![]() |
| Nostalgia, ano nga ba ito? |
Nararamdaman natin ang Nostalgia dahil para tayong may built-in time machine sa utak—yung tipong kahit isang amoy lang ng lumang notebook, pabango o sigaw ng naglalakong “tahooo!” ay kaya tayong inihahagis pabalik sa panahon na mas simple, mas payapa, at mas mura (talaga) ang mga bilihin para sa Noche Buena. Kapag tinamaan ka ng nostalgia, hindi lang alaala ang bumabalik—pati yung pakiramdam. Biglang nagiging mas mabagal ang mundo, parang nanonood ka ng montage ng sarili mong buhay na may background music na tunog early 90s or 80s OPM acoustic, o yung mga sikat na MTV videos na napapanood mo sa MYX Channel sa Studio 23. At ano ba ang mga trigger? Aba’y napakarami! Minsan isang kanta lang na tumugtog sa jeep, isang lumang laruan na nakita mo sa ukay na katulad ng sayo noong musmos ka pa na regalo ng mga magulang mo, isang teacher’s remark na “Pass your papers,” o kahit amoy ng binibiling pandesal sa umaga. Lahat ‘yan may kakayahang magbukas ng memory vault mo. Pero bakit tayo ganito? Dahil ang nostalgia ay parang mental comfort food—hindi mo naman sinasadyang kainin, pero pag natikman mo, bigla kang napapangiti. It reminds us of a time we felt safe, loved, or simply less stressed. Kaya ayun, tuwing may simpleng bagay na kumalabit sa memorya natin, bumabalik tayo sandali sa nakaraan para magpahinga. At sa totoo lang, sa dami ng problema sa adulting, minsan kailangan din nating balikan ang panahon na ang pinakamalaking dilemma lang natin ay kung bibili ba tayo ng teks o ng Choki-Choki.
Nararamdaman natin ang nostalgia dahil para tayong mga taong may sariling “emotional USB”—punô ng matatamis, nakakahiya, at minsan nakakaiyak na files ng ating nakaraan. Kapag may nag-trigger, automatic siyang nag-o-open kahit hindi mo naman double-click na parang function ng mouse to open many files in one folder. At bakit nga ba ganito? Dahil ang utak natin ay likas na storyteller at mainam na rekorder kumpara sa mga totoong recorder devices ang puso at isipan pa rin ang number 1 recorder ng aing mga memorya dahil nabubura lamang ang mga 'to kapag ikaw ay lumisan na sa mundo. Tinatandaan nito hindi lang ang nangyari, kundi kung paano natin narinig, naamoy, nalasahan, at naramdaman ang mga ito. Kaya kapag naamoy mo alimuom sa tabi ng bintana ay parang bumabalik sayo ang mga alaala na gusto mong magpaalam kay nanay para maligo sa ulan, biglang bumabalik yung mga hapon sa probinsya na nanginginain sa sala ang mga tito mong walang ginawa kundi mag-kwento ng “Noong panahon namin…” Ang mga radyong transistor sa tahimik na umaga sa probinsiya, ang mga nilulutong ihaw habang naghihintay ka ng pagkain sa lamesa't minamasdan ang tatay mong nagkukumpuni ng kung anu-anong appliances na sira tuwing Linggo.
Ano pa ang mga trigger? Sensory memories—amoy ng newly cut na damo, tunog ng lumang ringtone ng Nokia, tambay sa hapon sa tabi ng ilog na parang eksena sa “Tabing Ilog.” Emotional memories—kapag nakita mo yung laruan na hindi mo nabili noon, o yung lumang school ID mong nakaipit sa lumang kahon. Social memories—kapag nakita mo sa Facebook na may batch reunion na naman pero wala ka pa ring natutupad na pangarap. At syempre, food triggers—kasi isang kagat lang ng monay na may Reno liver spread, tapos na ang laban. Isama na natin diyan ang mga pabango na nagbibigay ng libu-libong alaala sa amoy nito. Diyan natin nararamdaman lahat ng nostalgia.
At bakit ba tayo madaling tamaan ng nostalgia? Simple: dahil palagi nating hinahanap yung mga panahong ang buhay ay hindi pa tungkol sa bills, deadlines, at “seen” na chat. Nostalgia serves as a soft pillow na pinapatong natin sa noo kapag sobrang bigat na ng araw. Ito yung paraan ng utak natin para sabihing, “Uy, may mga masayang nangyari sa’yo. Relax lang.” Kaya kapag bigla kang ngumiti habang nakikinig ng Smokey Mountain o kay Tootsie Guevarra habang nakakita ng old bangketa tiles sa Quiapo, huwag kang magtaka. Hindi ka weird. Tao ka lang. At minsan, kailangan mo talagang bumalik sandali sa nakaraan para kayanin ang present—at para maalala kung gaano karami nang napagdaanan mo.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento