Linggo, Disyembre 7, 2025

Ano Ang Paborito Niyong Subject? - Recess!

 

Ikaw anong paborito mong subject? Recess din ba?

Riiiiing! Recess na—at para bang preskong hangin sa loob ng klasrum ang unang nakahinga nang maluwag.

Sa likod ng silid, naghihintay ang baunan kong matagal ko nang kaibigan, tila isang maliit na lihim na mundo na bubuksan ko muli.

Tinatanong ka noon: “Anong paborito mong subject?”
At lagi mong sagot, sabay tawa: “Recess!”
Walang batang Pinoy na hindi gumamit ng joke na ‘yan—, isang katotohanang hindi kailanman maitatanggi. 

Sa araw-araw na buhay-eskwela, may iilang sandali na tunay na sinasamba: recess, lunch time, at syempre, uwian. Pero noong mga panahong masaya pa ang buhay bilang estudyante , recess lang ang hari— ‘Yung tunog ng bell na parang bugso ng kalayaan. Agad-agad lalabas ang mga bata, pare-parehong nakapila, kamay sa likod, papuntang CR. Pagbalik sa silid, sabay-sabay na pag-unlock ng mga baunan— at biglang nagiging piyesta ang simpleng klasrum.

Red ang baunan ko noon, hawig-attache case. May disenyong Kitkat na padala pa sa akin ni erpats galing Saudi.  Pero ang laman? Hansel. Minsan Rebisco. Hindi ko naman talaga type yung iba, kaya madalas kong ipinamimigay. Masarap sana ang Hansel kaso kapag nginuya mo na ay nakakahirin.  May ngiti namang kapalit—parang maliit na pakikipagkaibigan na hindi na kailangan pang pag-usapan. At aminado ako: naaakit ako sa magagandang baunan ng kaklase. Para bang kapag cute ang design, garantisadong masarap ang laman.

Kaya tuwing recess, para akong food inspector ng grade school—nag-iikot, nakisilip, umaasang may maamoy na kakaibang sarap. At nandoon sila, ang mga alamat ng baon ng dekada nobenta:
  • Knick-Knacks ang korteng isda na biscuit with coated chocolate. Champion para sa aming mga bata yan,
  • Marie biscuit na masarap isawsaw sa baon mo ding gatas.
  • Mr. Chips ng Jack N Jill ang isa sa mga sikat na tsitsirya noon dahil sa first time na nalasahan ng 90s kids ang Nacho cheese. 
  • Orange jelly candy o yung Orange swits na binudburan ng asukal na hanggang ngayon ay inilalako pa rin naman sa mga tindahan at sa mga nagtitinda na sumasampa sa bus. 
  • Roller Coaster na produkto rin ng Jack N Jill na may kakaibang sarap din at swak sa panlasa naming mga batang kalye ng 90s
  • Di mawawala ang Magnolia Chocolait na the best chocolate drink lalo na kung malamig pa kapag inabutan ng recess at kapag ubos na ay hinihipan namin muli ang karton para magkahangin sabay tatapakan namin yun ng malakas na parang may pumutok. 
  • Sa mga juice lovers naman nariyan ang Zest-O, Hi-C at kung may kaya ang budget yung ZAP orange na korteng triangle ang packaging na kailanman ay hindi mawawala sa listahan sa mga baon kapag recess.
At sa gitna ng simpleng baon, simpleng kagat, simpleng tawa, doon natin unang natutunan na ang buhay-eskwela ay hindi lang tungkol sa aralin. May lugar din para sa gutom, sa tawanan, sa pakikipagkaibigan—sa maliliit na bagay at yun naman ang importante. 

Kinse minutos lang ang recess noon—isang kisapmata lang kung tutuusin. Pero sa puso ng batang sabik sa kwentuhan at kulitan, sapat na iyon para maging isang maliit na uniberso. Sa loob ng 15 minutos, ang dami nang puwedeng mangyari:

May makukwentuhan ka tungkol sa Regal Presents kagabi—yung takutan, yung thrill ng kwentuhan at yung acting at expression ng mukha ng nagkukuwento. 

What’s your favorite subject? Recess!”
Sino ba naman ang di nakapagsabi niyan, o kahit minsan ay nahiya pang amining totoo ang biro? May ilan na nagmamatigas, ginagawang lehitimo ang sagot: “P.E.!” — oo nga naman, subject talaga sa skul. Pero kahit gaano pa kaganda ang palusot, wala pa ring tatalo sa tunay na sagot: ang recess. Sapagat ang recess, walang titser na naghihintay, walang blackboard na sinusulatan, walang quiz na biglaan. Ang meron lang ay kalayaan— kalayaang kumain ng baong paborito mo, magdaldalan na parang walang bukas,  o gawin ang kahit anong nagbibigay-saya sa puso mo bilang bata. 

Sa loob ng ilang minutong iyon, ang mundo ay sa’yo—walang grado, walang utos, puro tawa, kwento, at ang simpleng saya ng pagiging bata.

Ang baon ko rin talaga noon eh Hansel at Hi-C. Ang sarap ng hansel eh! Ang lambot ng biskwit niya na pagkasubo mo pa lang parang natutunaw na sa laway mo pero kapag naparami ka katulad ng sabi ko kanina nakakahirin kaya higop agad ako sa Hi-C orange ko. Bad trip ako ‘pag Chokies na orange yung filling ang baon ko. Tsokolate yung biskwit tapos orange flavor yung filling?! Puchang kombinasyon yan! Pero sumikat pa rin talaga eh. Inggit rin talaga ko sa mga kaklase kong may baon na Magnolia Chocolait. Dabest na inumin yun eh! Pero bihirang bihira lang akong makapagbaon nun kasi mahal eh hindi tulad ng Zesto.

Juan Dela Cruz - Kainan Na, Chibugan Na

Nang magsimula akong magbaon ng kanin, simpleng square na Tupperware lang ang gamit ko—walang espesyal na compartment para sa kutsara’t tinidor, walang divider para paghiwalayin ang kanin at ulam. Isang lalagyan lang: kanin sa ilalim, ulam sa ibabaw, tapos na.

Kaya tuwing makakakita ako ng kakaibang baunan ng kaklase, napapa-“wow” talaga ako. Lalo na noong unang beses kong masilayan ang tatlong magkakapatong na stainless steel na bilog na baunan ng kaklase ko. “Ang lupet naman nun!” sabi ko sa sarili ko, halos humanga na parang nanonood ng sci-fi.

Adjustable pa—puwedeng dalawang palapag lang kung kaunti ang baon, tatlo kung parang fiesta ang laman. Matagal kong hinangad magkaroon ng gano’n, pero hindi natupad. Hindi kasi yun ang trip ni nanay bilhin kapag humihiram siya ng brochure ng Tupperware sa kapitbahay, ang gusto niya ay yung mga lalagyan ng salad bowl.

Kaya bilang konsolasyon, tuwing matatapos kumain ang may-ari, ako na ang nagvo-volunteer na mag-assemble. Pinagpapatong ko nang maingat, sabay klak!  klak! Naka-lock na ang stainless na tore—at ako, masaya na para bang ako mismo ang may-ari.

Pagkatapos kumain, alam na—oras na para maglaro!Mataya-taya, bato-bato-piks, taguan, dampa—isang buong arcade ng larong kalye sa loob lang ng paaralan.

At pagbalik sa klasrum? Pawis-pawis, hingal, at amoy-araw. Maliban na lang sa mga “nerd” at mama’s boy na laging preskong-presko, kasi naka-upo lang sila sa canteen, tahimik at hindi nagpapagod.

Ako? Siyempre isa sa mga nagpapa-cool. Binubuksan ko pa ang polo habang naglalaro, para makita ang naka-tuck in kong sando at shorts na akala ko noon ay sobrang astig na para bang mga goons sa pelikula ni FPJ. May goma akong bracelet—pang-depensa sa dampa, pang-porma na rin.

At yung panyo ko?  Basa na sa pawis, pero pinapahid ko pa rin sa braso ko, na lalo lang basang-basa. Masarap paikutin, masarap ipitik—lalo na’t mabigat at mamasa-masa na. Kapag kumalabit ang dulo n’yan sa balat ng kaklase mo, lagitik talaga. Kung gaano kasarap pakinggan, ganoon din karaming napapaiyak at nagsusumbong sa titser dahil sa malupit na “panyo attack” na ‘yon.

Hindi rin naman nagpapahuli ang mga babae—kanya-kanya din silang may dalang Chinese garter, handang makipagpaligsahan sa ten-twenty. At kapag sobrang taas na ng garter, wala nang pakialam kung sumisilip na ang mga panty nilang laging pink o yellow—mukhang iyon talaga ang pambatang kulay noong panahon natin.

Siyempre, hindi kami papahuli sa pang-aasar. Makikisali kami bigla sa gitna, tatalon-talon na parang marunong din, kunwari magti-ten-twenty, pero ang totoo’y manggugulo lang at magpapatawa.

Please fall in line! Find your height!

Ayun na si titser. Tapos na ang kasiyahan. Isasara ko na ang polo ko— hudyat na balik-eskwela na ulit mula sa maikling mundong tinawag nating recess. Bukas ulit!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads