Eh di apat na araw na lang pala, Valentine's Day na pala ulit. K. Noted. Mag-enjoy ang kung sinong gustong mag-enjoy.
Isa ka ba sa tingin mo na dadapuan ng negatibong enerhiya pagdating ng araw na ito? Ewan ko ha, hindi naman siguro ganoon kaispesyal ang araw na ito. Hindi naman siguro ang lahat ay forte nila ang makahanap ng love life, di ba? Ang panget kaya nun, ipipilit at isisingit lang para makahabol sa itinakdang Araw ng mga Puso? Eh bakit kapag malapit na ang November 1, walang nagpipilit humabol? Hindi bitter ang nagsusulat. Yan ay sadyang biro lamang. Para daw sa malulungkot na single, ang tawag daw sa araw na ito ay S.A.D. Ang lupit din nila makaisip, noh, pati ba naman sa akronim, negatibo pa rin. Binigyan nila ito ng kahulugan. Ang bawat letra ng SAD ay Singles' Awareness Day. Pero sa mga walang pakialam, ang tawag dito ay Sunday o puwede ring sabihing Church day. True enough naman.
Aminin na natin, sabi nga noon sa patalastas ng Sprite, "Magpakatotoo ka, sister." Magpakatotoo na nga tayo, mga girlie at boyet. Ang Valentine's Day ay araw ng mga nagmamahalang magkasintahan at magsing-irog. Pero lagyan natin ng tandang pananong yung nagmamahalan kasi di naman tayo sigurado kung nagmamahalan nga ba talaga. Ito ang araw kung saan magde-date ang mag-jowa, magre-regaluhan sila siyempre nang bongga, mag-check-in sa logo ng babaeng animoy, sinasabing huwag kang maingay at may nagaanuhan dito, manonood ng sine , tapos mag-momol sa loob, maglalampungan na parang mga pusa sa bubungan, maglalandian sa park (mostly Luneta Park). Huwag na tayong maging magalang at sensitive at sabihing ang araw na ito ay "para sa lahat". Hindi namin kailangan ng "sugar coatings" at mga "polite" statements. Kung para sa lahat ’yan, sige, isama niyo kami lahat doon sa babaeng may logo na nangungusap na huwag mag-ingay. Simple lang naman, Valentine's Day is for lovers. Pero kung single ka wala na tayong magagawa diyan, ang tanging puwede mo na lang gawin ay magluto ng may kinalaman sa ampalaya. At kung gusto mo talagang maging villain sa araw na ito at imbes na tirikan mo ng kandila ang pugot na ulo ni San Valentino ay puwede natin iyan gawan ng paraan. Kaya dito sa ubas na may cyanide, narito ang ilang mga tips on how to be a better bitter ngayong darating na Valentine's Day.
1. Kung meron kang friend na single din, yayain mo siya sa tahimik na lugar. Pinaka-the best na siguro ang sementeryo at wala nang mas tatahimik pa doon. Pumikit kayong dalawa hawakan ang kanyang kamay at sabay bigkasin: "Hindi tayo malulungkot friend, hindi tayo malulungkot, maraming nagmamahal sa atin kahit wala tayong jowa." Ulit-ulitin hanggang magsawa. Huwag hayaang tumulo ang luha.
2. Maghanap ng itim na karatula at ng panulat na pula at ilagay ang mensaheng: "Walang forever". Magsuot ng nakakatakot na maskara at maglibot sa mall hawak ang karatulang itim.
3. I-report, i-block, at i-unfriend ang kahit sinong magpo-post ng tsokalate, rosas, holding hands, picture o video na galawan ay breezy o kahit anong may kaugnayan sa Valentine's Day.
4. Manood na lang ng mga nakakatawang reels maghapon at i-skip ang reels na alam mong may kaugnayan sa v-day. Tips on funny reels, search the keyword "mas gentle pa sa tomi."
5. Sa mga parke at malls, kapag nakakita ng dalawang magkasintahang nakasuot ng couple shirt, lumapit at sa harap nila dahan-dahang mag-slow clap habang sinasambit ang mga katagang: "Balang araw gagawin niyo rin namang basahan 'yan. Maghihiwalay din kayo." Kailangan tirik ang mata at namumula para pagkamalan ka nilang may saltik para hindi ka nila patulan, at habang sinasambit ito ay parang nagdedeklara ng isang propesiya. Pagkatapos masambit, bigyan sila ng isang makapanindig balahibo na sinister laughs.
6. Idaan na lang sa kain. Kumain nang kumain at irehistro sa isipan na kahit single ka, busog ka naman.
7. Iwasan magdownload ng romantic movies. O kaya manood ng sine na may kinalaman sa kalandian tuwing Valentine's. Humanap ng mas may thrill na pelikula, yung tipong tatakbo ang adrenaline rush sa katawan. Puwedeng manood ng Final Destination sa araw ng Valentines. Simulan mo from the beginning hanggang Final Destination 5. O kung mas gusto mo pa ng mas hardcore, simulan mo sa Saw 1 hanggang Saw 5, tutal kulay pula naman ang Valentines, di ba?
8. Itatak sa isipan na mahal ang bulaklak, at least safe ang bulsa mo at exempted ka sa pagbili.
9. Kumaen ng maraming mamahaling tsokolate, ipost sa Facebook at Instagram at lagyan ng caption: "Let's eat chocolates for no reason at all." Solo mo na, busog ka pa.
10. Okay lang kumain mag-isa. Okay lang manood ng sine mag-isa. Hayaan mong may mag-picture sa'yo at i-post ka sa Facebook o Threads, kasi alam mo, sa kanila babalik ang bashing ng tao kasi nilagyan ka ng caption na "Si Kuya, kawawa naman kumakain mag-isa". Siguro ako magba-backfire 'yang post na 'yan doon sa author ng post. Kung ikaw naman ang magpo-post, huwag kang maglagay ng caption na: "Mas masaya pala mag-isa." Sigurado ako na ikaw ang mababash sa sobrang cringe at KSP ng dating mo.
11. If you cannot beat them, join them. Mag-post ka ng: "HAPPY VALENTINE'S DAY!!" na all caps, para malito sila kung excited ka ba or galit ka. Alam kong masakit pero hinay lang. Ang subtle bitterness ang pnaka epektibo. Sa loob ng jeep, bumuntong-hinga ka, sabay sambit, "February 14 na pala kaya trapik," sundan ulit ng buntong-hininga. Emotional damage pero tahimik lang.
12. Itatak sa isipan na hindi lahat ng mag-jowa ay masaya. May mga nagpo-post ng flowers na kagabi lang nag-away. May mga may chocolate na may kasamang trauma at yung binigyan, sariwa pa ang black eye. So habang naiinggit ka, tandaan mo: Hindi lahat ng may Valentine ay may peace of mind. Ikaw single, pero payapa.
Kaya tandaan ang pagiging single ay hindi kapansanan o kamalasan sa buhay, sumpa o malubhang sakit. Ang pag-ibig ay may sariling oras ng pag-landing, parang sweldo lang 'yan. Pero hindi siya lumanding sa oras na inaasahan mo. Ang wagas na pag-ibig ay may sariling time frame na sinusunod at nililok ng tadhana para sa'yo at sa'yo lamang. Kaya't huwag magmadali at huwag maging suicidal, huwag magpahulog sa simpleng atraksiyon, huwag mag-wing rush hour ang pagkahulog sa kung kanino mo gustong ilaan ang puso mo na hindi naman para sa'yo talaga. Kung darating sa'yo 'yan, antay lang ng timing, tohl, uukol at bubukol naman 'yan kung siya ba talaga ay nakatadhana para sa'yo. Isipin mo na lang na isa itong masterpiece na pinatatag ng panahon, at kung darating na ang panahon na iyon at itinakda na ng tadhana, walang kung sinuman ang makakapigil nito. At nasa inyo na ang pagkakataon na iyon kung paano niyo pangangalagaan at poprotektahan ang pag-ibig na wagas na itinakda ng Maykapal.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento