'Isang malamig na beer mug na mahirap tanggihan' |
Bangenge na naman ako. Yung dating adiksyon unti-unti na namang bumabalik. Ayoko. Huwag naman sana. Tapos na ako diyan, graduate na ako diyan at kung meron man parangal para sa manginginom baka nabigyan na ako ng Cumlaude. Ilang taon ko na rin ito iniwasan at puro patak-patak lang ang aking pagtikim dito.
Maraming okasyon din ang aking iniiwasan nariyan ang binyag, kasal, birthday, pati nga mga lamay huwag lang talaga mayakag sa magdamag na inuman. Parang otomatik na rin kasi na hindi ako nakaka-ayaw kapag kaharap mo na ang tagay na punumpuno ng yelo. Tatakamin ka. Tila parang magnet na kahit anong pigil mo sa iyong mga kamay, mararamdaman mo na lang na tumatama na sa labi mo ang malamig na baso at masasarapan ka na lang na guguhit na sa iyong lalamunan ang pamilyar na init na pagkatagal mo ding hinanap. Mula duon magiging preso ka na ng espiritu ng alak. Kahit ano mang gawin mo wala na. Bihag ka na.
Pero sa susunod na tagayan magdadala na ko ng sariling baso. Pakiwari ko naman eh walang naman krisis ngayon na tungkol sa baso. Ewan ko kung bakit laging iisang baso ang nakapatong sa mesa. Hindi naman tayo maarte o maselan, balewala sa akin ang mga laway na nagdikitan sa baso. Pero kung minsan, mapapansin mo rin naman na tila ang bagal ng ikot ng baso. Kagaya kong matagal na nagdiyeta sa alak eh feeling mo na hayok na hayok ka dito. No holds barred. Lango kung lango. Kulang na lang mang-agaw ako ng tagay. Pero kaya pa naman. Kaya pa naman magtimpi.
Pero eto lang mga pare. Alam ko yung iba diyan, patagong itinatapon ang tagay nila. Ewan ko ba kung bakit ganun. Hindi ba nila alam na mataas ang sin tax ngayon? Puwede naman mag-pass kung hindi mo talaga kaya. Puwede ka magsabi. Wala naman nakatutok na baril o nakaambang panaksak sa kung sino magpapass eh diba? Basta ba meron ka lang "ambag" lalo na kung malakas ka mamulatan.
At kung di ka tatagay, wag ka mamulutan yan ang numero unong batas sa inuman. Dahil panlilisikan kita ng mata kung sino mang kamay ang dadapo sa chicharong bulaklak ko na hindi naman tumatagay. Ganito lang yan eh, kung sino ang mas maraming inom, siya ang kailangang mas maraming mapulutan. At malamang, hindi niyo gusto ang susunod na mangyari kapag ako'y nabitin. Ang puwede ko lang bigyan ng pulutan ay yung puwedeng maging singer na may hawak na gitara habang nagiinuman. Pero wag na wag mong kakantahin ang "My Way" at baka may maglabas ng paltik at tayo ay magpatayan. Wag ganon tsong, kahit pa sa mga bidyoke wag na wag mong kakantahin yan. Marami nang pinatay ang kantang yan lalo na yung mahilig talagang mamulutan.
Kaya ayaw ko talagang bumalik sa adiksiyong ito eh. Kahit masaya ang kuwentuhan, masaya ang huntahan, kahit nakaka miss din ang mga nabuong samahan dahil sa bote, di rin naman sulit kung babalik ang bilbil sa aking tiyan. Kaya wag muna bote ng alak. Teka ayoko na talaga, pero akina muna yang last na tagay ko. May naisip ako, baka bukas......
Pwede drugs naman?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento