![]() |
'Huwag ka nang bumoto ng magnanakaw. Huwag ka nang bumoto ng sinungaling. Huwag ka nang bumoto ng inutil' |
Ngayong 2025, muling bubuksan ang mga presinto para sa isa na namang midterm elections. At gaya ng dati, muling haharap ang sambayanang Pilipino sa isang napakahalagang desisyon: sino ba ang iluluklok natin sa kapangyarihan? Pero sa pagkakataong ito, wala nang paligoy-ligoy pa — panahon na para matuto. Hindi na puwedeng ulit-ulitin ang parehong pagkakamali na nagawa. Hindi na natin kayang palampasin na lang ang mga corrupt, inutil, at makasariling politiko. TAMA NA. SOBRA NA!!
Ilang ulit na ba tayong niloko? Ilang ulit na ba tayong pinangakuan ng pagbabago pero sa huli’y iniwang gutom, lugmok, at laging nasa bingit ng kawalan? Paulit-ulit nating binoboto ang mga tradisyunal na politiko — ang mga trapo — na walang ginawa kundi dumalo sa ribbon-cutting, magpa-picture habang nagbibigay ng relief goods tuwing may bagyo, at lumalabas lang tuwing eleksyon. Nasaan sila sa gitna ng mga krisis? kalamidad? Nasaan sila tuwing kailangan natin ng boses para ipaglaban ang tama?
Ang pagboto ay hindi lang karapatan — ito ay isang responsibilidad. Hindi ito raffle. Hindi ito popularity contest. Hindi porke’t sikat sa TikTok, artista, o anak ng dating politiko ay dapat na agad iboto. Sawang-sawa na kami sa mga padala sa ngiti, pero wala namang ginagawa. Nakakasawa na ang mga palamuti sa bibig ng mga politikong ito sa pangangampanya pa lamang pero kapag nakaupo na ay hindi ka na kilala.
ANO ANG NANGYAYARI KUNG MALI NA NAMAN ANG IBOTO NATIN?
Simple lang. Paulit-ulit tayong lulubog. Paulit-ulit tayong makakaranas ng:
- Korapsyon sa gobyerno — buwis ng mamamayan na ninanakaw, ipinapasa sa mga kaalyado, at binubulsa.
- Mahinang serbisyo publiko — trapik pa rin, sira ang mga kalsada, kulang ang ospital, bagsak ang edukasyon.
- Paghahari ng impunidad — mga kriminal sa gobyerno na malayang nakakalakad at pinagtatawanan ang batas.
- Pagkawasak ng demokrasya — tinatanggalan tayo ng karapatan, pinatatahimik ang media, ginagawang biro ang hustisya.
Kung muli tayong boboto ng mga hindi karapat-dapat, tayo rin ang magsisisi.
Tama na ang pagsuporta sa mga kandidatong walang ginawa kundi manira, magpakalat ng disimpormasyon, at protektahan ang sarili nilang interes. Hindi natin kailangan ng mga kaalyado ni Marcos at Duterte — mga lider na nagtulak ng pondo palayo sa taumbayan, nagtanggol sa mga human rights violator, at sinira ang reputasyon ng Pilipinas sa mata ng mundo.
Alam na natin kung ano ang nangyari sa ilalim ng mga ito: red-tagging, pagpatay sa mga inosente, pandarambong, at kasinungalingang, protektor ng mga drug lords at binabalot sang sarili sa mga makakapal na PR. Ilang beses pa tayong magbubulag-bulagan? Ilang beses ba tayong magpapakatanga at magpapakabobong botante maabutan lang ng limang-daang piso ay sinanla mo na ang kaluluwa mo sa mga pulitikong araw-araw nating makakasama na nagpapakasaya sa kayamanan ng kaban ng bayan. Hindi ka niyan aabutan sa araw-araw at yung mga ipinamudmod sa madla ay saglit niya lang yan mababawi sa mga buwis na pinaghirapan natin.
ANO ANG URI NG MGA KANDIDATONG DAPAT IWASAN? ❌❌❌
- Yung walang track record — puro porma, pero walang plataporma.
- Yung galing sa political dynasty — sinasakal ang demokrasya at kapangyarihan lang ang habol.
- Yung involved sa korapsyon o kahit na-aninag lang ang anino nito.
- Yung palasigaw pero walang konkretong nagawa.
- Yung panay paninira sa kalaban pero walang sariling plano.
- Yung sipsip sa mga napatunayang mandarambong.
- Yung mga politikong nabubuhay sa troll farms at pagpapalaganap ng dis-impomasyon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento