'Ang pagpapaliit ng tiyan kung minsan ay parang highway sa EDSA -NAKAMAMATAY.' |
Ang pagpapaliit ng tiyan kung minsan ay parang highway sa EDSA -nakamamatay.
Ilan sa mga unforgettable moments ko ay ang mag push up ng pagkaraming beses na naka-angat ang paa, umakyat bumaba ng hagdan nang mahigit isang oras at ang mag jogging ng mabilis palayo sa tumatahol na aso para lamang lumiit ang halimaw na tiyan na ito. Para pa lang hihimatayin ka na aatakihin sa puso ang pakiramdam.
Kaya't minarapat na itigil na ng ating lipunan ang ganitong pagpapahirap at pagpaparusa sa mga taong nagkakabilbil.
Pero dati naman talaga, nung panahon ng Kolehiyo hindi ganito sanay akong tumakbo at maganda ang aking pangangatawan, natigil lang talaga ang mga dating gawi sa umaga at mga ehersisyo simula ng magka-trabaho mula duon nagpa-alipin na sa mga kolesterol at softdrinks.
Kamakailan naisipan kong bumalik sa pag eexercise nang minsang kapusin ako ng hininga habang nanonood ng "The Biggest Loser". At ngayon mahigit pa sa maliit lang na tiyan ang hangad ko. Gusto ko yung may anim na pandesal sa labas ng aking sikmura. Wala akong alam kung paano ko yun gagawin. Goodluck. Meron ba niyan tutorial sa YouTube?
Ayon naman sa mga nagmamagaling at mga feeling trainors da best pa rin daw na abs exercise ang cardio o jogging o yung pagtakbo. Bakit may nakita ka na bang isnatcher na malaki ang tiyan? Gusto ko sanang magtatakbo diyan sa Baywalk sa Roxas Boulevard tuwing umaga kaso baka naman habulin din naman ako ng mga isnatcher at holdaper sa madaling araw at alam ko naman na mas praktisado ang mga yan pagdating sa takbuhan at hide and seek. May mga lahing cheetah yang mga kumag na yan at baka gawin lang akong prey na tila ako'y isang wild pig. Mainam din naman na substitute ang skipping rope. Magka-heart attack ka man sa kakatalon at least nasa privacy ka ng iyong tahanan.
Ang alam ko lang na dati na exercise sa abs ay ang pag-ubo. Sa tuwing dadapuan ako ng sakit, sumasakit din pati ang abdominals ko sa kaka-ubo, parang nag crunches ka na rin ng isandaang beses sa isang oras ng buong araw.
Pero ngayon daw ang usong ehersisyo ay ang Inverted Theraphy. Ito ay yung pag-eehersisyo habang nakabitin ang dalawang paa na parang paniki. Mainam daw ito sa mga back pains. Nagiging clear ang pag-iisip at maaari ka daw makapag concentrate sa isang bagay -kung paano mo hihilahin pataas ang iyong sarili na hindi sumisigaw ng saklolo. Pero tila napakasakit nun dahil natutupi ang bloated mong tiyan pero kailangan tiisin sa inaasam na astig na pandesal.
Kaya noong minsang magawi ako sa gym, hindi ko na mapigilan ang sarili na gawin ang nasabing ehersisyo at baka mapadali ang paglabas ng aking six pack na abs. Minsan ko lang ginawa at hindi ko na inulit. Nakita ko kasi na nahuloh na parang mga isnow ang aking mga balakubak.
Para mas lalo ka daw ma-motivate sa ginagawa mong adhikain sa gym, dapat rin daw merong kang kasama. Two huget tiyans are better than one. Kailangan daw meron kang taga paalala, taga alalay at taga salo. Hinihikayat ko ang isang kaibigan na sumama pero ang sabi niya, di niya kailangang mag-exercise. So fucking confident voice. Na shock nga ako sa pagkasabi niya na yun iyak-tawa na lang ako e kahit alam kong kasing-laki na ng batya namin yung tiyan niya. Ok na lang nasabi ko. Sabay hirit niya pa, "he is in shape. Round is a shape daw." Putangina. Ok!!! So ok solo ako.
Sa tingin ko malaking tulong sa peace and order sa ating bayan kung magkakaroon ng isang matinding abs program para sa mga parak. Para kahit papano, magtatagal sila ng limang minuto sa tugisan o habulan para matugis ang madudulas na isnatcher. Baka kasi pumasok lang sa masukal na daan ang masamang elemento, gusto man nila pumasok sa iskinitang masikip e hindi na sila magkasya, at ang malala baka pagtawanan lang sila netong mga kolokoy na isnatcher na ito. Kung mailelevel up lang ng ating mga parak ang mga sarili sa tugisan at habulan malamang mababawasan ang masasamang loob at ang mga matitira na lang ay yung mga nasa Malakanyang. At tayong lahat ay makakatulog sa hatinggabi.
Habang merong nangyayaring tugisan sa aking panaginip -tungkol sa pandesal, six packs at inversion therapy. Pero paggising ko ang nagwagi ay pandesal oo literal na sandamukal na pandesal sa mesa na may palamang bacon, ham at hotdog! Puta tara tsibog! Paki-abot na rin yung 1.5 na Coke! Mabuhay ang kolesterol! Mabuhaaaayyyyy!!!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento