Lunes, Oktubre 6, 2014

Huwag kang Maingay may NaglaLOVEba (Dirty Laundry)




'Huwag kang maingay......magagalit si Mr.Clean'
Sabado  o  Linggo markado na yan pre. Ihanda mo na ang palo-palo, ang pinaka mabagsik na laundry soap, clorox at mga balde at timba at tayo nang maglalabada.

Sabi ng ibang kumag, nakakabawas daw sa pagkalalaki ang paglalaba. Sipain ko kaya sa ngala-ngala ang nagsabi nito. Mas nakakabawas sa pagkalalaki ang mangamoy kulob ang damit mo dahil hindi ka marunong maglabang hayup ka. Tigilan mo na ang sabon na pride at masyadong nang bumubula ang utak  mo at kailangan na ito banlawan.

Sa gabi kung kelan lubog na ang araw at wala ng init, iyan ang oras ng aking paglalaba. Sa gabi kung kelan nagbabalikan sa akin ang iyong alaala. Kasing-bigat nitong pagbanlaw  ko sa damit na puno pa ng tubig dahil hindi pa napipiga. Ganito kabigat ang mga alaalang iniwan mo sa akin. Pero sinasabi ng isipan ko paulit-ulit ayaw na kitang isipin. Kaya't sa harap ng amoy panis na pawis kong sando, shorts at towel dito kita lalabanan.

Wala naman talagang kurso sa paglalaba o mataas na propesyon sa paglalaba. Inaamin ko sa inyo hindi ako magaling maglaba. Kaunting babad, kusot at piga yun na. Pero hindi na ngayon. Simula nang magkaroon ako ng amnesia at naging makalilimutin medyo nagkaron ng galit at bagsik ang  aking pagkukusot. Ang feeling ko ay sobrang dumi ng aking mga labahin at todo laba talaga ako. Pagkusot at piga sa mga bula na may kasamang kagat mula sa aking mga ipin. Ang mga ugat ng kamay ay nangangalit habang pumipiga. Ito siguro ang dahilan kung bakit andaling mabanat ng garter ng aking brief na Hanford gayun na rin ang biglaang pagluwang ng aking medyas na Burlington. Dahil to sayo. 

Masarap maglaba sa gabi, tahimik at payapa. Walang istorbo ang tanging maririnig mo lang ay ang huni ng mga kuliglig at palaka. Ang isa pa malakas ang pressure ng tubig at mas malawak ang espasyo sa sampayan. Ramdam ko rin ang pagmasid sa akin ng buwan, ng mga bituin, ng mga kulisap, habang pinipigil ko ang nag-aalab na damdamin. Iniisip siguro ng aking Super Nanay na sobrang sipag ko. Ang hindi nila alam, laging tumatalsik ang mga bula sa aking mga mata. Mula sa batya nagkakaroon ng malalaking alon sa galit ng pagkusot at pagbanlaw. Dahil to sayo.

Sa umaga, gusto nang kunin at labhan ng aking Super Nanay ang aking maruruming damit. Ngunit ang sabi ko ay ayoko. Dahil sabi ko, ako ang nagsuot, ako ang nakapagdumi at minarapat lang na ako ang tumapos sa duming aking nakamit. Ang tugon niya naman ay mas madali daw iwashing machine at idryer. Sa totoo lang elibs ako sa dryer, ambilis ngang makapagpatuyo. Isang pihit lang tsong, isang istrungkang isang pihit lang tuyo agad ang mga nilabhang damit. Minsan, iniisip ko sana dryer na lang ako. Sa isang pihit lang, tuyo agad ang mga hinanakit sa mundong ibabaw. Sa isang pasada, wala lahat ang problema. Sana nga ganoon pero hindi ako dryer. Hindi.

Kaya ayokong magpalaba sa iba. Gusto kong ako mismo ang maglinis sa dumi, putik, libag, libog, galet, tibe, kasinungalingan, anghit at iba pang paninibughong kumapit sa aking damit. Kulang ang isang banlaw upang mahugasan lahat ang animoy samu't-saring nararamdaman. 

Bahala na ang aking haring araw bukas. Matindi man ang aking pagkakakusot, nahamugan man ang aking ulo sa lamig ng gabi, nannguluntoy man ang aking mga palad sa pagkula, nangilid man ang aking luha sa pagtalsik ng mga bula..Alam ko, sa pagsikat ng araw bukas, ang dala nitong init ang siyang papawi sa kung anong lungkot meron ang aking mga sinampay. Bagong bukas, bagong laba, at bagong pag-asa sa pag-ibig  mo sinta. 

Teka 5:17 pm na pala, mag-uumpisa na ang aking orasyon. Mag-gagabi na, kailangan na mag-prepare. Huwag ka lang mag-iingay......at ako'y maglalaba.


  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento