'Napakasarap maging bata tuwing Pasko' |
Amoy ng bagong lagay na Downy at preskong-preskong umaga, yan ang sasalubong sa akin noon sa labas ng bahay. Malaki ang pagkakaiba ng lugar namin noon kumpara sa ngayon. Ang dating mahamog at malamig na umaga ay napalitan ng usok at nakakasulasok na amoy ng basura ngayon. Dadalhin kami ni ermats noon sa isang kainan malapit sa bahay ng aking tita, ito ay nasa gilid lamang ng kalsada. Napakalinis at murang-mura pa ang mga paninda gaya ng champurado, lugaw, sopas, pansit at lomi, yan ang mga pagpipilian sa menu at sa loob ng maraming taon ay hindi man lang ito nagbago. May mahabang upuan ito sa harapan at karamihan sa mga kumakain dito ay mga teenagers at mga bata, nagsilbing lugar ito upang iwanan ng mga magulang ang kanilang mga anak habang sila naman ay nasa malapit na tindahan upang makipagkwentuhan.
Madalas ko noon inoorder ang sopas, sapagkat napakasarap na sopas ang inihahain ni Aling Meding. Ang nagpapasarap dito ay ang lapot ng kanyang sabaw na mayroong gatas at hinaluan pa ng paborito kong sliced na hotdog. Hindi ganoon ang umubos ng pagkain na higit pa sa kayang ilaman ng sikmura ko at dahil nga mga bata pa kami noon ang isang order ay katumbas ng dalawang platong kanin. Hindi katulad ngayon (ehem). Kaya naman ang mga natitira ko ay pinapatake-out na lang ni nanay.
Murang bilihin, murang damit, murang pagkain, murang laruan. Yan ang kinalakihan kong panahon, simple at payak ang pamumuhay. Hindi pa uso ang mga gadgets, mga cellphones, social media at mga online games na unti-unting umuubos ng oras ng bawat isang nilalang sa kapanahunan ngayon.
Jose Mari Chan - Christmas Past
Lagi ko noon nakikita ang basang kalsada dahil sa mga labandera sa umaga, yan kasi ang libangan ng mga nanay pagkatapos sa kwentuhan sa gilid ng kalsada. Makikita mong nakalatag ang batyang parang tansan ang hugis at nakapatong dito yung kahoy na kuwadrado para kung sakaling may kailangang ibrush na damit ay dito ito ipinapatong. Amoy sabon sa paligid, hindi pa uso ang downy noon at sampaguita scent na bareta kaya amoy baretang pabrika ang mga damit at hanggang ngayon ay kumakapit pa sa alaala ko kung paano ko nilalanghap ang amoy ng bagong labang damit noong 1984. Ang usong bareta sa merkado ay Ajax, Mr.Clean at Tide.
Mapapansin mo sa umaga ang mga bangaw na nakapirme sa ere o kaya sa mga sampayan, animoy nageexercise habang nanonood sa mga ginagawa ng tao sa ibaba. Palatandaan ito na ang isang lugar ay malaprobinsiya pa dahil nakakatagal pa ang mga bangaw sa hangin at wala pang usok na nakakasulasok sa tao at maging sa hayop.
Madami pang puno noon sa aming bakuran gaya ng manga, chesa, niyog, gumamela, chico at bayabas. Tandang-tanda ko pa ang mga bangaw, ;angaw at lamok na nakasabit sa alambre ng mga sampayan, kukuha si lolo ng walis tingting at saka ihahampas sa nagkukumpulang langaw na animoy gustong-gusto ang usok ng iniihaw na barbeque para sa inonoche buena. Makikita mo ang mga langgam sa lupa sa tuwang-tuwa na animoy fiesta sa kanilangnayon dahil madaming pagkain ang nagsisilaglag mula sa lamesa.
December Avenue - Paskong Alaala
Parang kailan lang ang lahat, buhay na buhay pa rin ang alaala ng lumang panahon, ramdam ko pa ang lambot ng lupa mula sa aming bakuran, natatanaw ko pa sa aking pagkakapikit ang alaga kong si Doggie ang unang-una kong alaga sa amin sa San Andres, nakangiti at nagwawagwag siya ng kanyang buntot sa tuwing ako'y nakikita. Tandang tanda ko pa ang balon sa aming kapitbahay sa tuwing mag-aannounce ang MWSS na mawawalan ng tubig ay dito kami sa balon kumukuha ng aming panghugas at pampaligo. Nakatatak pa rin sa isipan ang mga laruang baril na yari pa sa kahoy at ang libangan ay jolen, teks, at mga tau-tauhan. Madalas kaming may laruan noon galing kay lolo mga simpleng regalo na mas mahalaga pa sa mga bagay na nabibili sa labas gaya ng yoyo.
Ngayong magpapasko kung saan madadagdagan na naman ang magagandang alaala kung saan pilit inuusad ang lumang kahapon at ilalagay sa kahon ng kalimot. Matiyaga kong ilalapat mula sa aking munting panulat upang kahit mawala man ako sa mundo ay masasabi ko na hindi naging malungkot ang kabataan ko kundi naging makabuluhan dahil sa mga taong bumubuo nito. Hindi na tayo bumabata ngunit sa bawat araw na dumadaan alam natin na ang pakiramdam na naging isang bata kung saan ang pangarap ay kasiyahan at ang kahalagahan ay pagpapahalaga.
Napakasarap maging bata tuwing pasko, kaya nga ayaw natin ito ipagdamot sa mga taong mahal natin. Gagawin ang lahat dahil masaya tayo kapag masaya din sila. Sa ganitong araw ng taon ko lang nararamdaman ang kasiyahan ng buhay hindi dahil sa regalo kundi alam ko na nandyan sila at naaalala pa rin nila ako. Sa ganitong araw ng taon ko rin gusto magbigay ng regalo hindi dahil sa gusto ko madagdagan ang mga luho nila kundi maipadama ko na nandito pa rin ako para sa kanila at nagbibigay ng tunay na pagmamahal at pagpapahalaga.
18 days before Christmas! Maligayang Pasko Sa Ating Lahat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento