Huwebes, Agosto 21, 2025

90s Classroom Nostalgia

 

90s Classroom was the happiest!

May mga bagay na gusto kong balikan sa loob ng apat na sulok ng aming silid-aralan. Mga pangyayaring nagaganap sa araw-araw mapa-estudyante man o teacher. 

1994...

Sa aking eskuwelahan sa San Andres Bukid Manila, ang St Anthony School o sa tagalog na pangalan ay San Antonio de Padua bago pa man ang araw ng pasukan ay alam na namin kung sino sino ang magiging classmate namin dahil puwede kang bumisita sa araw ng Linggo o di kaya Sabado sa school para makita sa announcement kung anong section ka, anong room number, at pangalan ng teacher na magiging adviser mo. Swerte ka kung classmate mo pa rin ang best friend mo. Mayroong tinatawag na "star-section" sila yung mga "geek", mga "henyo" na nakakuha ng pinakamataas na marka noong nakaraang school year at ika-classify yun kung mataas ang naging average mo last year ay mapapasama ka sa star section pero wag mo asahan na masaya doon. Mas masaya pa rin kasi minsan sa mga lower section kasi gaganahan kang pumasok dahil sa mga abnormal na classmates mo at hindi boring. Ako laging nasa middle lang pero ganun din ang tema, may mga kasama ka ring mga kolokoy na talaga nga naman mapapatawa ka sa araw-araw mo silang kasama. Bagama't iba-iba ang mga nakakasalamuha mo pare-parehas lang din naman ang set up ng mga classroom. Pag-usapan natin kung ano nga ba ang set-up ng silid-aralan ng mga batang lumaki sa dekada nobenta. 

Kung papasok ka sa isang classroom noong dekada ’90 sa Pilipinas, para kang bumabalik sa isang mundong puno ng makulay na alaala. Pagbukas mo pa lang ng pintuan, bubungad agad ang mabibigat na armchair na gawa sa kahoy—may ilan pang may ukit ng pangalan ng mga naunang estudyante, parang lumang diary na naiwan sa upuan. Ang blackboard, laging puno ng chalk dust, ay may bakas pa ng sulat ng teacher kahapon, habang ang eraser ay nagmumukhang isang puting bato sa sobrang kapal ng alikabok. Sa gilid, makikita ang lumang class record ng guro, ang mabigat na bell na pinapalo kapag uwian na, at ang paboritong dekorasyon ng bawat dekada—mga cartolina na may “DO NOT CHEAT” at mga poster ng values education na may mala-encyclopedia na drawings ng batang naka-smile at naka-barong o saya.

Nabanggit ko na rin ang kahoy na upuan, wala nang kaklasik pa diyan yung upuan naming kahoy na parang bench pero may lamesa, ang nakakaupo rito ay tatluhan. Ang pinaka gusto kong puwesto ay ang gilid at ayaw na ayaw ko na mapupunta ako sa gitna dahil feeling ko para akong palaman na hotdog sa magkabilang sandwich. Hindi ka rin makakapag extend ng katawan mo at hindi ka masyadong makakagalaw at laging nasa center of attraction ka rin ng guro dahil ikaw nga ang nasa gitna kaya kapag nagtawag na sa recitation at hawak na ang kinatatakutang index card ay malaki ang posibilidad na ang mga nasa gitna ang kadalasang natatawag. Totoo nga na maraming vandalism na naiwan sa mga arm chair, nariyan ang sulat ng bolpen, pentel pen at parang si Wolverin na inukit ang pangalan ng crush niya na may mensaheng "I love you". 

Makikita rin sa pisara ang “Class Officers” list na nakasulat sa chalk—President, Vice President, Secretary, Treasurer—at kung minsan may “Class Monitor” na nakaduty para isulat sa manila paper ang lahat ng maingay kapag wala ang guro. Nariyan din ang lesson plan na nakadikit sa dingding gamit ang masking tape, ang visual aids na may watercolor at Pentel pen ang gawa, at ang iconic na “1/4 sheet of pad paper” na hinding-hindi nawawala sa bawat quiz. Ang mga libro naman, halos lahat may plastic cover at may pangalan sa unahan na parang ID badge ng estudyante, habang ang notebooks ay madalas may pahina ng doodles, love quotes, at pangalan ng crush.

Parokya ni Edgar- Alumni Homecoming

Kapag may mga naiboto nang class officers noong time namin ay nilalagay ang mga pangalan nito sa Cartolina at nilalagyan ng plastic cover. Ididisplay yan sa dingding ng classroom hanggang sa matapos ang school year. Siyempre ang class President ang kanang kamay ni teacher at ang secretary naman ang laging natatawag para magsulat ng lesson ni teacher sa pisara. Kadalasan ay nagagamit ang buong pisara at kapag kinulang na ng pagsusulatan ay magbubura siya sa isang bahagi at bigla naman mag-aatungal ang mga mababagal kumopya dahil daldal ng dalda sa katabi. Pero ang secretary talaga ang kawawa dahil siya ang hindi nakakakopya ng lesson. Ang sgt at arms naman ang back up ng president at vice president na naglilista ng noisy at standing sa classroom. Sa tuwing aalis si teacher ay inaasign niya ang dalawa para maging bantay sa magulong klase. Bawal kasi kayo maglalabas sa corridor at mag-ingay dahil may mga pagkakataong nagkaklase pa sa kabilang classroom. Kapag nalista ang pangalan mo sa noisy o kaya sa standing at sa pagkakataong dumating na si teacher ay may nakaambang parusa, puwedeng palabasin kayo, remain standing sa buong klase ng guro, paluin ng ruler sa palad, pitsarahan ng patilya at kung anu-ano pa. Kaya minsan most hated persons ang President at Vice President, trabaho naman ng dalawang Sgt at Arms ang protektahan sila. Ang treasurer naman ang taga-kolekta ng funds ng klase.Minsan ginagamit ang funds na ito kung may mga programang dapat salihan ang inyong section. Ito yung mga simpleng pagbili ng materyales na kakailanganin kung may sasallihan kayong competition as the whole section o kung kailangan ba ng abuloy kung may namatayan sa mga kaklase niyo. Ang pinakawalang trabaho talaga diyan ay yung auditor at PRO, ewan ko ba kung anong ganap nila bilang officers ng klase. At ang muse at escort seasonal lang paglabas nila. Nagagamit lang ang kanilang charm pagdating ng Intramurals. 

Bago dumating ang guro, doon talaga nagkakaroon ng palabas ang mga estudyante. May mga naglalaro ng teks o pogs sa ilalim ng mesa, may nagbabato ng papel na may nakasulat na “Crush kita” papunta sa kabilang row, at may ilang seryoso sa pagdodrawing ng anime characters gamit ang Mongol no. 2. Ang iba naman ay nakatambay sa bintana, nakasilip sa quadrangle na para bang may mas malaking kaganapan sa labas kaysa sa loob ng klase. At siyempre, laging may taga-bantay ng pintuan—ang lookout na sisigaw ng “Andiyan na si Ma’am!” sabay biglang transform ng buong klase mula circus patungong choir. May mga nakikita ka rin na nag-aarm wrestling, ah siyempre hindi mawawala ang sugal sa pera sa pamamagitan ng adding ng serial numbers ng mga perang buo. Ang pinakamalakas na trip na naranasan ko noong high school ay yung mga nagdadala ng garter snake, yung maninipis na ahas na ibinibenta noon sa tapat ng eskuwelahan nauso yun eh tapos ibinabaon nila para maging panakot sa mga kaklase mong beki at mga babae. Ang lalakas talaga ng trip noong dekada nobenta. Merong mga simpleng gitara at kantahan lang sa gilid ang kulang na lang ay lamesa para sa alak at pulutan ay drinking session na sa kanto. 

Pero ang tunay na kalat ay naroon sa ingay. May nagbabatuhan ng chalk, may kumakanta ng mga jingle ng patok na commercials, may nag-aaway kung sino ang “bangko” sa Chinese garter, at may mga sumasabay sa kanta gamit ang walkman na may naka-share na earphones. Minsan, may batang biglang aakyat sa mesa para lang magpatawa, habang may iba namang abala sa pag-scribble ng “Slam Book” questions na umiikot buong klase. Ang mga baon na Choc Nut, Viva Caramel, Benson, o White Rabbit ay palihim na kinakain sa likod, minsan pa’y ipinapasa sa kaklase na parang “smuggling operation.” May naninirador gamit ang goma at ang bala ay yung tinuping papel, may bumabangka sa kwentuhan at kung anu-ano pa. Para ka talagang nasa jungle, kung saan sari-saring ingay ang maririnig mo.

Sa bawat sulok ng 90s classroom ay may kwento. Sa bulletin board na puno ng faded na announcements at old test papers, sa dulo ng silid kung saan may lumang electric fan na parang helicopter ang tunog, at sa sahig na puno ng papel mula sa ginupit na notebook cover. May makikita ring tatlong klase ng estudyante: ang seryosong tahimik na nagsusulat na parang walang nakikitang kaguluhan, ang mga pasaway na walang pakialam kung may darating na teacher, at ang mga “neutral” na handa lang makisali kung may magaganap na masayang eksena. Hindi rin mawawala ang “pa-barter” ng lapis at pambura—isang Faber-Castell kapalit ng isang Pilot na ballpen.

Hindi man perfect ang order, iyon ang esensya ng pagiging estudyante noon—isang magulong sining ng kabataan, puno ng tawa, kaba, at maliliit na rebelde na sa huli ay bumabalik din sa katahimikan kapag nagsimulang sumulat ng guro sa pisara. At kung sakaling may magtataas ng kamay para humingi ng bathroom pass, sabay tawa at kantiyawan na agad ang maririnig: "Natae na yan!" 

Ang classroom noong ’90s ay hindi lang lugar ng pag-aaral, kundi teatro ng pagkabata—isang entablado kung saan bawat bata ay may papel, may ingay, at may alaala. Doon nabuo ang mga barkadahan, doon nagsimula ang unang tampuhan at kilig, at doon rin nahulma ang ating tiyaga sa harap ng masikip na bangko at makapal na libro. At kung babalikan mo ngayon, kahit amoy chalk dust, amoy pawis ng electric fan, at amoy plastik ng bagong libro pa lang ang maalala mo, sapat na iyon para mapangiti at mapaisip: “Grabe, gano’n pala tayo kagulo… pero gano’n din kasaya.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Mga Angel at Demonyo 2.0

Huwebes Santo. Mahal na Araw 2025. Araw ng Panginoon. Araw-araw na pagsamba.  Ano ba daw ang kailangan para magbalik loob sa Diyos? Bakit? ...