'Ika-anim na araw na!' |
Sa ilang araw na pagsisimbang gabi ko di ko akalain na meron pa ring agam-agam sa aking pag-attend ng misang ito. Alam niyo ba, naging tukso sa akin kahit noon pa, na ako raw ay masusunog kapag nagsimba. Alam kong joke lang nila yun, kaya sabi ko, ha ha ha. Pero sa isip isip ko, bakit naman ako masusunog? Hindi lang ako nagsisimba noon pero hindi ibig sabihin nun ay masama na akong nilalang. Mas maitim pa ata ang budhi ng mga corrupt na politikong nakaupo ngayon sa gobyerno. Ewan ko ayoko namang maging mapanghusga. Tignan na lang natin sa afterlife.
Subalit hindi ko naman sila masisisi. Sa bawat pagkakataong ayain ako sa church, aba'y ang haba ng listahan ko ng mga rason kung bakit hindi ako makakapunta. Oo ma-drama talaga. Kaya siguro hindi ako pinagpapala. Ayos lang, ang sabi nga nila hanggat may buhay tayo ay pag-asa ang bawat isa. Huwag lang akong madudukot ng puting van at tanggalan ako ng lamang loob sasabihin ko sa kanila na hindi pa ako handang mamatay at kailangan ko pang gumawa ng mabuti para ma-cleanse ang aking ma-dramang soul.
Pero ayan! Hindi ako nasunog. Akala niyo siguro puro labas ng simbahan lang ako! Inantay ko talaga lahat ng taong lumabas para masolo ko si Lord! Siguro kung ako lang mag-isa mas maririnig niya ang mga buladas, reklamo at mga hinaing ko sa buhay. Kaya't mala-telenobela kong sinabi ang mga.... ang mga gusto kong sabihin. Sabi ko pa, sana pagbigyan niya pa rin ito kahit hindi ko makumpleto ang siyam na umaga. Inunahan ko na. Mahirap na.
Ang natutunan ko naman sa homily kaninang madaling araw ay maging gawi sana natin na pagkatiwalaan ang Diyos ang kanyang will kaysa sa maging doubtful tayo kanya. Thank Him for helping us not to fear and be grateful today in your loving arms. With God nothing is impossible katulad na lang ni Elizabeth na otsenta anyos na pala siya anoh, tapos nabiyayaan pa siya ng baby. Saan ka nakakita na 80 years old na lola na nagbubuntis? Again, with God walang kayang hindi gawin at walang imposible. Kaya sabi ko rin sa sarili ko na hindi imposible na matatapos ko itong Simbang gabi. Basta!
Corrinne May - 'Away in a Manger'
Pagkatapos naman ng misa ay naghanap muna ako ng mapaparadahan ng aking bisekleta para makijoin naman sa Imus orchestra sa aming plaza. Nairekord ko ang performance ng banda't kombo-kombo na ito pero tsaka ko na i-popost ang tagal kasing i-upload. Ang tinorotot nila ay ang kanta ni Adelle na "Hello" at yung romantikong kanta ni Frankie Vallie na "Can't take my eyes off you".
Nagkaroon din ako ng pagkakataon na magpapicture kay kuyang magtataho pero siyempre bumili muna ko sa kanya ng sampung pisong taho bago pagkaubos sabay hirit ng: "Kuya pa-picture naman oh."
'special credits to Kuyang magtataho' |
Hanggang sa ika-pito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento