'The Puso Phenomenon' |
Makulimlim ang panahon muka na naman Walking dead scene ang buong paligid, mukang magdudulot ng mapanirang araw ang nagbabadyang malakas na ulan. Malamig at malakas ang alon.
Pero kahit na ganito na ang sitwasyon pagmulat ng mata ko. Siguradong magiging maganda pa rin ang araw na ito para sa akin.
Kung sasabihin man ng PAG ASA na sampung bagyo na kasing-lakas ni Yolanda ang tatama sa araw na ito, di pa rin ako maniniwala. Dahil nakilala kita sa panahong pwede ako.
Bakit mo pa kakailanganin ang magandang panahon kung ang gagawin mo lang naman sa araw na iyon ay magbabad sa harap ng kompyuter, mag log-in sa Facebook at mag-like ng mag-like sa mga wall post ng mga pinakamasasayang kumag sa mundo ng social media. Kingina masaya ka na ba sa ganoon? Kung maganda nga ang sikat ng haring araw pero napapaligiran ka naman ng mga magkakapares na nilalang na magka holding hands. Peste lang di ba?
Kaya't bigyan mo na lang ako ng kidlat, kulog, buhawi at delubyo. Ayos lang. Tutal andiyan ka naman. Naks!
Ngunit lagi kong inaasam asam na sana ito na ang huling tagtuyot sa kalamigan ng gabi. Sana ito na ang katapusan sa pakikipag-usap ko sa aking mga imaginary friends. Umaasang ito na ang huling pagtirik ko ng kandila sa yumaong lovelife. Huwag na sana akong gambalain pa ng nakaraan. Iniisip ko sa hinaharap na handa na ba ako uli na itaya ang aking kakisigan? Handa na ba akong makinig muli sa saliw ng tugtugan ng Masculados?
Pero preno muna tayo baka nga naman mali ang "forecast" natin sa ating tunay na nararamdaman. Don't forget the word "climate change" at iyan ay napapanahon sa kasalukuyan. Mahirap sumugal dahil baka hangin lang ang laman ng nararamdaman ko sa aking dibdib. Lahat tayong mga indibidwal ay nangangailangan ng warmth pero natatakot ako baka sa huli ito ay maging cold-front. Magkaiba ang pag-ikot ng mundo natin at pag nagkataon disaster ang maging dala nito sa sanlibutan. Hindi ko alam kung kelan ulit magdedeclare ang mga Mayans sa paggunaw ng mundo. Gayunpaman, handa na ako. Basta't ikaw ang kasama ko.
Kaya't hayaan mo na lang damhin kita sa malayo. Ituring mo na lang akong isang ulap sa himpapawirin na may dalang kalat-kalat at panaka-nakang malawak na pag-ulan, pag-kulog at pag-kidlat na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Kung kaya't didistansiya muna ako amiga, didistansiya muna ako bilang parusa sa mga pagkakataong ako ay nagpadarang. Hindi ko rin alam kung bakit ako malupit sa aking sarili sa tuwing may pagkakataong ako ay nakakaramdam ng ligalig. Kaya wag kayong magtataka kung nakita nyo akong nakangisi ngunit agos ang baha ng dugo sa aking pulso. Masaya lang ang panahon.
Ngunit paano ko maitatago ang isang mala-habagat na pakiramdam?
Ang buo kong akala ay magiging ayos ang lahat. Dahil nakilala kita sa panahong pwede ako. Pero akala ko lang pala at maraming namamatay sa akala. Ngayong nasa malayo ka. At andito ako.
Single. Unattached. Virgin. Brokenhearted.
Mabuti pang kalimutan mo na lang ako. Habang hinihintay kong humupa ang init ng bagyong nararamdaman ko para sayo.
Salamat sa bagsik ng iyong bagyo at sobrang sinalanta ang puso ko. Ngayon kailangan ko na ng evacuation at rescue sa lalong madaling panahon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento