Huwebes, Nobyembre 27, 2014

Pag-Ibig ko'y Metal: Hip Hop Vs. Metal



'Actually may pangatlong genre yung "Karaniwang Tao", mas angkop ata ako dun.'

Nasaksihan mo ba noon ang hidwaan sa pagitan ng mga metal at hip-hoppers?

Noong magtapos ako ng haiskul labing anim na taong gulang, binansagan ako ng aking mga classmate na "Most Rock Fanatic". Sa totoo lang at hindi sa pagmamayabang, para akong si Ernie Baron ng nakaraan at Kuya Kim ng kasalukuyan dahil ituturing akong isang "walking rock music encyclopedia" na nakakaalam ng mga kasagutan sa kung ano ang bago at kung ano ang meron sa rock music scene.

Pero ang hindi talaga nila alam bago ko pa nagustuhan ang mga ganitong rakrakan na musika una kong kinahiligan ang mga mga kantahan at genre ni MC Hammer at Vanilla Ice. Oo, ako ay naging isang hip-hopper na gustong matutunan ang lahat ng liriko ng bagong rap song at umindayog sa mga latest dance groove. 'Yun nga ang, 'di ako natuto kahit isa. Kahit pa bumili ako ng napakaraming songhits nuon hindi ko talaga masabayan ang lyrics sa bilis ng pagrarap masama pa napapa tongue twister pa ko. Kaya sabi ay puta, tama na at  niloloko ko lang ang sarili ko sa punyemas na hip-hoppin' na ito. 

Noong ako ay nasa Grade 5 hanggang 6, sila Francis M., Andrew E., at Michael V ang mga iniidolo ko sa larangan ng musika. Ang sarap sa tenga ng mga naughty songs ni Andrew Espiritu na laking Dongalo Paranaque kung saan eto na ata ang hip-hop kapital ng Pilipinas. Yung mga kantahang "Andrew Ford Medina", "Alabang Girls", "Manchichiritchit", at yung pinaka nakilala siya sa kantang "Humanap ka ng Panget" na kinontra naman ng kanta ni Michael V na "Maganda ang Piliin". Hindi ko rin makakalimutan yung mga kantahan ni Michael V na may halong mga komedya sa lyrics kagaya ng "Eksena sa Jeepney", "Sinaktan mo ang Puso ko" at "Hindi ako Bakla". Pero wala ng da dabest pa kay Francis "Kiko" Magalona nakilala bilang "The Master Rapper", "The Mouth" and "The Man from Manila". Isang malaking kawalan sa industriya nuong siya ay  namatay sa leukemia noong Marso 6, 2009. Kung gusto mo makinig ng mga kantahang maka Pilipino o yung tinatawag na "Filipino patriotic songs" na pinaghalong tema ang rap at rock you should listen to Francis M. Hindi mabilang ang mga napasikat niyang kanta. Pero sa mga kantang "Mga Kababayan", "The Man From Manila", "Kabataan Para sa Kinabukasan", "Cold Summer Nights", "Girl Be Mine" at Kaleidoscope World dito talaga umusbong ang kanyang kasikatan. Isa sa mga idolo ko ito pagdatig sa genre ng pinagsamang rap at rakrakan.

At nasa listahan ko rin naman ang mga sumikat na undergrouund group rappers katulad ng Masta Plann na pinasikat ang kantang "Bring that Booty Over Here", "Sally (that girl)" at "Fix da World up". Kung hardcore rap naman nariyan ang Death Threat, kung ugali mong magmura sa kanta at liriko, represent Death Threat! Yung mga kantahang "Ilibing ng Buhay ang mga Sosyal", "Gusto kong Bumaet (pero di ko magawa)" at "24 Oras". Di rin mawawala sa playlist ko ang Legit Misfitz na nagpasikat sa kantang "Jabongga" at "Air Tsinelas." At go with the flow ako sa kantahang Urban Flow with their song chikitikita Miss "Miss Pakipot".

Lahat ng mga kanta na 'to inaabangan ko palagi sa 89.1 DMZ (Dance Music Zone) 'yung remix ng mga hit songs para irecord sa blank tape. Ito yung karaniwan ngayon na tawag na "jeepney songs" yung lalagyan lang ng slow beat kahit ang pinakikinggan mo ay kantahang Air Supply. Tuwang-tuwa mga klasmeyts at adiser namin sa klase sa mga panahong yun. Sino ba naman ang hindi matutuwa sa mga rappers noong mga panahong yun? Ang sagot, MARAMI rin pala. Ang saya lalo na nung Intrams lalo na kapag Basketball na talagang napapaindak at gumagaling maglaro ang makapakinig ng "Air Tsinelas." Ang porma din kasi ng lyrics!

Grade 6. Noong ako ay nagbibinata na, napadaan ako sa tambayan ng isa kong kaklase, pinakilala ako sa grupo. Yung isa bumulaga sa akin, ang sabi ah hulaan ko pangalan mo, ikaw ba si "PAH-PEE-YO". Putek di ko ma-gets yung sinabi at  binugahan pa ako ng usok ng sigarilyo sa muka. Pero parang nainsulto ako kaagad. Lalo na nung  sinabi na disco lang daw ang alam ko at ang bulok kong radio station na 89 DMZ. Na challenge ako sa punk na yun. Pero salamat na din, dahil sa pagtatagpong iyon ang gumabay sa akin papunta sa mundo ng rakrakan at headbangan!

Pagpasok ko ulet sa klase kinabukasan, sinabihan ko yung kaklase ko na si Noah na pahiramin niya ako ng mga cassette na pinapakinggan nila. Parang ready naman siya at inilabas agad yung "Greatest Hits", di ko inakaang may dala pala siyang cassette sa itim at tatlong taon na tila di nalalabhan na bag. Nabasa ko sa tape na Greatest Hits ng Queen. Sabi pa niya, pakinggan mo yung "Under Pressure", doon kinuha ni Vanilla Ice yung "ice ice baby" mo. Parang naging interesado ako dahil idol ko yung nabanggit. Matapos ang ilang ulit pang pakikinig sa radyo ko na rewind, play at pause na lang ang gumagana, nagustuhan ko na rin ang pagbirit ng boses ni Freddie Mercury at killer guitar riffs ni Brian May. Napagalitan at nabulyawan ako ni Ermats at ang ingay daw ng pinatutugtog ko, Hahaha! at nalaman ko rin na hiphop din pala siya dahil di naman niya ako sinasaway sa tugtugan ko nuon na hiphop kahit sobrang lakas pa ng volume.

Queen - Under Pressure 

At mula duon natanggap ako ng grupo nila Noah at napatambay na rin ako sa kanila kung saan madalas kami nakikinig ng mga glam rock idols niya tulad ng Extreme, Aerosmith, Warrant, Poison at Guns N' Roses. Inalam ko rin ang lahat ng detalye sa mga bandang bago kong naririnig.

Ang hindi ko talaga makakalimutan sa lahat ay ang panahong pinarinig sa akin yung "Nevermind" album ng Nirvana. Kahit na "Aling Nena..." ang pagkakarinig ko sa last lines ng "Smells Like Teen Spirit", sila Kurt Cobain, Krist Novoselic at Dave Grohl ay bigla kong inidolo sa parang mga diyos ng rakrakan. Ang lupet ng tugtugan ng trio na ito sa loob-loob ko. Lalo na nung nakita ko yung music video nito. Dun ko nalaman ang depinisyon ng "astig". Biruin mo rakrakan sa loob ng isang madilim at maruming basketball court may mga spotlights at maraming kabataan at cheerleader na mga nakaitim ay may symbol na anarchy sa kasuotan na pang cheering at may pompoms at nagheheadbangan na mga kabataan na tila walang pakialam sa mundo. Habang tumutugtog ang banda at kumakanta si Kurt Cobain. Idol talaga, haayzzz kung di ang talaga nag suicide si idol tangenaaaaa! Tatlo lang sila pero ang ingay. Nakakapagod. Nakakatanggal ng stress at galit sa mundo. Umaalingawngaw sa buong mundo ang tunog ng Seattle noon kaya nakilala ko rin sila pareng Chris Cornell, Eddie Vedder at Layne Staley.

Nirvana - Smells Like Teen Spirit

Pagka-graduate ng Grade 6 at pag-apak ng 1st year haiskul certified METAL na ako noong mga panahong yun kahit grunge naman talaga ang aking hilig. Oo, "metal" ang tawag dati sa mga taong mahilig sa rock. Hindi pa uso ang salitang "rakista" noon; "rockista" baka puwede pa, pero mas sikat ang pantawag na "metal". Isa na ako sa mga galit sa hip-hoppers kahit na dati rin naman akong mahilig sa maluwag na pantalon at lawlaw na short na parang Jimmy Santos ang porma.

Hindi ko matandaan kung kelan nagsimula ang hip-hop bashing noong panahong yun e. Basta ang alam ko bigla na lang kaming nahilig makinig sa LA 105.9 para antayin yung mga beeper messages laban sa mga pakshet. "If you have messages for the hip-hoppers, you may send them through Easycall 246142". Pagkatapos ng ilang kanta ay babasahin na ni "The Doctor" yung mga uncensored messages. Puta astig no holds barred ang pambabasag sa hip-hop e. Ang LA 105.9 ay isa sa mga pinakamaimpluwensiyang istasyon sa radyo noong panahon ng gitara. Mantakin mo ah, napag-away nila ang mga hip-hoppers at metal. Puta sabi sayo kahit noong hayskul kame maya't-maya ang mga nadadala sa opis. Minsan 1st year laban sa 2nd year o 3rd year laban sa 4rth year. Malalaman mo magka-iba ang pormahan eh. Yung isa ang uniporme na polo eh hanggang tuhod na niya ang haba at ubod ng luwang e, yung pantalon naman akala mo nakapampers at low-waist at nakasumbrero na pabaliktad. Tanginang porma yan, samantalang eto namang isa hayup sa gupit Mr. T ang buhok, punk na punk at may hikaw sa tenga at labi at fit naman ang pantalon at naka boots. Hahahaha mga pormahan nung High School eh parang mga tingaw lang e.

Ito yung ilang mensaheng naalala ko para sa mga hiphop na galing sa mga punkista:

"Mga Hip-hop, magtanim na lang kayo ng  kamote...Mga hip-hop, mag-ingat kayo kasi aabangan namin kayo sa Megamall....Mga hip-hop magtago na lang kayo sa ilalim ng saya ng Nanay niyo." Suwerte mo kung mabasa pa ang message mo sa dami ng nagpapadala.

Ang malupet sa station na 'yun, may mga pagkakataong may rumeresbak na hip-hoppers sa message sa beeper number at binabasa nila ito sa ere, kaya lalong magagalit ang mga metal at tatawag sa operator para makipagsagutan. 

May natatandaan pa kong ginawa ng LA 105.9, pinag guest nila ang bokalista ng The Youth. Kinanta niya yung "Multong Bakla" acoustic version pero iba ang lyrics tapos ginawang "Multong Hip-Hop" ang title. Parang naging mortal sin talaga ang pagiging hip-hop dati. At kasikatan rin ng mga banda.

Sa mga malls dati mahirap makapasok kapag grupo kayong pupunta. Haharangin lang kayo ng guard lalo na kapag nakita kayong lahat na nakaitim na rock shirts. Ang tingin sa inyo basagulero, adik, satanista at kung anu-ano pang wala nang mas sasama pa. Ganun din ang sa mga hip-hoppers na sumasayad ang mga crotches sa sahig, hirap silang makapasok sa malls kapag sama-sama. Away o gulo lang ang tanging nakikita ng mga jaguars sa dalawang grupo.

Marami nang napabalita sa TV noon sa pag-aaway ng hip-hop at metal lalo na sa mga malls ng SM Megamal at Robinson's Galleria. Talagang nagsusuntukan dahil sa simpleng asaran. Walang patatalo. Kaya kadalasan may mga headlines sa tabloids dati tungkol dito.

Tumindi lalo ang tensiyon sa pagitan ng dalawang tropahan nang gumawa ang isang hip hop group ng kantang pinamagatang "Bolanchaw". Hindi ko alam ang tamang pagkakabaybay pero ang ibig daw sabihin nito sa salitang Instsik ay "walang bayag". Nakakaasar naman talaga yung chorus na "Bolanchaw, bolanchaw, ang mga punks ay bolanchaw...".

Chinese Mafia - Bolanchaw


Kapag nagpupunta kame noon sa mga konsiyerto, kawawa ang mga nakakasalubong na hip hoppers ng mga punks. Bugbog sarado. Pero wala naman akong nabalitaang may kinatay talaga,  bugbugan lang.

Sa wakas nagtapos din ang hidwaan nang ang mga tulad ng Rage Against the Machine ay sumulpot. Biglang naisip ng mga metal na puwede pa lang mag-rap kasama ang gitara. At sa LA 105.9 at NU 107 lumabas ang mga underground bands na parehas ang tugtugan sa Rage ito ay ang mga bandang Erectus, Skrewheds, Dogbone, SeƱorito, Muskee Pops at iba pang mga banda. 'Yung LA 105.9 biglang naging taga-suporta ng ALTERNA-RAP. At mula nuon nagkaron na ng kapayapaan sa pagitan ng hip hop at metal at parehas na nilang napagtatambayan ang skating rink ng Megamall. Peace na sila sa wakas. At yan ang kasaysayan ng HIP HOP AT METAL. Pero siyempre dun ako sa Metal!

Rap Metal Bands:

 
Erectus- "Nakagapos"


 Dogbone - "Pantalon"

Skrewheads - "Kasangre"

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento