na nangangaruy na ang tuhod mo o di kaya ay mabilis ka nang hingalin kung naglalaro ka ng basketball. Okay, let's confuse our Gen Z people again for this blog post. So, have you ever heard of Cindy's? Siyempre, mapapailing ka lang diyan o di kaya'y sabihin mo sa akin, malay mo, at pakialam mo. Pero bago ka magtaray diyan, hayaan mo akong magkuwento tungkol sa isang fast food chain na minsan nagpasarap din sa panlasa ng mga Pilipino, at bilang dagdag-aral na lang din sa inyong mumunting isipan, ipakikilala ko sa inyo ang mas nauna pa kaysa sa Jollibee na nagsimulang negosyo bilang bakeshop hanggang sa naging fast food restaurant noong 1970s.
Ang Cindy's ay alaala ng mga kabataang lumaki noong 1980s, mga abot-kayang pagkaing pampamilya, at amoy ng bagong lutong tinapay mula sa kanilang bakeshop. Nagsimula ito sa Tarlac noong unang bahagi ng dekada ’70, tinatayang 1971–1972, bilang isang bakery at panciteria bago tuluyang maging isang casual-dining at fast-food chain. Pagsapit ng dekada ’70 at ’80, mabilis na lumago ang Cindy’s at nakarating hanggang Metro Manila, kaya’t naging paboritong tambayan ng mga pamilya matapos magsimba, mga estudyanteng naghahanap ng meryenda, at mga barkadang gustong kumain ng mura ngunit masarap na pagkain.
Ang mga best-seller nito ang nagbigay ng tunay na identity sa Cindy’s: ang sikat na chicken barbecue na may kasamang java rice, malasa at juicy na burger tulad ng cheeseburger at chili burger, ang paboritong Filipino-style spaghetti at palabok na madalas ding inorder para sa mga handaan, pati na rin ang mga rice meal na gaya ng liempo, fried chicken, at pork barbecue. Halos kumpleto ang kanilang menu, di ba? Parang instant Inasal na may kasamang burger at spaghetti ng Jollibee at may java rice pa.
Sa mga pagkaing ito, nakilala ang Cindy’s bilang tatak na naghalo ng lasa ng pagkaing Pinoy at ng mabilis na fast-food culture na lumalaganap noon sa bansa. Ngunit sa paglipas ng panahon, hindi kinaya ng Cindy’s ang matinding kompetisyon mula sa malalaking fast food tulad ng Jollibee at McDonald’s na agresibong lumawak at naging paboritong anchor tenants ng mga mall.
![]() |
| Cindy's Menu Cindy's commercial in the 1980s |
Bilang personal na karanasan, dinarayo namin si Cindy noon sa branch nila sa Pasay, malapit sa LRT station ng Libertad. Ang nagustuhan ko sa kanila ay ang kanilang spaghetti na Filipino style din ang panlasa na manamis-namis at ang kanilang palabok na isa sa kanilang mga best sellers.
May mga panahon pa noong 2010s at 2020s na sinubukan itong ibalik sa Metro Manila, bagay na ikinatuwa ng mga matagal nang naghihintay. Kaya’t ang kwento ng Cindy’s ay hindi tungkol sa tuluyang pagkawala kundi sa pagbabalik sa pinagmulan—isang regional chain na natabunan ng mga higanteng korporasyon ngunit iniingatan sa alaala ng mga Pilipino.
Mahal na mahal ng mga Pilipino ang Cindy’s; sa mga tapat na customer sa Tarlac at sa mga netizen na nagbabahagi ng kanilang alaala, patunay ito na ang Cindy’s ay may iniwang hindi matatawarang marka sa kulturang pagkain ng Pilipinas—isang paalala na ang tagumpay ng isang tatak ay hindi lamang nasusukat sa dami ng branches o benta, kundi sa mga alaala at kuwento na iniwan nito sa bawat kumain.
.png)
.jpg)

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento