Biyernes, Disyembre 20, 2019

9 Mornings of Misa De Gallo Day 5



'Born is the King of Israel 

🎶


Medyo napaaga me sa Day 5. Hindi po ako excited, sadyang napa-aga lang talaga. Hindi sumakit ang nagrarayuma kong tuhod kaya napapadyak ako ng mabilis. Plano ko na sanang i-advance ang mga natitira ko pang apat na misa para matapos na ang mga pagbabait-baitan na ito. Nag e effort naman ako tuwing pupunta ng church. Abot tenga ang ngiti, naka sapatos, nagpapa-autograph, mabango, kulang na lang ipampaligo ko yung cologne na kinuha ko ng hulugan. Aba'y malaking achievement na kung tutuusin. Naalala ko nuong kolehiyo, sinuhulan ko ang isang classmate na wag na ring pumasok sa Data Structure class namin dahil may recitation kami. Salamat at pumayag siya kapalit ang sampung pisong mani. Mukang hindi ko ata naipasa ang subject na yun. (naipasa ko ba? mukhang ilang retake ko ata ang subject...)

This time dahil maaga pa naman dumaan ako sa palibot ng plaza aba't nagulat ako kasi akala ko may pila ang mga kabataang 16 pababa para sa vaccination ng dengvaxia. Ang kapal na mga grupo ng kabataan ang aking nadatnan hindi para magsimbang gabi kung di magsimbang tabi. Yung para bang nag-aantay sila ng bus nila kasi may Field trip. Ewan ko lang sa mga kabataang ito kung ganito rin sila kaaga gumising sa kaniya-kaniya nilang mga klase sa eskuwelahan. Ang iba naman nabuhay talaga sa kanila yung memes ng mga kabataan na naglalabasan tuwing Simbang gabi.

Nakapwesto naman ako sa maayos na lugar na walang mga nagsisimbang lamok pero hindi talaga maiiwasan yung mga nagtsitsismisan lang. Ang misa naman ito ay pakanta ang psalmong tugunan kaya medyo humaba ng kaunti. Ang homily sa ikalimang araw ay ang pagpapaubaya natin sa Diyos ng kaniyang mga plano sa atin kung nagugulumihanan tayo sa nangyayari sa ating buhay ay kausapin natin siya sa pamamaraan ng taimtim na pagdarasal and let our faith give us the answer. Katulad na lamang noong binisita ng anghel ng Panginoon si Mama Mary para ipahayag na siya'y magkakaanak sa katauhan ng ating tagapagligtas na si Hesukristo, she humbly questioned God's plan. But after being reassured the God makes all things possible, she accepted them. Kaya tularan natin si Mama Mary if you're confused, talk to God at ikaw ay kaniyang pakikinggan. 

Lady Antebellum - 'The First Noel'

Maliwanag na sa simbahan at hindi ko alam kung tutuloy ba ako sa susunod na misa. May makakahalata kayang madaling-araw pa ako dun? Bibigyan ba ako ng special citation ng Santo Papa kapag umabot ang balita sa Roma? Meron ngang naglakas loob magtanong sa akin kahapon...

Nagtatanong: "Bakit ka ba nagsisimbang gabi?"

Ako: "Para matupad wish ko." (siyempre hindi ko sasabihin yung totoo kong dahilan para quick talk lang)

Nagtatanong: "Ano ba wish mo?"

Ako: "Ang makumpleto ang simbang gabi."

Nagtatanong: "Ha?"

Ako: *sabay padyak* (sa isip ko, "question and answer portion ka ghorl?")

Kitakits sa ika-anim. 

'Bago pumadyak pauwi take-ot muna ng Tapsilog sa Dongalo's Best'


1 komento: