Linggo, Disyembre 21, 2025

Chocolate Giving Para Sa Mga Bata Ngayong Pasko 🎅🍫✝️

 

May mga tradisyon talagang kahit magbago ang panahon, kahit magbago ang kalagayan ng buhay, pilit pa ring kumakapit sa puso. Para sa akin, isa na rito ang pamimigay ng tsokolate tuwing Pasko, lalo na para sa mga bata.

Sa mga nakakakilala sa akin, alam nila na matagal nang bahagi ng Pasko ko ang pagbabahagi. Dati, tuwing Bisperas ng Pasko, pinapakain ko ang mga aso at pusang gala pagkatapos ng Misa de Aguinaldo dito sa aming bayan sa Imus. Kinabukasan, sa umaga ng Pasko, nagbabahagi ako ng pagkain sa mga taong walang matitirahan na nasa kalye piniling manirahan gamit ang aking bisikleta. Tahimik lang, walang camera, walang ingay—basta alam kong may napasaya akong kahit kaunti.

Pero dumating ang panahon na muli akong siningil ng aking katawan. Bumalik ang dati kong sakit sa puso, at kasabay noon, unti-unting nawala ang mga gawaing kinasasabikan ko. Natigil ang mga lakad, ang pagbibisikleta, ang pag-iikot. Isang taon na akong halos nakakulong sa loob ng bahay. Hindi ko na nga alam kung anong disenyo ngayon sa Pasko sa aming plaza. Hindi na rin ako nakakapagsimba pero hindi ko nakakalimutang manalangin na bumalik ang dati kong sigla at maayos na kalusugan. 


Aaminin ko—miss na miss ko ang mundo sa labas. Kaya nga siguro ibinuhos ko na lang talaga ang sarili ko sa pagsusulat at nakarami ako sa taong ito. Wala akong ginawa kundi maglibang sa pagsusulat. Pero sobrang miss ko ang pagpedal sa kalsada.Kung bumalik man ang dati kong kalusugan ay baka wala na rin akong kumpiyansang magpepedal sa malalayong lugar. Miss ko ang mga asong gala at pusa sa Alapan, sa Aguinaldo Highway, at sa iba't-ibang lugar kasama na ng bawat drop point na dati kong dinadaanan kung saan palaging may naghihintay na buntot na kumakawag, mga miyaw o mga matang puno ng pag-asa. Miss ko ang pakiramdam na may silbi ako sa labas ng apat na sulok ng bahay.

Pero sa kabila ng lahat ng ito, lubos pa rin ang pasasalamat ko sa Diyos. Sa kabila ng maraming setbacks sa kalusugan, nandito pa rin ako. Humihinga. Nabibigyan ng isa pang pagkakataon. At para sa akin, malaking biyaya na ang umabot hanggang Disyembre. Kaya ngayong Pasko, kahit limitado na ang galaw ko, ayaw kong tuluyang mawala ang pagbabahagi. Kung hindi na kaya ng katawan ang dati kong ginagawa, hahanap ako ng paraan—kahit simple lang.

Jackson 5 - Give Love on Christmas Day

Humingi ako ng tulong sa aking kapatid. Pinabili ko sila ng iba’t ibang klase ng tsokolate—kahit anuman, kahit simple. Ito ang balak kong ipamigay sa mga batang nangangaroling at sa mga batang kakatok sa amin sa umaga ng Pasko para humingi ng aguinaldo.

Walang engrandeng handog. Meron kaunting bonggang pakete. Isang munting tsokolate na sana’y maging matamis na alaala nila ng Pasko ngayong taon.

Ito na muna ang kaya kong ibigay ngayon—isang simpleng pagbabahagi, isang paalala na kahit may sakit, kahit may limitasyon, may kakayahan pa ring makaalala at magbigay.

Patuloy pa rin akong umaasa. Umaasa na balang araw, pagagalingin akong muli ng Panginoon—anumang paraan, anumang oras. Di ko man alam sa papaanong paraan ang lahat ng yun ay hindi ka na iniisip ngunit binibigay kong lahat sa Diyos. Hanggang sa araw na muli kong maramdaman ang hangin sa mukha habang nagbibisikleta, at muling makita ang mga mata ng mga hayop at taong dati kong tinutulungan.

Sa ngayon, tsokolate muna.

Simpleng Pasko.

Taos-pusong pasasalamat. 🎄🍫




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads