Sabado, Marso 7, 2026

Hardwood Classics


Noong dekada ‘90, bago pa man sumikat ang smartphones at social media, isa sa pinakacool na libangan naming mga kabataan—lalo na sa mga mahilig sa basketball—ay ang pagkolekta ng NBA collectible cards. Panahon iyon ng matitinding bakbakan sa liga, kung saan buhay na buhay ang pangalan nina Michael Jordan, Scottie Pippen, Shaquille O'Neal, Kobe Bryant, at Allen Iverson. Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit halos bawat estudyante noon ay may maliit na album o lalagyan ng cards sa loob ng kanilang bag. 

Hindi pa noon uso ang mga live streaming at hindi pa lahat may Internet. Nakikita ko lang mismo ang resulta ng laro sa diyaryo kung saan nandoon na lahat ng nakatala ng final scores kung sino ang nanalo at natalong koponan sa araw na iyon. Hindi kami mapalad noon para mapanood ang lahat ng NBA games. ’Yan ay kung meron lang kayong cable TV na nagpapalabas ng isang NBA game. Pero siyempre hindi nawawala ang hilig namin sa basketball at sa mga idol naming astigin kung maglaro sa NBA. 

Bakit nga ba namin kinokolekta ang mga NBA cards noong ‘90s? Una, simbolo ito ng pagiging tunay na fan. Kapag may hawak kang rookie card ni Kobe o isang hologram edition ni Jordan, para kang may hawak na kayamanan. Hindi lang ito simpleng litrato ng paborito mong player—ito ay may stats sa likod, impormasyon tungkol sa kanyang career highlights, at minsan may special edition na may gold foil o embossed design. May thrill sa pagbubukas ng bagong pack dahil hindi mo alam kung sino ang mapupunta sa’yo. Parang sugal na pambata, pero puno ng excitement at saya.

Naalala ko pa noong high school ako, ako mismo ay kolektor ng NBA cards. Kasama ang mga kaklase ko, bumibili kami ng mga pack sa Vito Cruz Station, doon sa University Mall malapit sa mismong paanan ng LRT Station at katabi lang ng St. Benilde at De La Salle University sa Taft. Doon sa maliit na tindahan sa loob ng mall, nakahilera ang iba’t ibang brands tulad ng Upper Deck, Hardwood Classics, Topps, at Fleer. Kada ipon ng baon, siguradong may nakalaan para sa isang pack o dalawa. Karaniwan, nasa ₱20 hanggang ₱50 ang isang pack noon depende sa brand, at may laman itong lima hanggang sampung cards. Pero kapag special edition o imported, puwedeng umabot sa ₱100 pataas—medyo mabigat sa bulsa ng estudyante pero sulit kapag naka-tsamba ka ng star player. Medyo malas ako noon dahil gusto ko talagang makuha si Pippen o si Jordan, pero ang pinaka-star player ko na nakuha ay si John Stockton at Jeff Hornacek na panay himas ng pisngi sa free throw line bago i-shoot ang bola. Tanda niyo pa ba siya? Pareho silang Utah Jazz players na nakalaban nila si Michael Jordan ng Chicago Bulls noon sa 1998 NBA Championships.

Basta pagkatapos ng klase, sisabat na kami ng mga kaklase ko para sumakay ng "Dulo" papuntang Vito Cruz Station. Bale, isang station lang kasi ng LRT; naghihiwalay ang binibilhan namin. Ang eskuwelahan namin ay nasa Quirino Station naman. Pagkatapos naming bumili at may natira pa sa aming mga baon ay bakas-bakas kami para makabili ng meryenda bago magsiuwi. Ang saya lang talaga noon, simpleng trip lang na card collectibles at food trip nang kaunti, sapat na sa amin ang kasiyahan at memoryang maitatago, kagaya ng ikinukuwento ko sa inyo ngayon. 

Quad City DJ's - Space Jam

Sa classroom, may mini trading session bago mag-umpisa ang klase. “Pare, trade tayo! Dalawang role player sa isang Jordan!”—mga linyahang paulit-ulit na maririnig. May iba pang nag-iingat ng cards nila sa plastic sleeves at hard case protector para hindi magasgasan. Ang iba naman ay inilalagay sa binder na may malinaw na plastic slots, nakaayos ayon sa team o paboritong player. May yabangan factor din—kapag kumpleto mo ang Chicago Bulls lineup o may rare All-Star card ka. 

Hindi lang basta karton ang mga NBA cards. May iba’t ibang klase ito: base cards, rookie cards, limited edition, hologram, at autographed versions. Ang rookie card ang isa sa mga pinakahinahanap dahil tumataas ang value nito pag naging alamat ang player. Halimbawa, ang rookie card ni Michael Jordan na ilang dolyar lang noon ay umaabot na ngayon ng daan-daan libo o milyon depende sa kondisyon. Kahit ang mga cards nina Kobe at Iverson ay mataas na rin ang halaga sa collectors market ngayon. Pero di kami umaabot sa ganito dahil wala naman kaming perang pambili noon. Tamang simpleng trading cards lang ang sapat na sa amin.


Pero higit pa sa pera ang halaga nito para sa amin. Ang bawat card ay may kuwento—kung saan mo nabili, kanino mo na-trade, at anong araw mo nakuha. Ang nostalgia ang pinakamalaking value nito. Kapag hinawakan mo ulit ang lumang koleksyon, bumabalik ang alaala ng kabataan—ang ingay sa classroom, ang amoy ng bagong bukas na pack, at ang simpleng saya ng pagiging fan. Yung ibang classmate na may kaya sa pera eh talagang nakakabili pa noon kundi sa Cartimar o Greenhills dahil ata mas malaki ang tsansa na makakuha ka ng star player sa mga cards sa mga kilalang markets. 

Sa panahon ngayon na digital na halos lahat, kakaiba pa rin ang pakiramdam ng may hinahawakang pisikal na collectible. May bigat, may texture, may disenyo, makulay na disenyo. Cool ang NBA cards dahil pinagsasama nito ang sports, art, at investment. Isa itong piraso ng kasaysayan ng basketball na maaari mong itago, ipagmalaki, at ipamana balang araw.

Ang NBA collectible cards noong 90s ay hindi lang basta libangan; naging bahagi ito ng aming pagkabata. Isang maliit na glossy plastic na naglalaman ng malalaking pangarap, idol, at alaala. At hanggang ngayon, kapag nakakakita ako ng lumang pack sa isang tindahan, hindi ko maiwasang mapangiti at maalala ang mga araw sa Vito Cruz, sa University Mall, kasama ang tropa—nagbibilang ng baryang pambili at umaasang makatsamba ng susunod na alamat na NBA player.






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads