Miyerkules, Oktubre 22, 2025

Living In a Squatter's Area Tale: Multinational Gillage (Gilid-Gilid)

Hindi ko ikinakaila na tumira kami sa squatter's area

Masasabi kong nagsimula ang buhay adulting ko noong ako’y labing-anim na taong gulang —panahon ng pagkalito, ngunit panahon din ng pagtuklas.Dito ko unang nakilala ang bigat ng responsibilidad, ang lasa ng pagod, at ang halimuyak ng tagumpay kahit maliit lang. Dito ko natutunan ang lahat tungkol sa pagtanda —ang umasa sa sarili, ang bumangon kahit walang nagsasabing kaya mo, at ang ngumiti sa gitna ng pag-aalala. Dito ko unang naranasan ang stress na walang guro, ang mga gabing tahimik ngunit maingay ang isip, ang mga umagang puno ng tanong, kung tama pa ba ang landas na tinatahak ko. Dito ako huminga ng sariling hangin, lumabas mula sa pagkakulong sa kwarto, tinanggal ang mga pader ng takot at kabataan. Natuto akong tumunganga sa maghapon, hindi dahil sa katamaran, kundi dahil minsan, kailangan mong titigan ang kawalan para muling mahanap ang sarili. Natuto akong magluto ng sariling kakainin, kahit tuyo’t sinangag lang sa umaga, sapagkat may lasa ito ng kalayaan — kalayaang unti-unting niluluto sa bawat sandali. At sa bawat hakbang ng murang edad, natutunan kong ang pagtanda ay hindi lang numero, kundi tapang — tapang na tanggapin ang hirap, at tapang na ipagpatuloy ang laban, kahit walang kasiguruhan ang bukas.

Labing anin na taong gulang nang simulang mawalay sa aking mga kalaro sa kalye ng aking kinalakihan sa Tuazon Street, San Andres, Manila. Hindi lang sila nagsisilbing "kalaro" sa taguan pung, sa langit, lupa at impiyerno, sa mataya-taya at sa luksong baka. Sila'y aking mga kababata na sabay-sabay lumaki at nagkakakila-kila sa puno ng memorya ng aking mahal na kalye. Sa edad na ito, ako'y natutong maglaan ng luha sa unang pagkakataon sa aking alagang aso na naiwan mula sa aming lumang bahay. Mahal na mahal ko si Doggie ngunit hindi ko siya madadala sa tema ng lugar na aming nilipatan. Hanggang ngayon ay bakas ko ang mukha niya, ang mabagal na pagwagayway ng kanyang buntot, ang lumbay ng kilos ng kanyang katawan sa tuwing bibisita ako sa kanya sa pagbaba ng araw sa aming lumang tahanan sa San Andres. Tuwing matatapos ang aking klase ay dadaan muna sa lumang tahanan upang bisitahin ko siya, ang aking tiyahin ang nag-ampon sa kanya pansamantala. Ngunit ng mga nakaraang linggo ay hindi ko siya nabisita dahil na rin sa minsan ay gabi na ang labas sa eskuwelahan at mabilis na dumilim at ako'y babiyahe pa noon sa Paranaque. Dumating ang masamang balita na hindi ko inaasahan, pumanaw na ang pinakaunang asong aking inalagaan. Kahit ang mga hayop ay namamatay dahil sa kalungkutan kapag nawalay sila sa kanilang mga pinakamamahal. Dinamdam niya masyado ang aming pagkawala at ako'y suklam din sa aking sarili sa nangyari ngunit wala din naman akong magagawa. Mahirap ibiyahe at walang kasiguraduhan na mailalagay namin siya sa maayos na puwesto sa aming bahay sa loob ng squatter's area. Pero ang sabi nga nila tuloy lang ang buhay kahit iniyakan ko ang aking alagang aso ng ilang linggo rin baka ako nakausad sa kalungkutan at pagsisi sa sarili. 

Hindi ikinakaila na nakatikim akong manirahan sa squatter’s area, at hindi ko ito ikinakahiya —sapagkat sa bawat makipot na eskinita,
ay may tibok ng buhay na hindi kayang tumbasan ng ginto. Masarap manirahan dito, hindi dahil sa ginhawa, kundi dahil sa pakikipagkapwa —sa amoy ng bagong lutong tuyo sa kanto, sa hiyawan ng mga batang naglalaro ng tumbang preso, sa halakhakan ng mga ina habang naglalaba sa harap ng bahay. Ang kapitbahay ay totoong kapit-bahay —laging may tulong na inaabot, kahit walang sobra, laging may ngiti kahit kapos, at sa bawat unos ng buhay, sabay-sabay ang pagharap, sabay-sabay ang pagbangon. Dito, walang bakod ang puso, walang tarangkahang nagtatago ng luha o saya. Ang musika ay galing sa mga radyong de-baterya, ang ilaw minsan kandila, minsan lampara, ngunit ang liwanag —ay nagmumula sa malasakit ng isa’t isa. Oo, squatter’s area ang tawag nila, ngunit para sa akin, ito’y tahanan ng pag-asa, ng kwento ng pagbangon, ng mga pangarap na matitibay kahit gawa lamang sa pinagtagpi-tagping yero’t kahoy. Sapagkat sa gitna ng sikip, doon mo mararamdaman ang lawak ng pagkatao — na kahit kapos sa materyal na bagay, ay sagana sa puso, at mayaman sa pagkakaibigan, sa dangal, at sa pag-asang bukas ay magiging mas maaliwalas.

Ang basketball court na aming dinadayo tuwing Sabado ng umaga, back in the day hindi pa ito covered court

Tuloy ang aking buhay teenager, at masasabi kong ang bawat pintig nito ay may tunog ng bola sa lumang court — ang basketball ang tulay ng pagkakaibigan, ang wika ng aming kabataan. Hindi sa pagmamayabang, ngunit sa edad na iyon, ang lakas ng loob at talas ng mata ko sa bola ay naging sandigan ng aming barangay. Doon ako unang tinawag na “mahusay,” hindi dahil sa tropeo, kundi dahil sa mga palakpak ng tropa na kasabay kong tumatakbo sa alikabok ng hapon. Sa mabuhanging basketball court, doon namin itinayo ang aming mga pangarap — sa bawat hampas ng hangin mula sa bukid, hinihilamusan kami ng buhangin, at para bang may puting medyas ang aming mga tsinelas dahil sa alikabok na dumikit sa aming mga binti. Ngunit sino ba ang magrereklamo kung kapalit nito ay halakhakan, ang sigaw ng “shoot!” at “panalo!” sa gitna ng hapon na amoy pawis at araw. At oo — sa mga pustahan ng ice-tubig, RC Cola, at Pop Cola, hanggang sa mga barya na pinaghihirapan naming itaya, doon namin natutunan ang halagang higit sa panalo: ang saya ng sabayang sigawan, ang halakhak na walang halong yabang, ang pagkakaibigang nabubuo sa bawat tambol ng bola sa lupa.

Kapag tag-ulan, ang court ay tila swimming pool, at kami’y nagiging manlalaro ng alaala — tinitingnan ang mga alon ng tubig na parang linya ng pag-asa, naghihintay na matuyo bago muling sumubok. Pagdating ng Disyembre, kasabay ng paglamig ng hangin, bumabalik kami sa court na unti-unting natutuyo, at parang ritwal ng kabataan, bumabalik din ang sigla ng aming mga paa. Kapag naman kinakati ang mga katawan ng adrenaline, dumadayo kami sa court ng mayayaman — semento ang sahig, matibay, ngunit mas matibay ang loob naming mga taga-“gillage”, ang mga anak ng barong-barong sa gilid ng village. Walang covered court noon, ngunit ang langit ang aming bubong, ang araw ang aming ilaw, at ang ulan ang aming palakpak.Doon ko natutunang hindi sukatan ng galing ang yaman, at hindi hadlang ang putik o buhangin sa pangarap. Sapagkat sa bawat dribol ng bola, naririnig ko ang tibok ng pag-asa — na balang araw, kahit taga-“gillage” lang kami, makakalaro rin kami sa mas malaking court ng buhay.

Eraserheads - Minsan

Ito rin ang panahon na ramdam na ramdam ko ang adrenaline sa aking katawan —ang tibok ng puso kasabay ng tuldok ng bola sa semento, ang bawat hinga ay may ritmo ng kabataan, malaya, magaan, at puno ng sigla. Noon, kapag nakakauwi ako ng maaga mula sa Maynila, bago pa man mabasa ng tinta ng lapis ang aking mga takdang-aralin, ay naroon na ako sa court —bitbit ang pagod ng biyahe, ngunit handa pa ring sumabak, sapagkat para sa akin, ang bawat tira sa ring ay pahinga, ang bawat pasa ng bola ay kasiyahan. At tuwing Sabado ng madaling-araw, hindi pa sumisikat ang araw, ngunit gising na kami sa tawanan sa ilalim ng mga silong. “Jogging na!” ang sigaw sa bawat bahay, at sabay-sabay naming tinatahak ang kalsadang papunta sa court, habang may ambon ng lamig at hamog sa paligid. Tanda ko pa — may isang kalye sa village, ang tambayan ng mga aso. Pinilit naming makiraan, dahan-dahan, tahimik, ngunit nang may nagdribol pa ng bola — aba, pitong aso ang tumakbo sa amin! Doon na kami kumaripas ng takbo, ang sigawan, halakhakan, at kaba’y nagsanib sa hangin. Sabi nga namin noon, “Warm up pa lang ‘yon!”

At sa gitna ng hingal at tawanan, naroon ang tunay na saya — ang kabataang walang iniisip kundi ang laro, ang pagkakaibigan, at ang umagang nagsisimula pa lang mabuhay. Ganoon ang mga alaala na hanggang ngayon ay buhay sa isip — mga tagpong payak ngunit punô ng kulay, mga sandaling hindi na maibabalik, ngunit mananatiling masarap balik-balikan sa tuwing maririnig ko ang tunog ng bola, ang huni ng mga aso, at ang tawanan ng mga batang minsang naging kami.

Malapit kami sa terminal ng eroplano — ang NAIA International Airport, at masasabi kong lasap namin ang kakaibang himig ng pamumuhay sa ilalim ng langit na laging binabagtas ng bakal na ibon. Ang aming barangay ay tila daanan ng mga pangarap
mga eroplanong papaalis at paparating, mga kwentong lumilipad, habang kami’y nananatiling nakatingala. May mga sandaling hindi kami magkarinigan, sapagkat tinatakpan ng ugong ng eroplano ang bawat salita, tawa, at sigaw. Kaya kapag kailangan naming mag-usap, ay para kaming mga artista sa entablado — magsisigawan, tatawa, magbubulungan muli kapag tuluyang lumayo na ang tunog sa ulap.

Dito, sa mga masisikip na eskinita, nakaukit ang mga alaala ng aking teenager years— mga tawanan na umaalingawngaw sa pagitan ng pader, mga kwentuhang walang katapusan, na kahit paulit-ulit ay hindi nakakasawa. Dito nagrehistro ang aking pinakamasayang mga sandali, sa ilalim ng ilaw ng bumbilyang dilaw, sa tabi ng mga sari-saring tindahan, sa mabuhanging basketball court kung saan ang amoy ng pritong isda ay humahalo sa halakhak ng mga kapitbahay.

Ganito ang tanawin lagi kapag papasok sa school papuntang San Andres,  Manila

Ang aerial view ng aming lugar. My teenage years were here!

Ang ilog ng Purok 7 ay naihabi rin sa talataan ng aking buhay —parang isang pahina ng kabataan na amoy usok ng barbecue at tunog ng gitara sa dapithapon. Dito kami tumatambay tuwing Sabado, habang dumadaloy ang ilog, kasabay ng tawanan, tuksuhan, at mga kwentong walang hanggan. Sa tabi ng nag-aalab na uling, may mga palad na nagpipihit ng barbecue stick, may mga mata na kumikislap sa ilalim ng buwan, at may mga pusong nagiging tapat kapag tinamaan na ng lamig ng beer at lambing ng gabi. Ang pulutan ay sadyang simpleng pagkain — tenga, isaw, o kung anong kaya ng bulsa, ngunit kapag sinabayan ng kwentong paulit-ulit na rin naming narinig, ay nagiging handa ng alaala. Minsan may kumakanta, minsan may nagbibiro, minsan naman ay tahimik lang ang lahat,pinagmamasdan ang liwanag ng buwan na sumasalamin sa tubig ng ilog, tila ba nakikinig din sa aming mga kwento. Ang gitara ay hindi lang instrumento, ito’y parang tulay ng aming mga damdamin — bawat himig ay paalala ng kabataang walang inaalala kundi ang saya ng kasalukuyan. At sa bawat awitin, may kasamang buntong-hininga, sapagkat kahit di namin sinasabi, alam naming may mga gabi ring mawawala sa ganitong ginhawa. Sa ilalim ng bilog na buwan, ang ilog ay nagiging salamin ng pagkakaibigan — tahimik ngunit totoo, simple ngunit puno ng saysay. At habang ang alon ay marahang humahaplos sa pampang ng ilog, tila ba sinasabi nito:

ang kabataan ay parang ilog — dumadaloy,
hindi mo mapipigilan,
ngunit mananatili sa alaala ang bawat galaw ng alon ang saya.

Sa isang masayang komunidad, hindi rin nawawala ang mga trahedya — mga unos na dumarating nang walang paalam, mga patak ng ulan na pilit nating tinatanggap kahit basang-basa na ang puso sa pagod at pangungulila. Kaagapay ito ng buhay, oo, ngunit sa likod ng bawat bagyo, lagi ring dumarating ang pagtila ng ulan, ang paghawi ng ulap sa kalawakan, at ang pag-asa na muling sisikat ang araw. Dito ko unang naramdaman ang bigat ng pag-uwi, ang pagod na hindi lang sa katawan, kundi sa kaluluwa. Aalis ng umaga, bitbit ang pag-asang makauwi ng maluwalhati ngunit uuwi ng gabi, pagod na pagod, tila durog na ang mga buto sa siksikan ng LRT na parang lata ng sardinas — doon mo maririnig ang utot, buntong-hininga, at reklamo na sabay-sabay umaawit sa himig ng rush hour. Sa labas, naghihintay ang jeepney —ang sasakyang tila naging simbolo ng ating pakikibaka. Doon ko naranasan ang unang beses na sumabit, higpit ng kapit, bigat ng bag, at lakas ng loob na pilit kong hinugot mula sa kaba at pangangailangan. Ang mga kamay kong kumapit sa bakal ng estribo,ay tila kumapit din sa pag-asa na makauwi, makapagpahinga, makatulog kahit sandali. Bawat hinto ng jeep ay pansamantalang ginhawa, bawat andar ay muling laban, at sa bawat liko ng kalsada, naroon ang ritmo ng kabataang pinipilit maging matatag. Trapik man sa labas, trapik man sa isip, patuloy pa rin ang pag-ikot ng mundo — at ako, isang estudyanteng nilamon ng biyahe, ay natutong magpasalamat kahit sa munting pagkakataong nakaupo, nakahinga, o nakauwi nang buo.

Ganyan ang mga huling araw ng high school ko — pagod, pawis, at dasal ang puhunan, at bawat gabi ay parang gantimpala sa isang araw na muling natapos. Araw-araw na ginawa ng Diyos, iyon ang buhay na nagpatatag sa akin — ang mga gabi ng uhaw, gutom, at trapik,
ay siyang naglatag ng daan patungo sa panibagong umaga ng aking pagkatao.

May mga katatakutang masarap alalahanin, mga kuwentong bumabalik sa tuwing bilog ang buwan —mga gabi ng kilabot at kilig,
na may halong tawa, takot, at sigaw ng mga batang nanonood sa dilim. Sabi nila, may aswang daw noong gabing iyon, tumatalon-talon sa mga bubungan ng barong-barong, parang aninong hinahabol ng buwan, parang bangungot na may pakpak sa katahimikan ng gabi. Nagkagulo raw ang mga tao — may mga nagsisigawan, may dalang sulo, at ang mga yapak sa sementong daan ay tila tugtog ng pelikula.Ngunit, gaya ng lahat ng alamat, ang nilalang ay nawala sa kawalan — iniwan kaming lahat na gising, nakatingin sa kisame, nakikinig sa tibok ng dibdib.

Kung ilalarawan ko ang aming komunidad, ito’y isang labirint ng buhay at alamat — makikitid na eskinita, magkakahilerang barong-barong, at sa dulo, isang malawak na damuhan, kung saan nakatayo ang basketball court na buhanginan, ang aming entablado ng tawa, laro, at minsan — takot. Sa likod nito, naroon ang mga taniman ng gulay, at sa gilid, ang daang sementong parallel na tila bang nag-uugnay sa ilog at sa mga kwento ng aming pagkabata. Doon nila raw nakita ang aswang na lumundag — mula bubong hanggang bubong,
habang ang hangin ay humahampas ng lamig at hiwaga. At kami namang mga bata noon, ay tuwang-tuwang natatakot. Lalo na kapag Undas, at si Kabayan Noli De Castro ay nagsisimula na sa “Magandang Gabi Bayan.” Ang bawat kwento niya ay parang buhay na anino na dumadaan sa likod ng aming mga isipan. Kaya kapag nautusan kang bumili ng Lucky Me Supreme sa kalagitnaan ng programa —ay para kang sundalong papasok sa gubat ng dilim. Sa daan papunta kay Aling Puring, madaraanan mo ang hanay ng mga kawayan na sa lakas ng hangin ay tila nananaghoy sa gabi, umiiyak, may naninitsit at may  humuhuni, parang tinig ng mga kaluluwang gising sa dilim. At ako, batang takot ngunit matapang sa gutom, ay tatakbo nang walang lingon-lingon, hanggang marating ang tindahan at makauwi, hingal, pawis, ngunit buhay pa rin — at may bitbit na kwento para sa susunod na gabi ng takutan.

Sa ganitong mga gabi ko natutunang mahalin ang aming lugar — sapagkat sa bawat anino, may tawa;sa bawat takot, may tapang;at sa bawat alamat, may alaalanghindi kailanman mawawala sa ilaw ng bilog na buwan.

Ang tanging maiiwan ko na lamang ay isang pag-alala, isang pagbati mula sa puso —isang shoutout sa mga kalaro kong minsan kong tinuring na mga kapatid sa kalsada. Kay Toto Cometa, na tila hangin kung tumakbo; kay Richard at Ryan, na laging may birong kasunod ng bawat pasa; kay Boy Negro, na palaging unang sumisigaw ng “ball’s life!” tuwing hapon; kay Tisoy, Rico, Buboy, Rommel, at Fernan, mga kakamping minsang kalaban, mga kasama sa pawis, sa tawa, sa pagdapa sa mabuhanging court ng ating kabataan. Hindi ko rin malilimutan sina Tawe at Dudong, mga haligi ng ating laro, mga tagahila ng tawanan. Sa inyo na mga hindi ko na maalala ang mga ngalan, at sa mga maagang lumisan, nawa’y maging payapa ang inyong mga kaluluwa — sapagkat sa bawat pintig ng bola, sa bawat tunog ng tsinelas na humahalik sa alikabok, ay naroroon pa rin kayo — buhay sa alaala.

Hindi ko na alam kung saan kayo dinala ng agos ng buhay, ngunit ang tanging hiling ko, ay sana’y masaya kayo, masagana, at nasa tamang landas. At kung sakaling muling magtagpo ang ating mga landas, baka sakaling maibalik natin ang sigla ng dating laro —
ang sigaw ng mga bata, ang hampas ng hangin sa damuhan, at ang mga ngiti ng kabataan na walang iniisip kundi ang makaiskor bago lumubog ang araw

Buhay Skuwater

Nilisan ko ang Parañaque eksaktong taong 2000, ang petsang naglagay ng tuldok sa kabanata ng aking kabataan. Pangalawang beses na lumipat —bahay, kabuhayan, at direksyon ng buhay. Ngunit kailanman, hindi naging madali ang muling pag-alis sa mga taong tapat makisama, sa mga tawanan sa kanto, at sa mga gabing puno ng kwentuhan sa ilalim ng poste ng ilaw. Gusto ng aking ama na lumipat kami sa Cavite, sa isang subdivision kung saan daw mas tahimik ang paligid, kung saan daw mas maganda ang bukas. At doon ko unang natikman ang pait ng paalam — ang bigat ng pagtalikod sa kalyeng naging tahanan, sa mga mukhang nakasanayan, at sa mga tinig na parang musika ng kabataan.

Isang taon, dalawa, bumabalik-balik pa rin ako sa Parañaque — sa tuwing may paliga, sa tuwing nananabik ang puso sa hampas ng bola,
sa asaran, at sa putik ng mabuhanging court na dati naming tinatawag na mundo. Ngunit gaya ng lahat ng bagay, dumating din ang pagiging abala ng kolehiyo, ang paglayo ng mga landas, ang pagkaputol ng mga komunikasyon, hanggang sa maging alaala na lang ang dating tahanan. Pagbalik ko noong 2022, hindi ko na halos makilala ang aming lugar —ang mga eskinita’y masikip pa rin ngunit tahimik,ang mga tindahan, bago na ang mga pangalan, at ang mga dating tambayan, napalitan ng mga gusali at bakod ng bagong panahon.Ang aking mga katoto, may kanya-kanya nang pamilya, anak, at pangarap, at ang aming mga tawanan noon ay napalitan ng ingay ng mga batang ngayo’y sila na ang naglalaro. 

Doon natapos ang buhay naming teenagers —hindi sa isang sigaw ng huling laban, kundi sa marahang paglipas ng panahon. At sa bawat alon ng alaala, dala ko pa rin ang amoy ng hangin ng Parañaque, ang ugong ng eroplano sa gabi, at ang mga ngiting minsang naging kabahagi ng aking kabataan. Sapagkat minsan, ang pag-alis ay hindi pagtatapos, kundi pagpapatuloy ng alaala na mananatiling buhay sa bawat tibok ng puso kahit saan dalhin ng hangin ng buhay.

Sa dulo ng lahat, masasabi kong ang pamumuhay sa squatter’s area ay hindi kwento ng kahirapan lamang — ito’y tula ng katatagan, ng mga pusong marunong ngumiti kahit walang marangyang umaga. Dito ko natutunang ang yaman ay hindi laging nakikita, sapagkat minsan, ito’y naririnig sa tawanan ng mga kapitbahay, nalalasahan sa sabay-sabay na hapunan, at nararamdaman sa kamay na handang tumulong kahit walang sobra. Ang mga makitid na daan, ang mga bubong na tagpi-tagpi, ay naging mga pahina ng aking alaala — doon ko natutong mangarap, bumangon, at manampalataya. Sapagkat sa bawat patak ng ulan sa yero, sa bawat sigaw ng mga batang naglalaro, at sa bawat liwanag ng kandilang nagiging ilaw ng gabi, nandoon ang mensahe ng buhay: na kahit gaano kasikip ang daan, palaging may espasyo para sa pag-asa. At kapag muli kong binalikan ang lugar na iyon, ngingiti ako — hindi sa awa, kundi sa paggalang, sapagkat doon, sa gitna ng gulo at ingay, ko unang natutunang maging tunay na buhay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...