![]() |
| ♫ 'I'm here without you, baby.'♫ |
Sa dahan-dahang pagmulat ng aking mga mata sa higaan na naging saksi sa mahabang gabi, muling sumisingit ang pakiramdam ng kawalan—na wala ka sa aking tabi, na ikaw ay malayo. Nariyan sa’yo ang buwan at mga bituin, samantalang ako’y sinisinagan ng matinding sikat ng araw mula sa aking bintana. Ang almusal na aking kinakain ay hapunan mo na.
Ang totoo, nakakapagod na. Mas nangingibabaw ang sakit sa dibdib kaysa sa tila impiyernong kirot na bumabalot sa aking likod. Ako’y pagod na, at tila dumating na ako sa puntong kailangan kong pumili—ipagpapatuloy ko pa ba ito, o mananatili na lamang diyan, sa piling mo. Ngunit higit pang masakit kaysa sa isang malubhang karamdaman ang katotohanang sa bawat pagkakataon, hindi ikaw ang aking pinipili. Gayunman, ikaw rin ang paulit-ulit kong nagiging lunas. Sa kabila ng lahat, tinatanggap mo pa rin ang aking mga pasya, sapagkat nauunawaan mong kailangan kong gawin ito para sa aking pamilya at para sa kinabukasan nating dalawa. Isangdaan at isang beses kitang tinanong kung kaya mo pa ba, kung napapagod ka na—ngunit paulit-ulit mo pa ring ibinabalik sa akin ang iisang sagot: “kayang-kaya.”
Pero tama ka rin naman eh. Masaya na tayo sa simpleng Sweet Corn at Vinegar Pusit na nabibili natin sa tindahan ni Aling Meding sa halagang tigpipispo. Malas lang kapag may nahalong tatlong piraso lang ang laman. Minsan, Cheepee lang talaga ang katapat mo at Boogeyman Crunch ang sa akin. Tanggap na natin na tatlong beses sa isang taon lang tayo manood ng sine. Eh kasi may torrent naman di ba? Masaya na tayo sa pa-torrent-torrent lang. Pero mangiyak ngiyak tayong dalawa nung nawala ang Piratebay pero buti na lang at nasagip tayo ng Kickass. Palihim akong aakyat sa puno ng niyog na diresto sa bintana niyo at duon ang entrance ko papasok sa kwarto mo para manood ng mga dinownload natin. Nakatalukbong tayo ng kumot habang ilaw lang ng monitor ng computer ang makikita. Masaya yun ee. Sa tuwing meryenda, magluluto tayo ng Instant Lucky Me Pancit Canton pero mas gusto mo yung kay Kim Chui, yung Pancit Shanghai na green, eh amoy ihi ng kabayo naman ang sauce. Pero ok lang trip mo yan eh. Ang makulit pa dun ayaw mo na kainin natin agad at pipigilan mo ako sa unang subo at sasabihin mo sa akin na piktyuran muna natin tapos ipopost sa Facebook at Instagram. Iisip pa tayo nun ng cheezy captions at kilig na kilig ka sa tuwing may nagcocomment na mga kaibigan ko na "breezy boy" ako. Naknamputs! pero ayos lang basta sa ikakasaya mo.
Naalala ko rin na lagi kang bumibili ng Snacku sa tuwing manonood tayo ng pelikula sa kwarto mo. Kapag napuno ng namuong flavor sa daliri mo isusubo mo sa bibig ko at ganun din naman ako sayo. Hanggang sa hahalikan mo ko, hahalikan din kita, huhubaran mo ko, huhubaran din kita, magkikilitian at mag...........(long bleeeeeppppppp). Hanggang sa makalimutan natin kung sino talaga yung pumapatay dun sa pelikula. Tapos magtatanong ka sa akin kung sinong pumatay. May panahon ding tumatambay tayo sa Mini-Stop kasi gusto mo mag Chillz. Magkukuwento ka. Magkukuwento ako. Tawa lang tayo ng tawa hanggang di natin namamalayan na tinatawanan na rin tayo ng buwan at mga bituin. Uuwi na, sasakay tayo ng jeep, at hindi ka papara ng jeep hanggat walang tao sa unahan. Kunyare may sarili tayong kotse at driver natin, si koya jeepney driver. Tapos pagkauwi mo isang minatamisan na halik ang ibibigay ko sa'yo sa ulo, sa ilong at sa labi. Tapos magpapabebe wave ka habang naglalakad paurong di mo napansin na nauntog ka na sa pinto niyo. Pagkatapos nun, bukas na lang ulet for new adventure.
May mga gabi rin na magka-video call lang tayo, pareho nang antok pero ayaw pang magpauna. Nakapikit na ako habang ikaw ay pilit pang nagkukuwento ng kung anu-ano—kung paano ka nainis sa kapitbahay n’yo, o kung anong ulam ang mas masarap kahit pareho naman tayong walang pambili. Tatawa lang tayo sa mga kababawan, tapos biglang tatahimik, hanggang sa marinig ko na lang ang mahina mong hilik. Hindi ko ibababa ang tawag. Hayaan na lang kitang matulog na may kasama, kahit sa screen lang.
Tuwing petsa de peligro, nagiging eksperto tayo sa paghahati. Isang kanin, dalawang ulam—kalahati sa’yo, kalahati sa akin. Minsan ako ang magpapanggap na busog kahit hindi, minsan ikaw naman. Pareho tayong magaling magsinungaling para lang hindi masaktan ang isa’t isa. At sa mga sandaling ’yon, doon ko lalo nararamdaman na ang pagmamahal pala, minsan, gutom na may ngiti.
May mga araw din na pangarap lang muna ang luho. Naglalakad tayo sa mall na walang bibilhin, titingin sa mga tindahan na parang may balak, tapos lalabas din nang walang dala. Magbibiruan pa tayo kung saan tayo kakain kahit alam naman nating sa labas lang tayo uupo at maghahati sa isang milk tea. Pero habang magkahawak ang kamay natin, parang sapat na muna ang lahat.
At kapag tinatanong tayo kung paano natin nakakaya, ngingiti lang tayo. Kasi hindi naman nila alam na ang kaligayahan natin ay hindi nasusukat sa presyo ng mga bagay. Nasa mga mumurahing tsitsirya, sa mga pelikulang dinownload, sa mga gabing kulob sa kumot, at sa mga sandaling kahit kapos—buo pa rin. Simple lang, pero atin. At doon tayo tunay na masaya.
Kahit ganito lang ang buhay, irewind ng paulet ulet hindi ko ipagpapalet sa mga unique adventure. Pero kung ikaw ang kasama at papalarin ayos na ayos.
Para tayong may sariling mundo. It's just you and me against the universe. Wapakels sa sasabihin ng ibang tao. May mga sarili kayong puso kaya gumawa kayo ng sarili niyong love story.
May kumagat na lamok at sinabing tama na ang pagmumuni-muni. Bukas gigising na naman akong malayo sa'yo. Gabi na diyan, umaga pa lang dito. Breakfast ko, hapunan mo....
Hanggang sa Messenger na lang uli ang pag-ibig na ito.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento