Miyerkules, Nobyembre 26, 2014

Rice Cooker



'Your all around cooking buddy.'
Ewan ko ba kung bakit natuon ang pansin ko dito sa aming Rice cooker, sa loob kasi ng limang taon nakailang palit na si Ermats ng rice cooker. Tatlo ang nasira at ang isa ay hindi ko na matatawag na rice cooker dahil ang paggamit sa kanya ay hindi na  kuryente, kinuha na lang yung tila kaserola sa loob at yun ang ginagamit na pang-saing sa kalan. Yung actual kasi na rice cooker ayaw nang uminit. Ilang linggo na rin ang nakaraan  nang masira ang pinakahuling species ng aming awtomatik na pang-luto ng kanin. At ilang araw na rin akong balisa, bugnutin, nawalan ng gana sa Internet at hindi makapag-blog. Hindi kasi ako mabubuhay ng wala ang aking all-around na lutuan. Kaya't pangako ko sa sarili ko bibili na talaga ko ng mas mahal at hindi ko na uulitin ang limang taon pabalik-balik na pagbili ng Rice cooker sa CDR-King. Sa darating na Kapaskuhan reregaluhan ko si ermat ng de-USB na rice cooker yung puwede isaksak sa USB port ng aking desktop computer para habang nag-Iinternet malalaman ko agad na inim na ang kanin. 

Naging masagana ang buhay ng madiskubre ko ang ginhawang dulot ng rice cooker. Akalain nyo ba naman, na eliminate na ang lighter, posporo, o ang apoy, isasaksak lang sa kuryente! Amazing. Hindi talaga ko yung quality analyst sa kusina ni ermats subalit dahil sa malaking discovery/invention na ito sa syensya, aba'y nagbago ang lahat! Kaya ko nang magsaing ng walang hustle. Maglaga ng itlog, magpakulo ng noodles, ng oatmeal. Nagawa ko na ring mag-adobo, mag-sinigang, ginisang monggo, nilagang baka, maging magprito ng isda ay  napakadali! (Ako lang ata ang nakakapagprito sa ganitong paraan.) Para po sa inyong dagdag kaalaman meron po kaming oven, pero ang rice cooker meron  akong sarili at ako lang ag puwedeng gumamit, hiram lang ni ermats yung iba kasi nasira niya, kaya ibibili ko na lang siya ng mas mahal. Kung sino man ang nag-imbento nito, para sa akin, nararapat na bigyan siya ng parangal -Nobel Prize, Pulitzer Price, Oscar, Famas, Bayaning Pilipino Award-kahit ano! basta award. Nyemas!

Pero ewan ko ba, kung bakit hindi ito tumatagal sa amin. Minsan kapag wala talagang magawa na try ko na magbutingting ng mga nasira kong rice cooker para alamin kung bakit ito hindi umiinit sa pag-asang baka ito ay maayos ko pa at nang makatipid. Syempre hindi ko naayos, ni hindi ko nga naibalik sa dating porma e. Sinisisi ko na lang ang aking sarili dahil sa palaging paggamit nito. Kahit madaling-araw, isasaksak ko yan makapagluto lang ng dalawang Lucky Me Pancit Canton (chili mansi flavor).

Lucky is Me talaga dahil ilang araw na lang makakabili na ako ng bago. Gusto ko yung mabibili ko maganda ang kulay, may kombinasyon ng silver at pink. Sisiguraduhin ko rin na may warranty ang aking mabibili at for sure di na talaga ko bibili sa CDR King, baka bigas na lang ang bilhin ko sa kanila pag nagkataon. Magkakaroon din kaya sila ng NFA rice duon? Basta bahala na! At kapag nakabili na ko hahahahaha! ang dami ko pang gustong lutuin sa de-kuryenteng saingan na ito --spaghetti, carbonara, pizza etc.. etc..

Ngayon naisip ko, bakit nga ba ko bili ng bili ng rice cooker. Bakit hindi naman microwave? O di kaya eh yung ultra sleek Q-stove, de uling na pwede ihawan. Basta! Ewan ko din. Bahala na!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento