'Minsan ka na bang nakipaglaro sa sayaw ng apoy.' |
Ang paglalaro ng apoy kung minsan nakakalunod.
Huwag kang malito, dahil hindi ito opinyon ng isang eksperto. O ng isang taong puyat kaya kung anu-ano ang pinagsasabi. Nakatulog din naman ako ng dalawa at kalahating oras mula sa siyam na oras na pagtatrabaho sa isang call center. Ito ay pawang obserbasyon lamang ng minsang pumasok ang isang gamu-gamo sa aking kwarto. Paisa-isa. Padala-dalawa. At tuluyan na nilang pinutakte ang nagiisang bumbilya ko.
Bago pa man sila dumami ng sandamukal alam ko na ang dapat gawin sa ganitong pagkakataon. Patayin ang ilaw. Kailangang maglagay ng kandila sa isang maliit na palanggana na may lamang tubig. At mamangha kung paano patayin ng mga gamu-gamo ang kanilang sarili. Wala pang 5 minutes at matigas pa ang nilagay kong Lucky Me Pancit Canton noodles sa kumukulong tubig, lumalangoy na sila sa sarili nilang........ayun lumalangoy na ang kanilang bangkay sa tubig sa palanggana.
ANG PAGLALARO NG APOY KUNG MINSAN NAKAKALUNOD.
Mahilig din akong maglaro ng apoy. Musmos pa lang nakahiligan ko na ang magkiskis. Oo magkiskis. Ang pagkikiskis ng posporo ay isang paboritong larong pambata para sa akin. Na kadalasan nang nauwi sa pagkasunog ng buhok o kung minsan ay ng kilay. O pagkapaso ng daliri. O siko. Ito ang rason kung bakit lagi akong absent sa klase.
Kaya mahal ko noon ang posporo dahil masarap para sa akin ang nasasaktan.
Ano nga bang meron ang apoy at ang mga gamu-gamo ay gustong makipaglaro sa tila sumasayaw na apoy sa mitsa ng kandila? Bakit napakadali nilang madarang kahit nakakaramdam na sila ng pagkapaso sa kanilang katawan? Gaya ng tao, kung minsan, nagpapa alipin sa nag-aalab na damdamin. Nagpapaka darang sa init ng nagnanangis na init kahit alam nilang mali. At habang sila ay nakikipaglaro, iba ang nagdaramdam ng sakit ng pagkapaso.
Pero sino ba ang nalulunod sa pag-iyak? Hindi ko rin alam kung bakit ko ito naitatanong.
Sana'y gamu-gamo na lang ako. Diretso pagkapaso. Diretso sa pagkalunod. Glug. Glug. Pero bakit yung putanginang alitaptap may ilaw sa kanilang katawan mismo. Hindi ba iyon mainit? Di ba sila napapaso? O sadyang immune na ang kanilang katawan sa init na dala ng ning-ning na tila apoy sa kanilang katawan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento