'Napakasayang maging bata ulit tuwing Pasko, pero sa Pasko ng dekada nobenta' |
Natapos na ang Pasko pero siyempre yung Christmas vibes sa aming mga bata eh ramdam na ramdam pa rin at nag-uumapaw pa rin ang kasiyahan namin ng bisperas ng bagong taon. Feeling ko ay bondat na bondat pa rin ako kahit isang linggo na ang nakalipas na Noche Buena at eto na naman maghahanda na naman kami ng mga pagkain para sa Media Noche. Kainan na naman!
Isinama ako ni ermat at ng mga tita ko sa palengke at dahil wala pa naman gaanong laman ang bayong eh buong yabang ako na sinabi ko na ako na ang magbibitbit. First stop namin, sa isang tindahan ng mga good luck charms nariyan makikita mo ang isang pigurin ng chekwang pusa na kamay lang ang gumagalaw pero kung itong pusang ito ay magiging tao iisipin ko na siya si Henry Sy kasi muka siyang mayaman at nababalot sa ginto ang kanyang katawan. Meron din akong nakita na matabang Intsik din na pigurin na katulad kong bondat din ang tiyan na naka Indian seat at maraming batang bondatin din ang tiyan ang nakakandong sa kanya. Nakangiti ang mamang ito at mukha rin yayamanin at laging nakangisi. Habang sa lamesita ng nagtitndi ay animong may umuusok sa isang garapon na mahaba at kulay pula. Sabi ko kay nanay: "Nay, ano yun? (sabay turo sa garapon) Watusi ba yan? bakit po umuusok lang parang ang tahimik naman po ng watusi na yan?" Tinawanan lang ako ng aking nanay at sinabing iyon ay insenso na pantaboy daw ngmasasamang espiritu o mga negative vibes sa paligid. Kaya pala kami tumigil sa tindahan na iyon ay para bumili ng kalendaryo. Ang gandang kalendaryo matigas na plastik siya pero ang mga design na dragon ay parang 3D. Ang gara ng disenyo parang buhay na buhay ang mga dragon. Opo dragon po iyon, that was the Year of the Dragon ang susunod na taon, Circa 1988.
Band Aid - 'Do They Know It's Christmas Time'
Ang naaalala kong ipinamili nila ermat eh ang walang kamatayang manok pero this time iihawin naman kasabay ng paboritong kong hotdog na nirequest ko na ipaihaw na rin pero hindi talaga mawawala ang marshmallow kaya nagpabili din ako ng marshmallow sa kanila. Bumili sila ng juice para sa gagawing inumin sa punch bowl. At eto na nga biglaang lalabas na ang pinakakatago-tago na secret weapon ng mga nanay natin naglabasan na ang mga punch bowl na sa tuwing may special na okasyon lang lumalabas kasabay na ng magagarang baso at tasa na ngayon ko lang nakita at mga pinggan at platito na bago sa aking mga mata. Pero bago umalis ng palengke ay nagpabili ako ng dagdag na regalo sa kanya. Naispatan ko kasi sa isang stall ang isang laruan na gusto ko, yung baril na may balang pulbura. Alam ko alam niyo ito yung kulay pula ang bala na bilog na para talagang bumabaril. Sigurado ako kung uso pa ito ngayon eh maraming magiging batang uhugin na Patrolman Ricardo Dalisay sa kalye. Ayos talaga yung mga laruan noon simple lang pero rak!
'Sarap maglaro muli ng ganito' |
Unang linggo ng Disyembre noon habang nanonood kami ng Heredero ay may dumating kaming bisita, wow si Tito Boy! Ang ninong ko! Sabi ko shet mukang mapapaaga ang regalo ko. Nagmano agad ako sa kanya at bumati ng "Merry Christmas, Ninong! papasko ko po!" Ganyan talaga kasi kapag bata ka wala pang hiya-hiya, rekta kung rekta kahit hindi pa nakakaupo sa salas ang ninong eh nahingian ko na ng papasko. As usual, expected ko na naman na sa ilang taon consistent ang pagbibigay niya sa akin ng walang kamatayang Choc-nut. Yes! yes yo! isang box ng choc nut kahit lagi ko naman nabibili ng tingi sa tindahan ito okay lang na yun ang regalo ni ninong at least hindi na ako bibili ng tingi. May bitbit siya na dalawang malalaking bag binuksan niya ito at tumambad sa inaakala ko ang sandamukal na regalo. "Wow Ninong di mo naman sinabi na ikaw pala si Santa Klaus kahit buto't balat ka. Bakit ang dami niyo pong dalang mga regalo?" "Aba'y tangek" (puntong Bulakenyo) hindi regalo ang mga iyan. Mga paputok yan, tawagin mo ang nanay mo at baka gusto nilang umorder."
Joey Albert - Kumukutikutitap
Ito ang hanapbuhay ni Ninong noon ang magbenta ng paputok, sari-saring paputok mula sa pinakamahina hanggang sa pangmalakasan. Nariyan ang five star, super lolo, lolo thunder, og, labintador, crying cow, kwitis, lusis, ang paborito naming Roman candle, trompillo, sinturon ni hudas, sawa, fountain, watusi at kung anu-ano pa. Meron din siyang checklist ng mga paputok na hindi niya dala. Noon kasi hindi pa ipinagbabawal ang paputok kaya sagad sagaran ang ingay kapag bagong taon. Medyo lumala lang kasi ang sitwasyon paglipas ng panahon. Nariyan ang pagdami ng kaso ng sunog, mga napuputulan ng kamay, mga binabawian ng buhay dahil sa matinding sugat dulot ng mga delikadong paputok kaya ipinagbawal isama mo pa ang mga walang habas na nagpapaputok ng baril. Nagtagal ito at natigil lang at ipinagbawal na ang paggamit ng paputok kalagitnaan na ng 2000's.
Speaking nga pala ng napuputulan ng kamay unang linggo ng bagong taon huwag kayong mag-uulam ng longganisa lalo na kapag Sabado kasi siguradong mandidiri ka sa programa ni Kabayan Noli De Castro sa Magandang Gabi Bayan dahil ito ang kanyang episode. Ipinapakita dito ang tila mga longganisang daliri, kamay at paa ng mga naputukan. Talaga nga namang maliligo sa dugo ang mata mo sa panonood. Isa yang sa nagbibigay ng top rating sa Channel 2. Nakakamis ang mga ganitong programa ni Ka Noli eh.
Siakol - 'Maligayang Pasko'
Ibang-iba ang pagsalubong ng bagong taon noon masaya, maingay, wild, no holds-barred ewan ko na lang kung may masasamang espiritu pa ang matira sa araw na iyon sa ingay ng buong Pilipinas. Kung hindi lamang tayo siguro nagpabaya at kung may disiplina lamang tayo sa paggamit ng mga paputok na ito ay hindi siguro ito ipagbabawal. Pero dahil maraming karahasan ang nangyayari ay mabuti na nga lamang na torotot ko, torotot mo ang maghari ng ingay sa darating na bagong taon. Okay na rin yung magkakalampag ka ng mga timba at batya, itodo volume ang sounds, magsisigaw ka sa mikropono ng videoke, isigaw mo na ang gwapo-gwapo mo, ipagmalaki mo na malaki etits mo o kahit ano pang puwede mong ipagmalaki. Bahala ka sa buhay mo basta wag ka lang makakasakit ng kapwa mo. At siyempre hindi mawawala at biglaang naging tradisyon na natin nang umusbong ang social media ang ating walang kamatayan na mga "Year-end status". Tiyak yan tohl kaya ngayon pa lang umpisahan mo na magcompose.
Kasabay ng pagsalubong sa taong 2020 ay mag-aanim na taon na ang blog na ito. Ang wish ko lamang para sa inyo ay gawin niyo ang mga bagay na magpapasaya sa inyo dahil napakaikli lang ng mga buhay mga parekoy at pabilis naman ng pabilis ang panahon. Magmahal ka ng tapat. Huwag maging madamot, ibahagi ang makukuhang gantimpala at mga blessings sa Maykapal. Maging mabait sa mga hayop at higit sa lahat ay palagiang Magpasalamat, Magdasal, Magkaroon ng Takot at Humingi ng Kapatawaran sa ating mga pagkakasala sa Dakilang Lumikha.
Muli, mula sa blog na ito binabati ko po kayong lahat ng isang Masagana at Manigong Bagong Taon!
Happy 2020! Wish ko lang po sa Pasko ay sana i-like niyo po ang FB page ng blog na ito. Salamat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento