Sabado, Oktubre 4, 2025

Naki Pista sa Capiz


Minsan kapag walang magawa ay nakakapagsulat rin ako ng mga kwentong katatakutan sa aking mga malilikot na imahinasyon lalo na kapag tahimik ang kapaligiran. Gustong gusto ko rin talagang maging story teller ng mga horror stories. May mga personal stories din kasi ako na tungkol sa mga hindi maipaliwanag na bagay, mga panaginip na lang mapapaigtad sa pagkakatulog at paggising ay mabilis ang tibok ng puso at sobrang hingil. Itong kwento na aking nagawa ay tungkol sa magkaibigan magka business partner sa Maynila at magkaiba ang ugali, isang pilyo, walang respeto at mayabang at ang isa ay marespeto at madisiplina. Naglakbay sila sa probinsiya upang bisitahin ang lola ni Ramil upang i-claim ang lupang ipinaman ng kanyang lola para ipambayad sa atraso nila sa isang sindikato sapagkat kapag hindi nila ito nabayaran ay manganganib ang kanilang buhay. Dumating sila sa barrio, tatlong araw bago ang fiesta at marami silang nakilalang personalidad ngunit naglagay sa kapahamakan ng kanilang buhay at habang buhat na pagsisisi ng isa sa mga binata. Tunghayan natin ang kwento tungkol sa mga binatang... "Naki Pista sa Capiz"


Magkababata sina Ramil at Joey. Si Ramil, pilyo, bastos, at walang galang; si Joey nama’y kabaligtaran—magalang, mabait, at marunong rumespeto sa nakatatanda. Nagpatakbo sila ng maliit na negosyo sa Maynila ngunit ito’y nalugi. Sa kagustuhang makabangon, umutang sila sa sindikato na pinamumunuan ng isang kilabot na lalaki na si Dodong.

Ngunit dumating ang araw ng bayaran at wala silang maibayad. Takot ang bumalot sa kanila—kapag hindi sila nakapagbayad, tiyak na papatayin sila ni Dodong at ng kanyang mga tauhan. Dahil dito, napilitan silang bumalik sa probinsya ng lola ni Ramil, sa Capiz, umaasang matutupad ang pangakong pamana ng lupa.

Nagulat si Lola Fidela nang makita ang apo at si Joey, sapagkat hindi nagpaalam ang mga ito. Sakto pa na tatlong araw na lang at fiesta na sa baryo. Ipinakilala niya ang kanyang apo sa mga taga-baryo at sa kasapi ng samahang kanyang kinabibilangan, ang Samahan ng Puting Krus.

Lahat ng kasapi ay nakaputi, may simpleng anyo, at medyo jologs ang dating. Natawa nang todo si Ramil, nilibak pa ang kanilang kasuotan. Nagalit ang lider ng samahan na si Mang Eladio, isang matandang may matalim na titig, at pinagsabihan si Ramil:

“Diri niyo lugar, dong. Respetohon mo kami kay wala ka sa inyong balay.”

Hindi ito pinansin ni Ramil at patuloy ang kanyang kayabangan.

Isang araw, ipinakilala ni Mang Eladio ang kanyang anak, si Althea—isang magandang dalaga, mahinhin, at tila inosente. Agad itong niligawan ni Ramil, hindi dahil sa tunay na pagmamahal, kundi dahil sa kanyang malisyosong hangarin.

Habang namamasyal sina Ramil at Joey sa baryo, nasalubong nila si Althea. Inanyayahan sila ng dalaga na ipasyal sa dagat at bundok. Nang tanghalian, niyaya ni Ramil na sa kanilang bahay na kumain. Dahil wala si Lola Fidela, siya raw ang magluluto.

Ngunit may masama siyang balak. Nilagyan niya ng pampatulog ang pagkain nina Joey at Althea. Pagbagsak ng dalaga, isinakatuparan niya ang kanyang mabigat na kasalanan—hinalay niya ito.

Pagkatapos, nakakita siya ng baboy ramong umiikot sa kubo. Sa halip na alalahanin ang kanyang krimen, tinaga niya ito upang gawing handa sa fiesta. Ngunit mabilis ang baboy ramo; sugatan man, nakatakas ito. Pagbalik niya, wala na si Althea.

Natakot si Ramil—baka magsumbong ang dalaga sa ama nitong si Mang Eladio. Ikinumpisal niya ang lahat kay Joey. Nagalit si Joey at halos suntukin siya. Humingi ng tawad si Ramil, bagaman huli na ang lahat.

Kinagabihan, may tumawag sa kanila, nagyaya na mangahoy para sa fiesta. Sumama sila ngunit inatake at hinampas sa ulo. Paggising nila, nakagapos sila sa isang lumang bahay sa gitna ng kagubatan.

Marilyn Manson - Sweet Dreams (Are Made of This)

Dumating si Lola Fidela, luhaan at puno ng takot. Inamin niya ang katotohanan: si Mang Eladio at ang kanyang anak na si Althea ay mga aswang. Natututo silang magpigil ng kanilang pagkagutom, ngunit ang asawa ni Mang Eladio ay isang malupit na halimaw—at sa tuwing fiesta, kailangang mag-alay ng tao para makakain ito.

Ang baboy ramong muntik nang mapatay ni Ramil ay walang iba kundi ang asawa ni Mang Eladio, isang aswang na nagbabalatkayo.

“Hindi ko kayang ipahamak ang apo ko,” wika ni Lola Fidela. Pinalaya niya sina Ramil at Joey, ngunit pagbukas ng pinto, naroon na si Mang Eladio at Althea.

“Sabi ko na nga ba, Fidela. Hindi mo kayang tiisin ang apo mo. Sila ang iaalay ko sa aking asawa ngayong fiesta.”

Sa isang iglap, nagbago ang anyo ng mag-ama—nagkulay abo ang balat, naglabasan ang matatalas na pangil, humaba ang kanilang kuko, at nanlilisik ang kanilang pulang mga mata.

Sinabuyan sila ni Lola Fidela ng asin at pinatakbo ang dalawang binata. Binigyan niya si Ramil ng papel—ang titulo ng lupa at may kalakip na pera.

“Tumakas na kayo! Habang mahina pa sila!” sigaw ng matanda.

Ngunit nagmatigas si Ramil, ayaw iwan ang kanyang lola. “Ako ang may kasalanan! Ako ang dahilan nito!” Humagulhol siya ngunit hinila na siya ni Joey. Sa huling tingin, nakita niya ang kanyang lola na nilalapa ng mga aswang.

Nakatakas ang dalawa, nakarating sa terminal, at nakauwi sa Maynila. Pagkalipas ng ilang araw, pinuntahan nila ang address sa papel at natuklasan ang malaking perang iniwan ni Lola Fidela. Ang lupa, iniwan na lamang ni Ramil, sapagkat iyon ay nasa lupain ng mga aswang.

Samantala, nabisto ng mga pulis si Dodong at ang kanyang sindikato; nakakulong na ito at wala na silang inaalalang utang.

Nagpasyang baguhin ni Ramil ang kanyang sarili. Naging katuwang muli niya si Joey sa negosyo, at kalahati ng kinita’y binigay niya bilang bayad sa kaibigang nadamay sa kanyang kasalanan. Ngunit sa kanyang gabi-gabing panaginip, patuloy na bumabalik sa kanya ang imahe ng kanyang lolang nilalapa ng mga aswang—at ang mga matang pula ni Althea na tila nanonood pa rin sa kanya, naghihintay ng susunod na fiesta.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...