Sabado, Disyembre 20, 2025

Susuwertehin Ka Ba Kapag Sinunod Mo Ang Color Of The Year Ng 2026?

 

'May hatid nga bang swerte ang kulay ng bagong taon?'

Hindi ka nanalo sa raffle. Hindi tinawag ang pangalan mo kahit pang-apat na bunutan na, at umuwi ka na lang na may hawak na consolation prize na ballpen na may logo ng kumpanya. Napamura ka, "tanginang yan, yung prize na maiuuwi mo parang medium pa rin sa pagtatrabaho, bwiset na yan!". Napabuntong-hininga ka na lang. Doon biglang pumasok ang tanong sa isip mo: baka naman puwede kang bumawi sa kulay? Tuwing bagong taon kasi, laging may bagong “Color of the Year,” at kasabay nito ang bagong pag-asa na baka sakaling kapag sinunod mo ito, sumunod din ang swerte sayo. Kung gano’n lang pala kasimple ang buhay, sana kulay ng taon na ang buong Pilipinas—mula gate, bubong, kurtina,tabo, timba, kaldero, pati mukha mo kulay teal, puti o di kaya ay hindi na kailangan baguhin dahil kulay kahoy na ang balat mo, ang pangatlong kulay daw kasi ay warm mahogany na hindi na nalalayo sa kulay mo. 

Pero ano nga ba ang kulay ng 2026, at kapag sinunod mo ba ito, taon-taon ka na ring magpapalit ng kulay ng bahay? Papalitan mo ba ang pintura kahit maayos pa, ang sofa kahit hindi pa sira, at ang kurtina kahit bagong laba, basta’t “uso”? Paano kung ang kulay ng taon ay green na ka-kulay ng mga ka-DDS, o pula na ka-kulay naman ng mga Loyalists—susundin mo pa rin ba? Handa ka ba talagang i-sacrifice ang posibleng maging swerte sa susunod na taon dahil lang ayaw mong mapagkamalang may panig ang gate mo? Biglang hindi na lang ito usapin ng aesthetics, kundi ng katahimikan din sa war politics sa comment section. 

Ang Color of the Year ay parang horoscope ng pintura—masarap pakinggan at maganda basahin, pero hindi naman obligadong sundin ng kapalaran mo. Karaniwan, ito’y pinipili ng mga designer, trend forecaster, psychologist ng kulay, at siyempre ng mga kumpanyang nagbebenta ng pintura at lifestyle products. Pinag-uusapan nila kung ano raw ang kulay ng damdamin ng mundo—pagod ba tayo, may pag-asa ba, o gusto lang nating kumalma. Hindi nila tinatanong kung may natitira ka pang utang, kung tataas ba ang bilihin, o kung safe bang pinturahan ang gate ng kulay na hindi ka aawayin ng kapitbahay.

Narda - Swerte

Kaya hindi porket uso ang kulay ng gate mo ay may kakatok agad na swerte, at hindi rin awtomatikong aangat ang buhay dahil matchy-matchy ang sala at kusina mo sa palette ng 2026. Ang swerte ay hindi nadadaan sa kulay ng pintura niyo at lalong hindi nabibili sa lata ng mga pintura. Marahil ang buhay ay parang pinturang may tatak na "Rain or Shine". Hindi perpekto ang buhay kahit gaano ka pa kaswerte sa paniniwala mo ay dadating at dadating ang unos na bigla ka na lang kakaldagin ng hindi mo alam. Kaya minsan, mas mahalaga pa rin ang kulay na hindi nakakapagpa-init ng ulo at hindi nagdudulot ng debate tuwing may bisita.

Pero aaminin naman natin, masaya ring makisabay paminsan-minsan—hindi para suwertehin, kundi para gumaan ang pakiramdam. Iyong pag-uwi mo sa bahay at masasabi mong, “Ay, ang ganda pala nito,” kahit walang premyo o papremyo. Kung ang kulay ng taon ay nagbibigay saya sa mata at kapayapaan sa isip, eh di go. Pero kung mas mahal mo ang kulay na matagal mo nang kasama—o ‘yung kulay na hindi ka mapagkakamalang may campaign poster—ayos lang din.

Sa huli, ang tunay na swerte ay hindi nasa dingding, hindi nasa gate, at lalong hindi nasa uso. Nasa taong marunong tumawa kahit hindi trendy ang pintura, at marunong mamili ng kulay na hindi lang maganda sa mata, kundi payapa sa buhay—basta kulay totoo.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...

Certified Great Reads