Huwebes, Disyembre 4, 2025

Paskong Pinoy sa Silid-Aralan: Ang Di-Makakalimutang Christmas Party ng 90s

Kung lumaki ka noong 90s, alam mong ang pinaka-inaabangan sa buong taon—maliban sa field trip at bukod pa sa kung kailan lalabas ang mga bagong telenobela sa Channel 2—ay ang Christmas party sa classroom. Iba ang saya, iba ang amoy ng kartolina, art paper na mga ginupit-gupit na letra at dnisenyo sa blackboard ang "MERRY CHRISTMAS", at mas lalo nang iba ang energy ng mga bata kapag 2nd week na ng December. Kapag sinabi ng teacher na “Class, Chirtsmas party na tayo next week,” automatic nang may magsisigawan, palakpakan at kulitan dahil sa excitement bukod pa sa magkakaroon ng maikling bakasyon hanggang sa salubungin natin ang bagong taon. 

Ito ang Pasko bago nagkaroon ng dekorasyong LED, bago dumating ang social media, at bago naging uso ang “themes” sa classroom party. Noon, simple lang—but magical.

Ngunit, paano nga ba tayo Naghahanda noon?

Nandiyan ang Social Studies rep, Science rep, Cleanliness monitor, at syempre—ang pinakamahalaga—Party Committee na ang trabaho ay maglista ng kung sino ang magdadala ng pansit, kung sino ang bibili ng ice, ang magdadala ng inihaw na hotdog na may marshmallow sa dulo ng stick at kung sino ang magdadala ng boom box.

Usually, ang may pinakamalaking sulat-kamay na maganda, siya ang taga-poster. Yung may chismis na mayayaman, automatic na drinks at masasarap na putahe dahil hindi rin magpapahuli sa patalbugan ng dadalhin ang mga rich parents siyempre pagkakataon na yun para mag flex ng yaman ang mga magulang. Noon pa man ganun na talaga, pero wala naman masama doon as long as lahat ay mabubusog sa special na handaan sa isang taon. Kaya yung 500 pesos kasya na Noche Buena na sinasabi ng DTI ngayon ay masarap isampal pabalik sa kanila dahil Christmas party pa lang namin noon ay bonggang-bonga na.  At yung “maingay pero masipag,” sila ang taga-arrange ng upuan. Diyan mo naman maaasahan talaga yung mga pasaway mong mga kaklase ang magbuhat ng upuan ang tumulong sa design ng classroom.\

Paano ang arrangements ng mga silya?

1. Horseshoe o U-shape

Ito ang classic. Para may space sa gitna pang games. Pero usually nagiging parang letter “C” na may bali kasi ayaw umusog ng ibang rows. Bago pa magsimula ang party asahan mo na yung mga late dati ay mas maagang dumadating ngayon. Yung gitnang space asahan mo na yun ang espasyo para sa mga games na gagawin ni teacher, kung may mga kakanta o sasayaw ay doon gaganapin. Pero bago pa mag-umpisa ang lahat paniguradong hindi mawawala ang harutan diyan, may magwrewrestling sa gitna, magtatakbuhan at kung anu-ano pang klase ng kaabnormalan. 

2. Bilog-bilog para social daw

Kunyari round-table party, pero ang ending— isang malaking oval na parang domino set na parang nagkakadikit-dikit ang mga armchair.

3. Pinagdikit na desk para maging buffet table

Ito ang pinaka-importanteng formation.  The Long Table — dito nilalapag ang pansit, spaghetti, hotdog, at fruit salad. Lahat equal, pero may unahan pa rin. Buffet style ang karaniwang ginagawa noon. 

At siyempre, may isa o dalawang silya na maingay pag inuupuan, laging sumisigaw ng kriiiik! kriiiik! Nakalagay yun sa corner para “iwas abala.”

Michael Buble - Winter Wonderland

Ano ang mga Klasik Activities sa Chirstmas Parties noong 90s?

1. Exchange Gifts - Ito ang pinaka-stressful na bahagi ng December:

  • “Worth 50 pesos lang ha!”
  • “Pwede bang chichiria?”
  • “Pwede bang keychain?”
  • “Basta wag uling!”
Pero kahit may price limit, may isang laging nagdadala ng stuffed toy na napanalunan sa perya at isang laging nakakatanggap ng panyo. Noong 90s ang kadalasang natatanggap ko noon ay walang kamatayang sabon, "Good morning" towel, at yung baril-barilan na may balang pulbura. Okay sa akin ang mga laruan pero ayaw ko na sana makatanggap ulit ng sabon. Okay naman sana pero sana naman bagong brand. Nakakasawa na kasi yung Tender Care na lagi naming gamit noong 90s tapos yun pa ulit yung matatanggap mo, mas okay sana kung Heno de Pravia di ba ? para naman maaalala ko yung nagbibigay noon habang sinasabon ko yung singit ko dahil mas mabango ang sabong yun. Kundi naman kasi Tender Care, Dial naman eh sobrang common na nun noong 90s. 

2. Parlor Games. Hindi kumpleto ang party kung walang:

  • Trip to Jerusalem (kung saan may umiiyak dahil “di fair!”)
  • Hep hep hooray (bago pa man ito mauso sa TV)
  • Paper Dance (na lagi mismong teacher ang pinaka-excited)
  • Bring Me (bring me your crush!, kaso walang naglakas ng loob)
3. Dance Number or Singing Contest. Dito lumalabas ang mga batang may talent. Laging may:
  • Grupong sasayaw sa Always ng Erasure
  • Dalawang magkababata na kakanta ng Sana Ngayong Pasko
  • At yung lalaking pilit sinasali ng classmates niya para lang may extrang tao sa formation
Brenda Lee - Rockin' Around The Christmas Tree

Mga Pagkaing Hindi Mawawala sa 90s Christmas Parties:

Ito ang dahilan kung bakit kahit may exam kinabukasan, energized ang buong klase.

1. Spaghetti na matamis. 
Siyempre Pinoy style spaghettin yarn. Yung tipong dalawang packs ng hotdog ang nasa isang kaldero.

2. Pansit. 
Hindi mawawala kasi “pampahaba ng buhay,” sabi ni teacher.

3. Hotdog na may marshmallow
On toothpicks, nakasaksak sa maliit na bilog na pinya o mansanas. Konting science experiment, konting art installation.

4. Soft drinks na Litro. Usually:
  • Royal
  • Coke
  • Sprite
  • Pepsi Blue (Christmas edition ng soft drinks noon)
At yung isang batang naka-assign sa yelo. 

5. Graham Fruit Salad
May malaking tupperware—minsan may pangalan ng nanay sa ilalim.

6. Ice Cream kung may budget konti
Yung mamang sorbetero na kinontrata ng isang nanay para may unli ice cream sa buong klase.

7. Mga pagkaing ulam, kagaya ng:
Lumpia, mechado, fried chicken, afritada at kung anu-ano pa. Minsan may magcocompare pa sa kabilang section na mas masarap daw sa kabilang section kasi may morcon at pa-ham ang ibang parents at mas masarap ang palamang sandwich. 

Sa huli, hindi naman talaga ang pagkain o ang mga games ang tunay na magic, kundi ang sama-samang ingay, halakhakan, at kulitan ng buong klase. Yun yung pakiramdam na kahit sandali, wala munang quizzes, homework, o takdang-aralin—puro saya lang ang umiiral. At pagkatapos ng araw, kinabukasan wala kang iintindihin na gumising ng maaga sapagkat bakasyon,maikli man pero sapat na pahinga na para sa isang mag-aaral. Yung karanasan na sabay-sabay kayong kakanta ng Christmas In Our Hearts, sabay-sabay ding tatawa kapag may nahulog sa Trip to Jerusalem, at uuwi kang may bitbit na mug, keychain, picture frame, sabon o pabango na masakit sa ilong pero nakakatuwang tanggapin. Hindi rin pala papahuli ang mga bagong damit na regalo ni ninang at ninong o bagong bili ni tatay at nanay para isuot sa Christmas party niyo. Lahat ng suot mo ng araw na yun ay bago. Yun ang Paskong Pinoy sa classroom ng 90s: simple,ubod ng saya at galak,  magulo, puno ng tawa, pero sobrang totoo. At hanggang ngayon, kahit gaano na tayo katanda o ka-busy, minsan napapaisip pa rin tayo at naaalala ang mga panahong umaatend tayo sa 90's Christmas Party. Wala man mga alaala sa mga cellphone selfie dahil hindi pa uso noon o mahal ang film ng camera bagama't nakatatak na sa puso't-isipan natin ang mga alaala ng nakaraan. Wala pa ring tatalo sa tunay na rekorder ng buhay, ang mga alaala. Maligayang Pasko sa inyong lahat at sanay mabunot ka na this time sa mga raffle! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads