Isa sa pinakamasasayang alaala ko tuwing hapon ng dekada nobenta ay ang paglalaro with my kanto kids' friends. Kapag alas-tres na at naririnig mo pa yung 3 o'clock prayer habit sa TV, wala pang mga bata niyan sa kalsada. Maaaring yung iba ay pilit pa rin na pinapatulog kahit ang isang mata ay nakabukas at binabantayan ang kamay ng orasan hanggang mag-alas kuwatro. Matik kasi ’yan, pagkatapos mong magmeryenda pagsapit ng 4PM, ay puwede ka nang lumabas at makipaglaro sa ibang bata sa kalye niyo. Napakaraming imbentong laro ng mga batang Pilipino at puwede kayong magbotohan kung ano bang lalaruin niyo hanggang sa dumilim. Isa na riyan ang pag-uusapan ngayon: ang isa sa mga klasik na larong kalsada, "Langit, Lupa, Impiyerno". Paano nga ba laruin ito? Tara at talakayin natin dito sa ating munting tahanan ng nostalgia.
Hindi ako super galing na maglaro ng Langit, Lupa, Impiyerno kasi hindi naman ako masyadong mabilis, pero mautak naman ako. Lamang dito ang player na maliksi kasi mahirap siyang tayain dahil lahat ng gusto niyang maging "langit" ay nagagawa niyang langit. Lamang din ang may galawang matrix at may balanse kasi kahit saan eh kaya nilang umakyat-puno ng mangga, pader na malumot o barbed wire na mayroon ang ibang tahanan noon.
Ito ang larong Langit-Lupa. Para rin siyang "mataya-taya", pero hindi mo puwedeng tayain ang tao kapag siya ay nasa langit. Usually, ang "langit" ay kahit anong elevated na bagay sa paligid. Depende sa usapan ng barkada ang minimum height ng langit. Hindi naman para kumuha pa ng tape measure at sukatin kung hanggang saan ang taas ng langit. Sa amin noon ay dapat lampas sa tuhod ang elevated na bagat para ma-consider siyang langit.
"Bantay pares donle taya!" Bantay-pares ang tawag sa taya na ayaw umalis sa tabi ng tatayain niyang nasa langit. Hinihintay niya itong bumaba sa langit at pagkababang-pagkababa, tatayain na niya yung batang inaabangan niya. Kaya kung maghahanap ka ng langit na pupuntahan mo, eh huwag kang sasabit sa mga bakod dahil siguradong ikaw ang babantayan ng madayang taya. Hihintayin niyang mangawit ka sa kakasabit at sa oras na bumitaw ka, boom! Taya ka na at ikaw naman ang nasa impiyerno.
“Langit lupa impyerno, im-im-impyerno!
Saksak puso, tulo ang dugo!
Patay! Buhay! Aalis ka na di-yan!”
The chant bago makapili kung sino ang magiging taya
Kung ikaw ang kumakanta nito at sa tingin mo’y ikaw ang matataya, puwede mong pahabain ang kanta para mailigtas mo pa ang sarili mo. Dagdagan mo ng “Sinabi ba ng Diyos? O-o!” Kapag hindi pa rin gumana, dagdagan mo pa ng, “Sinabi ba ng lahat ng tao sa mundo? O-o!” Siguro namang nakaligtas ka na niyan. Kapag hindi pa rin…ay ewan ko na sa'yo…pinanganak ka na talaga para maging burot.
Maibaaaaah….taya! Akyatan na kami sa bangketa para simulan ang larong langit-lupa. Mayroon nang taya at ang langit namin ay sa magkabilang bangketa ng kalsada. Siyempre, may limitasyon ‘yung langit namin. Pagkakasunduan namin kung hanggang saan lang ang langit at hindi puwedeng lumagpas doon. Tapos, mayroon pa kaming isang patakaran na kapag bumababa ka na sa bangketa, hindi ka puwedeng bumalik sa pinanggalingan mong bangketa. Dapat doon ka na sa kabilang bangketa aakyat. Kapag bumalik ka sa bangketang pinaggalingan mo, e ikaw na ang taya. ‘Yan ang mga patakaran namin para maging mas “challenging” ang laro at para hindi naman lugi ang taya na mabuburot na siya.
Chud Festejo - Langit Lupa Impiyerno
Siyempre, sa tuwing may laro, hindi mawawala ang tinatawag na saling-ketket o saling-pusa. Sila ‘yung mga masyadong bata para makasabay sa amin, pero pilit na gustong makisali. Kapag hindi mo isinama, siguradong iiyak ‘yan, at kapag may nakarinig na nakatatanda na may umiiyak—lagot kami! Papatigilin ang laro at baka pauwiin pa kami. Kaya wala kaming magawa kundi isali sila bilang saling-ketket. Hindi sila puwedeng mataya dahil kunwari lang naman talaga silang kasali, at kadalasan hindi rin sila pinapansin ng taya.
Mayroon pa pala kaming pagkakasunduan na patakaran. Eto ‘yung “no reaching” o mayroon. Kapag may “reaching”, puwede kang abutin ng taya kahit nasa langit kami basta nakatapak pa siya sa lupa. Ginagawa lang namin ‘to kapag walang mga saling ket-ket at magagaling lang ang mga kasali. ‘Yung halos lahat ay may potensyal na maging lider ng grupo. Shempre, ‘yung “no reaching” eh kapag nasa langit na kami, eh hindi na kami puwedeng abutin o hawakan nang taya. Kahit ga-buhok lang ang lapit mo sa taya basta nasa langit ka hindi ka pwedeng tayain
Ang magagaling sa amin ay ang malakas na mang-asar sa taya (shempre kasama ko diyan). Nilalabas pa ang mga kamay at paa na kunwari ay magpapataya. Minsan, kunwari, itatapak ang paa sa lupa, pero kapag lumapit na ang taya, eh biglang babawiin ang paa. Kaasar di ba, burot ka na nga aasarin ka pa.
Sa larong ‘to, nakakabawi ang mga batang medyo hindi mabilis tumakbo; may kasama na kasing diskarte dito, eh. Gagawa na ako ng ‘playlist’ ng mga matataas na lugar na puwedeng gawing ‘langit’. “Bawal balik base!” – hindi kasi puwedeng umakyat ulit sa parehas na langit kapag hinabol ka, dapat sa panibagong langit ka aakyat (pero hindi ko naman pinroblema ‘to dahil mabilis akong tumakbo).
Sabay-sabay at nag-e-enjoy pang tumatakbo ang mga batang hindi first-time na taya, kasama ang mga asong nakikitakbo rin. Ang mga sumusunod ang kadalasang ginagawang ‘langit’:
– Puno (aratiles, bayabas)
– Mahabang silya (ng mga tambay)
– Dyip (hindi bumiyahe ang lasing na mamang drayber)
– Halaman (na nakalagay sa paso)
– Hagdanan bago ang pintuan sa bahay ng kapitbahay (maraming natataya rito dahil napagbubuksan sila ng pintuan)
– Kable ng kuryente–‘yung nakatanim sa lupa (may takip na dilaw na plastik)
- Traysikel na nakaparada
– Gate (nabubulahaw ang kapitbahay)
Meron kaming special rule. Kapag hindi sinasadyang natisod ang taya at naglanding sa langit, o napaapak ka sa langit pagkatapos mataya, puwede mong tayain ang mga nasa langit. Riot na yan!
Pero siyempre, ang mga mababagal tumakbo ay may kalalagyan din talaga. Kapag nagkataong mag-isa ka lang sa langit, puwede kang bilangan ng taya (usually hanggang 10). Bago matapos ang bilang, magdasal ka na sana na hindi ka niya mahabol, o may isang bayaning makikituntong sa langit mo. Kaya kapag may mga magagandang chicks kaming kalaro, parati ko silang nililigtas eh. Talagang pupunta ako sa langit nila o magpapahabol ako sa taya, tutal hindi naman niya ako kayang abutan e. Pagkatapos ng laro, “Neng, painom naman ng tubig o…” Da moves.
Ang kagandahan ng Langit-Lupa ay hindi nito kailangan ng mamahaling kagamitan o malawak na lugar—kailangan lang ay imahinasyon, liksi, kaunting diskarte at pagsunod sa napagkasunduang rules ng game. Dito nahahasa ang bilis ng pag-iisip at galaw ng mga bata, pati na ang pakikipagkapwa dahil kailangan ng pakikisama at minsan ay konting tawanan kapag may nadadapa o nadadaya sa pag-chant. Isa rin itong larong nagpapakita ng likas na pagiging malikhain ng mga Pilipino—kahit simpleng konsepto ng “mataas” at “mababa,” nagiging kapanapanabik na kompetisyon. Sa bawat sigawan, habulan, at tawanan, nabubuo ang mga alaala ng pagkakaibigan na hanggang pagtanda ay dala-dala pa rin.
Sa panahon ngayon na karamihan sa kabataan ay mas abala na sa online games at social media, nakakaaliw balikan at ikuwento ang mga larong tulad ng Langit-Lupa. Isa itong paalala ng mas payak ngunit masayang uri ng pagkabata—yung tipong uuwi kang pawis at marumi ang tuhod, pero busog sa tawa at kuwento. Ang Langit-Lupa ay bahagi ng kulturang Pilipino na nagpapakita ng ating pagiging masayahin, madiskarte, at palakaibigan. Sana’y maipasa pa ito sa susunod na henerasyon upang patuloy na marinig sa mga kanto ang masiglang sigaw ng mga batang naglalaro.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento