Miyerkules, Abril 25, 2018

160



NOW PLAYING NO ONE WILL SAVE YOU NOW by THE AVIATORS

dagdag na kanta at kasama na sa gothic entry ng playlist ko, bagong diskubre na banda at solid at juicy ang mga liriko.

"Don't cry when lanterns fade
Soon we'll be awakened
But it breaks my heart to say
No one will save you now"

Najejebs ako kakakain ko lang ng burger ng Burger Machine

Thanos is now friends with Kim Jong Un

Jhemerlyn likes your photo.

Johnny Sins retweeted.

Twitter, Tumblr, Plurk at Facebook killed my writing skill.

Ba't ka magsusulat kung pwede ka naman kumuha ng litrato at iexpress ang nararamdaman mo sa larawan na iyon.

Bakit ka gagawa ng pagkahaba-habang blog entry kung kaya mo naman sabihin ang gusto mo ipahiwatig sa loob lamang ng 160 characters.

Ang lungkot na dito sa mundo ng blogosperyo, Tsk! Hindi na tulad dati na maraming may sense na entries. Karamihan sa mga bloggers na palagi kong binabasa ay huminto na sa pagbablogging hindi ko na alam kung nasaan na sila o kung mga deads na ba? Sumalangit nawa ang kanilang mga kaluluwa.

Aminado ako na hindi naman talaga ako mahusay magsulat dati pero naniniwala ako na mas maayos akong magsulat noon kesa ngayon. Halos ilang buwan na rin akong di nakakapagsulat pero last week naumpisahan ko naman uli. Minsan nakukulangan na talaga ng oras at panahon. Nakakabasa na lang paminsan minsan ngunit unti unti na rin lumalabo ang mga mata at  karaniwan ay kakaantukan na lamang hanggang sa makatulog. Pumurol na rin ang paraan ko sa pagsusulat dahil nakuntento na lang sa pagbabasa ng katha ng iba kesa sa isulat ko sa ilang paragraph ang gusto kong sabihin.

Well, ngayon? napirmi ako sa pagkukuwento ng mga pangyayare sa buhay ko sa 160 characters.  Gusto kong magsulat ulet yung umaabot ng hanggang 500-700 mahigit na words na nalilimbag ko sa blog ko hindi yung 100 words pa lang suko na at wala na akong masabi o maidagdag pa.

160 characters.

160 fucking characters lagi na akong nababad diyan. Rekta na wala nang pasikot-sikot.

Ano ang kulay ng rosas? sasagutin ko yang ng Pula wala ng karugtong hindi tulad dati na maari kong sagutin yan na ang rosas ay kasing-kulay ng pag-ibig ko sa isang dilag na umakit sa akin at ang tanging kulay na bumihag sa puso ko. Ang kulay ng dugo na naghatid ng sugat, ,nadarang at natinik sa kagandahan ng rosas sa hardin blah blah blah

Ibig kong magsulat ulet, gusto kong magsulat ng may sense hindi yung nagsulat lang ako dahil sa gusto kong may bagong entry. Nais kong magsulat ng higit sa 160 characters yung pagsusulat.

Basta, bahala na si Bat...oops iba na sikat ngayon. Hail the Villains! Bahala na si Thanos!





Linggo, Abril 22, 2018

Superhero 2018 and Beyond

'Ang Tagapagligtas ng mga Broken-Hearted'


After all these years in my life nakapag decide na ko. Wala nang makapipigil sa akin, wala nang urungan. Bata pa lang ako pangarap ko na talaga ito, joke lang yung mga nilagay ko noon sa yearbook na gusto kong maging astronaut.Marami na akong napanood na pelikula pero ang lahat ng iyon ay pawang mga kathang isip lamang. Gusto ko this time kung gagawa ang mga direktor ng pelikula ay  makatotohanan. Yung true to life story at ako ang bida. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Ayoko ng kasabihan ng iba na bago man lang daw sila mamatay gusto nilang makapunta o makalibot sa iba't ibang magagandang  lugar sa ibang bansa. Ang tanging hiling ko lang bago ako malagutan ng hininga ay maging isang kapaki-pakinabang na nilalang. Yung makikilala ka sa mga kabutihang iyong mga nagawa at hindi yung puro katarantaduhan. Kung matotodas man ako ng umaga sa sakit ng pusong ito ang isa ko pang kahilingan sa mga mad scientist na pagsasamantalahan ang carcass ko ay buhayin akong muli hindi para maging zombie yun ay para maging isang SUPERHERO! Tangina! shet! kung mamatay ako dahil sa atake sa puso gusto ko ang magiging monicker ko ay Heart Attack man o di kaya eh Kuya Cardio para mas in, pangmatagalan, matikas at parang si The Flash dahil matibay sa takbuhan kasi nga ang special powers ko ay bihasa sa cardio gaming. Kung sa outfit naman ng pagiging superhero ayoko na siguro ng mga kapa kapa effects. Ipapaubaya ko na kila Batman at Superman  yung ganung outfit at hindi ako tangang superhero na kailangan isuot ang brief sa labas ng mismong costume. Simple lang ang gusto kong costume yung tipong hindi ka pagkakamalan na superhero. Okay na siguro ako dun sa pormahan ni Will Smith sa Hancock. Yung tamang naka cocky shorts lang naka shirt at may bonet na nakashades, may tiyaleko. Yung bonnet ko may burda na KC sa bandang noo. Anong powers ko? Siyempre yung may super strength yung kaya bumali ng adamantium na bakal, yung hindi na kailangan mag-gym at mag selfie para makakuha ng sapat na lakas. Tapos lahat ng makakasagupa ko bibigyan ko ng heart burn, wag muna heart attack kasi kailangan din natin sila bigyan ng chance para magbago. 

                              Aviators - No One Will Save You


Lagi kong dinarasal kay Lord na sana ay may mahulog na meteorite at ako ang makakatuklas nito pagkatapos nung magkakaroon ng mutation churva at maaangkin ko na ang ninanais kong cool na power. Naniniwala akong di totoo si Santa Claus, ang Easter Bunny o Tooth Fairy pero naniniwala akong mayroon Superhero.

Naglaho na ang paniniwala ko sa lahat ng bagay, hindi na ko naniniwala sa pangako ng mga lintek na pulitiko. Naging heretic na din ako pero hindi pa rin nawawala ang paniniwala ko na may mga taong lumilipad, may x-ray vision, may ice blast power, yung mamang kulay berde na kayang pitpitin ang mga naglalakihang trak, yung aleng kayang baguhin ang kahit anong trip niyang weather conditions, ung may laser beams na pula na naka shades forever, may kakayahang kontrolin ang mga bagay bagay, may fast cell regeneration, may kakaibang lakas at kung anu anong anik anik pang kapangyarihan. 

Yung lang ang tanging bagay na ninais kong makamit ang maging isang superhero pero nagising na lang ako sa katotohanang isang gago lang ang mag iisip na totoo ang mga ganitong klase ng tao. Kahit ngayon na nasa trenta anyos pataas na ako iniisip ko kung paano kaya kung totoo ang mga superhero? mas magiging maayos kaya ang mundo? 

Hayaan na nga natin. Wala nga siguro talagang superhero, pero lahat tayo may kakayahan para iligtas ang mundo at siguro para sa akin isa lang ang pagba-blog sa mga kakayahan ko upang baguhin ang mundo. Tulad nga sa tagline ng pelikulang Schindler's List: "Whoever saves one life, saves entire world." Lahat tayo ma y kapangyarihan magligtas ng buhay kinakailangan lang natin gamitin ang ating kakayahan, talento o kaalaman natin para magawa ito.

Hindi nga ako superhero pero may kakayahan naman akong magsulat at ilathala ang mga ito sa aking blog na Ubasnamaycyanide.blogspot.com Hindi nga siguro kasing cool ng mga superhero ang mga kakayahan ko pero at least kahit papano alam kong sa bawat nilalathala ko may isa o dalawang nilalang na natutuwa sa mga ginagawa ko at maaaring nililigtas sila sa plano nilang pagpapakamatay dahil nalaman nilang mas emo pa ako kesa sa kanila.

Well, umaasa pa rin akong maging si Kuya Cardio balang-araw. Ang tagapagligtas ng mga broken-hearted.



Sabado, Marso 24, 2018

Isa Munang Palataspas

'Palaspas by the window'


Isa munang pampaantok.

Ang pananampalataya ng isang tao para sa akin ay hindi nasusukat sa kung ilang beses ka magsimba. Kung anu-anong berso ng gospel at mga palamuting quotes na ipinopost natin sa Facebook. Kung anu-anong dasal ang nagagawa mo, kung anu-anong pagpapahirap sa sarili sa pamamagitan ng penitensiya at pag-aayuno dahil hindi naman talaga naququantify ang faith natin sa Kanya as long as naniniwala ka sa Kanya at kinakausap mo siya sa kahit anong paraan na alam at kaya mo.O baka naman kapag kinakausap nga natin siya sa simabahan ay panay kahilingan lamang ang ating ipinagdadasal? Tandaan mo na hindi siya si Prinsipe K ng Okay Ka Fairy Ko na pagbibigyan lahat ng kahilingan mo, hindi mo siya napulot sa isang bote at hihimashimasin para humingi ng tatlong kahilingan. Siya ang Dakilang Lumikha, Ang Walang Hangganang Pag-ibig at Ang Umpisa't Katapusan. Lahat tayo'y magbabalik sa kanya sa pagdating ng panahon.

Hindi ko rin alam pero ang mga katanungan nila para sa akin ay paano daw ba ako magbabalik loob sa Diyos? Wow ha! Teka.... bakit naman? Kamukha ko na ba si Hell Boy? Hindi naman kasing-pula ng Johnson's floor wax ang aking mga balat para magmistulang kampon ni Satanas ah? Ganun na ba katulis ang sungay ko para tanungin niyo ako ng ganyan? Sir/mam hindi po sungay ang matulis sa akin. 

Alam ko naman na monthly lang ako nakakabisita sa simabahan. Mas madalas akong dinadala ng aking mga paa sa tagayan ni San Miguel at siya lang ata ang santong nakikilala ko. Minsan naman ay nagagawi rin ako sa tayaan ng Lotto, o sa bilihan ng porno. Kaya marahil ay hindi pinagpapala ang aking kapalaran dahil sa mga nababalot na kademonyohang ito.

Ewan ko ba pero nagawi naman ako sa Simbahan noong Pebrero 14 upang magpalagay ng krus na abo sa noo kesa magpakasilaw sa mga pulang bagay na katulad ng mga lobo't, mga rosas. Hindi ko pinili ang matatamis na tsokolate dahil wala naman akong matatanggap at wala din naman akong pagbibigyan. Hiniling ko na lang na sunduin ko ng mga pulang kabayo na luabas sa isang bote at magpahatak papalayo mula sa simbahan dahil naduwag ako't gusto ata ni padre na ibaon ang krus sa aking cerebrum. Namemersonal ata si Father at may galit at diin ang pag-ukit ng krus sa aking noo. Kulang na lang iyon umusok at umikot ang aking mga ulo at maghahalakhak ng walang dahilan sa loob ng Simbahan.

Pero alam niyo hindi ko naman talaga kelangan magbalik kay Bro este sa Diyos pala. Dahil hindi naman talaga nawala ang loob ko. At para maniwala kayo magpapapako ako sa krus sa darating na Semana Santa at magpapahagupit ng latigo at kadenang pang thugz sa aking likod. Siyempre biro lang yun. Kapag ginawa ko yun parang sinabi ko na rin na titigil na ang korapsyon at political dynasty sa ating bansa.

Huwag kayong maniniwalang malapit na sunugin ang kaluluwa ko sa impiyerno. Tsika lang yun. Hilig ko lang talaga ang paglalaro ng apoy. Naiingit ako sa mga taong tinu-toothbrush at ipinangmumumog ang apoy, sumasayaw na may umiikot na apoy, naglalakad ng nakayapak sa apoy at yung mga taong kayang pasuin ang kanilang mga sarili ng hindi nasasaktan. Aliw na aliw ako sa mga ganyan at kadalasang makikita mo sa mga katulad ng Pinoy Got Talent o Tarantadong Pinoy este Talentadong Pinoy. Pero infairness na sa kanila diba, hindi sila mahihirapang mag-adjust kung sakaling hindi sila sa langit magupunta.

At sa mga darating na Linggong ito para mas mapalalim ko ang aking pananampalataya, ako ay mag-aayuno. Alam kong hindi ito gaanong sakripisyo kung tutuusin. Sa mahal ng presyo ng mga pagkain ngayo'y aban'y mapipilitan ka talagang bawasan ang iyong nilalamon. Ay pota , teka may Food Forward nga pala, pero ayos lang papapakin ko na lang yung mga gulay at ibibigay ko sa gustong magkaron ng kasalanan yung mga karne. Pero pangako talaga ibahin niyo ko dahil hindi ko kakainin lahat ng klase ng karne sa panahon ng ayuno. Hindi ako titikim, kahit singhot, kahit kalabit. Kahit yung karneng masarap pisilin, iiwasan ko.

Pagpalain nawa ako.

Isa pa, kailangan din daw magbawas ng sakripisyo. Kailangan gayahin ang Tagapagligtas na namuhay ng simple at payak. Well, wala naman talaga akong kapasidad para maging maluho. Hindi naman siguro luho ang magpagupit kung saan nagpapagupit si James Reid di ba?

Pero sana maging sapat na muna ang tanging paraan ng pagsisisi na alam ko. Ang maging mabait, ang magsakripisyo, at laging magsuot ng karusunsilyo tuwing gagawa ako ng isang blog post na kagaya neto.



Huwebes, Marso 1, 2018

Madaling-Araw

'Ang aking saglit na kapayapaan'


"Feel the calm of the soft darkness, before the fast approaching rage of the light." -Jack Maico

5:44 AM

Hindi ko alam kung kaya ko pang matapos ang post na ito na hindi pa sinisinagan ng araw ang aking kwarto. Isa sa biyaya ng Diyos ang maramdaman nating ang payapang umaga sa madaling-araw. Kung meron lang oras sa isang buong araw mas gugustuhin ko ng dilat ng mas matagal sa madaling-araw. Tahimik at payapa. Isang kagalakan ang makita ang kalangitan na unti-unting nagpapalet-palet ang kulay hanggang sa maramdaman nating ang kalmadong umaga at ang malambot na sinang ng araw sa ating mga balat. Ang tanging maririnig mo lamang sa kasalukuyan ay ang huni ng insekto sa bukid at ang kapiterang nang-aakit ang pagpito sa pagkulo upang makapagtimpla ka ng masarap at humahalimuyak na aroma ng kape. Wala pang potpot ng pandesal, wala pa ang  tropang umaga, wala pa si mamang taho at kuyang naglalako ng isda na animo'y Pied Piper of Hamelin ng Barcelona pero ang sumusunod sa kanya ay ang dose-dosenang pusa na nanghihingi ng bituka ng isda kung sakaling may bumili. Wala pang ingay ng mga "miyaw", at aw-aw ng mga aso. Tulog pa silang lahat at tila naramdaman na rin ng manok ang kapayapaang ng madaling-araw at nakalimutan na niyang tumilaok. Kung pwede ko lang siyang alukin ng kape ay ginawa ko na.

5:54 AM

Sa madaling araw masarap gumising at mag-inat. Napakagaan ng pakiramdam sapagkat kalmado pa ang utak, masarap magmuni-muni at mag-relax bago ang panibagong pakikibaka sa limang araw na pakikipagbuno sa trabaho. Walang katumbas mag-unat ng tumatandang likod sa aming lumang tumba-tumba habang nakadekwatro at ninanamnam at humihigop ng bango ng aking kape. Walang kasing-sarap ang magpaputok ng hmmm....mga buto sa daliri at paa, at sa leeg dahil nakakarelax habang tumatama ang swabeng lamig ng hangin sa bintana mo. Kayganda rin pagmasdan ang pag-ikot ng mundo sa aking binatana habang pumipindot sa keyboard at pinipilantik ang mouse sa kompyuter. May oras na titingin ka sa iyong bintana na unti-unting nang nagliliwanag at kusa na lang naglalaho ang mga bituin at buwan at dahan-dahan na nag pasikayt ng Haring Araw sa Silangan, ang init na hatid ng bagong kinabukasan na nagdadala ng pag-asa sa bawat nilalang.

                                           Cat Stevens - "Morning Has Broken"

                  



6:01 AM

Sumilay na ang bagong umaga, ngunit sa di kawalan ay wala pa ang haring-araw.

At pagkatapos nito, tahimik na ang mga huni ng kuliglig sa bukid, nariyan na sila....yes sir! Nariyan na ang mga lintek at maiingay na sisira sa katahimikan ng umaga. Naglabasan na yung mga kapitbahay mo na habang nagwawalis sa kanya-kanyang harapan ay hindi maiiwasang may mapagkwentuhan, may mapagtsismisan. Kung puwede ko loang i-side swipe ang mundo na parang sa mga cellphone upang ibalik ang kalmadong madaling-araw ay gagawin ko. Narito na ang neigborhood, ang mga walismosa, mga pusang-gala, mamang magtataho "Tahoooooooo!!!", si Isda Man "Eiisdaaaaa kayo diyan, Isdaaaa!", at kung sinu-sino pa. Jampacked na ulet sa Barcelona High Street, maya-maya'y mala-impiyerno naman ang init. Hala, sige na at ala-sais na pala, kailangan nang makipagsiksikan sa bakery kasama ang mga taong nakapalupot ang tuwalya sa katawan na akala mo sa bakery maliligo pota. Bibili ako ng pandesal, keso, mantikilya at itlog. Tutal, tapos na rin naman ang salet na kapayapaan ko. Balik sa ingay. Balik sa riyalidad ng buhay. Balik sa totoong mundo. Mamaya na lang ulet, sa madaling-araw......... 

6:27 AM
-end-



Lunes, Pebrero 12, 2018

Feb Ibig Series: Habang Wala Pa Siya

'Show me that love is worth the wait'


"Being single doesn't mean you know nothing about love. Sometimes being solo is wiser than being in a false relationship."

Tutal 48 hours na lang Valentines day na naman. Nariyan na naman ang kulay pulang mga bagay at uulanin ang ating mga mata sa tinaguriang araw ng kulay ng pag-ibig. Maglalabasan ang mga stocks ng Ferrero Rocher at dadagsain ang lugar ng may pinakamababango at kahali-halinang bulaklak sa lugar ng Dangwa. Sa kabila lahat ng ganitong gawain ng ilan, ang ibang tao naman ay patuloy na madedepress dahil hanggang sa pagkakataong ito eh single pa rin sila.

Ang layuning siguro ng post kong ito ay para sa mga single ngayon para di masyadong nalulungkot habang naghihintay o naghahanap sa taong tatanggap sa'yo at yung taong makakatuluyan niyo. Isang paalala lamang mga tohl, tandaan na hindi ang pagkakaroon ng lovelife ang dahilan kaya tayo nabubuhay sa mundo. Ang umibig ay isa lamang sa features ng life, isa lamang itong paraan para mabigyang kulay ang buhay ng bawat isa, pero hindi ito ang rason kaya tayo nandito. Hanggang sa narerealize niyo ang kawalan ng kapareha, sigurado ako na di mawawala ang depression sa buhay niyo. Clear your cache and expand your  understanding why you're here. 

                                               Tonic - Sugar


Ayoko din naman mag preach, hindi ako si Father. Kaya simulan na natin. Ito ang mga maaari ninyong gawin habang wala pa siya:

MAG IPON

Medyo may pagka hedonism itong post na ito, dahil ito yung mga bagay na dapat kong gawin din. Siyempre gusto nating pag nakilala na nating yung ating "the one" eh dapat medyo stable na tayo, para naman di na kailangang maghintay ng matagal bago niyo dalhin sa dambana ang inyong iniibig. Kaya ngayon, habang wala ka pa namang ginagastusan masyado, eh magsimula ka nang magtabi para sa inyong future. Alam naman nating  lahat na major pogi points para sa mga babae ang lalaking may malaki ang hinaharap ooops wag berde ang utak ang ibig sabihin ay may plano para sa kinabukasan, sa future. Ang gusto ng mga babae ay yung kaya niyo sila buhayin  hindi yung puro love kaya minsan mali yung kanta ng The Eagles na "Love will keep us alive" eh, hindi ka mabubuhay kung maghapon lang kayo magka-akap magiinit lang ang inyong katawan at masisira ang family planning.

MAKIPAGKILALA KUNG KANI-KANINO

Habang wala pang sisita sa'yo na makipag date kung kani-kanino eh lumabas ka at iexplore ang iyong mga options. Kaya masarap maging single dahil hindi ka natatali sa iisang tao (hindi naman ako nagrereklamo, just saying). Kung hindi ka pa sigurado na ang kasama ay siya nawa maaari ka pa ng maghanap ng walang nasasaktan. Kung di mo kayang makipag-date, maghanap ka ng mga bagong kaibigan. Magandang foundation sa isang relationship kung nagsimula kayo bilang friends. Wag lang mauuwi sa "friend zone."

GAWIN ANG GUSTO NIYONG GAWIN

Sabi ko nga habang wala pang pipigil sa inyo, gawin niyo ang mga gusto niyong gawin sa buhay. Kung gusto mo mag travel fine! Ngayon ang best t ime habang wala ka pang iiwanan at papasalubungan. Habang wala pang mangongonsesiya sa inyo, do whatever you wanted to do, magbunjee jumping ka, mountain trekking, scuba diving, sky diving, manuod ka ng sine, buong araw na inuman with friends, makipagpatintero ka sa mga rumaragasang sasakyan sa EDSA, sumamama ka sa mga rally, manood ka ng porn bahala ka basta gawin mo kahit ano kasi you're still free as a bird. Malaya ka. Wala ka pang pagpapaalaman at magbabawal sa'yo. Good experience mo yan ngayon, para kung nariyan na si girlie o boyet, may mga activities na kayo para sa mga date niyo.

                                     Mike Villegas - "Bilanggo"                                      feat. Kevin Roy & Zach Lucero



TRABAHO

Pag busy-busyhan ka sa trabaho o sa kahit ano, madali mong makakalimutan yung pagiging single mo. Kasi may ibang nag-ooccupy sa isip mo. Okay lang yun at least hindi ka nalulungkot. Kung nasa call center ka at nasa field ng customer service gawin mo lahat ng sabay sabay mag email ka, sumagot ng live chats at sagutin ang mga inbound calls hindi mo na kailangan ipaflex kung saan ka nila gusto dalhin dahil masaya ka na gawin ito ng sabay sabay ewan ko na lang kung ma-call out pa ang pangalan mo.Pagbutihin mo maging top agent at maka receive ng joy hindi kasiyahan, kundi Joy dishwashing liquid at kung anu-ano pang makabuluhang pa premyo. Kagatin mo lahat ng ioofer na overtime. Siguro mapapagod ka, pero at least kapalit naman nun pera, di ba? Sabi nga nila kung di ka swerte sa pag ibig, malaking pag-asa na sa ibang bagay ka naman susuwertehin. Malay mo, baka sa trabaho mo yun mapupunta. Habang wala pa siya, eh mabigyan ka ng headstart para maging stable sa buhay. Pero wag masyadong pakalunod sa trabaho. Ika nga nila kailangan din nating ng work-life balance.

Ang lahat ng ito ay mungkahi ko lang. Madalas lang nakakaligtaan ng ibang tao dahil nagmumukmok at hindi pa nila nakikita ang kanilang life partner. Iniisip ko lang, na imbes mag drama sa buhay eh gawin nating productive itong mga panahon na ganito. Para pagdating "niya" ay wala na tayong hahanapin pang iba.



Miyerkules, Pebrero 7, 2018

Parisukat na Mundo


'Masarap magburda ng mga salita sa mundong parisukat'


Kape. Ubo. Dahak.
Alas singko beinte dos
(madaling araw)

Nakakailang tipa pa lamang ako ng letra sa unang linya ay naka tatlong kahol na ako. Higop ng kapeng mainit upang humagod ang lalamunan. Nakakulong sa isang silid na di ko mawari kung paano ko matatakasan. Nakatago sa isang aparador na puno ng mga bagay na hindi ko madama. Ako'y nakaupo sa isang silya na gawa sa metal at sadyang nakagigimbal ang lamig, sapagkat bukod sa pagkakaupo'y nakatali ang aking mga kamay ng makakapal na kadenang umuubos ng enerhiya. Hindi ko alam kung nasaan ako. 

Nilisanan na ako 
ng mga luhang
noo'y hindi
lumilisan sa 
aking mga mata.

Tila niyayakap
na ako
ng takot at kalungkutan
masikip at hindi makahinga
sa pagkakabigkis
ngunit ako ay
hindi patitibag.


                                            KWARTO - Sugarfree



Kung may sariling buhay lang  'tong blog na 'to, sa madaling araw at sa oras na ito, malamang ay tampong tampo na ito sa akin. Sapagkat nabibigyan ko lang siya ng pansin kapag kailangan ko ng katahimikan mula sa mapanghusga, mabangis at magulong mundo ng isang pagiging manunulat. Siguro binubulyawan na ako ng mga ubas na nakadisplay sa banner na ito. Baka nilason na nila ko sa sa pamamagitan ng cyanide. Anong sasabihin nila sa akin? "Andito ka na naman punyeta ka kasi hindi mo masubuan ng salita ang isa mong post? Andito ka na naman kasi pnamumugaran ka na naman ng karuwagan at kalungkutan?" Kung sisigawan niya ako ng ganito, tatahimik lang ako't tatango kasi yun naman talaga ang totoo. Baka nga punung puno na naman ng karuwagan ang puso ko. Duwag na ipahayag ang totoong saloobin. Dito kasi, ako lang ito, ako ang hari ng aking mundo, ako ang namumuno sa bawat salitang aking binibitawan. Pero naman kasi hindi niyo naman ako kilala. Kasi hindi niyo naman ako kinakausap. Kasi isa lamang akong hangin (wag lang masamang hangin) na dumadaan sa inyong mga dashboard na hanggang ngayon ay hindi ko pa alam ang tagalog. Dashboard. Ewan, basta wala atang katumbas na tagalog para sa salitang ito. Maganda na rin siguro ang ganito. Napakatahimik kahit nagtitipa lang naman talaga ako ng letra at tanging paghigop ko lang ng kape ang naririnig ng sarili kong tenga sa pag-usbong ng isang mangandang umaga.

Di niyo lang alam napakasarap magsulat lalo na sa mga oras na pakiramdam mo tinalikuran ka na ng mundo. Kapag pakiramdam mo na wala nang nagnanais na makinig sa mga nakakasawa mong kwento. Masarap mangsulat lalo na kung nagiisa ka at walang nag-aabot ng kamay upang patayuin ka't yakapin sa kalungkutang kinasasadlakan mo. Masarap bumurda ng mga salita kung marami kang nais isigaw sa mundo ngunit ika'y nagmimistulang pipi sapagkat walang lumalabas na tinig galing sa bibig mo. Masarap magsulat sa mundo ng tinta at papel, may mga kaibigan o di mo kakilala na nais makinig sayo, may mga taong gusto kang damayan. Ang mga tinta't papel sa harap mo ang siyang mga totoong kaibigan na kailanman ay hinding hindi ka lilisanin. Masarap magsulat lalo na kung ang sinusulat mo ay ang sarili mo at ang pinapasulat mo ay yung totoong ikaw.

Minahal ko ang pagsulat gamit ang wikang sarili. Hindi ka cheapan sa isang blogosperyo ang paggamit ng dilang kayumanggi at dito ako sasang-ayon kay Baby Ama, mag-tagalog ka! May mga taong ma-Ingles noon at sabik daw na makita ang aking mundo ng salita ngunit noong napag-alaman na Tagalog ay wala na akong narinig mula sa kanya, siya na mismo ang nagmistulang naging pipi at bingi nang bumulantang ang mga letrang nakaukit sa pananagalog. Hindi kita makakalimutan Ginang. 

Labis kong ikinagalak ang pagsiksik ko ng mga kaisipan sa bawat talata ng aking prosa. Minahal ko ang pahinang ito. Ang mga bawat pahinang repleksiyon ng puso ko ng aking pagkatao. Sa kabilang banda'y nalulumbay ako dahil kahit ano pang gawing pagpapakatotoo - sa bawat salitang sinasambit ko, sa bawat salitang likhang isinusulat ko, ay wala pa ring saysay. Ayaw kong huminto subalit lubhang napakasidhi nitong puwersang lumalamon sa akin. Bibitaw na ba? Aayaw na ba?

Malamig na ang kape mula sa isang libong ubo't-dahak. Magandang panimulang umaga mula sa aking parisukat na mundo.


Alas syete kwatro.
(umaga)



Huwebes, Pebrero 1, 2018

Feb-Ibig Series: The Legislation of Conservation of Feelings

Panahon na naman.....

I don't know but I'm seating right here and woke up at exactly 2:30 AM. My cough does not stand still,  dalawang linggo na ata 'toh baka nga may napanalunan na kong TV sa bagong shift na nito. Well congrats sana slim type at full HD. Coffee becomes more powerful at dawn it fuels my fire in writing something na ewan magpapatawa ba o magpapataas ng inahit na kilay ng iba.

Malapit na naman ang Araw ng mga Puso! Maraming sabik, maraming kilig na umaasang makakatanggap ng mga rosas, tsokolate at minsan mga proposals. Shet! wag lang marereject noh? malamang isumpa mo ang araw na ito kung sakali. Pero bukod sa kapangyarihan ng pag ibig mas maraming bitter at namamapak ng ampalaya sa araw na ito. 

Kung single ka at unattached hindi mo naman nanaiisin na magkaroon ng maaliwalas na panahon sa araw na ito. Hindi ka magiging choosy, kahit ano mang klima at kung anong mang ibibigay ng panahon sa labas ay wala kang pakialam ang tanging iintindihin mo na lamang siguro ay ang mga isinampay mo kahapon kung umulan man sa katorse. Tatambay na lamang sa iyong kuwarto at haharap sa bintana habang nakatingin sa malayo at minamasdan ang tila luha na umaagos na dulot ng ulan sa bintana. Ito ba yung tinatawag na "window pain?" 

Tuluyan mang mag alboroto si Magayon dahil may LQ sila ni Panganoron, wapakels ka. Ang tanging gagawin mo na lamang ay mag-Facebook, pero olats ka pa rin dahil ang tanging gagawin mo lamang ay mag scrolldown ng mag scrolldown ng newsfeed at pumuso sa wall post mga pinakamasasayang kumag sa araw na ito. Nakangiti ang haring-araw pero napapaligiran ka naman na magkakaparehas na nilalang na naka couple shirt at magka holding hands. Kahit yung alaga mong love birds sa bahay pinagbubulungan/pinagtsitsismisan ka na walang kang kapareha.Yung pusa mo na tangi mong kasama sa bahay at tinawag mo wswswswswswsws hindi sumagot ay nasa bubungan na pala  at may ka-date na rin.

                              "Always" by Atlantic Starr



Punta naman tayo sa mga naging single dahil nasawi.

Sumasakto nga siguro ang pag-inog ng mga musika sa kasalukuyan sa nalalapit na hearts day, tagalog man at jejemon ang dating marami ang nakakarelate. Baka jejemon din yung mga nakakarelate? Ewan siguro nga hindi ko tipo yung mga ganung tugtugan. 


"Calimotan mo na ian sigue sigue mag-liban
Uag cang magpacajiban dapat ay itaua
Haiaan mo sila an mag-javol saio di ba?"
Lan an problema sa babayi dapat di iniinda


-kung nabuhay ang kanta at itrinanslate sa Doctrina Christiana

I'ts okay to chase someone. Lalo na kung hanggang ngayon hindi pa rin siya bayad sa utang. Anong hayaan? ulol! It's also okay to beg someone to stay. Lalo na kung malakas siya lumafang pero hindi siya marunong maghugas ng pinggan.Sabi nga nung tokhang candidate dun sa kanto namin, "If you're not gonna chase anyone, then who will notice you?" Paanon ka mapapansin ng crush mo kung di ka magpapapansin? "If you won't beg for anyone to stay, then who the pak will remain?" Paano magtatagal ang isang relasyon kung palagi na lang paiiralin ang pride? Hindi laging Pride mas mabula ang Axion na panghugas ng plato at least yung name ng brand positive ang vibe 100% grease removal pa. (Dapat mabasa'toh ng Axion Dishwashing).

Okay lang maghabol. Okay lang ipilit ang sarili. Pero dapat alam mo rin kung alin ang hindi na okay? Yung ipagpilitan ang sarili mo sa mga taong ilang beses ka nang ipinagtabuyan na parang dinaig mo pa ang masamang espiritu na sinapian sa katawan ng panget. Yung mga taong naaalala ka lang kapag may kailangan pero kapag  nakuha na ang gusto parang hindi ka na ulit nageexist. Yung ipagpilitan ang sarili mo na mahalin ka ulit kahit ilang beses ka nang ipinagpalit. Yun ang sablay.

Ikaw ang gumagawa ng pamantayan para sa sarili. Kung hanggang saan lang dapat, kung para kanino ka at kung ano ang dapat. Wag kang magpalamon sa ibang tao dahil hinahayaan mo lang silang gawin kung ano ang gusto nila. Kung nagdurugo na ang mga palad sa lubid na tinubuan na ng tinik. Bitaw na ka Ex-B. Wag mo gawing priority ang isang tao kung para sa kanya back-up plan ka lang. Huwag kang matakot na mawala ang mga taong in the end you will totally lose yourself.


                                   Lionel Richie - Stuck On You


Kung kailangan mo ng toothpick bibigyan kita para sundutin mo yang lalamunan mo at para isuka siya sa buhay mo. Lumayo ka sa mga taong nakakapanget. Ang mahal mahal ng Aztec clay at mga toner na nilalagay mo sa muka ee.Nagtitiyaga kang mag-apply ng ganyan gabi gabi para sa fresh na kinabukasan tapos ma-iistress ka lang. Pota naman. Give a break, have a kiat-kiat. 

Maglaaan ng space para sa mga taong karapat-dapat, sa mgabagong taong parating pa lang at maaaring magbigay buhay sa mga ugat mong hindi na dinadaluyan ng dugo. Hooray sa mga bagong karanasan. Ooohhh-lala!

Kasing-ikli lang ng sausage mo ang buhay kaya wag aksayahin ang enerhiya sa mga taong pansamantala lamang. "Energy can neither be created nor destroyed rather, it can only be transformed from one form to another." Ilaan na lamang ang emosyon at enerhiya sa mga taong kayang pantayan ang kaya nating ibigay. Maghintay ka na may mag alok sayo ng Milo para pantayan ang energy mong nagkukulang kung pagod ka na sa kaka callout ng pangalan mo kapag queing. Darating din yung taong mamahalin mo at mamahalin ka din sa paraan at posisyon na gusto mo. So you will never feel the need to chase or beg someone to stay.

Tangina malamig na yung kape ko! Bahala ka na. Basta.




Miyerkules, Enero 10, 2018

A Short Story: The Texting Era

'Delete message'


Bale, may ikekwento ako sa inyo tutal wala namang magawa ngayong Huwebes ng tanghali bukod sa nakakaboring na panahon nakakasawa na rin mag scroll ng mag scroll ng mga life events, selfies at kung anu ano pang ganap sa buhay nila sa Facebook. 

Noong early 2000's naging medyo seryoso ang problema ko sa social life. Dumadaan ang dalawang linggong wala man lang nagti-text sa akin. Hindi ko alam kung nasira ba yung pangkudkod daw ng yelong Motorola cellphone na may built in na antenna, tangina klasik ee. Oo binilang ko talaga 14 days akong yamot at lagi lang nakamasid sa selpon ko hinihintay na tumunog ang "Who let the dogs out" message alert tone. Nakakahiya man aminin pero kadalasan ginagamit ko lang ang selpon ko para sa alarm at calculator nito. Sa mga bihirang panahon na tumunog man ang message alert, kahit naka upo pa ko sa inidoro, iniiwan ko ito at sabik na babasahin na tila ito'y galing sa Santo Papa.

Pota tumunog, habang pa ispluk na yung jebs ko sa  tubig ng inidoro, "who...who....who...who who let the dogs out!", pinindot ko agad, pakshet network promo lang pala. Text A down para sa ganitong ring tone, text B para sa truetone and so on. P25 per download. Ah leche! ako pa gulangan niyo ha. Delete message. Stop alerts? P2.50 per sent yun a. Tangna! DELETE MESSAGE!

Delete message icon lang ang laging nagagamit sa selpon ko. Gayon man di ko pa rin iniisip na walang silbi ang gadget na ito sa akin dahil kahit papano ay meron naman.Inuubos ko na lang ang battery nito sa kakalaro ng paulit ulit na games para higitan ang sariling high score. Wala eh, yun lang ang pwede kong magawa. O di kaya makinig ng ring tones habang natutulog hanggang sa makatulog. Grabe ang lungkot talaga. Nag-eexpire lang ang load ko ng hindi ko nagagamit.Minsan nagsusubscribe ako sa unlimited texting kaso limang text lang naisesend. Dyahe na rin k asi mag forward ng mga chain messages e at kapag hindi ka daw nagpasa ay magbibigay ng sampung taon na bad luck. Matindi ee.

Ito na nga siguro yung bad luck.

                                    SANDWICH - Betamax [HQ AUDIO]


Marahil sa tindi ng pagkakalugmok, boredom, naengganyo akong subukan ang ipinangangalandakang UZZAP ads sa TV. Okay din naman. Nakakapag YM ako habang kumakain ng tenga ng daga sa kanto. Bigla nag full 360 degree turn ang aking text layp. Shet. Pati pag chat hindi ko na pinalampas.

Pero iba na talaga ang mga chatrooms ngayon maging sa cellophone. Aba, hindi pa ko nagkakapag hi at hellow, gud am o wats up, care to chat, sex text? at ipa bang papansin sa pagbagti e, inuunahan kaagad nila ako ng ASL, NASL please o di kaya MMS please. Ganun lang siguro para madali mong masasala ang trip mong ka chat/text base sa edad, kasarian at lokasyon. At syempre panlabas na anyo.

Pero mas mukhang gaganahan pa ko maglaro ulit ng paulit ulit na games ko. O magcompose ng ring tones, makinig ng ring tones bago matulog.

Nangayaw ako kaagad.

Akala ko napakabastos ko nang tao. Kahit anong mahalay na usapan sa chat kaya ko. Pero nung mag flash sa CP ko ang tanong na "MALAKI BA ANG TITI MO?"......

PUTANGINA!

LOG OFF!!

May konting hiya pa pala ako. Wala naman talaga akong maisasagot dun ee dahil hindi ko naman naisusukat. Hindi ko na nireplyan kung in inches ba ? o centimeters? dangkal? gagamit ng protractor panukat? pota ano yun korte ng cheese curls? pangkawit? mga ulol! Sana wholesome na mga tanong na lang. maaaring masagot ko pa. Gaya ng "ANONG SIZE NG PAA U?"

Secret! 

Basta!





Huwebes, Enero 4, 2018

Katarantanungan: Bakit ka Magugustuhan ng mga Girlies?

'Guidelines 2018 para sa mga boyet'

At dahil wala namang magawa ngayong Biyernes ng umaga bukod sa pag antay ng trak ng basura ay magsusulat na lang muna ako. Kakausapin na naman ang sarili, magmumuni muni para makagawa na naman ng isang piyesa na ako lang din naman ang magbabasa pagkatapos. Ang saya di ba? Pero bahala na malay mo naman may isang kaluluwang bibisita na puwedeng sumabay sa trip ko ng istilo ng pagsusulat. Malay niyo lang naman...

8:08AM  wala pa rin yung trak ng basura mukhang may Christmas hangover pa ang mga tropa. Kaya naman nagtanong si ermat kung saan daw ako pupunta:

"San ka punta? tapon basura?", ewan ko kung nagbibiro pero seryoso ang tinig. Natatawa ako ng palihim kahit alam kong seryoso siya sa tanong niya. Ang sabi ko antayin na lang natin at maya-maya pa ay darating na rin ang hahakot ng mga basurang nakaayos naman ngunit pinuputakte na ng langaw.

Tumungo ako ng kusina para magtimpla muli ng kape. Masuwerte naman at mainit pa ang tubig sa takure. Umuusok pa ang tubig sa init ng inilagay ko sa aking baso. Inalok ko si ermat kung gusto niyang ipagtimpla ko siya ng kape. Napangiti siya at narinig niya pala akong inaalok ko rin ang mga pusa at aso na tambay sa  kusina namin kung gusto rin nila ng kape. Likas na kasi sa akin ang kausapin ang mga hayop kahit nakatingin lang sila sa akin. Ewan ko baka siguro kapag nagsalita ang mga ito at pangaralan ako sa buhay ay ayos lang, eh di parang nasa cartoons na kame ng Family guy, meron na akong instant "Brian" the dog.

Putangina 9:47 AM wala pa rin yung trak ng basura.

Pumasok ako ng aking kwarto at nilapag ang umuusok sa init na kapeng itinimpla upang magising ang aking kamalayan. Napatingin ako sa aking dingding, ang ganda niya talaga, kahali-halina ang babaeng isang taon ko nang kasama sa aking kwarto. Seksi, maputi at dyosa ang kagandahan. Katulong ko siya sa araw-araw upang ipaalam niya sa aking kung anong araw na ba at kaagapay sa pagpapaalam kung anong araw papatak ang sweldo. Pinalitan ko na si Bb. Ellen Adarna at salamat sa isang taong pagpapaligaya pagtambay. Welcome 2018, Bb. Erich Gonzales!

10:25AM hindi na fresh yung basura. Asan na sila?

                                   Kailan Pa Man - Kevin Roy


Pero kung iisipin mo sa kagandahang taglay ng mga tsiks na yan, ano kaya yung hanap nila sa isang lalake? Bukod sa kargada ni John Lloyd? Bilang ako,bilang ikaw na lalakeng nagbabasa nito isang katarantanungang iiwan: Bakit ka Magugustuhan ng Isang Tsiks?

Maraming Pogi analyst ang nagsisilabasan para magbigay ng tips or guidelines para sa mga lalake tungkol sa kung pano mo malalaman kung gusto ka ng isang babae, pano ka magugustuhan ng isang babae etc. This time, para mas intense, subukan nating mag fact check sa ating mga sarili bago natin gawin ang mga mababanggit na tips. Tumingin ka sa salamin, huminga ng malalim, kausapin ang sarili, tanungin ang sarili, "Bakit nga ba ako magugustuhan ng isang babae?" Ito ay para maiwasan ang sablay na habit ng pag-aassume  o pagbibilang ng sisiw habang di pa napipisa ang itlog.

MAY ITSURA

Actually lahat naman ng nilalang ay may itsura, hindi ka naman ipinanganak na muka kang abstract painting. Hindi ka kaguwapuhan at di mo rin kasing katawan si Channing Tatum pero naman muka kang tao, may sense of fashion ka kahit papaano o marunong ka magdala kahit kaunti. Ikaw rin  yung taong may tunay na ngiti pang-Pepsodent. Gusto ng mga babae yung hindi pa cute at hindi masyadong maporma. Kung ikaw naman yung type na walang duda at gwapo kang talaga, mas okay kung simple ka lang. Wag mo masyadong ipangalandakan dahil hindi tungaw ang mga tao sa paligid mo, nakakita na rin sila ng  gwapo at tandaan na hindi lang ikaw ang gwapo sa mundo ang nagsusulat rin. Panatilihin ang tamang postura, makuntento sa kung anong itsura ang meron ka dahil at the end of the day, character pa rin ang mangingibabaw sa isip niya.

BE HUMBLE

Hindi dapat mala-bagyo ang mga banat mo at walang bahid na pagmamataas ang kilos at pananalita mo. Though hindi absolute na wala ka talagang kayabangan sa katawan, at least meron kang sapat na amount para maging confident ka pero hindi dapat too much confident.

Kung tanungin ka ng babae kung magkano bili mo ng iPhone X mo at ano ang mga features nito, sagutin mo ng maiksi at wag mo na pahabain pa or else magmumukha kang taga O-Shopping. Hindi ka salesman (unless salesman ka talaga). Kung may mga katangian at may possession ka nga naman talaga na kapansin pansin, sabihin mo sa kanya yun in a way na sapat lang para makilala ka niya at wag magmamalabis kung ayaw mong mamis-interpret niya ang pagkatao mo. Kadalasan kapag marami kang hangin sa katawan, nababawasan mo ang pagkakataon ng isang babae para siya naman ang magsalita at magpakilala. Iwas-iwas sa vulcanizing shop dapat sakto lang ang hangin sa katawan. Kapag ganoon, ang resulta, marami kang na-ishare na kayabangan pero halos pangalan lang ang natandaan mo sa kanya.

CONFIDENT

Marami nang shy type na kaluluwa ang naglipana sa mundong ito at wag ka na sanang dumagdag pa. Kung ano ang intensyon mo kay girlie, ipaalam mo na agad though hindi mo kailangang gawing literal sa lahat ng oras at lalong hindi kelangang sa paraang garapalan. Dito sa puntong ito papasok ang mga tips na nagkalat sa interwebs kung paano ipaalam sa isang babae ang nararamdaman mo. Kung nasa rookie stage ka ng pagkakataong ito, hindi ko inaadvise na magpaka-romantic ka na trying hard naman dahil baka magmukha ka lang ulol. Pero kung beterano ka na, ang kailangan mo na lang alamin ay kung anong istilo ang uubra. Basta tandaan na may gauge ang pasensya ng babae at alam nilang hindi sila ang dapat na gumawa ng first move. Kaya kung kasimbagal ng internet connection ng PLDT ang diskarte mo, halika sumali ka na lang sa aming kulto irerefer kita na taga sindi ng kandila sa tuwing oorasyunan ko ang modem ng PLDT para bumilis.

KWELA

Laging mong intensiyon na mapatawa siya pero di ka trying hard na gawin yun. Hindi sa pamamaraan ng paglulukos ng muka o mag make faces ka para patawanin siya, ano siya sanggol? Putangina! Ang kailangan mo ay sense of humor.

Sa unang conversation sa mga babae, mahalaga na mapangiti sila at kung mapatawa mo sila, ibang level ka na. Siguraduhin lang na kung magpapatawa ka ay hindi sa extent na magmumukha kang stand up comedian. Always make sure na hindi mako-compromise ang respeto niya niya sayo at mah ingat sa pagbitaw ng mga green jokes at baka masampal ka out of nowhere. Ayaw nila sa pervert.


NAG-IISIP

Hindi ka henyo, hindi ka katalinuhan at hindi ka rin kabobohan. Dapat sapat lang. Hindi ka man magkaroon ng mala Einstein na utak o kahit mala-Kuya Kim man lang, nakikita niya na gumagamit ka ng utak na nasasalamin sa kilos at pananalita mo.

Tandaan naiimpress ang mga tsiks sa matatalinong tao pero natuturnoff sila sa una pa lang pag nakakita na sila ng signs na hindi ka nila kayang kontrolin. Gusto rin ng mga babae ay yung mapagtatanungan nila tungkol saa mga hindi kalalimang bagay na mayroon ding hindi kalalimang sagot. Tangina kita mo si Eugene ng The Walking Dead kahit ganun siya katalino pota ang boring ng character niya. Gusto nila yung may praktikal na kasagutan na malinaw na mabe-visualize kesa sa mga mala E=mc2 ang mga response. Nagegets niyo ba?

Kakambal ng mga thinking na tao ang pagiging maunawain na needless to say ay tinitignan din ng mga babae sa mga lalaki ang pagiging pasensiyoso. At ayaw nila sa mga makikitid ang pag-iisip.

MAALALAHANIN.

Alam mo na ang ibig sabihin nito ay ang hindi palagiang pag check sa kanya at pag remind sa kanya ng mga bagay na obvious namang part na ng routine niya or else magmumuka kang AI o machine na nakaprogram para gawin yun. Katulad ng common na tanong: "Kumain ka na ba?" Pero alam mo kung kelan na dapat na alalahanin siya at iparamdam sa kanya na you're there, that you exist,  that you care.

Ang problema sa mga Pinoy, masabi lang na maalalahanin, nawawalan na ng sense of reality. Ang riyalidad ay -hindi kailangan ng mga babae na palagian silang itext o tawagan para lang ipaalam sa kanila ang ginagawa ng normal na tao o kaya'y ihnatid o sunduin sila palagi dahil wala na sila sa gradeschool. Tandaan magkaiba ang maalalahanin sa pabida, hindi ka si Jollibee na bida ang saya. Hindi masaya ang mga ganung gawain sana nagtayo ka na rin ng security agency kung lagi kang nakabantay baka isipin nila na masyado ka nang obsessed. Ang maalalahanin, tyumetyempo at sincere sa intensiyon, ang pabida, kahit kelan lang o sadyang palagian at gusto lang talaga magpapansin.

GALANTE.

Hindi ganun karami pera mo, hindi ka anak ng mayaman at lalong hindi ka anak ng corrupt na politiko. Gumagastos ka ng pera hindi para magyabang kundi para ilaan sa okasyong iyon na hindi na kelangan ng accountant para kwentahin ang mga nagastos mo. Dahil habang nakikita mong nag-eenjoy ang kasama mo at may sapat kang means para ituloy yun, go lang. Maaaring kuripot ka minsan pero alam mo kung kelan.

Isipin mo kung inaya mo siya ng date at pagdating sa venue ay ipinaalam mo sa kanya na KKB kayo. Hindi lang makapal ang mukha mo brad, ang tapang pa ng apog mo. Ang least na magagawa mo kung talagang short ka sa budget ay hintayin siyang mag initiate pero pota sana wag na umabot sa ganun, dahil naka focus ka sa date niyo, dapat nakahanda ang bulsa mo in the first place. Tandaan rin na may kusa ang mga girlie at ang iba sa kanila ay ayaw isipin na gold digger sila, bilmoko o namemera lang. Ngayon kung talagang rich kid ka, e hinay lang wag mo naman bilhin ang buong pagkatao ni ate...hindi siya for sale.

HARDWORKING

Alam mong bukod sa pakikipagrelasyon, may mga bagay pa sa mundong ito na dapat mong gawin at kung estudyante ka man o working person, nagsisikap ka para sa mga hangarin mo sa buhay. But not to the point na workaholic ka at wala ka na halos time. Hindi ka Korean businessman sa mga Koreanovelas na ang laging tema ay napapabayaan ang pag ibig dahil sa business. Iba pa ri n yung mayroon kang nakalaan na oras sa romantic interest mo  at lalo na sa official love partner.

Naaappreciate ng mga babae ang mga hardworking na tao dahil nakakaramdam sila ng security lalo na para sa future nila kapag ito ang naging partner nila. Hindi mo naman kailangang magpopopost sa Facebook na may business ka para ipagmayabang. Tandaan na hindi lahat ng babae nahahalina sa ganito. Kesyo magppopost ka ng mga quotes na tungkol sa pagiging hardworking mo. Ganito, ganyan pota nakakatawa na lang din minsan. Wala silang pakelam sa personal na oras o lakad mo kung saan tsong.Parang lumalabas lamang na kulang ka sa pansin kapag ganoon. Pero maraming hardworking na tao naman ang nagtatagal ang relasyon dahil kapwa nila naiintindihan ang mga sitwasyon niloa at kung hardworking din ang prospect mo, siguradong maaappreciate niya ng mas malalim ang mga efforts mo.

Ang lahat ng aking nabanggit ay pawang mga opinyon ko lamang at open for criticism.

At para naman mas maliwanagan ang ating mga boyet ay nagsurvey tayo sa mga chiks kung ano nga ba ang maaari nilang magustuhan sa isang lalake.




Ayan GABRIELA has spoken, siguro naman eh may napulot na diskarte ang ating mga kalalakihan kung ano talaga ang hinahanap hanap ng isang babae sa lalake. Pero kung bibigyan  mong pansin ang mga datos halos karamihan ay hanap ay may sense of humor, eto yung boyet na masarap kasama,  masaya makipagbiruan, joker at higit sa lahat mataas ang intelligent quotient. Hindi pa rin naman nawawala ang umaasa sa forever, ba't nga naman mawawalan ng pag-asa kung posible naman. At siyempre gusto nila yung mga lalakeng may yagballs, madiskarte, naeffort at kayang timbangin ang oras sa pamilya at trabaho. Eto nga marahil ang mga pantatag na pundasyon upang magkasundo sa relasyon ang mga lalake at babae.

And everybody wants to deserve that fresh-feeling kind of relationships at siyempre kapag nagtugma-tugma lahat ng kagustuhan ng isa't-isa, magiging masaya at masagana ang pagsasama at eto na ang susunod na destinasyon ng isang mag-irog.....

Ito ang ibig kong sabihin at mailalarawan sa kanta at bidyo na  ito. Gawin natin itong theme song sa post na  ito. Maraming salamat sa lahat ng partisipasyon at sa mga invisible readers  ko na nagbabasa. Magandang tanghali sa inyong lahat! :)


                          Eels - Fresh Feeling (Music Video)



11:11AM Tangina wala talagang trak ng basura! Malamig na rin ang kape. 


- End of topic -




Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads